Chapter 3

2116 Words
James’s Point of View Mabilis din na naglaho ang nakasisilaw na liwanag na tumambad sa aking harapan. Kasabay nang pagkawala ng liwanag ang naririnig kong pagtangis ng aking ina na nasa labas ng aking silid sa loob ng ospital. Unti-unti kong inalis ang dalawang kamay na ginamit na harang upang protektahan sa nakabubulag na liwanag ang aking paningin at nagulantang sa paligid na tumambad sa akin. “W-wow!” kusang lumabas sa aking bibig na salita sa labis na pagkamangka. Nakamamangha naman kasi talaga. Napakaganda ng lugar. Isang paraiso. Sa ganda, hindi ko mawari kung nasa langit na ba ako o sa isang fantasy world. Halos hindi ko masilip ang langit dahil sa dami ng mga matataas na mga puno at ang kakapal ng mga dahon. Iyon pa lamang ay masasabi mo ng mataba ang lupa roon at sapat ang nakukuhang nutrisyon. Napakarami ring mga ligaw na iba’t-ibang uri ng mga halaman. Kapag nakita ng mga platita ang mga ‘to siguradong bubunutin at iuuwi sa kanila. Ang gaganda kasi ng mga bulalaklak. Samu't sari ang mga kulay. May mga halaman ding gumagapang na sa mga puno at nagmistulang mga baging. Habang nagmamasid ay niyakap ako ng malamig na hangin. Kay sarap langhapin, sariwa at nahaluan ng mga halimuyak ng mga bulaklak na hindi ko alam saan at alin sa mga halamang naroon galing. Kay sarap lang singhutin. Malayung-malayo sa hangin na araw-araw kong nalalanghap sa lugar namin. Doon kasi ay puro usok na ng mga sasakyan, usok sa pabrika at kung ano-ano pang mga amoy na galing sa kung saan na masama sa kalusugan ngunit teka lang, bakit wala akong makita ni isa mang tao o kaluluwa man lang? Naisip kong maglakad at humagilap ng kung sino. Nang madaan sa parte kung saan walang gaanong mga puno ay nagtaka na lamang ako nang maramdaman ko ang init ng sikat ng araw sa aking balat. Naisip ko rin na baka naman ganoon lang talaga rito at sadyang naninibago lang ako. Hindi kasi mahapdi sa balat at hindi nakapapaso gaya noong buhay pa ‘ko. Sa kabilang banda ay natuwa ako bigla. Pinangarap ko rin kasi ito noon at kailangan ko lang palang mamatay upang maranasan. Pero nasaan ba talaga ako? Wala man lang naghatid sa akin dito. Wala si kamatayan o tagasundo. Hindi nagpakita at hindi ko alam kung saan ko hahanapin si San Pedro sa lugar na ito. Hindi ko akalain na kapag namatay pala ay ganito. Sabi nila kapag namatay raw ay may susundo sa’yo pero bakit ako wala man lang? Hindi man lang nakaalala na sunduin ako. Baka pati kamatayan mayroon pa ring issue ng favoritism at may inunang iba tapos ito pinabayaan na lang akong tumawid sa kabilang buhay mag-isa. “San Pedrooo, nasaan kaaa?” Wala, sumagi kang sa isip ko na tawagin siya baka sakaling marinig. "Saan na 'ko pupunta ngayon? Saan ang daan? Sino hahanapin ko? Kaliwa ba o kanan?" Gulong-gulo ang utak ko at para na 'kong timang na kinakausap ang sarili habang palinga-linga sa paligid, hanggang napatingala. Hinayaan ko ang sikat ng araw na tumama sa balat ng aking mukha. Pumikit ako upang di masilaw sa araw at naramdaman ang init na parang minamasahe ang malamig-lamig at maputla kong balat. “Ang sarap ng bu-,” napasinghap ako at pinutol ang nais sabihin nang maalalang hindi na nga pala ako buhay. Nagpatuloy na ‘ko sa paglalakad. Wala man lang sign board rito. May libre man lang sana na mapa o kompas para naman alam ko kung saan ang hilaga. Nasa gitna kasi ang araw. Sinyales na tanghaling tapat pa lang. Ayoko namang maghintay na lamang dito. Pero sabi nila follow the light daw, pero nga ang araw nasa tuktok ko pa. “Bahala na nga!” Pinili ko ang daan sa kaliwa ko upang tahakin. Walang ideya kung tama iyon. Naglakad na ko at nagbakasakaling baka may makasalubong na kung sino na aking maaring mapagtatanungan. Napakaganda talaga ng tanawin. Mabubusog ang mga mata ng sinuman. Parang walang katapusan ang kagandahang nakikita ko. Malagong-malago ang kagubatan dito. Siguro dahil langit na nga kaya ganito. Hindi pa naaabot ng mga masasamang tao kumbaga. Napakapresko pa rin ng hangin, malinis at walang polusyon ang lugar na ito. Ilang beses na rin akong nakakita ng mga hayop na malayang nakakakilos at nagtatakbuhan. May mga usa akong natanaw, mga kuneho at makukulay na ibon na nagpapalipat-lipat sa mga sanga, lumilipad sa himpapawid at nag-aawitan. Walang sapin ang mga paa ko kaya naman medyo nasasaktan sa tuwing nakakaapak ng tinik ng halaman o kaya mga bato at sangang tuyo. Hindi ko na alintana iyon, ang mahalaga ay makakita ng pwedeng maghatid sa akin sa lugar na dapat kong puntahan. Ilang minuto na akong naglalakad nang may narinig akong papalapit na napakaraming mga yabag. Mabilis na pagtakbo at batid kong hindi tao ang palapit. Dali-dali akong kumilos upang salubungin ang paparating hanggang sa makakita ng parte ng damuhan na tila madalas daanan ng mga may de gulong na mga sasakyan. Papalapit na ang mga yabag na parang mga kabayong tumatakbo nang kay bilis. Natanaw ko na sila. Mga kabayo nga at may sakay na mga taong nakasuot ng kakaiba. Humarang ako sa daan upang agad nila akong makita at hintuan. Hindi man lang natakot na mabangga ng kabayo o di kaya ay masipa papunta sa kung saan. Patay naman na 'ko, ano ang ikatatakot ko hindi ba? Di naman yata puwedeng ma-double dead ako rito. Tinignan ko ang mga parating. Ang nasa unahan ay dali-daling pinahinto ang kaniyang sinasakyang kabayo. Napapikit ako bigla sa takot dahil sobrang lapit na nila mismo. Narinig ko ang ingay ng iba pang mga kabayong gaya ng una ay napilitang huminto. Narinig ko ang pagdausdos ng mga paa nila sa mabatong parte ng daan. Nakangiti akong nagmulat ng mga mata at nakita ang paligid na nabalot ng alikabok dahil sa biglaang paghinto nila. Ang ngiting iyon ay mabilis din na nabura. Talim ng mga espada ang una kong nakita nang mawala ang makapal na alikabok at ang mga nakasakay sa kabayo ay nakapalibot na sa akin. Sa leeg ko, balikat at malapit sa mukha ang mga dulo ng mga espada dahilan para mapalunok na lang ako ng laway habang nagpalipat-lipat sa mga nakasakay sa kabayo ang aking paningin. Nangatog ang tuhod at umurong ang dila sa takot. Bigla akong napatanong sa sarili kung totoong mga espada ba ang mga iyon. Parang tunay naman dahil mukhang matatalim. Napalunok akong muli. Pinagmasdan ko sila. Base sa mga pangangatawan nila, pare-pareho mga lalaki ang lima. Nakasuot ng full-body armor, may mga maskarang kahoy na iisa ang disenyo at sukat. Tanging mga mata lamang nila ang nakikita at ang mga buhok nilang gaya ng akin na kulay puti ngunit ang kanila ay mahahaba at nakatirintas. Hindi ko akalain na ganito pala sa langit, medieval period ang mga suot ng makikita ko. Naisip ko rin na baka naman nagkataong may pa-cosplay contest or costume party kaya ganito ang mga suot nila rito. Pero teka, bakit ayaw nilang ibaba ang mga espada? Kinakabahan na tuloy ako. “Sino ka?” tanong ng isa sa kanila. Hindi ko alam kung sino sa lima ang nagtanong dahil pare-pareho silang nakamaskara at hindi ko inaasahan na mayroong magsasalita kaya wala roon ang atensyon ko. “Sino ka?” muling tanong sa akin at sa pagkakataong iyon ay nakuha ko na kung sino sa kanila ang nagsalita. Ang nasa harapan ko mismo na unang huminto sa kanilang lima na sakay sa itim na kabayo at ang tanging may suot na itim na kapa sa kaniyang likuran. "Tinatanong ka ni heneral!” sigaw galing sa aking likuran at naramdaman ko ang pagtusok ng matalim na bagay sa aking laman. Gusto ko man tignan, natatakot akong kumilos. Baka bigla na lamang nila akong pugutan ng ulo rito. Batid kong hindi na ito biro. Bumabaon na sa balat ko ang talim at mapapangiwi na ko sa sakit. “Itigil mo ‘yan Poldo!” utos ng lalaking nasa harapan ko. Nang ilayo na ng lalaki ang espada niya sa braso ko ay may mainit na likido na dumaloy paibaba. Nadagdagan ang pangangatog ng tuhod ko. Hindi ako makapaniwala na makakadama ako ng sakit gayong patay na ‘ko. “Sumagot ka binata,” usal ng ng nasa bandang kaliwa. “A-ko p-o si J-James,” putol-putol kong sagot. Halos walang salita na lumabas sa bibig ko nang mga oras na iyon dahil sa labis na takot. May hapdi akong naramdaman mula sa sugat na ibinigay ng lalaking sa gawing likuran ko. “James? Kakaiba ang iyong ngalan. Saan ka galing at bakit gan’yan ang iyong kasuotan?” Seryosong tanong ng kanilang heneral. “Hahaha!” tawa ng dalawang nasa likuran ko at sinabayan ng dalawa pa na nasa bandang kaliwa ko’t kanan. Kumunot na lamang ang noo ko sa biglaang pagtawa ng apat. Marami na ngang tanong sa isip ko ngayon, dinagdagan pa nila. Wala akong ideya kung ano ang katuwa-tuwa sa kanila. Ang pangalan ko ba o ang suot ko? Habang tumatawa sila, hindi ko naman alam ang gagawin ko. Nadidikit kasi sa balat ko ang malamig na talim na espada ng mga ito na labis kong ikinatakot nang husto. Nahinto sila ang tumukhim ang tinawag nilang heneral at humakbang ang kaniyang sinasakyang kabayo palapit sa akin. Dinikit niya ang dulo ng kaniyang espada sa baba ko. Nilayo naman ng apat ang mga espada nila sa akin. Napalunok ulit ako sa takot. Parang wala na nga akong malunok na laway dahil parang tuyong-tuyo na ang bibig ko’t lalamunan. “Tumingin ka sa akin,” kaniyang utos. Agad akong sumunod. Tumingala nang dahan-dahan sa takot na baka itarak niya naman ang espada niya sa leeg ko biglaan. Pati adam’s apple ko yata ay umurong dahil natatakot. May apat pang espada na nakaabang. Sa pagtingala ko ay tumingin ako sa mga mata niya. Ilang segundo rin na tumagal bago siya nagtanong sa akin. Bakit hindi raw pareho ang kulay ng mga mata ko. "Pinanganak po akong ganito," may galang kong tanong na halos mapiyok sa kaba. "Imposible, isa ka marahil espiya," anito at inalis na ang espada sa baba ko. Gayunpaman, nanatili akong nakatingala. Binalik na niya ang espada niya sa lalagyan na nasa kaniyang tagiliran. "Dakpin ang lalaking ito at dalhin sa kaharian," utos niya sa kaniyang mga kasamahan. Isa sa kanila ang bumaba mula sa sinasakyan nitong kabayo at naramdaman ko na lang bigla ang malamig na bakal na kinabit sa isang kamay ko. "Sakay!" pasigaw na utos ng lumapit sa akin at nagkabit ng bilog na bakal na mistulang kanilang posas na nakadugtong sa saddle ng kabayong binabaan niya. Inalis na ng tatlo ang mga nakatutok na mga espada nila sa akin. Hindi ko alam kung paano sasakay. Hindi ko pa naranasan ang sumakay sa kabayo sa tanang buhay ko. Nang akmang lalapit na ako sa lalaking nag-utos sa akin na sumakay sa kabayo, bigla naman silang nagtawanan. Napayuko tuloy ako bigla at tinignan ang suot ko. Iyon kasi ang pinatatawanan nila kanina. Doon ko lang napagtanto na naka-hospital gown pa pala ako pero anong problema sa suot ko? Pasok ‘to sa costume party a. Biglang humangin nang malakas. Naramdaman ko ang pagdampi ng malamig na hangin sa balat ko, sa mga braso, sa aking magkabilang binti at sa likuran- “Teka!” bulalas ko sa loob ng aking isipan. Bigla akong natigilan. Muling tumawa ang dalawang lalaki na nasa aking likuran. Humahalakhak nang nakakaloko. Humangin muli nang malakas at doon ako napakapa sa likurang parte ng katawan ko at nagitla na lamang nang wala akong makapang tela mula roon. Bukas pala sa likod at wala akong suot na pang-ibaba kahit man lang boxer shorts ay wala ngunit hindi naman kitang-kita ang kahubdan ko. Masyado lang sila kung maka-react. Parang hindi sila mga lalaki. Mga may sira ang ulo! Mga lokong 'to akala mo e wala rin silang ganito at hindi nila inaalis mga saplot nila kapag naliligo pero sa mga itsura nila at amoy ay mukhang hindi pa nga. "Pasakayin n'yo na 'yan nang makaalis na tayo!" inis na utos ng heneral sa dalawang sige pa rin ang pagtawa. Natigilan sila bigla nang sumigaw ang kanilang heneral at tinulak ako ng lalaking nasa tabi ko upang sumampa na sa kabayong kaniyang binabaan. Nauna na ang heneral nilang umalis. Sumunod na rin ang dalawa pa at naiwan ang dalawa kasama ko. Sumampa na ‘ko sa saddle. Mabuti na lang at may saddle kung wala ay baka katihin ang alam n'yo na. Sumampa na rin ang lalaki at pinaurong ako paabante upang magkasya siya. Nang makaaayos na ito ay pinatakbo na niya ang kabayo at agad akong napakapit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD