"Baka makatulong po ang markang ito para makakuha ng impormasyon. Iyan po ang nakita ko sa likod ng bata habang pinaliliguan ko siya kanina," ani Lala kay Eros sa pag-abot niya rito ng papel kung saan niya iginuhit nang malinaw ang buong detalye; ang korteng pabilog at mga letrang hindi niya maintindihan kung lumang titik ba ang mga 'yon o makabago dahil magulo.
Kinuha ni Eros ang papel at pinakatitigan nang husto. Inikot-ikot niya at pinag-atalan. Maya-maya ay bigla na lamang nagsalubong ang kaniyang kilay nang may mapagtanto.
"Parang minsan ko ng nakita ang simbolong ito," aniya kay Lala na narinig ng palapit pa lamang na si Raven sa kanila upang alamin ang kaniyang pinag-uusapan.
"Saan po, tiyo?" kaniya agad na tanong.
"Iyon lang—hindi ko na matandaan kung saan. Pero tiyak akong ganitong-ganito 'yon. Ang mga titik na ito ay pinagsamang luma at bagong mga titik sa ating alpabeto," kaniyang sagot matapos pag-isipan nang mabuti.
Parehong nadismaya sina Lala at Raven dahil doon. Inasahan pa naman din nilang mayroon silang makukuha agad.
"Susubukan kong puntahan ang mga kakilala ko. Baka sakaling mayroon akong makuha mula sa kanila kapag pinakita ko ito," dugtong niya at mabilis na itinupi ang kapirasong papel upang ibulsa.
Nang makaalis si Eros ay sinikap nilang mag-asawa na gawin ang mga tipikal ng ginagawa sa araw-araw, ngunit si Lala ay hindi mapakali.
Kasalukuyan siyang naglalaba ng kanilang mga damit nang mapagdesisyunan niyang puntahan si Raven.
"Mahal," mahinang tawag niya rito habang abala ito sa pagpuputol ng kahoy na panggatong sa kanilang likod-bahay.
Nasa loob ng bahay si Rio kasama ang nilalang na hindi pa rin nagsasalita. Nababaliw na siyang mag-isip ng paraan paano pakikipagkomunika sa bata dahil nais niya malaman kung saan ito galing at kung anong nangyari sa kaniya at kung paano ito napadpad sa kanilang lugar.
Bakas pa rin ang takot sa bata kapag nilalapitan nila at nang iwan niya nga ay nakasiksik na naman ito sa isang sulok sa ilalim ng lamesa. Tanging si Milky lang ang nakalalapit nang husto at kaniyang inaasikaso. Nilalaro at hinahaplos ang balahibo na tila nagkakaintindihan sila.
Huminto si Raven sa ginagawa dahil sa pagtawag niya. Inilapag muna ang palakol sa gilid ng mga naputol na mga kahoy.
"Ano 'yon?" tanong ni rito habang nagpupunas ng pawis sa mukha.
"May naisip lang ako. Kaya mo kayang makausap ang batang 'yon gamit ang kakayahan mo? Hindi ba kaya mong makipagkomunika sa mga iba't-ibang hayop dito? Baka lang pwedeng tumalab sa kaniya," mahabag sagot ng kaniyang asawa.
Napaisip si Raven sandali. Hindi niya sigurado kung kaniyang magagawa dahil hindi purong hayop ang batang 'yon.
"Hindi ko alam kung kaya ko, mahal," May pagdadalawang-isip na saad ni Raven dahilan para bumagsak ang balikat ni Lala at kalungkutan agad ang remihistro sa kaniyang mukha.
"Kung nandito lang sana si Papa." Nadinig na bulong ni Raven ng kaniyang asawa habang bahagyang nakayuko ang ulo.
May kakayahan kasi ang kaniyang ama na bumasa ng isip na minsan hinihiling niya na sana ay kaniya ring namana.
"Subukan ko. Tapusin ko lang pagsisibak dito." Napaangat ng tingin si Lala nang sabihin ni Raven ito. Nabuhayan siya ng loob bigla at ang ngiti ni Raven sa kaniya ay nakatulong din mapagaan ang kalooban niya na ilang oras na ring hirap na hirap sa kaiisip ng paraan.
Gaya ng sabi ni Raven, sinubukan niya ngang kausapin ang bata gamit ang kan'yang kakayahan. Hinawakan niya ang maliit ngunit kay gaspang na kamay ng mabalbong nilalang.
Bago iyon, kinausap muna nila ang bata at ipinaliwanag na susubukan niya lamang kausapin ito sa paraang alam niya. Sinabihan niya rin ang bata na kung handa na siya ay ipatong niya lamang ang kaniyang palad sa palad ni Raven na nakalahad at hindi naman niya sila pinaghintay nang matagal.
Ipinadaloy ni Raven ang kaniyang kapangyarihan sa palad niya papunta sa bata. Hindi maalis sa bata ang matakot sa kung ano ang mangyayari. Naramdaman niya na tila kuryenteng na gumapang sa balat niya papunta sa kaniyang ulo at maya-maya ay may narinig siyang tinig kahit walang sinuman ang nagbuka ng kaniyang mga bibig sa kaniyang paligid.
"Naririnig mo ba ako?" nadinig niya nang nalinaw at hindi inaasahan ni Raven na siya'y tatango.
"Gumana ba?" tanong ni Lala na walang ideya sa kung ano na ang nangyayari nang mga sandaling 'yon.
"Oo, mahal," usal ni Raven nang nakangiti.
Halos pumalakpak si Lala at si Rio na karga si Milky sa tuwa.
Si Lala na ang sunod na nagtanong at si Raven naman na siyang makaririnig ng sagot ng bata ang magsasabi ng kasagutan.
Bawat kasagutan sa mga tanong sa bata ay kanilang hindi inasahan. Halos manlambot ang mga tuhod ni Lala habang pinakikinggan ang kaniyang asawa na halos ayaw na ngang sabihin ang ilan sa mga iyon dahil sa awa niya sa nilalang na nasa kanilang haraan.
May luha na ang mga mata nito. Nalaman nila rito na tatlong araw na itong naglalakbay upang makahanap ng hayop na dadalhin niya pabalik sa kanilang tinatawag na amo hanggang napadpad siya sa isang kubo sa gitna ng kagubatan.
Paulit-ulit niyang sinabi sa kanila na pangit lamang siya ngunit hindi siya masamang nilalang. Nais niya lamang ay tulungan ang kan'yang mga kaibigan na naiwan sa lugar na pinanggalingan—upang bigyan sila umano ng kalayaan.
Matapos nilang malaman ang lahat ay mas lalo silang naawa sa bata. Naroon din ang pagkabilib sa tapang ng bata upang makipagkasundo sa tinatawag nilang amo para lamang mapalaya ang mga naroon. Masyado niyang minaliit ang bata.
Tiyak na alam ng lalaki na hindi magagawa ng bata ang kanilang kasunduan at ang pagtatangka niyang ito ay magiging paraan na rin para maalis nila sa kanilang landas ang batang walang silbi kung ituring dahil sa kaniyang kapansanan.
Hindi biro ang pinagdaanan nito sa napakamurang edad. Ang pagtrato sa kaniya ng mga kawal at mga tagasilbi na naroon ay napakasama at halos hindi masikmura ni Lala. Hindi niya lubos maisip na mayroong ganoon klaseng mga nilalang hanggang ngayon sa kanilang mundo na nabubuhay at tila walang kaalam-alam ang hari at lahat ng miyembro ng konseho sa palasyo kaya hindi nila magawan ng paraan.
Sapat ang mga kwento at impormasyon ng bata para mapag-alaman nila ang nangyayari sa kubling lugar. Ang pag-eekperimento ay napalatagal na palang nangyayari. Mula pa noong nakaupo ang kaniyang ama bilang hari at lihim siyang nagalit sa sarili dahil nang siya ang kasalukuyang reyna ay hindi niya rin niya natuklasan ang lihim na laboratoryo.
Sa mahabang panahon ay napakarami na nilang mga nabihag. Mula sa mga Celestial at iba't-ibang mga nilalang. Dinadala sa tagong lugar na iyon ngunit walang nakararating sa sinuman na mga ulat sa mga nawawalang kababaihan.
Ang dahilan—karamihan sa kanila ay anak mahirap na nakatira sa malayo sa palasyo, mga wala ng pamilya, mga ulila.
Napakababa ng tingin ng mga walang pusong mga iyon sa kanilang mga bihag. Mas masahol pa sa hayop ang pagtrato sa mga ito at ang batang kanilang kasama ay ebidensiya at bunga ng kababuyan na ginawa nila sa mga nawalang kababaihan.
Ang ina ng bata ay doon na namatay at isa lamang ito sa napakaraming bilang ng mga namatay na bihag doon.
***
"Hoy, tama na!" nagitla si Lala sa malakas na sigaw ni Raven.
Napatingin siya kaniyang niluluto at nagulat na halos nasa loob na ng kaserola ang higit kalahati ng kanilang asin na nasa garapon.
"Ako na lang magluluto. Maupo ka muna," ani Raven at inagaw kay Lala ang hawak nitong garapon.
Sinunod naman niya. Naupo siya sa isang silya na nasa kanilang kusina. Napuno ng katahimikan, pagluluksa at matinding kalungkutan ang buong kabahayan hanggang sa dumating si Eros na kanilang hinihintay.
Medyo tulala pa si Lala kaya si Raven na lamang ang nagsalaysay ng lahat sa kaniyang tiyuhin at maging siya ay natulala rin at naramdaman ang matinding inis sa kaniyang sarili dahil wala siyang kaalam-alam na may nangyayari na palang ganoon sa kanilang mundo.
"Paano nila nagawang itago nang ganito katagal sa palasyo?" tanong ng naggagalaiti si Eros sa kan'yang pamangkin.
"Iyan nga din po ang nais namin ni Lala na malaman," tugon ni Raven.