Chapter 7

1733 Words
Nang itulak ako ni Tatang sa bangin ay sa mga graba ako bumagsak at ang mga basag na bato iyon ang siyang nagdala sa akin sa pinakapaanan ng mataas na batong bundok na iyon. Nadagdagan ang mga sugat ko sa buong katawan ng mga gasgas mula sa mga matatalim na graba habang ako ay dumadausdos pababa. Pinakamasakit sa likod at sa puwetan dahil iyon ang parteng baldado. May kasamang alikabok at nakakapuwing sa mata dahil may halos mga napinong bato. Pumikit na lamang ako at niyakap ang sarili at naghintay makarating sa pinakaibaba. Nang makarating ay sinalubong ako ng makapal na alikabok na nagpaubo nang husto sa akin. Takip ang bibig gamit ang isang kamay habang panay ang ubo dahil parang pumasok din sa bunganga ko ang alikabok na nagpatuyo ng lalamunan ko. Sa aking pagtayo at sa pagnipis ng alikabok na nasa paligid ay isang espada naman ang humarang sa daraanan ko. "Sa tingin mo ba ay makakatakas ka rito?" tanong sa akin ng kawal na may hawak ng espadang iyon. Sa mukha ko nakatutok ang dulo ng espada niya at nang iangat ko ang tingin sa kaniyang mukha ay nakita kong wala itong suot na maskara gaya ng lima na humuli sa akin nang nagdaang araw. Itinaas niya ang espada niya at akmang hihiwain na ako nang walang ano-ano ay may malaking bato ang tumama sa ulo ng lalaki dahila para mahilo at mawalan ito ng malay. Sa akin siya babagsak kaya naman agad akong umatras. Natumba siya pasubsob sa mga graba at nasa pagitan ng dalawang hita ko at halos tumalon na ang puso ko sa kaba kanina dahil buong akala ko ay mahahati na ako sa dalawa. "Binataaa takbo naaa!" Narinig kong sigaw ng kung sino. Dali-dali akong tumayo at nagpalinga-linga sa paligid upang hanapin ang sumigaw at ang naglistas sa akin at nang makapagpasalamat na rin. Nakita ko ang isang lalaking hindi ko kilala sa di kalayuan. Hindi pamilyar ang mukha niya. Hindi ko sigurado kung kasama ko siya sa selda kung saan ako unang dinala o sa malayong parte ng kulungan kung saan ako pinahirapan ng mga walang-hiya. Patakbo na ito ngunit natamaan siya ng palaso sa binti kaya napaluhod sa mga basag na bato. Napahiyaw na lamang ito sa sakit dahil sa lalim ng pagkakabaon ng palasong tumama sa kaniya. Hinanap ko kung saan galing. Baka mamaya ko naman ang puntiryahin. Nais ko sana siyang lapitan upang tulungan ngunit bigla naman siyang sumigaw. “Umalis ka na! Hayaan mo na ‘ko!” kaniyang malakas na sabi habang hawak ang binti at sinusubukang hugutin ang palaso. Naisip ko bigla si Tatang at ang iba pang naiwan ko sa bundok na bato. Nasaan na kaya siya? Naroon pa kaya siya sa taas o nakababa na kasama ng iba? Kumilos na 'ko kahit masakit pa rin ang katawan. Sumabay sa mga tumatakas na bilanggo. Tumakbo sila sa iba't-ibang mga direksyon na labis kong ipinagtaka habang ako na paika-ika ang lakad at takbo ay hindi alam kung saan ang daan na aking tatahakin o susunod ba ako sa kanila. Takbo lang daw ngunit hindi ko nga alam kung takbo ba ang ginagawa ko. Basta kailangan ko lang makalayo at makatakas sa mga nanghuhuli sa amin. Sobrang sakit ng buo kong katawan dahil ginawa nila sa aking pagpapahirap para lang umamin na isa akong espiya. Habang tumatakbo ay may nakita akong bilanggo na natumba matapos matamaan ng palaso sa likod. Nanlaki ang mga mata ko dahil malapit lang sa akin ang isang iyon. Binilisan ko ang mga hakbang habang palinga-linga. May narinig aking parang sipol palapit sa direksyon ko. May bumulong at sinabing yumuko raw ako. Ginawa ko naman dahil sa takot at sa pagyuko ko ay isang palaso ang dumaan sa buhok ko at tumusok sa mapulang lupa. Halos matawag ko na ang lahat ng santong kilala ko sa takot. Mabuti na lamang pala at pinakinggan ko ang boses na iyon dahil kung hindi ay baka natulad ako sa lalaking natumba na ngayon. Baka instinct ko at nagawa akong iligtas sa kamatayan. “Salamat self!” turan ko sa sarili ngunit nangingig na sa takot. Nagpatuloy na 'ko sa pagtakbo. Malapit na 'ko sa gubat. Doon makakapagtago ako nang husto dahil sa mga punong naroon at malayo-layo na rin iyon sa batong bundok na pinanggalingan ko. Nang makapasok sa kagubatan ay sinalubong ako ng malamig na hangin. Halos yakapin ko rin ang punong sa sobrang kapaguran. Nagtago ako sa likod niyon at sumandal panandalian. Kailangan ko lang magpahinga sandali at muli ring magpatuloy upang makalayo na nang tuluyan. Matapos ang ilang segundo ay nagpatuloy na ako. Hindi maganda kung magtatagal ako sa lugar na iyon. Baka may mga kawal na nasa baba na at hinahanap ang ibang bilanggo gaya ko. Ang sabi ni Tatang ay mayaman ang gubat dito sa mga makakain at mga lunas ngunit paano naman ako makakahanap at paano ko malalaman ang alin sa alin? Wala akong alam sa mga halamang gamot. Ang kilala ko lang oregano at lagundi na parehong gamot sa ubo. Pagdating naman sa mga prutas ang mga kilala ko lang ang itsura ng puno ay mangga, kalamansi, niyog at saging. Ito lang kasi madalas kong makita nang personal mismo at bukod pa sa apat na ito ay papaya na mayroon kaming tanim sa bahay. Bahala na nga! Baka naman maraming saging dito. Iyon naman ang madaling kainin kumpara sa niyog na kailangan pang basagin o di kaya ay itakin para makuha ang sabaw at laman nito sa loob. Dito na yata masusukat ang survival skills ko na nasa isip ko lang at sa mga online games ko lang nagagawa. Ngayon lang dito sa lugar na ito ako nakarating o nakapasok sa mga kabundukan sa tanang buhay ko. Ngayon lang din sa lugar na ito ko naranasan na mapahirapan nang ganito. Ni ayaw nga akong palabasin o pahawakin man lang ng kutsilyo ng Nanay ko. Kahit pagbabalat ng mansanas ay ayaw niya pang ipagawa sa akin pero rito, ilang beses na bang tinutukan ako ng espada? Tinusok na rin kahapon ng dulo, Gusto ko na ngang umiyak kaso kabaklaan naman kung hahagulgol akong parang bata rito at baka mamaya ay marinig pa nila ang iyak ko at matunton pa nila ‘ko. Hindi na lang. Susubukan kong mabuhay rito para makabalik sa mga magulang ko. Kung posible pa ba. Malayo-layo na rin siguro ako dahil ilang minuto na rin naman akong naglalakad at tumatakbo. Huminto muna at napahawak sa sanga ng punong nakaharang sa aking daraanan. Napatingala ako at nakitang nasa bandang gitna na ang araw. Siguro’y nasa bandang alas onse na iyon. Lumingon ako sa paligid at naghanap ng pamilyar na puno na makukuhanan ng bunga upang magamot ang kumakalam kong sikmura ngunit wala akong makita mula sa kinatatayuan ko. Habang naghahanap ay nanginig bigla ang magkabilang binti ko kaya napalapat nang husto ang likod sa punong aking sinasandalan. Pagod na 'ko at kumakalam na rin ang tiyan. Nahihilo na rin sa pagod at pinagpapawisan ng malamig. Masakit ang mga paa at binti, isa mo na rin lahat; Ang buo kong katawan. Paanong hindi magugutom, isang maliit na mangkok na sabaw lang na walang lasa at tinapay na matigas ang hapunan na ibinigay sa aming mga bilanggo. Hindi ko maisip kung paano sila nakakatagal sa ganoong lugar at nakakukuha na lakas sa pagtatrabaho sa araw-araw kung ganoon lang ang mga kinakain nila. Nauuhaw na ‘ko. Naisip kong maghanap ng batis o ilog nang makainom ng tubig. Pinakinggan ang mga ingay sa paligid. Ginaya ang napanood ko sa pelikula kung saan pinakikinggan nila kung saan may talon o umaagos na tubig dahil doon din matatagpuan ang ilog o di kaya ay batis. Dismaydong napaupo na lamang ako lupa at isinandal ang likod sa puno. Pagod na pagod na ang mga binti ko para lumakad pa. Namamanhid na halos at ayaw nang kumilos. Nanginginig na rin ang kalamnan epekto ng gutom. Ang mga mata ko ay unti-unti nang pumipikit hindi dahil sa masakit pa rin ang namamaga kong kaliwang mata kundi dahil nahihilo na ako nang husto at nanghihina. Hirap na rin ako sa paghinga. Mabigat ang dibdib sa hingal at kabog ng puso kong kaybilis. Baka rito na ‘ko talaga matatapos? Baka pagpikit ko nang mata ko ngayon ay matuluyan na talaga ako at langit na talaga ang mumulatan ko. Hindi naman ako masamang tao para sa impyerno mapunta ngunit kung impyerno na ito ngayon at umpisa pa lamang nang pagpapahirap sa akin ay masyado naman yata itong pagpaparusa nila para sa isang gaya ko na wala namang maalalang ginawang masama noong nabubuhay pa. Sila pa nga ang may mga kasalanan sa akin at mga panghuhusga, pati na ang pandidiri na natanggap ko sa kanila. Ganoon ang masasamang tao hindi ba? Ako na walang kasalanan kung bakit ako ipinanganak na ganito at wala namang ginagawa sa kanila para makuha ang ganoong mga pagtrato. Huli na nang maintindihan ng mga tao ang kondisyon ko at masyadong maikli ang binigay na panahon sa akin upang maging mas katanggap-tanggap ako sa mga mata ng marami. Pero buhay pa nga ‘ko, hindi pa ‘ko patay. Ang gulo hindi ba? Ako rin naman ay gulong-gulo na sa mga nangyayari ngayon. Kung mayroon lang sanang nakakaalam ng lahat ng mga nangyayari at hindi sana ako ngayon tanong nang tanong sa sarili ko na parang sira na ang ulo dahil nagsasalita mag-isa. Buti sana kung sasagutin ako ng mga puno na narito. Parang inaantok ako. Antok na iba. Halos hindi ko na maramdaman ang buong katawan ko. Hindi na maiangat ang mga braso. Hanggang sa naramdaman ko na lang ang pagpikit nang mga mata ko nang kusa at nabalot na ng kadiliman ang aking paligid pagkatapos ay nakadama ng pakiramdam na payapa. Mukhang hindi na ko makababalik sa amin. Hindi ko na makikita ang Mama at Papa ko. Nagblanko na kasi ang lahat. Wala akong marinig o kaya ay makitang kahit na ano kundi kadiliman. Wala ni gatuldok na liwanag ngunit may naamoy ako Ano iyon? Amoy nasusunog ngunit mabango. Nakagugutom din ang amoy nito. Pinilit kong magmulat ng mga mata kahit parang napakabigat ng talukap ng magkabila kong mga mata. May nasilip akong liwanag na mapula-pula. Nagsasayaw sa aking paningin ang mapulang kulay. Sandali lang iyon at nawala rin dahil muling sumara ang mga mata ko at ang aking paligid ay nabalot muli ng kadiliman.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD