Nang makabalik si Grace sa boutique, nag-aabang na si Catherine sa labas. Nagtaka naman ito sa nakita niya.
“Cath, okay ka lang ba? Hirap ka bang huminga? Bakit nakahawak ka sa dibdib mo?”
“Huh? Andyan ka na pala, Grace.” Siya na ang nagkusang humawak sa kamay ni Grace at hinatak na ito palayo.
“Teka, teka...nasan na si cuz?”
“I-text mo na lang...pasundin mo na lang sa coffee shop. Tingin ko kailangang kailangan ko na ng caffeine ngayon.” Palibhasa ay addict sa coffee si Catherine kaya nalalaman niya kapag kulang na sa kape ang katawan niya.
Napasunod na lang si Grace kay Catherine. Magkahawak kamay silang naglalakad habang naghahanap ng coffee shop. Unti-unti namang kumalma na ang pakiramdam ni Catherine. Masarap sa pakiramdam ang init ng kamay ni Grace sa palad niya.
Nang makahanap na sila ng coffee shop at nakaupo na, saka tinawagan ni Grace si Simon.
“Hi cuz! Andito kami sa Starbucks. Kahilera lang niyang boutique na pinanggalingan natin. Antayin ka namin ha.” Nang marinig na sumagot na ng ok si Simon, ibinaba na agad ni Grace ang cellphone.
“Oorder na ako, ano’ng gusto mo Grace?” Tumayo si Catherine, nakapamulsa pa sa suot na walking shorts habang nakatingin kay Grace.
“Wait, antayin natin si cuz.” Sagot naman ni Grace.
“Pipila na ako...ang haba ng pila, eh. Pasundin mo na lang si Simon ha.”
“Okay sige. Mocha frappe ako with extra cream.” Sagot ni Grace.
“Okay.” Tumalikod na si Catherine dahil gustong makapila agad dahil sa haba ng pila palagi sa Starbucks.
Wala pa siyang tatlong minuto sa pila nang magulat si Catherine dahil may mainit na hangin na umihip sa batok niya. Una kaagad niyang naisip na sampalin kung sino man ang bastos na nasa likod niya.
Pagpihit niya at pag-angat ng kanang kamay, na-out balance siya at muntik na naman matumba. Mabilis na sinalo ni Simon sa likod si Catherine bago pa ito tuluyang bumagsak sa sahig. Ilang segundo munang nagkatinginan sina Catherine at Simon bago naitayo ni Simon pabalik si Catherine.
“Naku 'tol naman, ikaw lang pala ang nasa likod ko, ginulat mo naman kasi ako.” Maktol ni Catherine kay Simon.
“Sorry na. Grabe ka naman pala kung mag-react, para yun lang mananapak ka kaagad? Muntik ka pa tuloy malaglag.”
Napangiti si Catherine. “Hindi naman sapak, tol. Sampal lang na mga dalawang beses." Sinundan niya ito ng tawa sabay sumeryoso. "Pero salamat ‘tol...kung di mo ko nasalo, nakakahiya. Hindi na ako makakapagkape dito.”
Tinapik ni Simon ang sariling dibdib at nagyabang kay Catherine.
“Basta ikaw, walang problema. Hindi lang pagsalo ang kaya kong gawin sa ‘yo, Cath. Napakarami kong puwedeng gawin sa 'yo.” Napatitig pa ito sa mga mata ni Catherine.
Nailang naman si Catherine sa sinabi ni Simon. Mabuti na lang at tinawag na sila sa counter kaya hindi na niya ito kinailangang sagutin. Sa loob loob ni Cath, sadyang presko lang talaga si Simon.
Matapos nilang mag-order ay bumalik na sila kay Grace bitbit ang mga kape nila.
“O, ano pa ang gusto niyong gawin? Maaga pa, oh. Mamaya na tayo umuwi.” Sabi ni Simon sa kanila.
“Ano Cath? Maaga pa nga oh...” Tanong naman ni Grace kay Catherine.
“Huh...kayo na ang bahala, basta susunod lang ako sa inyo.” Sagot ni Cath sa dalawa.
“Talaga? Kahit ano susunod ka sa amin?” Paniniguro ni Simon na parang nang-aasar.
“Oo nga...basta huwag lang kayong tumalon dito sa building.” Pang-aasar din ni Catherine kay Simon. Nagtawanan muna sila bago nagsalita si Simon.
“Let’s watch movie.” Aya ni Simon sa kanila matapos nilang magtawanan.
Nagtinginan sina Grace at Catherine at sabay na sabay na sumagot.
“Game!”
Nagtawanan uli sila at sabay sabay na nagsitayo, bitbit pa ang mga baso. Habang naglalakad ay napansin ni Catherine na hindi na humawak si Grace sa kamay niya, siguro kasi ay dahil may hawak ito na baso. Pero dahil isang kamay lang naman ang panghawak ng baso, hinawakan nang kusa ni Catherine sa kamay si Grace. Hindi naman ito umiwas.
Pagkahawak kay Grace ay bumulong ito. “Baka magkawalaan, mahirap na.” Ngumiti lang si Grace at humawak na din sa kaniya. Nang mapansin naman ito ni Simon ay umakbay na din siya kay Grace. Sa loob loob ni Simon, gusto talaga niyang mahawakan si Cath, kahit sa kamay lang sana. Kaya lang ang sungit naman.
Isang romantic comedy film ni Gerald Anderson at Sarah Geronimo ang pinanood nila. Bumili pa si Simon ng large popcorn for sharing nilang tatlo bago sila pumasok sa loob. Naunang maupo si Grace kaya sumunod agad si Catherine at tumabi dito. Sumunod din si Simon na napatabi naman kay Catherine. Napagitnaas si Catherine ng dalawa.
Nang magdilim na ang paligid ay naramdaman ni Catherine na sumiksik nang bahagya si Simon palapit sa kaniya.
“Uy, tol, bakit? Takot ka ba sa dilim?” Takang tanong niya kay Simon.
“Ah hindi naman.” Sinundan ito ni Simon nang mahinang pagtawa bago nagsalita uli. “Malamig kasi. Ikaw ba hindi ka giniginaw?”
Napansin ni Catherine na lumamig nga ang paligid. Tiyak na mamaya ay giginawin silang tatlo dahil hindi nila napaghandaan ito.
“Aah...hindi pa naman.” Hinayaan na niya si Simon na nakasiksik nang bahagya sa kaniya. Si Grace na lang ang pinagtuunan niya ng pansin.
Si simon naman ay tuwang tuwa sa init na nagmumula sa katawan ni Catherine. Sana ay ganito na lang palagi. Naisip ni Simon. Napapikit din siya dahil sa lapit niya kay Catherine ay naamoy din niya ang napakabangong cologne nito.
“Oh Grace, kuha ka.” Inalok ni Catherine si Grace ng popcorn. Kumuha naman si Grace. Inilagay lang ni Catherine sa kandungan niya ang popcorn para abot nilang tatlo.
Sa kalagitnaan ng panonood ay may mga tanong si Simon. Palibhasa ay hindi niya kilala ang mga artista at minsan naman kapag mabilis ang pagsasalita, hindi niya masyadong makuha ang sinasabi. Hindi pa ganoon kaperpekto ang pananagalog ni Simon.
Bumulong siya kay Catherine, inilapit ang bibig sa tenga nito. “Tol, yung isang yun, yung laging kasama ng bida, ano’ng pangalan nun?”
Bago makasagot si Catherine ay pinalipas muna niya ang pananayo ng balahibo niya. Nakiliti siya sa ginawang pagbulong ni Simon sa kaniya. Masyado kasing dikit ang bibig sa tenga niya. Kanina pa siya nakikiliti at pinaninidigan ng balahibo.
Nang mahimasmasan ay bumulong din si Catherine at humarap kay Simon. Saktong humarap din si Simon sa kaniya at sabay silang napaharap sa isa’t isa. Muntik nang magtama ang mga nguso nila. Nanlaki ang mga mata ni Catherine. Nagulat din si Simon pero ito ang bigla ding nakabawi at lumayo nang kaunti.
“Ah..sorry. Ibubulong ko lang kasi sana ang pangalan nun.” Agad na nagsalita si Catherine.
Inilapit ni Catherine ang bibig niya sa tenga ni Simon. Nanuot sa ilong ni Catherine ang bango ng gamit na cologne ni Simon. Lalaking lalaki ang amoy nito.
“’Tol, yang palaging kasama ng bida, si Kim yan. Kim Molina. Medyo sumisikat na din yan ngayon kasi magaling ding singer.” Bulong ni Catherine. Tumango tango lang si Simon at humarap uli kay Catherine para mag-thumbs up sign.
Bumalik na sila sa panonood. Mayamaya ay si Grace naman ang naramdaman ni Catherine na sumiksik sa kaniya.
“Oh Grace, bakit?” Bulong ni Catherine dito.
“Ang lamig, Cath. Grabe giniginaw na ako.” Bahagya na ngang nanginginig si Grace. Nang hawakan niya ang kamay nito ay napakalamig na.
Inakbayan ni Catherine si Grace at inilapit lalo sa katawan niya.
“Ayan. Okay ka na ba?” Tanong ni Catherine dito.
“Oo...salamat Cath.” Hinilig pa ni Grace ang ulo niya sa balikat ni Catherine sabay ibinaling na uli ang atensyon sa pinapanood.
Hindi maintidihan ni Catherine ang nararamdaman niya. Alam niya na masaya siya. Pakiramdam nga niya ay gusto niyang sumigaw at baka sumabog ang puso niya. Sa sobrang lapit nila ni Grace, walang mapagsidlan ng tuwa si Catherine.
Nagfocus na din siya sa panonood. Habang naka-akbay ang isang kamay kay Grace, ang isang kamay naman niya ay dumudukot ng popcorn na nasa harapan lang niya. Nang minsang dumukot siya ng popcorn ay nagkasabay uli sila ni Simon. Halos mahawakan ni Simon ang kamay niya. Napatigil lang ito at napatingin kay Catherine. Lumingon din si Catherine at pinukol siya ng tingin.
Napatitig si Simon at bumulong. “Sorry, hindi ko sinasadya.” Tumango na lang si Catherine.
Natapos ang palabas na kapwa sila kinikilig. Hindi nga lang maintindihan ni Catherine kung sa palabas ba siya kinilig o sa pagkakalapit ng katawan nila ni Grace.