Kabanata 8

1788 Words
"RAVEN GISING! RAVEN!" Isang malakas na sipa gumising kay Raven sa kalagitnaan ng gabi. Mukha ng nag-aalala at balising si Lala ang kaniya agad nakita sa kaniyang pagdilat ng mga mata. Kaiidlip niya lang at wala pang kalahating oras mula nang makatulog siya. "A-Anong nangyari? Bumalik ba ang malaking anino?" Nataranta rin siya. Agad naupo sa kama at hinanap sa paligid ang anino kung naroon ba. "Hindi 'yon, s-si Rio! Ang taas ng lagnat, sinubukan ko nang gamitin ang kapangyarihan ko para mapababa ang lagnat niya pero parang walang nangyayari. Parang walang epekto sa kaniya. R-Raven, hindi ko na alam gagawin ko," Mangiyak-ngiyak na salaysay ni Lala sa kaniyang asawa. Nang marinig ang dahilan ay agad tumayo mula sa pagkalaupo si Raven at nilapitan ang kanyang mag-ina. Nakatayo sila at yakap-yakap ni Lala ang bata. Kinapa ni Raven ang noo ni Rio at naramdaman na inaapoy nga ito ng lagnat. Bahagyang nanginginig ang katawan ng bata at tila giniginaw ito sa lamig. Napansin din ni Raven ang malalalim na paghinga ng kaniyang anak. Nag-aapoy ang balat ngunit malamig ang talampakan na parang ibinabad sa yelo. "Kanina pa ba siya nilalagnat?" tanong ni Raven at nag-umpisa na rin mataranta habang hawak pa rin ang malamig na talampakan ni Rio. "O-Oo, hindi lang kita ginising agad dahil kakapikit mo lang ng mga mata mo, para na rin makapagpahinga ka kahit sandali pero hindi ko na talaga alam ang gagawin ko e." Napaluha na si Lala dahil sa labis na pag-aalala sa kanilang anak. "K-Kumalma ka muna, Lala. Lagnat lang 'to, okay? Maupo ka muna rito at kukuha lang ako ng bimpo at palanggana," ani Raven sa kaniyang misis kahit na maging siya ay nag-aalala na rin. Tiniyak niya munang komportable ang kaniyang mag-ina bago sila iniwan. "Meron na ritong bimpo, palanggana na lang na may tubig ang kunin mo," habol niya kay Raven bago pa man ito makalabas ng pinto ng kanilang kuwarto. Sinunod niya ang sabi ng kaniyang asawa, halos takbuhin na niya ang distansiya ng silid nila at kusina nila habang bitbit ang isang lampara. Agad siyang bumalik sa silid pagkakuha ng kailnagan. Binsa niya ang bimpo at nilapitan niya ang kaniyang mag-ina na nanatiling nakaupo kung saan niya iniwan. "Punasan natin siya para bumaba ang lagnat niya," aniya kay Lala. Agad naman tumalima ito at inayos ang kalong na anak nila upang maiharap kay Raven at mapunasan nang maayos. Pinagtulungan nilang lampasuhin ng basang bimpo si Rio. Pinalitan ng damit at inihiga na sa kama. Napapitlag ito nang mailapat ang likod niya sa higaan kaya itinagilid na lamang siya ni Lala upang hindi masaktan. Hindi nila maiwasang hindi titigan ang lumalaking umbok sa likod ng kanilang anak. Para bang mas lumalaki sa bawat pagpatak ng oras. Medyo guminhawa ang pakiramdam nito matapos mapunasan ang buong katawan. Hindi na rin ito gaanong nanginginig dahil bahagya lang sumisingaw ang init mula sa katawan nito. "Maghahanap lang ako ng halamang gamot sa paligid. Kung wala akong makita ay didiretso na ako sa bahay ni Tatay Eros, tiyak doon mayroon," "Bumalik ka kaagad at mag-ingat ka," "Oo, babalik ako kaagad," sagot naman ni Raven at bago umalis ay hinalikan niya muna ang noo ng kaniyang asawa. Gumawa siya ng sulo at iyon ang kaniyang ginawang ilaw. Paglabas niya sa kanilang bahay ay pinakiramdaman niya muna ang paligid kung may ibang nilalang sa paligid na may dalang panganib. Malawak na kakahuyan kasi ang nasa paligid ng bahay. Nasa parteng kabundukan sila kaya posibleng mayroong mga mababagsik na nilalang na maaring magawi roon dahil open area at malayang nakagagala ang mga nilalang. Hindi niya tiyak kung may mahahanap siyang halaman na makatutulong sa lagnat ng kaniyang anak, ngunit mabuti na rin na magbakasakali. Nag-umpisa siya sa paligid ng bakuran nila, baka may naligaw, ngunit wala siyang nakita kahit maliit o iyong patubo pa lamang. Nagpasya siyang lumabas ng bakuran. Ilang minuto siyang nagpaikot-ikot sa paligid, ngunit wala siyang nakita. Tinungo na niya ang mismong gubat talaga, ngunit wala talaga. Minabuti na niyang dumiretso sa bahay ng kan'yang Tiyo Eros. Ginamit ang kaniyang kapangyarihan upang mapabilis. Sarado at madilim ang bahay nito nang datnan niya, ngunit ramdam niyang naroon ito sa loob. Ilang beses siyang kumatok bago may nagbukas. "R-Raven? B-Bakit naparito ka nang ganitong oras?" Gulat na gulat na tanong ni Eros sa kaniya. "Meron po ba kayong gamot sa mataas na lagnat Tiyo?" diretsahan niyang tanong at hindi na nag-aksaya ng panahon para sagutin ang tanong ng kaniyang tiyuhin, ngunit sa tanong nito ay nakuha naman na ni Eros ang kasagutan. "Sa pagkakaalam ko'y mayroon ako. Halika't pumasok ka muna, hahanapin ko lang," sagot ni Eros at niluwangan ang pagkakabukas ng pinto upang makapasok ang kaniyang pamangkin. "Sino ba ng may lagnat?" tanong ni Eros habang nagsisindi ng lampara gamit ang binuo niyang apoy sa dulo ng kaniyang daliri. "Si Rio po, napakataas ng lagnat niya ngayon. Sinubukan na ni Lala na gamitin ang kapangyarihan niya pero mukhang hindi raw po tumatalab," mabilis na sagot ni Raven. "P-Paanong nangyaring hindi? Lagnat lamang naman iyon. Isa pa'y hindi naman ang sarili niya ang kaniyang pinagagaling kaya dapat tumalab ang kapangyarihan niya," Kita sa mukha ni Eros ang labis na pagtataka. Ganoon din ang alam ni Raven kaya pareho silang nahihiwagaan kung bakit hindi. Humarap na si Eros sa kaniya at nagsindi pa ng isang lampara upang lumiwanag ang loob ng maliit niyang kubo. Napaisip ito nang malalim at kung ano-ano ang mga pumasok sa utak niya na posibleng mga dahilan. "Hindi ko po alam. Nilagnat na lang siya bigla, siguro'y sa takot matapos makita ang nakapasok na di namin alam na kung anong nilalang sa loob ng bahay kagabi," salaysay ni Raven. Nahinto sa pagtitingin ng mga laman ng garapon si Eros at binalingan ang pamangkin nang marinig ang sinabi nito. "A-Anong nilalang?" tanong niya at agad kinabahan. "Maitim na nilalang na parang anino, Tiyo. Sa dami ng mga nilalang na nakita ko na rito sa mundo natin ay kagabi ko lang nakita ang isang 'yon," "Mabuti pa'y balikan na natin sila. Bigla na lamang akong kinabahan sa sinasabi mo," ani Eros at nagmadaling kinuha ang iba't-ibang klase ng mga pinatuyong mga herbal sa garapon at ilan niyang mga kasangkapan. Ginamit na nila ang kanilang kapangyarihan upang mabilis na makabalik kung nasaan sina Lala at Rio. Madilim pa ang paligid. Gagawa sana si Eros ng bolang apoy upang magbigay liwanag sa kanilang daan, nguni napahinto siya nang may kakaibang maramdaman. "T-Tiyo—" Pinatahimik siya ni Eros agad dahil alam naman na niya ang sasabihin nito. Pareho nilang nararamdaman ang kakaibang enerhiya mula sa paligid ng bahay. Nagpapaikot-ikot na animo'y naghahanap ng tyempo at tamang lugar upang makakapasok sa loob ng bahay. "Nandito pa ang nilalang na sinasabi mo," bulong ni Eros at nadinig naman ni Raven dahil nasa tabi lamang niya ito. Nagmadali na silang pumasok sa loob ng bahay at sinarang muli ang pinto. Tinungo ang silid kung nasaan ang mag-ina at agad nilapitan ang may sakit na bata. Bahagya pang nagulat si Lala nang makitang kasama ng kaniyang asawa si Eros. Agad nitong inihanda ang mga kakailanganin niyang gamit upang makagawa ng gamot sa batang maysakit. "H'wag ka nang mag-alala, ako na ang bahala sa kaniya," wika ni Eros habang nagpapatuloy sa pag-aayos ng kagamian niya. Sapat ng ang mga salitang iyon upang mabawasan ang kaba sa kaniyang dibdib. Hinayaan na nila si Rio kay Eros gaya nang sabi nito. Nilapitan niya ang asawa niya at kaniyang niyakap ito. Pinanood nilang dalawa kung paano gamutin ni Eros ang bata. Pinausukan ng iba't-ibang dahon at pinunasan ng langis ang piling parte ng katawan. Nang ipihit ni Eros si Rio patagilid ay laking gulat niya nang makita ang malagintong alikabok na nahulog mula sa likuran nito. Nais niya sanang magtanong, ngunit gising si Rio kaya ipinagpatuloy na niya na lamang ang ginagawa. Nang matapos na ay saka lang niya nilapitan ang mag-asawa. "Kailan pa naging iba ang anyo ng bukol sa likod ni Rio?" Mahinahong tanong ni Eros sa dalawa. Sinadyang medyo hinaan ang boses upang hindi marinig ni Rio ang sinabi niya. Nagtinginan muna ang dalawa. Nag-uusap gamit ang mga mata upang alamin kung sino ang magkukwento sa kanila. "Kailan?" muling tanong ni Eros na sumeryoso na ang mukha. Si Raven na ang nagpasyang sumagot. "Sa katunayan niyan, Tiyo, kagabi lang namin nakita ng lumaki ang umbok sa likod niya. Kahit kami ni Lala ay nagulat din sa biglaang paglaki ng umbok na 'yon," Binalikan niya ang bata at inangat kaunti ang suot nitong pantaas na damit at maingat na hinaplos ang umbok sa likod niyo. Hindi naman ito nasaktan sa ginawa niya, nakapikit lang ang mga mata nito, ngunit gising at malalalim pa rin ang paghinga. Sinubukan niyang pindutin ang umbok at doon mukhang nasaktan ito. Nag-react din ang umbok at naglabas ng mas madaming ginintuang alikabok. Idinilat ni Rio ang kaniyang mga mata at nakita ang Lolo Eros niya sa malapit. Imbes na magtaka at magtanong kung bakit naroon ito ay tahimik lang niya itong tinignan. "Masakit ba apo?" tanong ni Eros sa bata nang mapansing nakatitig ito sa kaniya. "H-Hindi po," mabilis nitong sagot at hindi naaalis ang paggalang. "Mabuti naman. Wala bang masakit sa iyo? Ulo? Tiyan?" "Wala po, Lolo. Medyo malamig lang po," sagot niya naman. "Kukumutan na pala kita, matulog ka na ulit para mabilis kang gumaling," ani Eros sa bata. Hinila na niya ang kumot na nasa paanan na ng kama dahil inalis niya kanina. Inayos niya ito ng higa. Nakatagilid at nakatalikod sa kanila upang hindi masaktan ang likod niya. Ipinikit na ni Rio ang kaniyang mga mata upang subukang matulog. Habang inaayos ni Eros ang kumot ng apo ay napansin niya ang alagang nilalang ni Rio na si Milky na nasa gilid ng kama at tila gustong umakyat sa higaan. Binuhat niya ito at itinabi kay Rio na mabilis sumiksik sa paanan ng maysakit na bata. "Magiging maayos rin siya. Hayaan niyo na matulog si Milky sa tabi niya, makatutulong ang mainit na katawan nito kay Rio upang mabawasan ang panginginig niya," aniya sa mag-asawa nang balikan niya sila. "Mabuti pa'y matulog ka na muna Lala, ikaw din Raven. Ako na muna ang magbabantay kay Rio," aniya sunod nang makita ang mga itsura ng dalawa na halatang wala pang maayos na tulog. Hindi na sila umangal pa. Sumunod sila agad at naghanap ng mapupwestuhan sa silid. Sa sahig na sila naglatag upang hindi na makisiksik sa anak na maysakit. Habang natutulog ang tatlo ay pinakikiramdaman naman ni Eros ang paligid. Dama niya ang mga kakaibang enerhiya na nadadagdagan ng nadadagdagan sa paglipas ng mga sandali. Kinukutuban siya na naaakit sila sa enerhiya na nanggagaling sa bata sa hindi niya malaman na dahilan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD