Nakahanda na ang mga kakailangan sa misyon na ibinigay ng Reyna sa magkapatid. Hindi naman na kailangan pang magdala ng pagkain dahil may mga mapagkukunan naman sa lugar na kanilang pupuntahan. Silang magkapatid ang inatasan ng Reyna dahil bukod sa alam niyang mapagkakatiwalaan silang pareho, alam niya ring magagamit ng dalawa ang kakayahan nila sa nagmamanipula ng tubig upang magawan ng paraan ang problema sa kanilang destinasyon.
Kasama ng magkapatid si Ginoong Eros, dalawang kawal at si Knight na siyang sasakyan nila upang makarating sa ng mas mabilis.
Malaki na ang naitutulong ng mga Celestial Beast sa palasyo pagdating sa transportasyon at pagdadala ng mga kagamitan sa malalayong mga lugar sa kanilang mundo. Sa laki ni Knight at ng mga kauri niya ay kaya nilang magsakay ng isang daang kawal at mga gahiganteng mga bato.
Naging magumpay sila sa pagpaparami ng mga ito mula sa natirang dalawampu na lamang noon, hindi na sila mabilang sa dami ngayon. Dalawa na ang anak ni Knight mula sa kaniyang nag-iisang kapareha at ngayo'y may itlog ulit silang nalilimliman.
Ang mga Legendary Fairy naman ay naging malaya na nang tuluyan ngunit mas pinili nilang maging kapakipakinabang. Si Rue ang siyang inatasang mamuno ng Reyna sa mga kauri nito at kasalukuyan silang nagbabantay ng mga kagubatan at sila na rin ang nagsisilbing mensahero ng mga Celestial Kingdom.
Abala na ang mga magpupunta sa misyon.
Tapos na sa pag-iimpake si Jane ng mga gamit niya at kanina pa hinahagilap ang kaniyang nakatatandang kapatid upang magpatulong isakay ang mga bagahe niya sa likod ni Knight.
Nang makita niya ito'y agad niya itong tinawag.
"Kuya! Patulong naman, pakidala naman yung bag ko," hiling niya sa kapatid na sinusuri ang mga gamit na dadalhin nila sa misyon. Sinisigurong kompleto't wala silang maiiwan. Tinutulungan niya rin si Eros sa pagbubuhat ng mga kagamitan nito na aniya'y maari nilang magamit sa pagsuri ng kalidad ng lupa, hangin, tubig at mga halaman doon.
"Kuya!" muling tawag ni Jane sa kaniyang kapatid na mukhang narinig naman siya nito ngunit hindi lang siya pinansin.
Umalis na ito't hindi man lamang siya binalingan at sa inis ni Jane ay isinigaw na lamang niya ito.
"Ano ba yan! Wala bang puwedeng magbuhat nito?!?"
Walang anu-ano'y may biglang lumapit sa kaniya't nagulat na lamang ang dalagang kawal ng may kumuha ng bag niya.
"Tutulungan na kita," wika ng lalaki at diretsong naglakad papunta sa kung nasaan si Knight.
Nagulat si Jane sa estrangherong nagkusang tulungan siya. Mukhang bago lamang ito roon o baka sadyang ngayon niya lamang ito nakita.
Medyo maitim ang balat ng lalaki, matangkad at katamtaman ang pangangatawan. Medyo kulot ang buhok nito at kulay abuhin ang bawat hibla. Base sa suot nitong damit ay isa rin siyang kawal.
"Uugatin na mga paa mo kung hindi ka pa kikilos diyan!" gulat ni Louie sa kapatid na nakatulala. Hindi niya alam kung sino ang tinitignan nito dahil maraming mga naroon na paakyat at pababa sa likod ni Knight.
"Tse!" Inismiran lang siya ng kapatid. Naglakad na ito palayo't iniwan siya roon.
"Sungit talaga," bulong na lang ni Louie dahil tinarayan lang siya. Halatang inis dahil hindi niya ito pinansin kanina. Nadinig niyang tinatawag siya nito ngunit dahil sa marami siyang dala ay hindi na niya nagawang lapitan ito at tulungan. Ngayong nakabalik na siya't wala ng dala ay wala na rin naman ang malaking bag niya roon at mukhang mayroon nang kumuha.
Binalikan niya na lamang si Ginoong Eros sa laboratoryo nito. Nadatnan niya ang Reyna na kausap ng Ginoo. Hindi niya muna sila nilapitan dahil mukhang may pinag-uusapan silang importante't pribado. Nang lingunin siya ng Reyna't ngitian ay saka lamang siya nagsalita.
Iba talaga ang hatid ng ngiti nito sa kaniya. Pakiramdam niya'y may mga ibong nagsisiawit sa paligid nila't mga paru-parong nagliliparan at mga bulaklak na namumukadkad pa lamang.
"Magandang umaga kamahalan." Magalang na bati niya sa Reyna.
Alam niyang sila-sila lang ang naroon at ayaw nitong magpatawag na Reyna kapag mga malalapit lang sa kaniya ang nasa paligid ngunit baka kasi may ibang dumating at marinig na tinawag niya lamang ito sa ngalan at isumbong siya sa konseho't maparusahan.
"Magandang umaga rin sa 'yo Louie," ganti ng dalaga na nanatiling nakangiti sa kaibigang kawal.
"Nasaan pala si Jane? Hindi ko pa siya nakikita," tanong nito sa binata.
Hindi nakasagot agad si Louie, nakatitig lang ito sa mukha ng Reyna na animo'y nasa kabilang mundo ito't kasama ang dalagang kaharap na nasa pinakaunahan ng kaniyang listahan sa mga babae sa kanilang mundong kaniyang pinapantasya.
Naputol nga lang ang imahinasyon niya sa malakas na tawa't tapik sa balikat niya na mula kay Ginoong Eros.
"Tutulo na laway mo bata." Pang-aalaska pa ng Ginoo.
Natawa na lang din si Lala. Tulala nga kasi talaga ito kanina at nakangiti sa kawalan.
"Tara na. Mabuti nang makaalis tayo ng maaga nang hindi tayo gabihin sa paglalakbay," yaya niya sa binata.
Nagpaalam na si Eros sa kanilang Reyna at nauna na siyang lumabas kay Louie. Huminto ito sa labas ng pintuan at hinintay ang binata.
"Mag-ingat po kayo," bilin ni Lala sa kanila.
"Mag-iingat talaga ako para sa'yo," bulong ni Louie at nginitian si Lala.
"Ano kamo?" tanong sa kaniya nito.
"Sabi ko salamat," pagsisinungaling niya at mabilis na sumunod kay Ginoong Eros sa labas.
Alam ng lahat ng nasa palasyo ang pagkagusto ni Louie sa kanilang Reyna ngunit dahil sa nirerespeto niya ito higit kesa noon ay nawawalan siya halos ng boses kapag kaharap ito. Natutulala gaya na lamang kanina.
Malaki na ang pinagbago ng patpating si Louie noon. Maskulado na ito ngayon at napakagandang tignan ng tindig at pangangatawan nito lalo na kapag suot ang uniporme niyang kulay asul at pula. Maayos itong madala ng damit at laging nasa lugar ang nakapamadang buhok na hindi halos magalaw ng kahit gaano pa kalakas na hangin.
Halos hindi magkakalayo ang katawan nila ni Raven, ang pagkakaiba lang ay walang pakialam sa buhok niya si Raven. Maikli man itong tignan ay sapat na para kan'yang itali sa pataas sa tuktok.
*****
Jane's Point of View
Sina kuya na lamang at Ginoong Eros ang hinihintay at aalis na kami. Napakalaki na ni Knight. Nayayakap ko lang siya kapag maliit ang anyo niya. Malalaki na din ang mga anak niya. Binibisita ko sila minsan kapag wala akong magawa at nakikipaglaro sa kanila.
*Aaaaawrr
Hikab niya habang hinahaplos ko ang balahibo niya. Nakaupo ako sa pinakaharap na parte ng nilagay na malaking siyahan o saddle sa likod nito kung saan ang sukat ay puwede sa maramihang pasahero at mga kagamitan.
"Huwag kang matutulog aalis na rin naman tayo," wika ko sa kaniya habang hinahaplos pa rin ang batok niya.
Mainipin kasi masyado. Tumatanda na rin kasi at baka sa susunod na mga taon ay maging Lolo na siya.
Natanaw ko nang paparating si Ginoong Eros at nakasunod si kuya sa kaniya. Kaya naman umayos na ako ng upo.
Kung nagtataka kayo kung bakit di nalang kapangyarihan namin ang gamitin namin para makarating sa lugar ay hindi namin kaya. Dahil may mga dala kaming mabibigat na gamit at masyadong malayo ang kailangang puntahan.
Ang sabi sa amin ay marami pang nangyayari roon na hindi maipaliwanag. Kahit ang mga nakakatanda na naroon ay hindi alam ang dahilan ng mga kaganap. Ayon sa kanila ay hindi pa nila nasaksihan ang mga ganoong bagay noon, ngayon lamang. Inilihim muna ng palasyo ang mga impormasyon upang hindi mangamba ang malaking bilang ng mga Celestial sa iba't-ibang mga lupain sa mundong ito.
"Nakahanda na ba ang lahat?" tanong ni Ginoong Eros nang nakasampa na sa likod ni Knight.
Sumagot kami halos sabay-sabay at napasulyap ako sa dalawang kawal na kasama pala namin.
Bahagya pa akong nagulat nang makita kong ang lalaking nagbitbit ng mga gamit ko kanina. Napatingin din siya sa gawi ko at nakaramdam ako ng pagkailang sa tingin niya.
Sumipol na ang Ginoo upang makaalis na kami. Sabay ng pag-iwas ko ng tingin dahil pakiramdam ko ay namumula na ang mukha ko nang mga oras na iyon.
Dalawang araw at isang gabi ang itatagal ng paglalakbay. Kaya naman para di mainip ay nagdala ako ng ilang libro para hindi ako maburyong sa mahabang biyahe. Aklat ng kasaysayan ng palasyo patungkol sa mga nangyayari sa paligid noon. Bukod sa pagbabago ng kulay ng buwan at paglitaw ng isang napakalaking bituin ay wala pa akong nababasang kagaya ng ngayon.
Sino ba ang hindi mangangamba sa biglaang pagtuyo ng ilog at makalipas lamang ng magdamag ay nakaroon muli ng tubig ngunit ang kulay nito ay kasingpula ng dugo.
Ayon sa mga mensaheng natanggap ng palasyo ay namamatay ang mga hayop na umiinom sa tubig at ang mga Celestial na naninirahan sa paligid ng dating malinaw na ilog ay nahihirapan na sa paghahanap ng tubig na kanilang maiinom.
Kailangan pa nilang pumunta sa lupain ng mga Blue na napakalayo ng distansya sa mula sa kanilang lupain upang matustusan ang pangangailangan ng kanilang lupain sa tubig.
Maging ang Reyna ay nagpresinta na nga ring sumama para tumulong, ngunit hindi pumayag ang konseho dahil sa hindi siya maaaring lumayo ng matagal sa palasyo. Ramdam ko ang pag-aalala sa mga mata niya at malaking pagkadismaya dahil ayaw na ayaw pa naman din nitong naroon lang nakaupo habang ang lahat ay abala sa paghahanap ng mabilisang solusyon sa lumalaking problema.
Natatakot ang konseho na suwayin niya nanaman ang utos nila at gumawa ng sarili niyang paraan para makatakas. Ilang beses na rin niyang nilagay sa kapahamakan ang sarili para sa mga Celestial kaya naman mahal na mahal siya ng lahat ng nilalang sa kaniyang nasasakupan.
Bilib nga ako sa babaeng iyon. Bagay sana sila ni Kuya, pareho silang matapang at isang malaking karangalan sa aming pamilya kapag magkatuluyan sila ni Kuya. Kaso nga lang duda pa. Ramdam ko kasing may nagugustuhan na ang aming Reyna, ayaw lang niya ipaalam kahit kanino.
Tumatama ang sinag ng araw sa balat ko ngunit hindi pa naman ito nakakapaso dahil maaga pa naman at nawawala rin ang mainit na pakiramdam sa tuwing daraan si Knight sa mga ulap dahil sa lamig ng mga ulap kapag tumatama sa balat.
Nagliliparan naman ang mga hibla ng buhok ko kahit nakatali. Mag-isa ko lang palang babae at wala si Raven para may maasar ako. Kaya mas minabuti ko na lamang maupo malapit sa mga gamit na dala namin at kinuha ang isang libro't nag-umpisa magbuklat. Binuksan ang pahinang nilagyan ko ng tanda at pinagpatuloy ang pagbabasa at paghahanap ng puwedeng makatulong sa amin o di kaya'y ang mismong sagot.