Ilang minutong nabalot ng katahimikan ang loob ng selda. Naputol lamang iyon nang may sumigaw na lalaki. May narinig akong gulong na maingay. Itutulak, hihinto at maya-maya ay muling itutulak.
“Hoy! Ihanda n’yo na ang mga lalagyan ninyo nang mabilis tayo!” sigaw ng kawal na nasa labas nagbabantay.
Nagkaniya-kaniya ang mga nakakulong sa pagkuha ng mga lalagyan nila. Hindi ako kumilos dahil wala naman akong alam kung saan kukuha. Tumayo ang matanda na nakaupo sa tabi ko at nang bumalik ay may dala na siyang dalawang mangkok na gawa sa kahoy. Inabot niya ang isa sa akin at sinabihan akong tumayo na at makipili sa kanila upang mabigyan ako ng pagkain.
Pumila naman ako. Pumuwesto sa likuran niya. Narinig kong muli ang paggulong ng kung ano sa labas at maya-maya lang ay may humintong maliit na kariton sa aming harapan at may sakay na dalawang malaking kaldero. May sako rin na nakalagay na natanaw ko ngunit hindi ko alam kung anong laman niyon. Tulak-tulak ng isang lalaking napakataba ang kariton. Nakasuot ng apron at halos wala na itong leeg at ang mga mata ay singkit.
“Ihanda na ang mga lalagyan!” sigaw ng lalaking biglang sumulpot sa tabi ng matabang lalaki. Kung ano ang ikinataba ng lalaking may tulak ng kariton, siya namang ikinapayat ng sumulpot. Napakapayat nito at siya ang may dala ng sandok. Siya ang nagsandok sa kalderong malaki at nilagyan ang mangkok ng preso na nakapila sa harapan namin. Inabutan siya ng tinapay ng matabang lalaki galing sa sako. Tinapay pala ang nakalagay roon at pira-piraso.
Nang mangkok ko na ang lalagyan nila ay nagulat ang dalawang nagbibigay ng pagkain sa akin.
“May bago pala tayo rito at isang magandang lalaki!” bulalas ng payat na may hawak ng sandok.
Natanaw ko ang mga preso sa kabilang kulungan na sumilip sa rehas na kanilang selda para lang tanawin ako. Napansin ko ang bigla nilang pag-iling at matapos akong makita ay muli silang nagtago sa dilim.
Nilagyan ng sabaw ng payat na lalaki ang mangkok. Mangkok na hindi ko alam kung malinis ba. Ang sabaw nila ay tubig lang halos talaga. Hindi ko makita ang kulay dahil madilim ngunit may naaninag akong mga dahon na sumama. Ang tinapay ay kasing laki ng palad ko ngunit matigas at parang bato. Bukod pa roon, sunog at halos itim na ang kulay nito.
Nang makakuha ng pagkain ko ay hinanap ko si tatang. Nakaupo siya sa isang sulok at nakatingin siya sa direksyon ko nang siya ay aking matanaw. Lumapit ako at naupo sa tabi niya. Doon lang siya humigop ng kaniyang sabaw at nagsimula na siyang kumain nang makalapit ako.
Kumurot siya sa tinapay at sinawsaw sa sabaw. Ako naman dahil uhaw ay naisip kong humigop muna at doon ko napagtanto na walang lasa ang sabaw na hinihigop at pinagsasawsawan nila. May pait akong nalasahan sa dila ko nang malunok ko na at napangiwi na lamang.
“Wala talagang lasa ‘yan. Kumain ka na lang at gayahin mo ako para kahit papaano ay malagyan ng laman ang iyong tiyan,” usal ni tatang nang hindi tumitingin sa akin.
Ginaya ko nga siya. Pumunit sa tinapay na kasing tigas ng bato halos at sinawsaw sa sabaw na walang lasa. Buti pa ang tinapay may lasa. Sobrang pait dahil sunog at napasobra sa asin. Napalingon ako sa ibang mga naroon. Siguro ay nasa mahigit dalawampu rin kami lahat doon. Maluwang naman kasi ang ang kulungan nila. Lahat sila ay mukhang gutom na gutom. Kahit walang lasa at sunog ang tinapay ay pinatatyagaan nila para may pantawid-gutom. Nakakaawang pagmasdan ang mga presong narito at ang malamang hinuli lang sila, kinulong na wala namang ginagawang masama ay masyadong nakakapang-init ng ulo.
Sa inis ko ay naubos ko ang tinapay sa kakakagat. Doon ko kinagat ang gigil ko habang nakatingin sa kawal na nagbabantay sa labas at saka nilagok ang sabaw na parang tubig. Nang matapos ako ay kinuha ni tatang ang mangkok sa akin at sinahod niya sa tumutulog tubig mula sa batong kisame. Ayaw ko nang alamin kung saan galing ang tubig dahil baka bigla na lamang akong maduwal at iluwa ang lahat ng mga kinain.
“Hindi ba ang sabi mong pinabintangan ka nilang espiya?” tanong ni tatang nang bumalik at maupong muli malapit sa akin.
“Opo,” sagot ko at bigla siyang umurong mas malapit sa akin at saka ito binulong.
“Saang kaharian ka nagmula?”
“Hindi po ako espiya, napagbintangan lang po talaga. Hindi ko nga po alam kung paano ako napunta sa lugar po ninyo,” mahina kong sagot.
“Paano nangyari iyon? Posible ba ‘yon?”
“Siguro po dahil wala naman po ako rito ngayon kung hindi,”
Bakas sa mukha niya ang pagkalito nang lingunin ko siya. Hindi ko naman siya masisisi dahil maging ako man ay naguguluhan din at gusto kong malaman ang mga sagot sa mga tanong sa isip ko na mukhang hindi ko makukuha sa rito sa loob ng kulungan ang mga sagot.
“Teka lang, ang gulo yata. Mag-umpisa nga tayo sa simula. Sino ka ba talaga? Ang pangalan mo at saang lugar ka galing kung hindi ka tagarito sa Harmonia?” sunod-sunod niyang tanong.
Dahil natanong na niya, nagpakilala na ako nang maayos. Sinabi kung sino ang mga magulang ko, tagasaan ako at kung ano ang nangyari sa akin bago ako napadpad sa lugar nila. Pagkatapos kong magkwento ay nagulat ako nang makitang lahat ng mga kasama namin doon ay nakatingin na pala sa akin at gaya ni tatang ay bahagyang nakanganga at hindi makapaniwala sa kwento ko. Natapos ang kwento ko sa pagdakip ng limang kalalakihan sa akin.
Ilang segundo muna ang dumaan bago nag-react si tatang. Siguro ay nahuli ang paghigop ng utak niya ng mga sinabi ko.
“Mukha namang totoo ang kwento mo at hindi gawa-gawa,” komento ng matanda.
Nakita kong tumango ang ilang naroon. Niyaya ako ni tatang sa isang sulok at doon ibinigay sa akin ang lahat ng impormasyon tungkol sa kanilang mundo na dapat kong malaman.
Ayon sa matanda ay nasa mundo raw ako na kung tawagin nila ay Harmonia. Nahahati raw sa limang parte ang kanilang mundo na may apat na kaharian. Kasalukuyan raw akong nasa Rock Valley at ang tatlo pang mga kaharian ay matatagpuan naman sa Wind Valley, Sun Valley, Water Valley at ang isa pang parte ay tinatawag nilang Devlin na isa na lamang kulungan at tapunan ng mga makasalanan at mga napagbintangan lamang.
Nahiwagaan ako sa napangbintangan lamang na tinutukoy niya ngunit dahil hindi pa siya tapos sa pagkukwento ay hinayaan ko muna siya at saka na lamang ako magtatanong kapag tapos na siya.
Ang apat na kaharian daw na ito may iba't-ibang mga paraan ng kanilang pinagkukunan. Bawat isa ay may ginagampanang tungkulin na lahat ng kaharian ay nakikinabang, ngunit nitong nagdaang mga taon daw ay nagkakaroon ng problema sa pagitan ng apat na kaharian at kalaunan pati mga wala namang kasalanan ay nadadamay at pinagbuntunan ng galit ng hari ng Rock Valley.
Bagong hirang lamang ito at ilang taon pa lamang mula nang maupo ngunit napakarami na raw negatibong komento ang mga tagaroon sa kanila tungkol sa kaniya at ang magsabi lamang daw ng masama patungkol sa kanilang hari ay maaari na silang makulong kapag sila ay nahuli. Kung mayroon lang daw sanang ibang maaring maupo upang kanilang maging pinuno ay baka hindi raw sana ganoon ang nangyayari.
Namatay ang una nitong asawa na kaniyang labis daw nitong minahal at hindi na siya nag-asawa pang muli. Wala ring naiwang anak at ang nakababatang kapatid nito na lamang na nag-iisa ang pinakamalapit na kamag-anak. Kaya naman wala silang magawa kundi tanggapin ang kapalaran ng Rock Valley sa kamay ng sakim na kapatid ng dating hari.
Nag-umpisa raw ang di pagkakaunawaan sa pagitan ng apat na kaharian nang siya na ang naupo sa trono. Mas pinapairal daw kasi nito ang kaniyang kasakiman imbes na maging patas sa lahat. Ganid at makasarili ang hari nila ngayon. Walang awa at hibang.
“Baka may makarinig sa iyo tatang!” suway sa matanda ng isang kasama namin doon matapos marinig na sabihin ng matanda sa akin ang mga salitang gaya nang ganoon.
“Hayaan mo! Wala na ‘kong pakialam kahit ipatapon nila ako sa Devlin. Mas mainam pa nga roon kesa sa kulungang ito,” matapang na sagot ng matanda sa nagsalita.
May mga narinig akong mga sumang-ayon. Na-curious tuloy ako bigla sa lugar na iyon. Nagpatuloy na si tatang sa pag-kwento. Aniya, nagsimula raw nang kalbaryo ng lahat ng mga taga-Rock Valley dahil sa kasalukuyang hari. Nais niya raw taasan ang presyo ng kanilang produkto dahil di hamak na mas mahirap daw pagkuha at napakarami panf mga prosesong ginagawa para lamang maging bakal at mga kagamitan ang isang bato.
Minahan kasi ang kabuhayan ng mga taga-Rock Valley, sa Wind Valley ay paggawa ng mga kasuotan, paghahabi ng tela at paggawa ng mga kasangkapan. Sa Sun Valley naman ay pagtatanim at paghahayupan ang kanilang kabuhayan dahil sa lawak ng kabukiran roon at mataba ang lupa, habang sa Water Valley naman ay pangingisda at paggawa ng mga sasakyang pangtubig.
Labis na ikinagalit ng tatlong mga kaharian ang balitang iyon. Kailangan pa naman din nila ng mga productong galing doon. Nainis ang hari ng Sun Valley sa biglaang pagpapasya na iyon at sinabi niya rin na hindi siya magpapadala ng mga inani nila roon.
Kaya raw ang sabaw kanina ay mga dahon lang. Mukhang d**o pa nga raw ang mga iyon.
Ganoon din ang ginawa ng dalawa pang kaharian kaya naman ngayon ay sapilitan silang nanghuhuli ng mga kalalakihan upang patrabahuhin at makagawa ng mga armas na gagamitin sa pinaplanong pagsalakay sa tatlong mga kaharian. Pagsalakay at pagsakot ang plano.
Hindi sang-ayon ang lahat ng mga nakakulong sa bagay na iyon. Ayaw nilang may dugong dadanak dahil marami silang mga kakilala’t mga kaibigan na nakatira sa mga lugar na nais salakayin ng kanilang hari. Ang mga tao raw sa lugar nila ngayon ay takot na takot para sa kanilan mga buhay. Nagtatago kapag nakakakita ng kawal ng palasyo at halos hindi na sila makapaghanap ng makakain nila dahil lagi na lamang silang nagtatago sa kani-kanilang mga bahay.
Iyon pala ang dahilan kung bakit biglang nagsipasok ng mga bahay nila ang mga nakita kong mga tao nang parating kami. Naiintindihan ko na ngayon.
Isa pa raw ang hindi makatarungan na nangyayari sa Rock Valley ngayon ay ang walang maayos na paglilitis na nagaganap sa mga nakukulong. Kahit napagbintangan o kaya naman ay nahuli lang sa pagnanakaw ng pagkain ay ipinatatapon na agad sa Devlin. Kaawa-awa ang mga pamilya ng mga ipinatatapon sa lugar na iyon.
Dahil nabanggit niya ulit ang ngalan ng lugar, naisinggit ko na ang tanong ko.
“Anong klaseng lugar po ba iyon?”
“Isang lugar iyon na walang katapusang kadiliman. Hindi sinisikatan ng araw kaya naman hindi nabubuhay roon ang anumang mga halaman. Doon matatagpuan ang mga mababangis na mga hayop na pagkain ng mga sariwang laman ang nais,” sagot ng lalaking nakakubli sa dilim.
Napalingon kaming lahat kung saan nanggaling ang boses nang nagsalita at maya-maya lang ay may paggalaw mula roon at naglakas palapit sa amin ang isang malaking lalaki. Matipuno at matangkad. Kapansin-pansin ang peklat sa kaniyang mukha. Tatlong pahalang na peklat mula sa pisngi papunta sa kaniyang panga. Halatang malalim ang pagkakasugat niyon noon. Nag-iwan lamang ng peklat nang maghilom.
Hindi ko siya nakita kanina nang nagbibigay ng pagkain. Humikab at nag-unat ang lalaki na napag-alaman kong Maximus ang kaniyang pangalan.
“Nakita na niya ang Devlin. Doon siya ipinanganak at lumaki. Nagawa lamang niyang makaalis ngunit dito sa kulungan naman ang kaniyang bagsak,” wika ni tatang sa akin.
“Hindi mo nanaman naabutan ang pagkain,” narinig kong sabi ng isang lalaki na nilapitan ni Maximus.
“Sanay akong hindi kumakain. Sapat na ang matulog nang matagal para mabawi ko ang lakas ko at kahit kumain naman ako ay wala rin namang sustansiya ang mga pagkain na ibinibigay sa mga preso. Di bale, kapag nakalabas tayo ay papakainin ko kayo ng masasarap. Maraming alak at mga magagandang babae,” mahaba niyang sagot sa kausap.
Nasa isang sulok lang sila na abot ng liwanag. Mahina niya lang sinabi iyon ngunit dinig sa loob at hindi sa labas. Mukhang balak ng mga ito na tumakas.
“Nasaan na ang bagong huli? Nasaan na ang espiya?” malakas na mga tanong ng kawal na bigla-bigla na lamang sumulpot sa harapan ng rehas ng aming selda.
“Ikaw yata ang hinahanap,” usal ng isang payat na payat na lalaki sa akin.
Tumayo ako at napalunok. Halos ayaw humakbang ng mga paa ko palapit sa kawal na sumigaw. Napalingon ako kay tatang. Binigyan niya ako nang may pag-aalalang sulyap. Yumuko siya na parang sinabing patawad dahil wala siyang magagawa para sila’y pigilan.
Dahil hindi pa ako kumikilos sa aking kinatatayuan, binuksan na ng kawal na nasa labas ang selda at siya na ang pumasok para sa akin. Ikinabit ang posas na kaniyang hawak sa magkabila kong kamay at saka ako tinulak palabas. May isa pang kawal na lumapit at siya na ang nagsara ng selda. Kinabitan nila ng kadena ang posas kong suot at hinila niya ako. Kung saan papunta, hindi ko alam.