"Ilan kayang mga bata ang naroon, mahal?" tanong ni Lala sa kan'yang asawa habang nakatingin sa batang sa wakas kanila ng nakausap.
"Tiyak na marami. Kung tunay na matagal na ang operasyon ng laboratoryong 'yon—ibig sabihin lamang ay hindi nag-iisa ang bata," sagot ni Raven na matamang nakatingin din sa parehong direksyon.
Pareho silang hindi mapalagay. Kung ano-anong mga tanong ang nasa kanilang mga isipan na hindi na makapaghihintay ng mga kasagutan. Napakaraming paano, ilan, ano, sino, bakit at higit sa lahat, saan—kung saan nila matatagpuan ang nakatagong laboratoryo.
Hindi lang pinahahalata ni Lala ngunit nais niyang siya na ang umalis upang hanapin ang lugar na 'yon. Iyon nga lang nakasisiguro siyang kapag kaniyang ginawa ay pagsisimulan lamang ng away nilang mag-asawa kaya napagpasyahan niyang maghihintay muna ng balita mula kay Eros bago nila sama-samang pagpaplanuhan ang lahat upang iligtas ang mga bihag na naroon.
Nakahahabag silang mag-asawa sa pinagdaanan ng bata roon. Kung hindi pa siya nakipagkasundo matabang lalaki na tinatawag nilang amo sa lugar ay hindi siya magkakaroon ng pagkakataon na makalabas sa lugar na iyon.
*Flashback*
"Hoy, bata! Halika nga rito nang magkaroon ka naman ng silbi!" malakas na tawag ng isang kawal sa pilantod na batang babae.
Dali-dali siyang lumapit kahit hirap na hirap dahil sa isang binti niyang may deperensya.
"Bilisan mo!" Iyon na nga, ilang hakbang na lamang ang malapit na siya ngunit ang tumawag ay hindi makapaghintay ng kahit isang segundo. "Sumunod ka!" utos ng kawal na galit na at siya'y tumalima.
Dinala siya sa isang silid kung saan madalas naglalagi ang amo sa lugar na 'yon. May hinuha na siya kung anong dahilan ng pagtawag sa kaniya at nang makapasok na sila sa loob ay sandamakmak na mga kalat ang nasa sahig.
Kasalukuyang nananghalian ang matabang lalaki nang sandaling iyon at walang pakialam sa mga pumasok.
"O ito! Isisin mo ang sahig," anang kawal na nagdala sa kaniya sa silid. Inabutan siya ng basahan na kay dumi, panguskos at kalahating balde ng tubig na bagoong na halos ang kulay.
Maingay kung kumain ang kanilang amo at nagawi sa kaniya ang tingin ng bata. Hindi niya maiwasang hindi matakam sa isang buong inihaw na manok na kinakain nito.
"Hoy, anong tinitingin-tingin mo r'yan?" Isang may kalakasang batok ang natanggap niya at halos mawalan siya ng balanse. "Kumilos ka na, bata, kung ayaw mong masaktan," dugtong ng kawal na may paninindak sa bata na nasaktan sa kaniyang ginawa.
Lumuhod na ito sa sahig at nag-umpisang maglinis. Natuyo na ang suka sa sahig. Mukhang ilang araw nang naroon kaya nahirapan siya sa pagkuskos dahil dumikit na sa sahig na bato.
Sinikap niyang mapabilis ang pagtatrabaho upang makaalis na rin doon. Habang abala ay narinig niya ang ingay na nilikha ng upuan mula sa kaniyang likuran. Napansin niya ang paggalaw ng malaking anino ng lalaking nakaupo at kumakain.
Tapos na ito kaya mababalikan na ng bata ang kaniyang iniwasang sahig dahil naroon ito nakaupo. Binuhat niya ang balde at dala ang basahan. Sa pagtindig niya ay nakita niya ang naiwang kinainan ng matabang lalaki. Halos kalansay na lamang ng manok ang natira ngunit may kaunti pang mga laman na nakadikit sa buto.
May nagkalat na pagkain sa lamesa, ngunit mga nahulog na lamang na maliliit na piraso ng kinain ng amo.
"Anong ginagawa mo?" Nagitla siya sa nagtanong na boses. Mabilis siyang sinakluban ng takot dahil alam niya kung gaano kawalang-puso ang nagsalita.
Dahan-dahang lumingon ang bata sa nagtanong. Nakita niya ang matabang lalaki na kay sarap ng hilata sa kaniyang higaan kahit na kakain lamang nito. Ni hindi naghugas ng kamay o nagpunas ng mukha dahil kitang-kita ang bakas ng mantikang nangingintab sa kaniyang magkabilang kamay at paligid ng bibig.
Naupo ang lalaki at kaniyang nginisian ang batang nautusang maglinis ng nanlilimahid na sahig ng kaniyang silid.
"Gusto mo bang kumain?" nakangisi nitong tanong. Akmang tatango sana ang bata upang sabihing oo ngunit hindipaman ay may biglaang pumasok na isang kawal sa loob ay nang makita ang nasa lamesa ay mabilis nitong kinuha ang tira dahil kailangan na sa kusina upang gawing pampalasa sa pagkain ng mga bilanggo.
Napayuko na lamang ng ulo ang bata at bumalik sa ginagawa nang sa ganoon ay matapos na siya.
"Ang bagal mo kasi!" anang matabang lalaki at sinundan ng malutong na pagtawa.
Nakatutukso ang tirang pagkain ngunit nang maisip niya kung saan mapupunta ang tirang iyon ay nasabi niya sa sarili na mabuti na lamang at hindi siya nagpadala sa tukso. Kakain na naman sana ang kaniyang mga kasamang bihag ng pagkaing walang lasa kung nagkataon.
"Gusto mo bang makalabas sa lugar na ito, bata?" Natigilan ang bata sa ginagawa sa narinig. Tila isang musika sa pandinig ang mga salitang 'yon.
Hinarap ang lalaki na kasalukuyan nang nakaupo sa kaniyang higaan at kahit na may mala-demonyong ngisi sa mukha nito ay hindi pinansin ng bata at mabilis siyang tumango upang iparating na nais niyang makalabas doon at makalaya.
Pinag-trip-an lamang siya ng lalaki. Alam naman nitong hindi nito kayang magawa ang kasunduan nila. Pinigilan pa nga sana ng mga kawal ngunit batid ng lalaki na hindi na makababalik ang ang batang hindi naman nila kailangan sa lugar na 'yon.
Dagdag lamang daw kasi sa pakakainin.
*End of Flashback*
Ang araw na nasilayan niya ang labas ay siya ring unang pagkakataon na nakita niya ang kagubatan kung saan nakakubli ang laboratory kaya hindi niya maibigay kina Lala at Raven ang eksaktong lokasyon ng kaniyang pinanggalingan. Naligaw lamang siya at kung saan-saan nakarating sa paghahanap ng malaking nilalang na kaniyang dadalhin sa amo upang ibigay nito ang kaniyang hinahangad na kalayaan.
Sa kaniyang paglayo at paglalagalag, may ilang bagay siyang natutunan. Ginawan niya ng saklay ang sarili upang mapabilis ang kilos at hindi na siya naika-ika na nagasgas sa matatalim na dahon ng mga nadadaang mga d**o.
Kasalukuyan na naman siyang nasa isang sulok. May takot pa rin sa mga nakapaligid sa kaniya sa kabila ng ilang ulit nilang pagsasabi at pagpaparamdam na ligtas siya sa kanilang poder at hindi nila siya sasaktan, ngunit kahit na ganoon, batid ng mag-asawa ang matinding trauma nakuha nito sa pinanggalingan.
Paano pa kaya ang iba na naroon?
Ni hindi nga raw alam ng bata ang kaniyang pangalan, dahil hindi siya binigyan. Kung tawagin lang siya ng mga nilalang doon ay kung ano-ano na lamang.
Ang napapansin ni Lala, kalmado siya kapag nasa tabi niya si Milky. Ang nilalang na alaga ng kanilang anak ay tila ramdam din iyon at bigla-bigla na lamang lumalapit upang siya'y samahan gaya na lamang nang oras na 'yon. Lumapit na naman ito at nahiga sa kaniya mismong tabi at nang mapansin siya ng bata ay agad itong umayos ng upo at hinaplos ang balahibo ni Milky.
Tahimik na tahimik ang bahay. Kung hindi sila mag-uusap mag-asawa ay walang ingay. Nagtaka pa si Lala kung nasaan ang anak nila na nawala na sa isip niyang alamin kung nasaan, mabuti na lang at nandoon lang pala sa gilid ng upuan nakasandal at sa sahig din ang upo. Hindi ito gaanong nakikita lalo na kinatatayuan ni Lala at kailangan niya pang humakbang ng isa para masilip ito sa kan'yang puwesto.
Nagtaka siya sa ginagawa nito roon at nang mapansin kung ano ng hawak, bahagya pa siyang nagulat. Libro kasi ang hawak at tila nagbabasa ang binatilyo.
Batid ni Lala na hindi pa nakababasa ng kanilang anak, ngunit sa itsura nito at tagal sa bawat pahina bago buklatin sa kabila ay para bang tunay na pinapasadahan niya ang bawat salita at iniintindi ang lahat ng nakasulat sa librong hawak ng dalawang kamay.