Chapter 6

2201 Words
James Point of View "Bilisan mo!" Pasigaw na utos ng lalaking sumundo sa akin sa selda kasabay ng isang malakas tulak. Muntik na 'kong madapa dahil sa ginawa niyang iyon. Kumalansing ang kadenang nakadugtong sa posas kong suot at nahatak niya iyon kaya naman nabigla ang hila ng mga braso ko at nagasgas ang balat. Mabilis din naman akong nakatindig matapos iyon at mas binilisan ang mga hakbang upang masabayan ang isa pang nasa harapan namin at may hawak ng isang sulong may apoy na nagbibigay liwanag sa madilim na lagusan na aming tinatahak. Halos hindi ko na nga maiangat ang mga binti ko nang mga oras na iyon dala ng kabang nararamdaman. Nangangatog kasi ang aking tuhod kaya ang hakbang ko ay maliliit kumpara sa kanila na mabibilis at parang nagkakarerahan na halos. Saan naman kaya nila ako ngayon dadalhin? Ang dalawang kasama ko ay walang mga suot na maskara ngayon. Hindi ko alam kung sila rin ang mga humuli sa akin. Ang layo ng nilakad namin. Ilang beses ding lumiko sa mga sanga-sangang daan. Kung ilan, hindi ko nabilang. Basta ang alam ko ay napakarami at humigit kumulang na sampu. Napansin kong pababa ang kami. May mga daanan kasing halos mapadausdos ang paa kong masakit na dahil sa mga matatalim na batong naapakan ko. Pumasok kami sa isang selda na napakalayo sa pinangalingan namin. May mga nakakulong akong nakita ngunit hindi kasing dami ng mga nakasama ko kanina. Isa o dalawa lamang ang mga preso sa mga kulungan na nadaanan namin. Isa pang napansin ko ay mas nakakatakot ang atmospera na bumabalot sa lugar na iyon na para bang may kasamaan at matinding paghihirap na nagaganap sa lugar na iyon. Pinapasok nila ako sa isang bakanteng kulungan. Buong akala ko ay tatanggalin na rin doon ang posas kong suot ngunit imbes alisin ay isinabit ng lalaki ang hawak niyang kadena sa bilugang bakal na nakasabit gamit ang mahabang bakal na inabot sa kaniya ng kasama naming may hawak ng sulo. Nang ma-shoot ay saka naman niya sinungkit at nang maabot na niya ay kaniya namang hinila iyon. Nahila rin ang mga braso ko pataas. Nagdagdagan ang kabog ng dibdib ko nang may maalalang mga pelikula na mga ganito. Mga lalaking dinadala sa dungeon upang doon i-torture at paaminin sa mga bagay na kanilang ginawa o kaya naman ay piliting sabihin ang kanilang mga nalalaman. “Anong balak n’yong gawin sa’kin?” Natataranta kong tanong ngunit walang sumagot sa kanila. Mas lalo akong kinabahan nang lagyan din nila ng kadena ang magkabila kong mga paa. “Tekaa! Anong gagawin n’yo sa’kin?” ulit ko at pilit inilalayo ang isang paa kong hindi pa nalalagyan ng kadena na nakabaon ang ibang parte sa batong inaapakan namin. “Tulungan mo nga ako rito!” hingi ng saklolo ng lalaking nagkakadena ng paa ko sa kaniyang kasama. Nilapitan niya ‘ko at biglang sinikmuraan. Nabigla ako sa ginawa niyang iyon. Namilipit ako sa sakit at naramdaman ang biglaang panghihina dahil sa ginawa niyang iyon. Napayuko na lamang ako habang nakataas ang dalawang mga braso sa ere. May narinig akong mga yabang ng mga paa. Palakas nang palakas. “Iyan ba ang tinutukoy ninyong espiya?” tanong ng kung sinong basta na lamang sumulpot sa eksena. Nanghihina pa ‘ko kaya hindi ko magawang mag-angat ng ulo upang alamin kung sino ang dumating na iyon. Ang lakas suntok na binigay ng isang kawal sa sikmura ko at kahit sino siguro na susuntukin nang ganoon kalakas ay manghihina rin at mamimilipit na lamang sa sakit na nararamdaman. “Siya nga iyon kamahalan,” narinig kong sunod. Sa pagkakataong iyon ay pamilyar na ang boses. Hindi ako pwedeng magkamali. Sigurado akong siya iyon. May yabag na palapit at mula sa pagkakayuko ko ay may nakita akong pareng ng malaking mga paa. Nakasuot ito ng sapatos na sa itsura pa lamang ay alam kong gawa sa balat ng buwaya. Istilong bota iyon. Naramdaman ko ang paghawak sa baba ko. Inangat ang aking ulo. Hinayaan ko na lamang ang ulo ko na magpatangay at sa pagtapat ng paningin ko sa mga mata ng taong nasa harapan ko ay nagimbal ako sa tindi ng kasamaang nakita ko sa kaniyang mga mata. Agad sumagi sa isip kong baka iyon ang haring tinutukoy nilang sakim, ang walang awang si Ramsy. Nakangisi pa ito habang nakatitig nang diretso sa mga mata ko at mukhang manghang-mangha sa kaniyang nakikita. “Interesante! Anong mahika ang ginamit mo upang magawa mong gawing magkaiba ang kulay ng iyong mga mata binata?” tanong nito sa akin. Issue talaga sa kanila ang magkaibang kulay na mga mata ko. Mukhang kahit naman ipaliwanag ko ay hindi rin paniniwalaan ng taong ito gaya nang sabihin ko kay Tatang na heterochromia ang tawag sa kondisyong mayroon ang mga mata ko. Hindi na lang ako nagsalita. Binitawan na niya ang mukha ko nang pabalibag. Patulak palayo sa kaniya. Halos lumagutok ang leeg ko. Bumaling ako pabalik at nagawa nang iangat ang ulo matapos makabawi ng lakas. Nakita kong kausap ng Hari ang dalawang kawal kanina at tama nga ako. Ang Heneral na ang boses na narinig ko kanina. Maya-maya pa ay umalis na ang hari kasama ang Heneral at hindi na ito nakasuot ng maskara. Hindi ito nakatingin sa akin ngunit pinag-aralan ko ang mukha niya bago ito tumalikod. Bata pa ito. Nasa edad tatlumpu. Mas malinis siyang tignan kesa sa dalawang kawal na nagdala at nagkadena sa akin. May kakaiba sa kaniya. Seryoso lang ang kaniyang mukha ngunit napakahirap naman basahin parang walang pinagkaiba kung may suot siyang maskara. Ang Hari naman nila ay na may dalawang pares ng malalaking mga mata ay nanasuya ang pagmumukha. Iyon bang mawawalan ka na lang ng balak kausapin dahil sa nakakatakot nitong ngisi at ang mga matang batid mo sa unang tingin na may masamang balak at anumang oras ay may gagawing masama. Hindi ako makapaniwala na may ganito palang tao rito. Daig pa ang nakahithit ng ilang gramong ipinagbabawal na gamot sa sobrang high niya. Sa pag-alis nila ay naiwan ang dalawang kawal sa loob ng selda. Ilang segundo pa lamang nakakaalis ang Hari at ang Heneral, may isang lalaking maskulado naman ang pumasok at may hawak itong latigo. Napaawang na lamang ang labi ko sa nakitang hawak niya. Gusto kong magtanong sa kanila at magmakaawang huwag nilang gagawin ang binabalak nila ngunit parang nalunok ko yata ang dila ko at walang anumang salita ang lumalabas mula sa bibig ko. HIGIT ISANG ORAS nila akong nilatigo, sinusuntok at sinisipa. Pinipilit magsalita at sagutin ang tanong nila kung sang kaharian ako galing. Panay wala ang sagot ko ngunit walang sa kanila ang naniwala. Huminto lang sila nang mapagod at nang maramdamang wala silang mahihita sa akin. Inalis nila ang nakakadena kong mga paa at ang kamay kong nakataas ay ibinaba na nila. Inalis na rin nila ang posas sa aking mga kamay. Para akong lantang gulay na bumagsak na lamang sa sahig. Napayakap sa sarili kong katawan na namamanhid na halos dahil sa sobrang pagkakabugbog at sakit. Iniwan na nila ako sa madilim na kulungang iyon nang mag-isa. Malamig ang magaspang na batong sahig. Bawat kilos ko maliit man o malaki ay may nararamdaman akong pagkirot sa aking kalamnan. Gusto kong mahiga ngunit hindi ko alam kung anong posisyon ang mainam gayong pati yata kaloob-looban ko ay inabutan ng latay. Nagmakaawa ako sa kanila na itigil na ngunit mga bingi sila. Mukhang sanay na sanay sa pagpapahirap ng mga bilanggo. Alam na alam kung saan parte ang masakit kapag tinamaan ng kanilang kamao at ang gamit nilang latigo. Nanghihina na ako. Pagod at nauuhaw. Gusto kong uminom ngunit mas gusto kong magpahinga na ngayon. Nakatulog ako ilang segundo lamang ang lumipas. Hindi na alintana ang tigas ng hinihigaan na unang pagkakataon ko lamang nagawa. Dala na rin ng pagod ay nahimbing ako sa pagtulog at nagising sa isang malakas na tadyak sa aking binti. Naalimpungatan ako. Isang kawal ang namulatan ko sa aking paanan. Siya marahil ang sumipa sa akin dahil siya lamang naman ang naroon. “Bumangon ka na r’yan espiya!” bulyaw nito sa akin. Pinababangon ako hindi niya ba alam kung gaano ako kahapung-hapo dahil sa p*******t nila sa akin kagabi? Gusto ko sanang itanong sa kaniya iyon ngunit baka lalo lang nila akong saktan kaya naman pinilit kong bumangon. Muli niya ‘kong sinuotan ng posas at inutusang tumayo. Dahan-dahan ang naging kilos ko. Masakit ang braso, tiyan, binti, ang aking mukha at ang pumutok kong labi. Hindi ko rin maidulat maigi ang kaliwang mata ko. Namama at kahit hindi ko tignan ang repleksyon ko ay alam kong kaawa-awa ang itsura ko nang mga oras na iyon at wala nang ikukumpara ang sakit na nararamdaman ko ngayon sa naranasan ko noong nagkaroon ako ng matinding sakit sa balat bago namatay at napadpad sa lugar na ito. Pakiramdam ko sa mga oras na ito ay napakasama kong tao para maparusahan ang danasin ang ganitong klaseng buhay. Oo, buhay nga ako sa ibang lugar ngunit bakit naman ganito? Sa mga libro ko lang nababasa ang mga ganito. Sa pelikula kung saan may mga portal, o kaya naman nabubuhay nang muli sa ibang dimensyon, ngunit ang lugar na 'to ay napakasama at gulo. May mga walang puso, di makatarungan ang batas, di pantay-pantay ang pagtrato sa mga tao at higit sa lahat, walang kalayaan. Wala akong ideya kung nasa nakaraan ba ako. Wala ring clue kung nasa ibang dimensyon o ibang mundo ba ito. Basta! Magulo ang lahat. Kulang-kulang ang impormasyon at parang puzzle na napakaraming piraso na kailangan kong hanapin at buuin bago ko maintindihan ang lahat. Nakakabaliw. Wala akong mapiga sa utak ko na karagdagang salita upang maipaliwanag ang lahat ng nagaganap ngayon sa buhay ko. Sana lang narito si Mama o si Papa. Baka alam nila ang sagot. Baka matulungan nila ako. PARANG ZOMBIE ako habang naglalakad. Lagkit na lagkit sa sarili ko. Naghalo ang dumi, pawis at natuyong dugo mula sa sugat ko. Naamoy ko na ang sarili ko na walang ligo. Nakayuko ang aking ulo habang naglalakad. Hindi na tinitignan ang daan halos at parang asong nakatali at hinihila ng kaniyang amo. Dinala niya 'ko sa labas. Nasilaw ako sa liwanag na sumalubong sa akin. Masakit sa mata. Biglang humapdi ang balat ko nang tumama ang sikat ng araw. Muling hinila ang kadena kaya sumunod ako. Pakiramdam ko ay kumapal na ang kalyo sa talampakan ko dahil hindi na sumasakit kapag nakatatapak ng matatalim na bato. Inangat ko bahagya ang ulo ko nang makarinig ng mga boses at nakita ang napakaraming mga bilanggo na nasa labas at may hawak na pala, maso at asarol. Nahinto sila sa mga ginagawa at napalingon sa akin. Sinubukan kong hanapin si Tatang sa mga bilanggong naroon ngunit hindi ko siya nahanap. Napakarami kasi nila. Nakatanggap na ng tadyak ang mga huminto sa kanilang mga ginagawa dahil napasulyap sa akin. Inabutan ako ng isang kawal ng asarol. Magtrabaho raw ako kung gusto kong makakain. Parang mas gusto ko na lang hindi kumain para sa araw na iyon kesa pilitin ang sarili ko na magtrabaho ng mabigat. Isang malaking minahan pala ang lugar na iyon ngunit bukas at mga tipak ng bato ang binabasag. Ito nga ang Rock Valley, puro bato at halos wala akong makitang parte na may lupa. Halos walang lakas ang bawat hampas ko sa bato gamit ang asarol na aking hawak. Pukpok dito at pukpok doon kahit wala naman akong nababasag. Ganoon ang ginagawa ko nang biglang magkagulo di kalayuan sa kung saan ako nakapwesto. Nakarinig ako ng sigawan at sunod na nangyari ay may humatak sa akin at wala akong nagawa kundi ang tumakbo. Si Tatang pala iyon. Nakihalo kami sa mga bilanggo na nagtatakbuhan na at nais makatakas mula sa lugar na iyon. May ilang tumalon sa bangin habang ang iba ay naitulak lang kaya nahulog. Hindi magkandaugaga ang mga kawal sa pagpigil sa amin. Kaunti lang sila na naroon at napakarami naman ng aming bilang. Naglabas na ng mga espada ang mga kawal at nakakuha ng utos mula sa hari na pigilan kami o kaya'y tapusin na. Narinig ko iyon. Nakita kong parating ang mga kawal na may suot na maskara at batid kong isa roon ang kanilang Heneral. Hinarap ako ni Tatang sa kaniya. Seryoso niya akong tinignan at sinabing pumunta ako sa mga kaharian at dahil ang balita na may balak ang Hari ng Rock Valley na salakayin ang tatlong kaharian. "Paano po kayo Tatang?" nag-aalala kong tanong. "Huwag mo na kong intindihin. Laban ng mga mamamayan ng Rock Valley ito kaya umalis ka na binata," kaniyang sagot sa akin. "Pero Tatang-" "Sige na! Patawad sa gagawin ko ngunit ito lang ang paraan para makaalis ka rito. Tumakbo ka lang hanggang kaya mo at lumayo. Magtago at magmasid. Makakaligtas ka kung susundin mo ang mga sinabi ko. Mayaman ang gubat sa nga makakain at gamot. Maghanap ka lang at matutulungan kang ibalik ang 'yong lakas at mabibigyan ka ng mabilisang lunas." putol niya sa nais ko pa sanang sabihin. "Mag-ingat ka binata," dagdag niya pa bago ako tinapik sa braso. Mahina lang ngunit sapat upang maitulak ako. Sa kung saan, sa bangin lang naman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD