Chapter 4

2189 Words
Mabilis ang takbo ng sinasakyan naming kabayo. Ganoon din ang apat pang nasa unahan namin. Ang higpit ng kapit ko sa saddle sa takot na baka mahulog sa bilis namin ko kaya ay madulas ako’t mahulog na lamang. Nakaharang at alalalay naman ang magkabilang braso ng lalaking nasa likuran ko ngunit dahil napakabilis ng takbo, pakiramdam ko ay umangkas ako isang buffalo at nag-ro-rodeo. Iyon bang walang takot kahit mahulog dahil nakatutuwa naman ang ginagawa at gustong-gusto mo e, kaso hindi ko naman ginusto ‘to. May mga pagkakataon pang napapahawak ako nang mahigpit sa braso ng lalaking nasa likuran ko kapag napapataas ang talon ng kabayo o kapag bigla nitong bibilisan pa ang takbo kapag nahuhuli na kami. Mabilis ko rin namang aalisin dahil baka kung ano ang isipin ng lalaki at baka mamaya ay mainis sa akin at bigla na lang akong ihulog sa kung saan at iwan na lamang doon. Ang totoo, hindi ko alam kung saan nila ako dadalhin. Narinig ko ang heneral kanina na sa palasyo raw. Pinagbintangan pa akong espiya mula sa ibang kaharian samantalang hindi ko nga alam kung bakit napadpad ako sa lugar na ito at kung sino ang mga taong ito. Malay ko ba sa mga kaharian na tinutukoy nila. Gulong-gulo na nga ang utak ko dinagdagan pa nila. Habang nasa gitna kami ng paglalakbay ay napapaisip ako. Pinakikiramdaman ang sariling katawan. May kirot pa rin sa bandang braso ko na tinusok ng espada kanina. Hindi ko maintindihan kung bakit nadarama ko ang sakit. Ang sabi kasi kapag namatay ay wala na ang sakit at kalungkutan, ngunit bakit ngayon kung ano-anong mga negatibong emosyon ang nararamdaman ko ngayon? Ano kayang lugar ito? Bakit ako narito?   Gusto kong tanungin ang lalaking nasa likuran ko kaso baka hindi niya naman ako marinig at baka hindi rin naman niya ‘ko sagutin. Dapit-hapon na nang makarating kami sa sinasabi nilang palasyo. Literal na palasyo nga at nasa itaas ng isang malaking tipak ng bato. May nakita akong mga kalalakihan na nakaposas ang mga kamay na papasok sa isang lagusan. Nakakadena ang magkabila nilang mga paa. May sapat lamang na distasya upang makapaglakad sila. Pinaakyat nila ang mga kabayo sa isang matarik na daan. Kinailangan pa naming umikot marating ang itaas. Pinababa na ako sa kabayo nang nasa may patag na kaming daan at sa pagbaba ko ay may inihagis sa aking tela ang heneral. Hindi ako handa kaya naman hindi ko nasalo at nahulog sa paanan ko. “Isuot mo ‘yan nang hindi ka nakakahiya,” utos niya nang pulutin ko. Sa pag-angat ko ng ulo upang tignan siya at para magpasalamat na rin ay wala na ito dahil nauna na siyang naglakad sa amin. Inusisa ko muna ang tela bago sinuot. May butas lang sa bandang gitna at may lubid sa magkabila. Naisip kong ilusot ang ulo ko sa butas sa pag-aakalang baka ganoon isuot ang kasuotan. Hindi ako sigurado sa ginagawa ko ngunit may kutob akong tama naman. Ipinatatong ko na lang sa suot kong hospital gown at kahit papaano ay natakpan na ang kahubdan ng aking likuran. Inikot ko ang pinakamahabang lubid paikot sa baywang ko at ibinuhol sa maikling lubid na nasa kabilang parte ng tela. Pakiramdam ko ay nasa palabas ako na gaya ng sa gladiator. May mga kasamang mga Spartan. Napangiti ako bahagya nang maisip iyon. Isa kasi sa mga paborito kong mga pelikula iyon. May narinig akong pagkalansing ng bakal. Nang tignan ko kung saan galing ay nakita ko agad ang kadenang hawak ng lalaking nag-angkas sa akin sa kaniyang kabayo. Mabilis na nabura ang ngiti ko nang makita ko ang posas sa isang kamay ko kung saan nakadugtong ang kadenang hawak ng lalaki nang mga oras na iyon. Naglakad na siya at hinila ang kadenang kaniyang hawak upang mahatak ako at mapilitang sumunod sa kaniya. Doon ko nag-isipang magtanong. Kung nasaan na kami at kung sino sila. Di ko inaasahang pagtatawanan niya ako. Tinawag niya pa ang ibang mga kasama namin na naglalakad sa unahan namin para lang sabihin sa kanila ang tanong ko sa kaniya at gaya niya ay tumawa rin ang mga ito. Maliban sa kanilang heneral. “Nagpapatawa ka ba talaga? Isa kang espiya at hindi mo man alam kung nasaan ka na ngayon?” tanong ng isa sa kanila sa akin matapos nitong tumawa nang malakas. Awtomatikong kumunot ang noo ko sa sinabi niyang iyon. Gusto ko pa sanang sagutin ngunit muli akong hinatak ng lalaking may hawak ng kadena dahilan para mapalapit ako sa kaniya. Tumahimik na lamang ako. Mukhang wala kasi akong makukuhang matinong sagot mula sa kanila. Pinagmasdan ko na lamang ang paligid. Kakaiba ang lugar na ‘to.  May mga bahay na nasa loob ng mga batong inukit at binutas lamang. May bintana at pinto sa labas bilang pasukan at bentilasyon. Nakasindi na sa loob ng mga bahay ang mga lampara nila ngunit wala ako halos nakitang mga tao sa labas. May ilan na nasumpungan ang aming pagdating at nang matanaw kami ay nagtatatakbo at nagtago. May mga bigla pang nagsara ng mga pinto at bintana na para bang takot na takot na makita sila ng mga kasama kong mga nakasuot ng maskara. Nahihiwagaan na ako nang husto. Sino kaya ang mga lalaking ito para katakutan na lamang nila nang ganoon? Mga tatlong minuto ring lakaran iyon bago namin narating ang isang madilim na lagusan. Mukhang binutas lamang na malaking bato at nilagyan ng daraanan. Hindi ko alam kung parte ng palasyo dahil may kalayuan pa iyon sa natanaw kong malaking kastilyong bato. May mga sulo na may sindi sa loob na siyang nagbibigay liwanag sa loob ng lagusang iyon. Napakasangsang ng amoy ang sumalubong sa amin. Naghalo-halo ang amoy na mahirap ipaliwanag kung saan nanggagaling. Huminto ang heneral na nasa unahan sa tapat ng nagsangang daan. Lumingon siya sa kaniyang likuran at binalingan ang kaniyang tauhang may hawak ng kadenang nakadugtong sa akong posas. “Dalhin mo na ang isang iyan,” aniya. Nang marinig iyon ay bigla akong kinabahan. “Masusunod heneral!” malakas na sagot naman ng lalaki sa kaniya at nang makuha niya ang sagot na iyon ay nagpatuloy na ang heneral sa kaniyang paglakad. Lumiko ito sa kaliwa ng nagsangang lagusan kasama ang tatlo pang mga kasama namin. Nang wala na sila ay saka ako pwersahang hinatak ng lalaking naiwan kasama ko. “Tekaaaa!” awat ko sa lalaki. “Sumama ka na lang! Huwag ka nang pumalag binata!” sigaw niya sa akin. Pilit niya akong hinahatak upang sumama sa kaniya. Kung saan dadalhin ay wala akong ideya. "Saan n'yo po ako dadalhin?" natataranta kong tanong sa lalaki at kumapit sa batong bahagyang nakausli sa pader. "Sa kulungan, saan pa ba?" sagot nito. “E, paano kung ayaw ko?” “Edi masasaktan ka!” mabilis na sagot niya nang may kasamang pagbabanta. Kahit may takip ang mukha niya ay parang nakikita ko ang nakangisi niyang labi, mga matang walang awa at hindi magdadalawang isip na hugutin ang kaniyang espadang nasa baywang niya lamang upang itarak sa akin. Hindi ko maiwasang mapalunok sa aking naisip. Natakot para sa aking buhay lalo pa ngayon na batid kong buhay pa 'kong talaga, hindi ko lang alam kung paano nauwi sa ganitong sitwasyon. “Pero bakit ninyo ako ikukulong? Ano bang ginawa kong kasalanan?” tanong ko habang nakikipaghilahan sa kaniya. “Nagtataka ka pa! Ano bang dapat gawin sa mga espiya na gaya mo? Dapat ka lang ikulong,” sagot nito at gamit na niya ang kaniyang buong lakas upang mahila ako mula sa pagkakakapit sa bato. Hindi ko kaya ang lakas niya. Kumpara sa katawan ko ay di hamak na mas malaki ang pangangatawan ng lalaking ito. Batak sa labanan samantalang ako ay sa tagong gym lamang. Limitado pa at bihira pa. Nakaladkad na niya ‘ko. Bawat hila nila pakiramdam ko ay maalis ang braso ko. Masakit at mahapdi dahil sa bakal na posas na gumagasgas sa balat ko at halos mabalatan na rin. Pagdating sa tapat ng isang selda ay huminto na siya sa paglalakad. Binuksan ng nagbabantay ang rehas na pinto. Mabilis na inalis na lalaking humahatak sa akin ang kadenang nakadugtong sa posas at sabay tulak sa akin papasok sa loob. Sa lakas ng pagkakatulak ay natumba ako sa mismong sahid. Tumama ang siko sa magaspang na bato at ang isang palad na naitungtong ko ay natusok sa matulis na bagay. Bahagya rin kumirot ang braso kong tinusok ng espada ng isa sa kanila. Dumugo nanaman at naramdaman ko ang pagdaloy ng sariwang dugo pababa sa aking braso. Umalis na ang nadala sa akin doon at muling ibinalik ng bantay sa labas ang kandado sa rehas na pinto. Isang matandang may mahabang buhok, bigote at balbas ang lumapit sa akin at tinulungan akong makaupo. Nakita niya ang nagdurugo kong braso na mabilis kong tinakpan gamit ang palad ko. “Naku! Anong nangyari sa braso mo binata?” usisa nito na may pag-aalala sa tono pa lamang ng kaniyang boses. “Tinusok po ng espada ng isa sa mga lalaking humuli po sa akin kanina,” magalang kong sagot at napangiwi na lamang sa kirot ng sugat, siko at pati na rin ang isang kamay kong natusok sa nakausling bakal na nasa sahig ng selda na iyon. “Napakawalang mga puso talaga ng mga iyan,” halos pabulong lang na wika ng matanda na may diin. Bakas din ang galit sa kaniyang boses. Inalalayan niya akong makatayo at dinala sa isang sulok kung saan naaabot ng liwanag. Pinunit niya ang laylayan ng suot niya damit na gaya rin ng kasuotan na inihagis sa akin kanina ng heneral. Pinunit niya pa sa dalawa dahil napahaba ang nakuha niya mula sa kaniyang suot kaya umikli na ang suot niya ngayon. Tinalian niya ang sugat ko sa braso at sa kamay ko na nagdurugo na rin pala. Doon ko lang napansin na puti rin pala ang kulay ng buhok nito at ang mga mata ay brown. Payat ang pangangatawan, malalim at maitim ang palibot niya kaniya mga mata at ang pisngi ay halos wala ng laman. Kaawa-awa siyang pagmasdan. Nakatingin lang ako sa kaniya habang tinatalian niya ang sugat ko. Sa tingin ko ay nasa edad animnapu o mahigit pa ang matanda. Ramdam ko ang makapal niyang kalyo sa magkabilang kamay at may gasgas din siya sa balat at mga sugat na ang iba pa nga ay halos bago pa lamang. Nagpasalamat ako sa kaniya nang matapos niyang talian ang mga sugat ko. Binigyan niya lamang ako ng tipid na ngiti at matapos ay naupo siya sa tabi ko at tumanaw sa bantay na nasa labas. “Bakit ka nila hinuli binata?” tanong ng matanda nang hindi nakatingin sa akin. “Espiya raw po ako galing sa ibang palasyo,” sagot ko naman. Iyon naman kasi ang sinabi nila kaya nila ako hinuli at dinala roon. “Akala ko naman ay napagkatuwaan ka lang din nila kaya ka dinala rito,” may pait na usal ng matanda. “Ano pong ibig ninyong sabihin? Iyan po ba ang dahilan kung bakit po kayo narito?” naguguluhan kong tanong at pumihit pa ako sa kaniya upang malinaw na makita ang magiging reaksyon n’ya sa tanong ko. “Oo, hindi lang ako. Halos karamihan ng mga narito at babago na lamang na may mapadpad dito na pinagbintangan na isang espiya. Nang sabihin niyang halos karamihan daw sa mga naroon ay napagkatuwaan lamang ay iginala ko ang mata ko sa loob ng kulungan kung nasaan ako at doon ko lamang napansin ang mga iba pang naroon na kaniya-kaniya ng sulot. Hapong-hapo ang kanilang mga itsura sa pagod at ang ilan pa ay nanghihina na. May narinig akong mga umuubo na sa halatang malala na ang dinaramdam. “Ano bang kulay ng mga mata mo upang pagkamalan kang espiya?” sunod na tanong ng matanda sa akin dahilan para muli akong lumingon sa kaniya at dahil maliwanag sa puwesto namin ay agad niyang nakita ang kulay ng mga mata ko at di ko inaasahan na magugulat siya nang husto. “Ngayon lamang ako nakakita ng gaya mong may magkaiba ang kulay ng mga mata,” gulat na gulat nitong sabi. “Heterochromia raw po ang tawag sa ganitong condition. Hindi ko po alam kung narinig mo na po ang salitang iyon,” “Sa totoo lang ay hindi pa sa tanda ko nang ito,” kaniya namang mabilis na tugon. "Ilang taon na ho ba kayo?" natanong ko dala na rin ng kuryosidad. "Animnapu't walo," malungkot niyang sagot at yumuko na lamang upang itago ang emosyon na iyon. "E, gaano na po kayo katagal na nakakulong dito?" "Hindi ko alam, ngunit simula nang maupo an bagong hari ay nag-umpisa na silang manghuli ng mga kalalakihan dahil kulang sila sa mga taong magtatrabaho para sa kanilang minahan," Nagulat ako sa narinig. Isang walang amor na hari ang kanilang namumuno. Isang kapitalistang walang puso. Lahat silang naroon ay mga payat at mahahaba na ang mga bigote't balbas. Isama ang mga buhok nilang nanlalagkit na at mga ngiping mahahalata ninuman na matagal-tagal na ring hindi nadaraanan ng sipilyo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD