Nahihiwagaan na nang husto si Heneral Levi sa kanilang kasamang guardian. May kakatwa kasi itong ikinikilos na hindi niya magawang tanungin kung ayos lang ba ito. Panay kasi ang pihit nito sa kaniyang ulo na parang sa mga ibon at sa kanilang paglalakbay ay halos hindi ito nagsasalita. Nag-aalala na rin siya dahil baka epekto ng gamot na kanilang ininom kaya pinakikiramdaman niya ang kaniyang sarili kung pati siya ang magkakaganoon. Ang agila pa rin kasi ang nagkakatawang-tao na iyon. Sa buong magdamag na wala sa Solana ay nanatili lang ito sa wangis ng guardian at mananatili itong ganoon hanggang sa makabalik siya. Buong magdamag na naglalakad ang mga bilanggo. Walang kain at walang pahinga dahil hindi naman nila nararamdaman ang pagod at gutom. Kapag nagpatuloy sila nang isa pang buong