“Ma! Alis na po ako,” paalam ko sa nanay ko habang nagsusuot ng sapatos.
Mag-aalas siyete na nang tignan ko ang orasan sa dingding. Tiyak papunta na si Marco upang sunduin ako.
"Ingat ka anak! Nagdala ka ba ng sunblock? Baka abutin nanaman kayo ng umaga,” sagot naman ni Mama at sumilip pa sa aming kusina para itanong kung dala ko ba ang armas ko, ang sunblock.
“Nandito na po sa bag ko, dalawang beses ko na pong tinignan, Check ko po ulit para sure, teka lang,” sagot ko at minadali na ang pagsisintas. Nang matapos ay binuksan ko ang bagpack kong nasa harapan kong lamesa upang siguruhing naroon ng ang sunblock at nang makita sa loob ay kinuha ko upang ipakita naman kay Mama para hindi na siya mag-alala.
‘“E ang salamin mo?” usisa nitong sunod. Sunglasses ang tinutukoy niya ngunit hindi literal na para sa nakakasilaw at mataas na araw.
Binalik ko na ang sunblock at shades ko naman ang hinanap ko. Iyon pala ang nakaligtaan ko. Mabuti na lang at pinaalala niya.
“Ayan na nga ba ang sinasabi ko,” narinig kong sabi ni Mama nang paakyat ako sa hagdan upang kunin sa aking kuwarto.
Hindi ko maiwasang hindi mapangiti. Napakamaalaga kasi ng nanay ko. Ang Papa ko naman ay napakasipag at maya-maya lang ay darating na iyon galing sa trabaho.
Oo, galing sa trabaho. Gabi na at mag-aalasiyete na ng gabi. Kung ipinagtataka n’yo kung para saan ang sunblock , iyon ay pananggalang ko. May kondisyon kasi akong tinatawag nilang Albinism o Hypopigmentation.
Ayon sa mga doktor, ito raw ay isang uri ng genetic disorder kung saan isang tao ay maaring kulang o di kaya’y walang isang uri ng pigment na kung tawagin ay melanin na siyang responsable sa pagbibigay ng kulay sa ating balat, mata at buhok.
Iyan ang dahilan kung bakit ang buhok ko at mga balahibo sa buong katawan ay kulay puti, ang balat ko ay napakaputi rin. Bukod sa mga ito, ang mga mata ko ay magkaiba ang kulay. Asul sa kaliwa at sa kanan ay medyo pula naman. Tinatawag nilang heterochromia.
Nakamamangha kung pagmasdan ngunit kaakibat naman nito ang mga bagay na hindi ko magawa dahil sa mga ito.
Napakasensitibo ng balat ko. Ang mga taong may kondisyong gaya ko ay prone sa skin diseases at skin cancer. Ang sikat ng araw ay masama para sa akin kaya ang kurtina sa bahay ay makapal at dim lang ang ilaw. Lagi akong naglalagay ng sunblock sa buong katawan kahit na gabi para sigurado. Tungkol naman sa shades, kailangan ko kahit na gabi dahil madaling masilaw ang mga mata ko sa liwanag.
Iyan ang dahilan kung bakit kapag photoshoot namin, hindi ako pinatitingin sa kamera at madalas ang mga kuha sa akin kung hindi pa-side ay nakapikit ang mga mata. Para rin sa proteksyon ay pili ang mga ilaw na ginagamit namin sa studio.
Ang gabi ko ay umaga, parang bampira ano? Wala naman akong magagawa rito. Mabuti na rin ang ganito kahit papaano nakakatulong ako sa mga magulang ko. Hindi nga lang madali ang lahat.
Oo, mahirap dahil lumaki akong nasa bahay lang. Hindi nakakapaglaro gaya ng mga normal na bata at hindi nakakalabas. Nakapamamasyal naman kami sa gabi kasama ang mga magulang ko ngunit hindi maiwasan na mapalingon sa akin ang mga tao.
Nariyan na ang mga pangungutya sa mga mata nila at pagtataka kung bakit kakaiba ako sa kanila. Minsan pa nga may mga batang tinatawag akong multo, bampira o kaya naman halimaw. Mayroon din naman natutuwa ngunit hindi madalas ganoon ang mga aking nakakasalamuha. Nauuna ang pagtataka at takot sa kanila.
Hindi kasi lahat alam na may kondisyon ng gaya ng mayroon ako. Sa mga nababasa ko nga sa ibang mga bansa, pinaniniwalaan nilang sumpa raw ang ganito.
Nakuha ko na ang shades. Pinahirapan pa ako. Nasa ibang bag pala nakalagay. Sa ginamit ko noong lumabas ako nang nakaraang gabi. Agad akong bumaba. Nagpaalam ulit ako kay mama na bumalik na kasalukuyan nang nasa kusina.
Saktong pagdating ni Papa. Kapapasok niya lang sa loob ng bahay habang ako naman palabas at papunta na sa aking trabaho.
“Hi Pa! Alis na po ako,” bati ko sa kaniya sabay mano.
“Mag-ingat ka James," aniya at hinayaang kunin ko ang kamay niya upang makapagmano.
"Opo," tugon ko at nginitian siya. Palabas na ko ng bahay nang bigla siyang humabol.
"Anak! Iyong ano-”
“Dala ko po!” pasigaw kong putol. Tinanong na ni Mama kanina ang mga iyon at balak pang ulitin ni Papa. Ginagawa talaga nila akong baby. Matanda naman na ‘ko. Disenueve na 'ko, binatang-binata pero kung tratuhin nila parang baby pa rin kahit damulag na. Mas matangkad pa nga ako sa tatay ko. Napag-iwanan na siya.
Lumabas na ‘ko ng bahay upang hintayin ang sundo ko. Hindi kasi ako pwedeng magmaneho at wala pang dalawang minuto ay dumating na ang itim na kotse. Huminto sa tapat ng bahay. Nakababa ang salamin sa driver’s seat at kitang-kita ko si Marco.
Sumakay na ‘ko at saka siya binati nang nakaupo na. Kinabit ang seatbelt at kami’y umalis na.
Siya ang photographer na madalas kunin sa mga photoshoot ko. Malapit lang ang bahay niya sa amin kaya naman dinadaanan na niya ako sa bahay kapag may trabaho. Hindi naman madalas. Kapag pinapatawag lang ng mga bossing namin.
Pagdating sa studio na pagmamay-ari ng men’s clothing brand na pinatatrabahuhan namin na Neptune, pinagbihis nila ako agad upang malapag-umpisa na kami. Panay ang flash ng camera. Ang daming mga ilaw. Dim naman ang iba ngunit ang flash sa camera ay minsan nakakagulat at nakakabulag sa mata kahit hindi naman ako nakaharap mismo sa kumukuha. Nasisilaw ako ngunit hindi ko na iniinda iyon masyado. Kung pangit man ang kuha ay makakapili naman sila sa dami ng mga kinuhang litrato.
Ilang beses akong nagpalit ng suot, panay punas nila sa mukha ko ng pulbo at minsan mayroon pang glitters para pandagdag kulay sa maputla kong balat.
Pagkatapos ng ilang oras na tayo, upo, posing ay natapos na rin kami para sa gabing iyon. Nag-order sila ng pizza at ng mga maiinom. Habang nagbibihis ako ay narinig ko silang nag-uusap na iinom daw sila ng alak sa gabing iyon. Bagay na iniiwasan ko dahil tiyak na aabutin nanaman ng umaga at wala pa ako sa tamang edad para sa ganoong klaseng inumin. Isa pa, nangako ko sa mga magulang ko na hindi rin ako titikim at sa kondisyon ko, mabuti na ang mag-ingat ng husto.
Patapos na ‘kong magbihis nang mapansin ko ang isang butlig sa pisngi ko. Maliit lang naman. Hindi ko mawari kung tagyawat ba o tinubuan na 'ko ng warts. Naisip ko pang tirisin pero ayaw naman kaya ayon pinabayaan ko na. Namula lang.
Magpapaalam na sana ako para maunang umuwi at para makaiwas na rin sa balak nilang pag-inom kaso dumating ang isa sa mga bossing namin kaya hindi agad ako nakaalis. Mabuti at dumating dahil hindi sila makakainom kapag naroon siya.
Suwerte pa rin ako.
Pinag-usapan ang darating na fashion event at kasama ako sa mga modelo dahil ako ang mag-re-represent ng Neptune Men’s Aparrel. Ilang linggo pa naman bago ang araw na iyon kaya may kaunti pang panahon para makapag-workout at magbawas ng timbang.
Mag-aala una na nang umalis ang bossing namin. Nagkayayaan pa sila na ituloy ang balak nila ngunit nag-pass na ‘ko. Dahil kasama si Marco sa mga iyon, nagdesiyon akong mag-commute na lang pauwi. Dating gawi, maghihintay ng taxi.
Naglakad papunta sa pinakamalapit na waiting shed at doon naghintay ng dadaang taxi. Dahil ala una na pasado, pailan-ilan na lang ang sasakyan. Naupo ako sa may bakal na upuan at maya-maya lang ay isang babaeng dumating. Naupo siya sa malayo at nasa kabilang dulo kung nasaan ako.
Naisip kong makinig ng musika habang naghihintay. Dinukot sa bag ang cellphone ko at sinasak ang earphones sa tainga. Inilakas ang volume at sinasabayan ang kanta.
Lahat ng napapadaan ay napapatingin sa akin ngunit sanay naman na ‘ko. Hindi naman na ako gaya ng dati na sobrang conscious at naiilang sa mga tingin ng mga tao sa paligid ko. Malaki ang naitulong ng pagmomodelo dahil pinataas ang self-confidence level ko at natuto akong tanggapin ang pagkakaiba ko sa mga tao. Hindi ako mapapansin at magiging modelo kung hindi ako ganito. Ipinagpapasalamat ko na rin kahit papaano. Kaya lang, may mga panahon din na naka-de-depressed. Ang dami kasing bawal, marami akong hindi magawa at hindi masubukan na gustong-gusto kong masubukan. Natatakot nga rin ako mag-asawa at magkaanak. Ayaw kong mamana ng mga magiging anak ko ang kondisyon ko dahil alam ko kung gaano kahirap.
May humintong taxi. Hinintay kong sumakay ang babae naghihintay rin ng masasakyan. Laking-gulat ko nang bumusina ang taxi biglaan dahilan para alisin ko ang nakasaksak na earphones sa tainga ko
"Sasakay ka ba binata?" tanong ng driver.
Nilingon ko ang direksyon kung nasaan ang babae kanina ngunit wala na ito samantalang ang tagal nga niyang nakaupo roon kanina at wala namang ibang humintong sasakyan at hindi ko siya napansing umalis.
Bigla tuloy akong kinilabutan.
Sumakay na ‘ko at inisip na lang na baka umalis na nga. Nag-sorry ako kay manong dahil hindi ako agad sumakay, naabala pa siya.
Nang makauwi, ang una kong ginawa ay alisin ang natirang mga koloreteng nilagay nila sa mukha ko. Ayokong magkatigyawat. Kahit lalaki ay dapat alagaan din ang sarili lalo na ito ang puhunan ko sa buhay.
Habang naghihilamos ay ilang beses kong nakapa ang butlig kanina. Tinignan ko sa salamin at napansing parang lumaki siya. Sa pag-aakala kong mawawala rin nang kusa ay pinabayaan ko na at nahiga na upang magpahinga.
Nagising ako kinabukasan at nagulat na lang na dumami ang butlig. Hindi lang dalawa o tatlo, kundi sangkatutak. Pinuntahan ko si Mama upang ipakita at gaya ko ay nagulat din siya sa itsura ko.
"Anong nangyari sa iyo?" nag-aalala niyang tanong. Hindi ko naman masagot dahil hindi ko rin alam. Nagdesisyon kaming pumunta sa doktor. Balot na balot ako nang lumabas kami. Pulang-pula na ang buong katawan ko at kinakati rin ako.
Pinaghintay pa kami ng matagal bago nakapagpa-checkup. Kinuhanan ng kung ano-anong test at ang resulta ay nagpaguho ng mundo ko.