Isang liham mula kay Eros ang dumating sa palasyo. Ibinalita lang niyang kasalukuyan na silang nagpapatuloy sa paglalakay matapos maabala ng mga galit na mga ibon sa himpapawid kani-kanina lang. Sinabi rin niyang wala namang nasaktan sa kanila na ikinatuwa ng Reyna dahil pati ang mga ibon na umatake sa kanila ay tiyak niya raw na walang namatay ni isa.
Nakangiting binabasa ni Lala ang mensaheng iyon sa isang kapirasong papel na dala ng isang maliit na ibon. Matapos niyang mabasa, ang papel ay naging dahon. Inilapag niya na lamang sa ibabaw ng kaniyang lamesa at bumalik sa pagbabasa.
Gabi na ngunit wala pa si Raven na kan'yang pinagtatakahan nang husto. Napakadilim na nga sa labas at malapit na ring maghating-gabi ngunit wala pa rin ito. Hindi niya maramdaman ang presensiya ng binata sa paligid kaya siya nag-aalala. Hindi rin siya makapaniwala na umalis ito nang walang pasabi at hanggang sa mga oras na iyon ay hindi pa bumabalik.
Gising pa siya dahil napahaba ang kan'yang naitulog kanina at hindi pa muling dinadalaw ng antok. Bukod pa rito ay balisa siya na wala pa si Raven kaya nililibang na lamang niya ang kaniyang sarili sa pagbabasa ng mga libro upang maghanap ng maari nilang magamit na paraan upang malutas ang kanilang mga kasalukuyang mga problema.
Pilit siyang bumalik sa pagbabasa matapos mabasa ang ulat ni Eros ngunit hindi na siya makatututok sa binabasa dahil kung ano-ano na ang pumapasok sa kaniyang isip na ideya at baka napano na si Raven kaya wala pa roon.
Bigla niyang sinara ang librong hawak dahil hindi na talaga siya mapakali nang mga oras na iyon.
"Saan ba talaga pumunta si Raven?" pabigla niyang tanong kay Rue na nanahimik sa isang tabi at halos napaidlip na nang mga oras na iyon dahil sa pagod sa kan'yang paglalakbay makarating lang sa palasyo upang personal niyang makita at masigurong ayos lang ang kan'yang kaibigang Reyna.
Nagulat siya sa malakas nitong pagsara ng libro na sinabayan ng pagtatanong. Halata na iritable na nang mga oras na iyon.
Nagulat ito sa ginawa niyang iyon. Kung pang-ilang beses na nitong inulit itanong iyon ay hindi na mabilang ng maliit na nilalang. Napapagod na siyang ulit-ulitin ang parehong sagot, na hindi niya alam kapalit ng baka nasa paligid lang noong maaga-aga pa.
Nakabusangot na si Lala at hindi mapakali sa mga sagot na nakukuha sa maliit na nilalang na kan'yang kasama. Maging ang mga kawal na napagtanungan ni Lala ay hindi rin daw nakita ang binata.
"May tinatago ka ba sa akin Rue?"
Matapos bumasangot ay tumalim naman ang kan'yang tingin sa kaibigan. Napalunok ito sa paraan ng pagtitig ng Reyna at halos pagpawisan siya nang makita mismo niya ang pag-iiba ng kulay ng mata nito, sinyales na nagtitimpi lamang ito ng inis nang mga oras na iyon dahil wala pa si Raven at heto't pinag-aalala niya.
"W-wala akong tinatago kamahalan. Hindi niya talaga sinabi sa akin kung saan siya pupunta," natatakot na sagot ni Rue at nagpasyang lumipad palayo sa Reyna.
Naupo na lamang sa taas na lalagyan ng mga libro na alam niyang hindi siya agad maaabot ng dalaga.
"Eh bakit ka lumalayo kung wala kayong nililihim sa'kin? Ha?" salubong ang kilay nitong tanong.
"Hindi n'ya talaga sinabi kung saan siya pupunta. Basta na lang siya umalis pagkatapos kang ihatid sa silid mo," pasigaw na paliwanag nito upang marinig ng Reyna dahil malayu-layo ang distansya nilang dalawa.
Panay ang dasal ni Rue nang palihim na sana'y dumating na si Raven para makabalik na rin siya sa kanila. Nakakatakot na mapagbuntunan ng inis ng Reyna at matusta sa mga titig nito sa oras na lumabas ang pulang kulay sa kaniyang mga mata.
Hindi na nagsalita si Lala. Sumandal siya sa kaniyang kinauupuan ang pinagkrus ang mga braso sa kaniyang dibdib habang nakatingin sa maliit na kaibigan na halos magtago na sa mga malalaking libro na nasa kaniyang tinutuntungan.
Habang ganoon ang dalawa, isang katok ang halos nagpatalon ng maliit na puso ni Rue. Sabay sila ng Reyna na napalingon sa pinto ng makitang si Raven ang pumasok.
"Saan ka galing!?" malakas ng bungad na tanong ng Reyna na akala mo'y isang galit na misis sa kaniyang asawa dahil sa tagal nitong umuwi.
Nagulat man sa inakto ng Reyna ay napangiti naman si Raven sa reakyon ng dalaga nang pumasok siya.
"Anong nakakatuwa Raven? Bakit ganyan ka makangiti? Nakakatuwa bang naghintay kami rito ng halos magdamag? Anong oras na ba? Aalis ka, di ka man lang nagsasabi kung saan ka pupunta," singhal ni Lala sa kaniya.
Napabuntong-hininga na lamang si Rue habang pinapanood ang dalawa.
"Daig pa nila mag-asawa," bulong niya at napatago dahil baka mamaya ay may magliparan na mga plato.
"Wala nga palang plato rito, libro lang," bulong niya pa at nagbago ang isip. Hindi na siya nagtago. Prenteng naupo na lamang siya sa lalagyan ng libro at parang nanonood ng live na sine.
Hindi sinagot si Raven alinman sa mga katanungan ng Reyna. Bagkus ay sinabi niyang kumalma muna raw ito dahil mayroon siyang kasama. Napatikom ng bibig ang Reyna at hindi na nagsalita.
Tumalikod si Raven at muli niyang binuksan ang pinto. Pinapasok ng binata ang isang lalaking hanggang balikat ang haba ng buhok. Kayumanggi ang balat at kapansin-pansin ang pangingintab ng mukha nito dahil sa pagkasunog sa araw at natural na langis na nilalabas ng kanyang balat. Mahaba rin ang bigote't balbas nito, bagamat maayos ang suot na damit ay makikitang ang suot nitong sapatos ay nilipas na ng panahon dahil sa mga bahid ng natuyong putik at alikabok.
Lumipad palapit sa Rue kay Lala upang makita ng malapitan ang lalaking kasama ni Raven. Nanghinayang siyang naudlot ang sine na kaniyang pinapanood.
"Siya ang lalaking nagdala ng liham kaninang umaga. Masuwerte ako't hindi pa siya nakakalayo at kamahalan, matutuwa ka sa isa pang sasabihin ko," pakilala ni Raven sa Ginoo.
Walang ideya si Lala kung sino ito. Kinunutan niya ito ng noo at nag-isip kung pamilyar ang itsura nito ngunit wala siyang kilala na ganoon ang mukha.
Dahil hindi niya kilala,naghintay na lamang siyang ng sunod na maririnig mula kay Raven habang ito nama'y parang isang masayang batang palipat-lipat na pinagagalaw ang makabilang kilay at naghihintay kung mahuhulaan ng Reyna ang pangalan ng kaniyang kasama. Mukhang aliw na aliw ito sa nakakunot at nagtatanong na mukha ni Lala.
"Sabihin mo na Raven," naiinip na utos nito nang hindi na makapaghintay pa.
"Akala ko hindi ka interasado e," ani Raven at nilingon ang lalaki na humakbang pa palapit sa kanila. "Siya si Ginoong Marion," maikling dugtong ng binata.
"Ginoong Marion?" ulit ng Reyna. Napaisip dahil sa pamilyar ang pangalan nito sa kaniyabg pandinig.
"Oo," sagot ni Raven.
"Teka, siya ba ang lalaking pinapahanap ng konseho? Ang dating kaibigan ni Tatay Eros?" magkasunod na tanong ng dalaga nang maalala niyang nabanggit nga sa pagpupulong nila ang ngalan nito.
"Oo at oo," magkasunod na sagot ni Raven.
Biglang umaliwalas ang mukha ni Lala at biglang hinalungkat ang libro kung saan niya itinago ang liham na dala ng Ginoo kaninang umaga.
"Maari mo po bang isalin sa salitang alam ko ang mga nakasulat dito Ginoo?" nagagalak na tanong ni Lala sa kasama ni Raven.
Napabaling ang mata ni Raven sa liham. Replika na lamang kasi iyon at ang orihinal na kopya ay nasa kaniya.
Napalingon ang lalaki kay Raven at kapansin-pansin na animo'y nag-uusap ang dalawa gamit lamang ang kanilang mga mata. Kinuha ni Raven ang papel at nagwika. "Mabuti pa'y magpahinga na muna tayo at ipagpabukas na lamang natin ito kamahalan. Masyado nang malalim ang gabi at hayaan na muna nating makapagpahinga si Ginoong Marion," suhestiyon niya sa Reyna.
"Sang-ayon ako kay Raven mahal na Reyna. Kailangan mo na ring matulog para may lakas ka para bukas," segunda ni Rue na kanina pa tinitignan nang maigi ang lalaking kasama ni Raven.
Napaisip siya nang marinig ang pangalan nito mula kay Raven at mabuti na lamang at lumapit siya upang kilalanin ito dahil ang lalaki'y kaniya ngang kilala.
Dismayado man ay pumayag na rin ang Reyna na pagpahingahin na muna ang Ginoo. Siya rin ay ramdam na ang antok na kaniya'y halos ayaw siyang dalawin.
"Sige po Ginoong Marion, bukas na lang. Magpahinga na muna po kayo. Si Raven na po ang bahalang maghatid sa iyo sa silid na maari mong magamit," aniya at muling inipit ang liham sa libro.
Muling nagsalita si Raven ngunit hindi niya ito binigyan ng pansin. Lumabas na ng silid sina Raven at Ginoong Marion. Inayos muna ni Lala ang kaniyang kamesa bahagya bago lumabas na rin.
Sumunod si Rue sa kan'ya nang lumilipad.
Kapansin-pansin ang biglang pananahimik ng Reyna. Gusto niya sana itong tanungin ngunit wala siyang makapang salita na maaring bitawan na hindi magiging dahilan ng lalo pang pagsama ng loob nito.
Pinagmasdan niya ang bawat pagkilos. Pagpasok nila sa silid ay naupo ito sa iang silya na nasa tabi lang hinihigaan nito. Naroon siya kasama ito ngunit parang hindi ramdam ng Reyna ang kan'yang presensiya.
Tumayo ito mula sa pagkakaupo at tulalang lumipat sa kama at doon naupo. Sunod ay binagsak ang katawan sa kama patalikod at nakita ni Rue ang malalim nitong pagbuntong-hininga bago pumikit.
Nagpasya si Rue na lumabas na. Una niyang pinuntahan ang silid nito at saktong papasok pa lamang ang kaibigan sa loob nang kan'yang datnan.
"O, Rue. Anong kailangan mo? Hindi ka pa ba magpapahinga?" tanong agad ni Raven nang makalapit ito.
Niyaya niya ito sa loob ng silid. Doon na lamang daw sila mag-usap. Pagpasok nila at pagsarang-pagsara ni Raven ng pinto ay ito agad ang tinanong ni Rue sa kaniya.
"Sigurado ka bang mapagkakatiwalaan ang lalaking iyon?"
Nagtaka si Raven sa tanong niyang iyon.
"Bakit mo naman naitanong 'yan? Pinapahanap din ng konseho si Ginoong Marion para makatulong sa atin," naguguluhan niyang usal dahil parang may dahilan na alam si Rue kung bakit niya ito pinagdududahan.
"Tinatanong ko lang Raven dahil hindi mo siya lubos na kilala,"
"Sa totoo, hindi ko pa lubos na masasabi sa ngayon kung mapapagkatiwalaan ba siya o hindi. Ang mahalaga ay nandito na siya at kung kakailanganin man natin ang tulong niya ay hindi na natin siya dapat pang hanapin."
Katahimikan ang namagitan sa dalawa. Kapwa nag-iisip ng malalim. May punto ang binata ngunit hindi nito alam ang alam niya.
"Sige matulog ka na, aalis na ako," ani Rue bigla nang may maramdaman siyang kakaiba sa paligid.
Agad siyang lumipad sa binata at doon na dumaan at mabilis na bumalik sa silid ng Reyna dahil heto nanaman, bigla nanaman siyang kinabahan.