Nakailang hakbang na si Eros ngunit hindi pa rin kumilos ang bata. Inasahan niya na mag-iiba na ito ng direksyon at hindi susunod, ngunit maya-maya lamang ay naramdaman niya ang presensya nito na sumusunod na sa kaniya. Nakahinga siya nang maluwag dahil nangangamba siyang baka ito ay mapaano.
Nakarating siya sa kubo at nakasunod pa rin ito. Nagtagumpay siya na pasunurin ito at palihim na napapangiti ngunit ang ngiting iyon ay panandalian lamang. Sa pagbukas niya ng pinto ng kubo, laking-gulat niya ng makita si Rio na nakahandusay sa sahig at walang malay.
"R-Rio!" bulalas niya sa ngalan nito. Mabilis pa sa alas kwatro niya itong nilapitan upang alamin ang lagay.
Nasa tabi nito si Milky at dinidilaan ang mukha ng binata. Sinusubukan siya nitong gisingin matapos bigla na lamang matumba nang mahilo. Pinulsuhan niya ito. Mabagal ang pulso. Siniyasat niya rin ang paghinga at doon siya bahagyang mas naalarma.
Binuhat niya ito at nilagay sa mahabang upuan na gawa sa kawayan. Naghagilap ng dahon na herbal na maaaring maipaamoy rito at nang mahimasmasan. Sa dami ng mga lalagyan at iba't-ibang sukat na mga garapon, hindi alam ni Eros kung alin ang kukunin sa mga iyon dahil sa taranta. Nang mahanap na niya ang kailangan ay binalikan na niya si Rio, ngunit laking-pagtataka niya nang makitang gising na ito.
Nakita niya ang kakaibang bata na nakaligtaan na niyang nakasunod sa kaniya. Bahagya itong lumayo kay Rio nang bumalik na si Eros at si Milky na nasa paanan nito ay nagpaikot-ikot sa paanan ng bata na para bang magkakilala sila.
"L-Lolo?" tawag ni Rio sa kan'ya.
Mabilis naman lumapit si Eros upang tanungin kung anong nangyari at bakit nakahandusay siya sa sahig ng datnan niya. Sinubukan naman ni Rio na alalahanin ang lahat ng nangyari bago siya nawalan ng malay at nang maalala ay kaniya agad ikinuwento sa kaniyang lolo na nalito at napatanong sa sarili kung anong ibig sabihin ng mga iyon at bakit.
Nang mayari ang binata sa pagsasalaysay ay nabaling ang kaniyang atensyon sa nilalang na nakatayo sa di kalayuan. Nilalaro nito ang kaniyang alagang si Milky at tila aliw na aliw at kasama ni Eros na dumating. Kinagat ni Milky ang laylayan ng marumi nitong baluto na tila nais nitong alisin, ngunit ang nilalang ay hinihila naman ang tela sa kaniya upang hindi malantad muli ang kaniyang itsura.
"Sino ho siya, lolo?" tanong ni Rio kay Eros na tila hindi nito agad nadinig.
"Lolo?" pukaw sa kaniya ni Rio at doon lang siya nabalik sa realidad.
"A-Ano kamo, apo?" tanong niya rito upang ipaulit ang kaniyang katanungan.
"Sino ho siya?" kunot-noong ulit naman nito sa kaniya.
"Hindi ko pa alam," sagot niya.
"T-Teka! Siya po ba 'yong hinabol mo kanina, lolo?" sunod niyang tanong nang maalala ang dahilan kung bakit siya iniwan ni Eros sa kubo. Bigla siyang napatayo mula sa pagkakahiga sa kawayan na upuan.
Napaatras ang batang nilalang sa biglang pagtindig ni Rio dahilan para mauntog ang kaniyang likod sa pintuan sa biglaang pagkilos. Nag-umpisa na rin itong mataranta dahil akala nito'y sasaktan siya ng binata. Nawala sa isip niya ang ginagawa ni Milky na paghatak sa kaniyang madumi at basang baluti. Nagawa nitong tuluyang mahila iyon at tumambad kay Rio ang kaniyang kabuuang itsura. Dahil doon, mas lalo siyang nataranta. Tatakbo na sana ito palabas ng kubo ngunit nagawa siyang maharang ni Eros.
"Huminahon ka—maari kang masaktan kapag may ibang nakakita sa iyo sa labas," bulong niya rito habang hawak ang magkabila nitong braso. Pumapalag pa ito at nais talagang tumakbo palabas, ngunit walang sinabi ang lakas ni Eros sa kaniya.
Nagulat si Eros at Rio nang biglang gumawa ng kakaibang tunog si Milky nang mga sandaling 'yon. Huminto sa pagpalag ang nilalang dahil doon at napalingon siya sa mabalbon na nilalang na gaya niya ay may puti ring balahibo.
Kalmado na ito, pinaupo niya muna sa malapit na upuan at ibinalik niya ang baluti nito. Habang pinagmamasdan niya ito ay mas lalo siyang naawa sa bata. Sa tingin niya kasi ay hindi ito sanay na makakita ng mga ibang nilalang at sa kaniyang isip, lahat ay sasaktan siya. Tumalon si Milky sa parehong upuan at umakyat sa kandungan ng madungis na nilalang. Hinaplos naman nito si Milky.
Nang matiyak ni Eros na hindi na ito magbabalak tumakas muli, dinala niya si Rio sa kusina upang doon kausapin. Ipinaliwanag niya ang kalagayan ng batang kasama at naintindihan naman agad ni Rio ang lahat.
Mukhang napakalaking takot ang dala nito. Sa tingin pa ni Eros ay napadpad lamang ito malapit sa kubo sa paglalakbay nito upang maghanap ng masisilungan dahil maggagabi na rin. Wala na kasing ibang bahay sa kagubatang iyon bukod sa kanyang kubo.
"Mabuti pa'y dito na tayo mag magpalipas ng gabi at maaga na lamang tayong umalis bukas. Magluluto na ako ng hapunan at ikaw na muna ang tumingin-tingin sa bisita natin," ani Eros kay Rio.
Sumang-ayon naman ito at nagtungo na kung nasaan ang batang kasama ng kan'yang lolo. Naupo siya sa katapat na upuan ng batang nilalang at pinagmasdan. Nang mapansin nito na naroon siya ay bigla itong napasiksik sa sulok kung saan ito nakaupo at niyakap si Milky.
Hindi alam ni Rio kung bakit tila takot sa kaniya ang bata. May kasangsangan ang amoy nito at ang mga balahibo ay parang may mga langis na kay itim ng kulay.
Nakahanda na ang lahat nang tawagin ni Eros ang dalawa. Nahirapan siyang yayaing kumain ang batang kasama niya dahil mukhang hirap itong umintindi ng mga salita—o di kaya'y takot lamang. Napakamot na lamang siya ng kaniyang ulo. Nagpasya na lamang siyang dalhan ito ng makakain doon. Isang mangkok ng sopas at inihaw ng karne ng baboy-ramo na kaniyang preneserba sa kaniyang tapayan matapos balutan ng asin at kung ano-anong mga pampalasa na siya na ring tutulong upang hindi agad mabulok ang karne sa kaniyang taguan.
Pagtalikod ni Eros, matamang tinitigan ng batang nilalang ang mga pagkain sa kaniyang harapan. Bumalik na si Eros sa kusina at naupo. Si Rio na nakikita ang bata mula sa kaniyang kinauupuan ay nagulat nang bigla niyang nakitang nagpunas ng kaniyang mga mata ang bata. Inabot nito ang mangkok na nasa ibabaw ng lamesa na abot-abot niya lamang ang distansya.
"L-Lolo—," pabulong na tawag ni Rio kay Eros na agad naman siyang tinanong kung bakit.
"Umiiyak po yata siya," sagot niya at nagsalubong ang kilay ni Eros nang marinig. Sinilip niya nga kung totoo at nang makita niya ay halos madurog ang kaniyang puso sa itsura nito.
Malakas itong kumain. Inasahan na ni Eros na mapaparami ang kain ng bata dahil mukhang gutom na gutom naman talaga ito. Mabuti na lang at maraming pinabaon si Lala at meron pang mga nakatabing pwedeng lutuin sa bahay niya.
Halos hindi nakakain si Rio at panay ang silip sa bata. Sinasabihan ang kaniyang lolo kung ubos na ang pagkain nito at nakailang balik si Eros upang dalhan ito. Gusto sanang ibigay ni Rio ang kaniyang pagkain sa bata ngunit nagdalawang-isip siyang lumapit dahil baka matakot na naman sa kaniya.
Maging si Eros ay nawala ang gutom sa panonood lang rito. Isama pa si Milky na nakaupo sa lamesa na ubos na ang kaniyang mangkok na may gatas. Mukha silang ewan tatlo na nakatingin lang sa iisang direksyon.
Matapos kumain, pinaghanap ni Eros ng damit na maisusuot ang nilalang mula sa mga lumang damit ni Raven na naiwan sa dati nitong silid. Kamiseta lamang ang nakita niyang kakasya rito kaya iyon na lamang ang kaniyang kinuha. Nais niya sanang sabihin na maligo upang mabawasan ang dumi sa kaniyang katawan ngunit baka hindi nito magustuhan kapag sinabi niya iyon kaya hinayaan na lamang niya itong marumi.
Nakatulog na ang bata sa upuang kawayan sa sala ng kubo nang balikan niya. Nakapagtatakang nakaupo lang ito pero mahimbing na ang tulog. Narinig niya pa iyong naghihilik nang mga sandaling 'yon at kalmado ang paghinga sinyales na malalim na nga ang tulog nito.
Bakas sa maliit nitong katawan ang hirap ng pinagdaanan kung pagmamasdan siya. May marka ang magkabilang kamay at paa nito na sa hinuha niya'y dahilan ito ng pagkakakadena ng matagal. Maging sa leeg ay mayroon din.
Palaisipan sa kan'ya kung paano nagkaroon ng nilalang na kagaya ng nasa harap niya sa mundo nila. Nais niyang alamin ang sagot.
Mukha naman siyang mabuting nilalang para sa kaniya. May malakas at kakaiba itong taglay na presensiya na hindi mabatid ni Eros kung dahil lamang ba iba ang anyo nito sa kaniya at sa ibang nilalang na namumuhay sa kanilang mundo.
Napakamisteryoso ng pagkatao nito.