Chapter 9

1970 Words
Matapos makakain kagabi at makatulog nang mahaba-haba ay masasabi kong nakabawi na ako ng lakas na nawala. Makirot pa rin ang sa iba’t-ibang parte ng katawan ko pero hindi na gaya kahapon na halos hindi na ako makatayo. Kaya ko na ngayon makatayo nang diretso ay siguro’y kakayanin na rin ang malayong paglalakbay kahit nakayapak maihatid ko lang ang pabor na hiningi sa akin ni Tatang. Naisip kong baka matulungan ako ni Adrian na makarating sa Water Valley at balaan ang kanilang pinuno roon, ngunit wala si Adrian nang magising ako. Mataas na rin ang araw at base sa posisyon nito ay bandang alas nuebe na nang umaga nang mga oras na iyon. Naisip kong hanapin siya, Tumayo mula sa pagkakaupo sa damuhan at naglakad-lakad. Nang hindi ko siya matanaw sa paligid ay bumalik ako kung saan ako galing. Nagbabakasakali na baka naroon na siya ngunit wala pa. Hindi na mabigat ang mga binti ko. Nabubuhat ko na. Dala lang siguro talaga ng gutom iyong kahapon kaya hindi ko na mabuhat kahapon. Salamat sa batang iyon at nakita niya ‘ko. Hindi ko nasabi sa kaniya na may misyon ako at kakailanganin ko ang tulong niya para magawa iyon. Sa tingin ko ay hindi pa naman siya umalis at iniwan na ‘ko. Nasa tinulugan niya pa kagabi ang di kalakihang sling bag niyang gawa sa balat ng hayop. Hindi ko alam kung balat ng oso gawa. Mabalahibo kasi nang husto at imposibleng sa lugar nila ay may paraan sila ng paggawa ng mga pekeng mga balahibo pero hindi iyon importante. Nasaan na kaya ang batang iyon? Baka napaano na at nahuli ng mga kawal na humahabol sa akin kahapon? “Adriannn!” malakas kong sigaw upang siya ay tawagin. Wala akong nakuhang sagot sa unang pagtawag kaya naman sinubukan kong muli. “Adri-” Naputol ang balak ko sanang pagsigaw nang may sumulpot bigla sa likod ko at hatakin ako paupo. “H’wag kang sisigaw,” may pagbabanta niyang sabi at nang tignan ko kung sino kung sino ay nakahinga ako nang maluwag nang malamang si Adrian lang pala iyon. Sandali niya akong iniwan at mabilis siyang gumapang upang kunin ang kumot niya at bag bago ako binalikan. “Bilis! Dito!” tawag niya sa akin na parang aso at gumapang siya sa papasok sa mga matataas na d**o. Literal nga ‘kong magmumukhang aso nito. Masakit pa ang mga sugat ko lalong-lalo na ang parte ng tiyan at ang likod. Iyon kasi ang nabugbog nang husto at ang likod ko naman ang maraming latay mula sa latigo. Sinundan ko siya at ginaya siyang gumapang. Para kaming mga bata na gumagapang at lumusot sa damuhan. Pinilit kong mahabol siya sa takot na baka maiwan ako roon mag-isa at kapag nagkataon back to zero nanaman ako. Nang makarating kami sa parteng mapuno ay roon lang siya huminto. Sumilip muna sa labas at napabalik nang may marinig kami pareho na mga boses mula sa pinanggalingan namin. “Dito,” yaya niya at nagmadaling nagtago sa likod ng puno na pinakamalapit sa kinaroroonan naming dalawa. “H’wag kang lalabas,” anito. Parang matanda nanaman kung umasta ang isang ‘to. Akala mo napakaraming alam sa mundo samantalang nang magkwento ako sa kaniya tungkol sa pinanggalingan ko akala mo batang aliw na aliw at ayaw tumigil sa pagtatanong hanggang makuha niya ang lahat ng detalyeng nais niyang malaman. Nanatili kami ilang minuto sa likod ng puno at lapat na lapat ang likod ko. Kulang na lang ay pumasok na ‘ko sa loob para lang magtago. Ayaw kong mahuli ulit. Isa pa gusto kong tulungan sina Tatang doon. Kagabi bago ako natulog ay inumpisahan ko na ang pag-iisipan kung paano. Ito ngang si Adrian ang naisip kong susi. Dahil sabi niya huwag maingay ay hindi ako nag-ingay. Kung sinabi niya rin na h’wag muna akong hihinga ay baka sinunod ko rin. Mahirap na. Parang andami rin kasing alam ng batang ito. Ang kwento niya ay namamasyal lang siya nang makita ako pero malayo ang Water Valley para umabot pa siya rito. Nakakapagtaka rin. Dapat pala ay naitanong ko ang bagay na iyon kagabi. “Wala na sila,” wika nito maya-maya at nauna na siyang lumabas. Sinabit ang bag niya sa kaniyang balikat at saka isinilid sa loob ang kaniyang kumot. “Siguro naman mula rito ay kaya mo nang makarating sa pupuntahan mo ano?” anito nang balingan ako at akmang aalis na ito nang pigilan ko siya. “Sandali!” Nahinto siya sa paghakbang at muli akong binalingan. “Tungkol nga pala riyan at tutal nabuksan mo na rin naman, kailangan ko sana ng tulong mo,” diretsahang kong usal. Kakapalan ko na ang mukha ko tutal wala naman nang ibang paraan. “Tulong saan? Natulungan naman na kita a,” taas-kilay nitong tanong. “Oo nga at tatanawin kong malaking utang na loob iyon sa iyo hanggang nabubuhay ako. May isang bagay pa kasi akong hindi nasabi sa iyo kagabi,” “Ang alin naman?” mabilis niyang tanong at hindi makapaghintay. Sasabihin ko naman e. Pumihit siya at humakbang palapit. Nakita ko ang kuryosidad sa kaniyang mga mata. Huminga muna ako nang malalim. “Kailangan kong makapunta sa tatlong kaharian para magdala ng balita. Tutal taga-Water Valley ka naman at tiyak na roon ang punta mo, nais ko sanang sumama sa’yo hanggang doon,” pagpapatuloy ko. “O, tapos?” anito na parang walang pakialam sa maaaring mangyari sa mundo nila kapag hindi niya ako natulungan. May attitude talaga ang batang ‘to. Kalma James kaya mo ‘yan. “Tapos mula roon naman ay kahit ako na lang ang makikipag-usap sa hari o reyna ng Water Valley,” Nagulat ako nang biglang nag-iba ang timpla ng mukha niya nang sabihin ko iyon. Bumaba ang kilay niyang bahagyang nakataas. Sumeryoso ang kaniyang mukha bago nagtanong. “Bakit? Anong kailangan mo sa hari ng lugar namin?” usisa niya at diretso ang titig sa aking mga mata. “May balak na pagsalakay ang Rock Valley sa mismong gabi na magpapalit ang buwan hindi nasabi sa akin alin sa tatlong kaharian, ngunit magaganap mismong gabi kung kailan mababalot ng kadiliman ang Harmonia sila mismo aatake,” sagot ko sa kaniya. “Saan mo naman nakuha ang impormasyon na iyan? Sa mundo namin, ang pagkakalat ng di totoong balita na maaaring makaperwisyo sa mga katahimikan sa alinmang kaharian ay kamatayan ang katumbas na kaparusahan,” Kamatayan? Kamatayan nanaman? Namatay na nga ako hindi ba? Hindi na bago ngunit sa pagkakataong ito ay para bang wala na akong dapat na ikatakot pa pagdating sa bagay na iyan. Nakasalalay ang mas maraming buhay kung hindi ko magagawa ang misyong iyon at hindi ako matatahimik kahit sa kanilang buhay kung ipagwawalang-bahala ko lamang ang bagay na iyon. “Galing mismo sa bilanggo ang balitang iyon at itataya ko ang buhay ko para makatulong. Maging ang mga mamamayan ng Rock Valley ay nangangailangan ng tulong ng ibang kaharian. Nais nilang pigilan ang plano ng kanilang hari dahil mas marami ang masasaktan kapag nagkataon,” paliwanag ko sa kaniya. Sana naman ay may konsensya siya. Natahimik siya at mukhang malalim na napaisip. Para bang nagdududa sa sinabi ko. Inasahan ko na ‘yon. Hindi naman madaling magtiwala sa isang estranghero lalo pa sa takas sa bilangguan na gaya ko. “Hindi ka naniniwala alam ko ngunit iyan ang totoo. Kung nakita mo lang sana ang kalagayan ng mga mamamayan sa Rock Valley ay tiyak na maaawa ka rin sa kanila,” “Alam ko ang kalagayan nila. Hindi mo na kailangan ipaalala,” sambit nito at mabilis siyang nag-iwas ng tingin. Naiwan akong nakaawang ang mga labi. Kung hindi ako nagkakamali at hindi gunu-guni iyon ay nakita ko na bigla siyang nalungkot sa sinabi ko. Tinalikuran na ako at nag-umpisa na siyang naglakad. Naiwan naman akong nakatayo dahil wala siyang sagot at hindi ko alam kung maaari ba akong sumabay sa kaniya. Nakakailang hakbang pa lamang siya nang bigla namang napahinto. Pumihit siya pabalik at pinasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Ano kayang trip naman nito ngayon? “Hindi ka papapasukin sa Water Valley nang gan’yan ang itsura mo,” anito na hindi ko inaasahan. “Anong ibig mong sabihin?” nagtataka namang tanong ko. Hindi ko alam ang ibig niyang sabihin doon. Hindi rin ito sumagot. Nagkalkal siya sa dala niyang bag at may kinuhang damit. Ibinato niya sa akin na agad ko namang nasalo. “Gawan mo na lang ng paraan ‘yan. Panigurado maliit dahil mas maliit ako sa iyo. Dumaan muna tayo sa malapit na ilog dito upang makapaglinis ka ng katawan mo,” Napangiti ako nang marinig iyon. Mukhang payag na siya at pwede na akong sumabay! Salamat naman. Dali-dali akong lumapit at sinabayan na siya habang bitbit ang pares ng damit. Itsura pa nga lang ay maliit na. Mukha namang maluwang ang pang-ibaba dahil pwede pang i-adjust gamit ang lubid na nasa baywang. Ang pang-itaas? Duda ako pero susubukan kong gawan ng paraan. Kahit papaano naman ay may mga napulot akong skills mula sa mga kakilala kong fashion designer na nagpapasuot ng damit nila sa akin kapag may photoshoot kami at kailangan remedyohan ang ilang hindi kasya at maluwang. Susubukan kong gawan ng paraan ang mga damit na ‘to at nang safe na rin ang ano ko. Habang naglalakad kami ay napansin kong hindi mapakali si Adrian. Palinga-linga siya. Hindi ko maintindihan kung may hinahanap ba o sadyang nag-iingat lang sa maaring makakita sa aming mga kawal mula sa Rock Valley. Mukhang nakaabot na kasi sila sa gubat kung nasaan kami at baka mamaya ay hindi lang ang mga lalaki kanina at marami pa silang naghahanap sa mga takas. May biglang sumaging tanong sa isip ko. Iyong bagay na pinatataka ko tungkol sa kaniya kanina. “Adrian, may tanong pala ako,” walang ano-ano usal ko. “Ano ‘yon?” mabilis naman nitong tanong nang hindi lumilingon. “Bakit ka pala napadpad dito? Hindi ba sabi mo kagabi parte pa ito ng Rock Valley? Sabi mo pa malayo ito sa Water Valley. Medyo na-curious lang kasi ako, kumbaga nabuhay ang kuryosidad. H’wag mo sanang masamain ang pagtatanong ko,” “Bakit ko naman sasabihin sa iyo ang tunay na dahilan? Hindi dahil asul ang isang mata mo gaya ng akin ay ipagkakatiwala ko na rin sa iyo ang mga personal na impormasyon tungkol sa akin,” masungit niyang sagot. “Pasensya na pala kung gano’n,” tangi ko na lamang nasabi. Mukhang kulang sa aruga ang batang ito. Konting kibot nagsusungit. Parang hindi makalabit. Nakarinig ako nang pag-agos. Iyon na yata ang ilog. Ilang minuto pa ang aming nilakad at sa wakas ay nakasawsaw na rin ako sa tubig at makaligo. Ang sarap sa pakiramdam. Naalis na ang lagkit, dumi at amoy na masangsang sa balat ko. Hindi man lahat pero nabawasan kahit papaano. Itinapon ko na ang suot ko kasama na ang doubleng hospital gown. Nang isuot ko ang bigay na damit ni Adrian ay sakto lang ang pang-ibaba na salawal. Pantalon yata sa kaniya iyon na kulay khaki pero nang isuot ko ay naging tokong na lang halos ang itsura dahil sa haba ng mga biyas ko. Ang pang-itaas naman ay maikli talaga. Sa manggas nitong mahaba ang sobrang sikip kaya naman tinastas ko na lang at inalis na nang tuluyan. Istilong kamesa de tsino ang disenyo. May butones sa parteng itaas. Masikip na kung isasara kaya hinayaan ko na lang na bukas. Komportable naman kaya lang hindi ako sanay na walang panloob kaya medyo nakakailang. Mabuti na lang at mahaba-haba ang pang-itaas at medyo natatakpan ang dapat na protektahan sa mga mata nang may mata. Mahirap na rin baka makalipad ang ibon. Nasaan na ba si Adrian? Handa na ‘ko sa aming paglalakbay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD