Kausap ng mama ko at ang doktor na sumuri sa akin at ipinapaliwanag ang kalagayan ko habang ako naman ay nakaupo lang at tulala. Napakaraming sinasabi ng doktor kay mama ngunit wala na ni isang pumapasok sa isip ko sa mga sinasabi niya matapos niyang sabihin ang resulta ng mga test kanina.
Hawak ni mama ang isang kamay ko. Ramdam ko ang panginginig ng kamay niya na mahigpit na nakakapit sa akin. Umiiyak siya at kanina pa walang tigil ang kaniyang pagluha. Panay din ang kaniyang punas ngunit ayaw namang tumigil ng mga iyon. Patangu-tango lang habang nagsasalita ang doktor.
Iniwas ko lang ang aking tingin at tumanaw sa malayo. Sa isang bukas na bintana may nasumpungan akong taong nakatayo mula sa labas. Nakatalikod siya at kita ko mula sa kinauupuan ko ang napakahaba niyang buhok. Puting-puti. Hindi naman siguro dahil matanda na, baka pina-bleach lang kaya ganoon at naging kasing puti ng natural na kulay na buhok ko. Naka-jacket, nakapantalon na kulay asul at may hawak na payong na kulay itim.
Nasa unang palapag lamang ang klinikang iyon at sa may bintana tanaw ang likod na bahagi ng gusali kung saan may ilang klase ng mga halaman ang nakatanim. Ilang beses na rin akong nagpunta roon. Madalas kasi kapag may mga nakikitang kakaiba ang nanay ko sa balat ko ay agad niya akong dinadala sa parehong espesyalista.
Gusto ko na umuwi. Hindi pa sila tapos nag-usap. Sapat na nalaman kong may malubhang sakit. Maaari pa naman daw magamot kaya kahit papaano ay kampante na akong mabubuhay pa ako ng matagal.
Sa totoo lang, madalas pinangarap ko rin na makakilala ng taong may kondisyong gaya ng akin. Parang ang saya lang na may kaibigan na pareho mo ng pinagdaraanan at tiyak na maiintindihan ninyo ang isa’t-isa. Kaso parang imposible kasi. Mayroon na gaya kong ganito ngunit nasa ibang mga bansa naman sila. Isa pa nahihiya akong mag-approach.
“Salamat po, Doc,” wika ng mama ko kaya napahinto ako sa pagmumuni-muni at napalingon ako sa kaniya. Inabutan siya ni Doc ng papel na may mga nakasulat na pangalan ng mga gamot na hindi ko maintindihan. Napakarami ngunit aniya makatutulong daw ang mga iyon sa akin.
Lumabas na kami at pinahintay muna ako ni mama sa isang bakanteng upuan sa receiving area ng klinika. Bibilhin niya lang daw ang mga gamot sa malapit na parmasya. Para naman akong bata na tumango lang at sumunod sa sinabi niyang maghintay.
May mga pasyente pa roon. Nakatingin silang lahat sa akin. Ramdam ko ang pandidiri sa mga mukha nila. Hindi naman talaga kanais-nais ang itsura ko nang mga oras na iyon kumpara sa kanila na allergies ang at mga pantal, ang akin kasi ay mga butlig na sangkatutak at sa buo ko pang katawan.
Dinukot ko ang face mask sa bulsa ng jacket ko at maingat na sinuot. Kahit masakit sa bandang tainga titiisin ko na lang kesa tignan nila ako ng ganoon. Tinaas ko rin ang hood ng suot kong jacket para makapagtago at ang shades ko dahil nasisilaw ako sa liwanag.
Sobrang bilis nga e. Naging sugat na ang iba na kagabi ay iisang butlig lang. Hindi ko naman kinamot at maiikli ang mga kuko ko para masugatan ang sarili nang ako ay natutulog.
Bumalik na si Mama. May hawak na isang supot na puno ng gamot. May nakita pa akong hiringilya at mga maliliit na bote at iba’t-ibang klase ng mga tabletas.
“Susunduin daw tayo ni papa mo. Hintayin na lang natin siya,” anito at naupo sa tabi ko.
Hawak niya pa ang resibo. Pasimple kong tinignan ang halaga ng mga binili niya. Umabot ng dalawang libo. Napansin niya yatang nakatingin ako roon kaya niya biglang nilukot at itinapon sa basurahan na nasa malapit. Nag-angat ako ng tingin at tumingin sa mukha niya. Mugto ang magkabilang mata ngunit nagawa pa akong ngitian at bago siya naupo ay hinalikan niya pa ang parte ng ulo ko nang maingat.
Hindi na lang ako nagsalita pero nang mga oras na iyon ay parang kinukurot ang puso ko. Gastos naman kasi. Imbes makatulong sa kanila sa mga gastusin ay heto ako nagkasakit pa.
Ilang minuto lang kaming naghintay. Maya-maya lang ay pumasok si papa sa klinika at may dalang malaking payong.
“Tara na,” aniya at inalalayan naman ako ni mama na tumayo. Nakahawak siya sa braso ko. Nadiinan ang mga sugat kaya napangiwi ako sa sakit.
“Ma, nasasaktan mo yata siya,” ani ni papa. Nagitla si mama at napabitaw sa akin. Nginitian ko na lang siya kahit mahapdi pa ang nahawakan niyang parte.
Naglakad na kami papunta sa sasakyan. Pinagitnaan nila akong dalawa. Hawak ni papa ang payong habang si mama nakaantabay sa gilid at likod ko upang hindi ako masagi ng mga tao.
Una nila akong pinasakay. nilagyan pa nila ng harang ang magkabilang parte ng bintana sa backseat para sa akin. Habang nasa biyahe ay walang nagsalita. Tahimik lang ang mga magulang ko ngunit alam kong nang mga oras na iyon ay pareho silang malungkot. Nakarating na kami ng bahay ngunit wala talagang nagsalita. Umakyat agad ako sa kuwarto ko para mahiga.
Hinubad ko na ang suot kong jacket dahil ang init. Binuksan ang aircon at naupo muna sandali. Naisip kong bumaba dahil parang tuyo ang lalamunan ko ngunit nang nasa huling dalawang baitang na ‘ko ng hagdan ay napabalik ako sa itaas dahil narinig ko ang hagulgol ng mga magulang ko na bumiyak nang husto sa puso ko.
Kahit iyak ni papa ay narinig ko. Iyon na yata ang unang pagkakataon na narinig kong umiyak siya at kahit lalaki ako at kahit pigilan kong huwag maiyak, pagbalik ko sa kuwarto ay nag-unahan na ang mga luha sa pagpatak.
May pag-asa pa naman hindi ba? Sabi ng doktor ay mayroon pa. Lalabanan ko ito at magpapagaling para sa kanila. Iyan ang pangako ko, ngunit hindi talaga natin mahuhulaan ang mga mangyayari.
Magdadalawang linggo na mula ng checkup. Sinunod nami lahat ng sinabi ng doktor at wala rin kaming kinaligtaang mga gamot. Imbes gumaling ay mas lumala pa ang kalagayan ko. Hindi na ‘ko nakakapunta sa photoshoot. Sinisi ni mama ang pag-mo-modelo ko. Iyon din ang isang nakikita ng doktor na rason kung bakit ako nagka-skin cancer. Sa lahat ng possibleng may UV lights na nasa bahay. Naiiyak na lang ako dahil hindi ko matanggap na dinapuan pa ako ng ganitong sakit kahit na nag-iingat naman ako ng sobra at kahit sa trabaho ay iniingatan din ako ng mga tao sa paligid ko. Sino bang hindi masasaktan kung ganito ang sasapitin? Hindi naman ako manhid para hindi makaramdam. Hindi ako naaawa sa sarili ko, aaawa ako sa mga magulang ko na nasasaktan at nahihirapan dahil sakin.
Mas lalong dumilim sa loob ng bahay namin mula nang malaman ang sakit ko. Gusto akong bisitahin ng mga kaibigan ko at katrabaho pero ayaw kong makita nila ako. Dumating na rin ako sa puntong pati ako diring-diri na rin ako sa sariling katawan. Pinaalis ko lahat ng salamin sa kwarto ko.
Ang pagkain mapait na ang lahat ng lasa at lahat ng kainin ko ay isusuka ko lang. Dinala na nila ako sa ospital dahil hindi na alam ni mama ang gagawin niya. Kung may audition nga ng zombie o isang halimaw sa pelikula ay tiyak na makukuha ako agad pero, nakakapagod din pala lumaban. Gusto ko nga sumuko pero naaawa ako sa mga magulang ko. Lalaban ako para sa kanila pero ang huling sabi ng doktor, wala na raw pag-asa. Nasa ospital na lang ako ngayon para maghintay ng oras ko at ramdam kong malapit na. Idinadasal ko na lang na sana sa susunod na ipanganak ako ulit, sana normal na ‘ko gaya ng iba. Hindi takot lumabas at hindi tinataguan ang araw.
*****
Narrator
“Time of death, 12:10am,” anang nars matapos sipatin ang suot nitong relo at isa pang nars na naroon ang tinakpan ng puting kumot ang wala ng buhay na si James.
Dinig na dinig ang paghagulgol ng kaniyang ina habang yakap-yakap ng kaniyang asawa. Pigil ang mga luha sa mga mata habang yakap ang babae na nagpupumiglas upang puntahan ang anak niyang nasa loob ng silid at ayaw silang papasukin ng mga nars at doktor sa loob.
Nadidinig ni James ang iyak ng mama niya. Gusto niyang puntahan ito at yakapin man lang bago siya tuluyang umalis ngunit hindi niya alam kung posible ba at kung paano. Nasa isang lugar siyang puro puti lang ang nakikita niya sa paligid at walang kahit anong ibang kulay bukod sa suot niyang asul na hospital gown na huli niyang suot. Wala na ang mga sugat sa balat niya at bumalik na siya sa dati niyang itsura.
“Saan na ‘ko pupunta ngayon? Kailangan bang maghintay lang dito ng sundo o bigla na lang bubuka itong inaapakan ko at mahuhulog na lang ako bigla?” naguguluhang tanong niya sa kaniyang sarili ngunit wala naman sa dalawang naisip niya ang nangyari.
Isang nakasisilaw na liwanag ang bigla na lamang lumitaw at dahil masakit sa mata, napilitan siyang pumikit at sa kaniyang pagdilat ay nasa ibang lugar na siya. Sa isang paraiso.