Kabanata 6

1518 Words
Labis na nagulat si Lala sa binigay na sagot ni Raven sa kan'ya. Bigla na lamang sumagi sa kan'yang isip na marahil ay may napupusuan na ang binata at may plano na ang dalawa na magpakasal kaya niya nasabi ang bagay na iyon. Ngunit, wala naman siyang napapansin o nababalitan man lang na may kasintahan ng binata, dahil kung mayroon ay tiyak siyang makakarating at makakarating sa kaniya dahil maraming mga tagasilbi na tiyak na luluha at mawawalan ng pag-asa na mapansin sila ng binatang matagal na nilang nagugustuhan. Tama kayo nang pagkakabasa, kinagigiliwan si Raven ng mga kababaihan sa palasyo dahil sa kakisigan nito. Bukod sa pisikal na katangian na madaling makaagaw ng pansin ng sinumang kababaihan ay responsable rin itong kanang-kamay ng Reyna, at isa rin siyang matapang at may prinsipyong Celestial. Dala ng kuryosidad ay hindi na mapigilan ni Lala na mag-usisa. Nagtanong siya ngunit dinaan sa biro ang lahat dahil ayaw niyang mahalata nito na may kirot siyang nararamdaman sa kaniyang dibdib nang mga oras na iyon. "May nakita ka na palang babae na swak sa panlasa mo. Mabuti naman, pero teka Celestial ba o galing sa mundo ng Mortal? baka naman ibang klaseng nilalang 'yan?" Sa ibang direksyon nakatingin si Raven kaya hindi niya nakikita ang itsura ngayon ng Reyna at kung paano siya nito tignan nang mga oras na iyon. Magkasalabong na ang kan'yang kilay at halos magkadaup-palad na ang mga ito sa sobrang lapit. Pilit niyang ipinaglalayo at binubura ang kunot sa kaniyang noo ngunit mga pasaway dahil ayaw sumunod sa kaniya. Ang mga tanong ng Reyna ay nagtulak kay Raven upang mag-isang nang pagkalalim-lalim. May parte sa kan'ya na nasasabing sagutin ang mga tanong ng Reyna nila ngunit natatakot siyang baka bigyan naman nito ng maling interpretasyon kaya mas minabuti niya na lamang na huwag na at iliko sa ibang paksa ang usapan nila. Ilang minuto na halos ngunit wala pa siyang sagot. Ang dalaga'y naghihintay ay napasandal na ng ulo sa malaking ugat ng puno na nakausli sa lupa at bigat na bigat na sa talukap ng kaniyang mga mata. "Nagkita na ba kayo ni Rue?" walang ano-anong tanong niya sa kasama. Naalala niya lang ang kaibigang Legendary Fairy dahil matagal na rin silang hindi nagkikita. Hindi sumagot si Lala kaya nilingon na niya at nang makita ang ayos nito ay napangiti siya. Nakapikit na ang mga mata nito at marahan ang paghinga, senyales na nakatulog na ito at nahihimbing na. Pinagmasdan niya ang natutulog. Hinawi ang ilang hibla ng buhok na nasa mukha. Naalala niya bigla ang unang araw na nagkita sila. Ang unang beses na nag-alaga siya ng may sakit na babae dahil sa katigasan ng ulo nito at mga araw na madalas silang magbangayan kahit wala namang dapat pagtalunang mga bagay. "Ilang taon na ang lumipas pero ramdam ko pa rin ang mabilis na pagtibok ng puso ko tuwing makikita ko ang mukha mo ng ganito kalapit." wika niya sa kaniyang lamang isip habang nakatitig sa maamong mukha ni Lala. Dumapo ang kaniyang tingin sa mapupula nitong mga labi na bahagyang nakaawang. Habang binubusog niya ang kaniyang mga mata ng imahe ng mukha ng kanilang Reyna at sinusulit ang sandali na sila lamang dalawa, isang malamig na hangin ang dumaan sa pagitan nila at walang ano-ano'y isang malaking paru-paro ang bigla na lamang sumulpot sa kaniyang harap. Dumapo ito sa balikat ng Reyna ngunit laking gulat ni Raven ng makitang si Rue pala iyon at hindi ordinaryong paru-paro. "Hoy! Bakit ka ganyan makatingin?" Matinis na tanong nito sa binata habang prenteng nakaupo sa balikat ni Lala at pinagkrus ang dalawang braso sa dibdib. Nagulat si Raven sa biglaan nitong pagdating. Kinabahan siya nang husto na para bang nahuli na may masamang gagawin. "H'wag ka ngang maingay, kakatulog lang ni Camilla." suway ni Raven sa pasaway na dumating. Lumipad ito palayo sa natutulog na dalaga at humarap rito. "Pasensiya naman. Teka nga, bakit hinayaan mo siya makatulog dito? Puwede naman sa kan'yang silid" takang tanong ni Rue na medyo galit. "Mas mabuti na rito, sariwa ang hangin kesa naman sa silid-aklatan, baka makita pa siya ng mga nakakatanda roon at masermonan. Saka isa pa mas lalo lang bibigat ang pakiramdam niya dahil sa puro trabaho ang nakikita niya sa paligid . May dumating pang mensahe kanina galing kung kanino, hindi niya alam basahin dahil sa sinaunang pagsulat ang ginamit. Isang panibagong dahilan nanaman at palaisipan para sa kan'ya iyon," mahabang paliwanag ni Raven at hindi man lang huminga at dire-diretso sa pagsasalita. Hindi binigyan ng pagkakataon si Rue na sermonan siya. Natahimik na lang ito at hindi nakasingit. Pagkatapos marinig ang dahilan at mapagtanto na may punto naman ito at katanggap-tanggap naman ay bigla siyang nakadama ng lungkot. Sinulyapan niya ang natutulog. Nahabag na lamang siya sa itsura nito. Kahit tulog ay halata ang nangingitim na palibot ng mga mata. Sanhi ng madalas na pagpupuyat at pagod. Matagal-tagal na silang hindi nagkikita ng dalaga dahil nasa mga misyong din ito. Mas naging marami ang kan'yang responsibilidad nang piliin siya ng Reyna na mamuno sa kan'yang mga kalahi. Ang pamamalakad pa lamang ay kinakailangan na ang kan'yang buong oras at lakas, kaya hindi siya napaparoon sa palasyo kung hindi siya ipapatawag at kung walang napakaimportanteng bagay siyang dapat ipaabot nang personal misyo sa Reyna. "Bakit ka nga pala nagawi rito? May nangyari ba?" Tanong ni Raven kay Rue na matamang nakatingin pa rin sa nahihimbing na si Lala. "Wala naman, pero dinala ako ng mga pakpak ko rito. Siguro ay dahil sa kailangan ako ng Reyna ngayon," sagot niya. "Sa anong paraan naman? Nandito naman ako," wika ni Raven na mukhang nang-aasar. "Ano naman kung nandito ka? May mga bagay pa rin na mas kaya kong gawin ano na hindi mo kaya." Irap niya sa binata, "nga pala, ano yung mensahe na sinabi mo kanina? Puwede ko bang makita?" Naalala bigla ni Rue. Mabilis na sumeryoso ang kaniyang mukha at ang maliliit na pares ng kaniyang mga mata ay diretsong tumitig kay Raven. "Nasa silid-aklatan. Nakaipit sa libro sa lamesa ni Lala," sagot ng binata. Nang makuha ang sagot ay nagpaalam agad si Rue upang puntahan ito. Iniwan na niya ang dalawa at pinagaspas ang mga pakpak. Dumaan siya sa bintanang nakabukas sa mismong silid-aklatan at agad nakita ang lamesang may mga librong nagkalat sa ibabaw. Hinanap ang liham at sa lahat ng mga naroon ay isa lamang naman ang may nakaipit. "Iyon na yata," wika niya nang matanaw at lumipad sa ibabaw ng pinagpatung-patong na mga libro. Nasa pinakaitaas ang may nakaipit kaya iyon ay kaniyang binuklat. Nahirapan pa siyang buksan ang pahina dahil sa laki ng libro at liit ng mga braso niya. Kaya ginamitan na niya ng mahika. Bumukas ang libro at ang mga pahina'y gumalaw. Tumambad na sa kaniya ang liham at di niya maiwasang di magulat. Tama si Raven, sinauna nga ang pagkakasulat at ang pinakamatanda sa pinakamatandang pagsulat sa kanilang mundo pa ang ginamit. Halos ka-edad niya na at baka mas matanda pa sa kan'ya. Pamilyar sa kaniya ang bawat letra. Lumipad siya upang makita nang mas mabuti. "Papaanong makakapagsulat ang isang Celestial ng ganito sa panahon ngayon? Masyado ng matanda ang pagsulat at wala na ring nabubuhay na Celestial kasingtanda nito," naibulalas niya. Sinubukan niyang basahin ang bawat titik at inintindi ito. Habang binabasa ay sumasabay naman ang pagtibok ng kan'yang puso. Palakas nang palakas. Nakakagimbal at tiyak magbibigay ng pangamba sa Reyna kapag nalaman niya ang nilalaman. Nang mabasa ang kabuuan ay mabilis na isinara muli ni Rue ang libro. Mas itinago pa ito nang husto. Dali-dali siyang lumipad pabalik sa lugar kung nasaan niya iniwan sila Raven. Ang binata nama'y hinihintay na siyang makabalik at nang matanaw ito'y naglakad siya palayo kay Lala upang sundan siya ni Rue at doon sila mag-usap malayo sa Reyna. Nang matiyak ang distansiya nila ay sapat na, huminto na siya't hinarap ito. "Nabasa mo ba?" tanong ni Raven at tumango si Rue. Nabasa ni Rue sa mukha ng binata na alam na rin niya ang laman ng liham at nang tanungin niya upang kumpirmahin ay tama nga siya at mayroon na itong alam. Kalmado lang ito ngunit alam ni Rue na pareho sila nang nararamdaman. Pareho silang kinakabahan. "Dinala ko muna si Lala rito upang iiwas sa puwede niyang malaman, ngunit sa oras na ito ay nakakasiguro akong wala pang alam ang Reyna sa nilalaman ng mensaheng iyon Rue." halos pabulong na lamang na saad ni Raven. "Pero Raven, kailangang malaman ni Camilla iyon. Karapatan niyang malaman ang nangyayari sa loob at labas ng palasyo," seryoso nitong saad, halata sa boses niyang matinis ang labis na pangamba. "Alam ko, ngunit hindi makakabubuti kung ipaalam natin agad sa kan'ya. Gusto ko muna mag-imbestiga bago ko sabihin ang totoong nangyayari sa lupaing iyon. Isa pa, duda ako sa nagpadala ng mensahe. Mas mabuting hanapin muna ang estrangherong sinabi ng kawal na naiwan niyon. Tiyak kong hindi pa siya nakakalayo sa rito at kung nakalayo na'y sisiguruhin kong may makukuha tayong sagot mula sa kaniya," ani Raven na sinang-ayunan nang mabilis ni Rue ang kan'yang plano.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD