Naalimpungatan si Lala. Para siyang lasing. Gusto niya pang bumalik sa pagtulog ngunit nang magmulat siya nang mata ay nagitla siya nang malamang nasa loob na siya ng kaniyang silid at hindi na sa hardin kung saan doon ang huli niya naalalang natulog siya.
Kasalukuyan nang nag-aagaw-dilim at nakaramdam na rin siya ng gutom. Kumukulo na ang tiyan sa haba ng kaniyang itinulog. Iyon na yata ang pinakamahaba mula nang mag-umpisa ang sunod-sunod na pagdating ng problema sa palasyo.
Nag-unat siya nang nakahiga. Damang-dama sa mga kalamnam at buto ang ginhawa. Napahikab siya pagkatapos niyon at sandaling tumulala sa kisame.
"Sa wakas nagising ka na!" narinig ng Reyna.
Napabalikwas siya ng bangon nang marinig ang pamilyar na boses. Kilalang-kilala niya iyon at nang makita ang parehong nilalang na nasa isip niya nang marinig ito ay mabilis pa sa kidlat na nilapitan niya ito.
"Rueeeeeeeeeeeee! Namiss kitaaaaaaa!" Mahabang sigaw niya. Hindi na mapigilan ang galak at emosyong kaniyang nararamdaman.
Nanggigigil siyang mayakap ito at bago niya pa mahawakan ang kaibigan ay nakalipad na muna ito palayo.
"Alam kong na-miss mo 'ko, na-miss din kita pero 'wag mo naman akong pisain. Mahal ko ang buhay ko mahal na Reyna," aniya rito habang palipad-lipad sa paligid at tinitiyak na hindi siya maabot o mahuhuli ng Reyna.
"Edi 'wag! Para yakapin lang e. Di naman kita pipisain," bulong ni Lala habang nakanguso.
Pinagtawanan lang siya ni Rue. Alam naman niyang di siya nito pipisain kaya lumapit na siya at dumapo sa balikat ni Lala.
"Kanina ka pa ba rito?"
"Kanina pa akong hapon dumating. Nagkita na rin kami ni Raven," sagot niya.
"Mabuti at naisip mong dumalaw. Hindi ko na matandaan ang huling araw na nagkita tayo Rue. Kung pwede lang kita yakapin talaga," usal niya at nilapit ang ulo kay Rue at ganoon din ang ginawa nito ngunit maya-maya lang ay nakita niyang paangat ang kamay nito at balak siyang hulihin.
Mabilis siyang nakalipad. Mas lalo pa siyang lumayo upang makasigurong ligtas sa makulit na Reyna.
"Kadiri! Di ka pa nga nagmumumog. Naamoy na kita. Maligo ka na rin, ang baho mo na," pang-aalaska niya sa dalaga.
Pasimple naman inamoy ng Reyna ang sarili at bumusangot na tinignan ang maliit na Fairy.
"Hindi naman e," wika niya habang titignan ito nang masama.
"Biro lang naman hihi," bawi niya sa sinabi.
Tuluyan na siyang bumangon at inayos ang higaan bago iniwan. Naging kagawian na niya simula pa noon na iwang maayos ang kaniyang kama dahil iyon ang turo ng kaniyang kinalakihang ina sa mundo ng mga Mortal na magpahanggang panahon na iyon ay dala-dala niya pa rin.
"Maliligo lang ako. Hintayin mo ako rito at h'wag na h'wag mong maisipang tumakas," banta niya sa maliit na kaibigan.
"Masusunod po!" tugon naman nito sabay saludo.
Natawa naman ang Reyna sa inakto nito at pumasok na sa banyo para maligo, ngunit muli itong lumabas at tinawag si Rue.
"Nasaan pala si Raven?" wala lang, bigla lang niya naisip itanong.
Hindi agad nakasagot si Rue dahil bilin sa kan'ya ni Raven na h'wag sasabihin kung saan siya pupunta.
"B-baka nasa labas lang. Hindi naman niya nabanggit kung ano at saan siya pupunta e." Sagot nito na natataranta.
Nagtaka naman ang dalaga sa inakto ng Legendary Fairy sa harap niya, ngunit dahil may tiwala siya rito ay pinagwalang-bahala niya na lamang iyon at ginawa na ang dapat gawin sa loob ng banyo.
Nang makapasok si Lala sa banyo ay mabilis na pinadalhan ni Rue ng mensahe si Raven na gising na ang Reyna gamit ang mahika at isang maliit na paru-paro na siyang hahanap sa binata at maibigay ang mensaheng nais niyang ipaabot.
Umalis si Raven ilang oras na ang nakararaan at hindi pa nakakabalik. Hindi na siya nagpaalam pa at wala rin naman siyang balak sabihin sa Reyna kung saan siya pupunta.
Mahimbing pa ang tulog ng Reyna nang mga oras na iyon. Binuhat niya ito mula sa hardin papunta sa kaniya silid upang maging mas komportable ang tulog nito at hindi siya makagat ng insektong naroon.
Kampante naman siya nang iwan ito. Naroon si Rue at nangakong babantayan muna ang Reyna at pagtatakpan na rin si Raven sa kaniyang pagkawala.
Sinundan niya ang enerhiya na naiwan sa piraso ng papel upang sundan ang mga dinaanan nito at Ginamit ang katangiang taglay upang mabilis itong matunton.
Sa bayan siya dinala ng mga inutusan niyang mga ibon. Sila ang bumubulong sa kaniya sa tamang direksyon. Pinaamoy niya sa kanila ang ang liham at gamit ang pinirasong mga tinapay bilang pambayad ay napasunod niya ang mga ito.
Bumalik na ang ilan sa kanila upang kunin ang huli niyang bayad. Iniwan niya sa malaking bato ang tinapay na pinilas niya at doon pinanood ang mga ibong kumakain.
Habang abala si Raven sa kan'yang pribadong misyon, ang mga kasapi naman sa misyong ibinigay ng Reyna ay malalagay naman sa alanganin.
*****
Jane's Point of View.
Nakatulog ako habang nagbabasa ng mga aklat na dala ko at pagmulat ko ng mga mata'y napakaraming ibon ang nakapaligid sa amin. Iba-ibang kulay at laki. Nakakamanghang tignan ngunit nakakapagtaka ang kanilang dami.
Sumasabay sila sa paglipad ni Knight. Halata namang naiirita ito dahil nakaharang sila sa kaniyang dadaanan. Sa tuwing uungol siya nang malakas ay naglikiparan palayo ang mga ibon sa takot. Nag-iiba sila ng direkyon at nagkakabanggaan pa sa ere.
Akala ko ay si Knight ang dahilan kung bakit natataranta sila, hindi pala. May isang grupo ng maiitim na ibon ang paparating sa aming direksyon. Napakarami nila at animo'y isang malaki at maitim lamang silang ulap.
Laking gulat ng mga kasama ko nang mapagtanto kung ano iyon, higit si Ginoong Eros.
"Knight!" sigaw niya.
Umungol naman ang Legendary Beast na animo'y sumagot. Inangat ni Ginoong Eros ang kaniyang kanang kamay at naglabas ng kakaibang usok na bumalot sa aming lahat, maging kay Knight.
Papalapit na sila nang papalapit at haharang mismo sila sa aming daraanan. Agaw-pansin ang mga liwanag na nagmumula sa mga pakpak ng mga ibon at ang tunog na nililikha ng mga ito.
Nang makalapit kami nang husto ay doon ko lamang napagtanto na kuryente pala iyon. Napatayo agad ako mula sa pagkakaupo at lumapit kay Ginoong Eros.
"Ano pong mga ibon 'yan?" tanong ko na may bahid ng takot. Ngayon lamang ako nakakita ng ibon na nalilikha ng kuryente sa kanilang mga pakpak.
"Mga normal na mga uwak lamang ang mga iyan, ngunit sa ating mundo ay may kakaiba silang kakayahan. Ang mga balahibo nila ay naglalabas nang mataas na boltahe ng kuryente, sapat para makapagparalisa ng sinumang madikit sa kanila kaya maingat kayong lahat," sagot ng Ginoo.
"Kaya binalutan ko kayo ng mahika. Sa dami nila ay siguradong hindi nila tayo basta-basta padadaanin," dugtong pa nito habang nalataas ang isang kamay at kinokontrol ang kaniyang enerhiya na nilalabas upang maprotektahan ang lahat.
Nakikinig ang Kuya ko sa kanya at ang dalawang kawal na kasama namin. Maging ang mga ito ay babago lang makakita ng ganoong klaseng ibon.
"Bakit hindi na lang natin tustahin ang mga iyan?" suhistyon ng isang kawal.
"Sa tingin mo ba ay matutuwa ang Reyna kapag nalamang pumatay tayo ng maraming ibon? Ang misyon natin ay alamin ang pagbabago ng tubig sa lupain ng mga Red at ang pagkamatay ng mga hayop na naroon. Hindi para pumuksa ng pulutong ng mga ibong ang alam lamang ang protekyunan ang mga teritoryo nila." Nanahimik ang lalaki sa sinabing iyon ni Ginoong Eros.
Halatang galit ang mga uwak dahil sa pagdating namin. Mula sa itaas, nakita ko ang panibagong grupo na paparating upang samahan ang kapwa nila ibon upang huwag kaming padaanin.
"May paparating pa," wika ko habang nakatingala sa napakarami pang itim na ibon na handa na kaming sugurin.
"Ano po ang maari naming gawin?" tanong ni Kuya sa Ginoo.
Sandaling nag-isip ito. "Kaya mo bang gumawa ng kalasag na yelo?" tanong ng Ginoo kay Kuya.
"Opo," mabilis niyang sagot.
"Sige, gumawa ka at babalutan ko ng mahika upang hindi masaktan nang labis ang mga ibon kung sakaling sugurin nga nila tayo," sagot ng Ginoo.
Mabilis na sinunod ni Kuya ang sinabi niya at pinagsama nga nila ni Ginoong Eros ang kapangyarihan nila. Papasugod na ang mga ibon mula sa itaas at nakahanda na rin ang malaking kalasag na ginawa ni Kuya.
Sumugod nga ang mga ibon. Hindi lang ang mga nasa taas namin, maging ang mga nasa gilid at harapan namin. Napapaungol si Knight may tatagos na kuryente sa mahikang ibinalot ng Ginoo sa amin.
Tumulong na ako at ginawan ng protekyon si Knight. Puntirya ng mga ibon ang tiyan niya at balak yata nila kaming pabagsakin sa lupa.
Bumuo pa ng mistulang pader ang mga ibon dahilan para huminto si Knight sa harap nito.
"Mukhang buo ang loob ng mga ibon na 'to na hindi tayo padaanin," nadinig kong wika ng lalaking tumulong bumatin ang mga gamit ko.
"Kung ganoon ay wala tayong magagawa kung hindi hintayin silang humalik sa mga pugad nila paglubog ng araw." wika ni Ginoong Eros.
Sa tantiya ko'y aabutin pa ng kalahating oras bago tuluyang dumilim at magpahinga si Haring araw. Panay pa rin ang pagsugod ng mga ibon at kahit nasasaktan sila nang kaunti ay sige pa rin sila
Naghintay nga kami. Nanatili lang si Knight sa iisang lugar. Makalipas ang mahigit sampung minuto ay isa-isa na silang nagliliparan palayo. Unti-unti ng nabubuwal ang ginawa nilang harang at isang napakalaking puno ang bumulaga sa aming harapan.
Napakagandang puno, hitik sa mga bunga. Ito yata ang puno na nabasa ko sa libro noon. Ang pinakamatayog na puno sa mundo ng mga Celestial na namumunga nga iba't-ibang klaseng mga prutas.
"God's Harvest?" usal ko.
"Tama ka Jane," sang-ayon ng Ginoo.
"Hindi ko akalain na sa ganitong paraan ko makikita ang punong ito. Napakaganda," puri ko at manghang-mangha sa aking nakikita.
Pinagaspas nang muli ni Knight ang kan'yang mga pakpak at matiwasay na kaming nakalayo sa lugar. Ilang minuto rin ang nasayang namin sa mga ibong iyon.
Hapong naupo at inunat-unat ko ang nangawit kong mga braso. Pagkatapos nang mahabang gabing ito ay may dalawang araw at isang gabi pa ang kinakailangan naming lakbayin bago makarating sa lupain ng mga Red.
Madilim na ang paligid at naglalabasan na paisa-isa ang mga hayop na aktibo sa gabi upang maghanap ng kanilang makakain.