Irene
Nang malaman ko ang balita mula sa doktor ng aking ina, gumawa agad ako ng paraan upang makapunta sa ospital.
May halo mang pagtataka sa mukha ni Third, hindi naman siya nagtanong ng kung ano-ano nang sabihin kong nais kong lumabas at magpahangin. Dahil abala rin siya sa trabaho, hindi na rin siya nagpresinta na ako ay samahan. Mabuti na iyon, mas makaka-alis ako nang maayos.
Hindi ko mapigil ang panginginig ng aking katawan nang sumakay ako sa kotse at sinimulang magmaneho. Hindi ako nagpasama sa aming personal driver dahil ayokong may makaalam kung saan ako tutungo.
Sa bawat pagbaybay ko sa kalsada, hindi ko mapigilan ang pabilis na pabilis ng t***k ng aking puso. Alam ko sa sarili na hindi ako makikilala ng aking ina sa bago kong mukha, ngunit hindi na ito mahalaga sa akin. Nais ko lang siyang makita at mayakap nang mahigpit, saka ko na ipaliliwanag ang nangyari sa oras na makabawi siya ng lakas.
Nang tuluyan akong makarating sa ospital at pinarada ang kotse, halos madapa pa ako habang sunod-sunod na hinahakbang ang aking mga paa.
Ngunit nang makarating ako sa tapat ng silid ng aking ina, tila umurong ang aking katawan at napako sa kinatatayuan.
Mariin pa akong napalunok nang maisip ang mga bagay na hindi ko maaaring ipagtapat sa kanya.
Hindi ko maaaring sabihin ang tungkol sa aking pagpapanggap. Hindi ko maaaring sabihin ang ginawa kong pagpapabago ng mukha dahil sa isang kontrata. Ngunit ganoon pa man, mabilis kong iniling ang aking ulo at inalis ang agam-agam na tumatakbo sa isip.
Saka ko na poproblemahin ang ganitong mga tanong. Kailangan kong makita ang aking ina. Kailangan ko siyang mayakap.
Nanginginig ang aking kamay nang hawakan ang doorknob, saka ko marahang binuksan ang pinto.
Nakita ko ang nurse na nakatayo sa gilid ng kama at inaayos ang suwero. Nang makita ako ng nurse, yumuko siya bilang paggalang, saka lumabas ng silid upang bigyan ako ng oras kasama ang aking ina.
Hindi napigil ng aking sarili ang pagpatak ng luha mula sa mga mata. Tila nag-uunahan ang maaalat na tubig na ito nang makita ko si nanay na natutulog sa kanyang higaan. Wala na ang tubo na tumutulong sa kanyang paghinga. Wala na rin ang ibang aparato na ginagamit noon sa kanyang katawan.
Maayos na rin at payapa ang kanyang hitsura habang siya ay tinitingnan ko.
Napakasaya ng aking pakiramdam habang nakatayo 'di kalayuan sa kanyang kama.
Sinimulan kong ihakbang ang aking mga paa patungo sa kanyang kinaroroonan, saka umupo sa katabing bangkito ng kanyang kama.
Kahit patuloy sa pagpatak ang aking luha, maingat kong hinawakan ang kanyang kamay na ngayon ay mayroon pa ring dextrose.
"Nay, nandito na po ako," mahina kong bulong sa natutulog kong ina.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, naramdaman ko ang paggalaw ng kanyang kamay.
Nanlaki ang aking mga mata at agad na mariing pinahiran ang luha. Hanggang sa maya-maya lang, unti-unting bumubukas ang talukap ng mga mata ni nanay.
Hindi ko alam kung ano ang aking mararamdaman. Halo-halong emosyon ang bumalot sa aking puso nang makita ko ang kanyang pagmulat. Tila lahat ng pinaghirapan at sinakripisyo ko ay nagkaroon ng bunga, kahit kapalit ay ang pagpapanggap ko sa asawa ng iba.
"K-Kumusta po kayo?" tanong ko sa kanya.
Kahit nahihirapan, maingat at marahan niyang nilingon ang ulo sa aking direksyon. Kitang-kita ko kung paano kumunot ang kanyang noo nang makita at maaninag niya ang aking mukha.
"S-Sino ka?" mahina at nahihirapan niyang tugon.
Lihim kong naikuyom ang aking kamay nang marinig ang kanyang sinabi. Tila may kung anong bagay ang tumusok sa aking puso nang marinig ang kanyang sinabi.
Kinagat ko ang aking labi upang pigilan ang sarili sa pagluha. At kahit numinipis na ang aking paghinga at unti-unting sumusikip ang dibdib, kailangan kong piliting ngumiti at tumugon sa kanyang tanong.
"Ako po si Clara, kaibigan ng anak nyong si Irene."
Sa likod ng ngiti sa aking mga labi, nandoon ang babaeng si Irene na ngayon ay labis ang pagluha.
"Nasaan si Irene?"
Hindi ko mahanap ang aking sasabihin sa kanyang tanong. Hindi ko alam kung gaano pa karaming kasinungalingan ang kailangan kong sabihin sa kanyang harapan. Dahil alam kong kung sasabihin ko ang totoo, baka makasama lang sa kanyag kalusugan.
Isang buntong hininga ang aking ginawa, saka muling ngumiti sa kanya na tila walang kahit anong problemang iniisip.
"Mahabang panahon po kayong na-comatose, ma'am. Ang totoo, nagkaroon po ng trabaho si Irene sa ibang bansa upang tustusan ang pangangailangan niyo sa ospital. At bilang kaibigan niya, nangako ako sa kanya na babantayan at aalagan ko kayo habang wala siya," pilit kong pagsisinungaling.
"Ganoon ba?"
Ramdam ang lungkot sa tinig ni nanay. Napakasakit para sa akin na ang taong matagal ko nang ninanais na gumaling ay hindi ako makilala.
"M-May gusto po ba kayong kainin? Tubig? B-Baka gusto nyo po ng tubig," tanong ko.
"Sige nga, hija. Pahingi mo akong tubig."
Tumaas ang magkabilang gilid ng aking labi nang mapagtanto kong mapagsisilbihan ko na rin ang aking ina.
Masaya kong nilapag ang tubig sa lamesa na kalapit na kama. Nanlaki naman ang aking mga mata nang makita ang pagpilit ni nanay na umupong mag-isa.
"Nanay! 'Wag muna kayong gumalaw!" sigaw ko sabay hawak sa kanyang balikat upang alalayan siya. Kunot noo namang tumingin sa akin si nanay at doon ko lang napagtanto ang aking sinabi. "A-Ayos lang naman po kung tawagin ko kayong nanay?" nahihiya ko pang tanong.
Tila yelo na natunaw ang aking puso nang makita ang pagngiti ng labi ni nanay.
"Oo naman, hija. Ganyan din ang tawag sa akin ni Irene," tugon niya.
Marahan ko siyang inalalayang umupo, saka ko binigay ang tubig.
Kahit paano, masaya ako dahil nahahawakan ko ang aking ina, nakakausap ko siya kahit ibang tao ang tingin niya sa akin. Siguro, sa ngayon, hindi na mahalaga sa akin ang bagay na iyon, ang mahalaga ay makasama ko siya at maayos ang kanyang lagay.
***
Sa paglipas ng araw, madalas akong umalis ng mansion at palihim na bumibisita kay nanay. Unti-unti na ring nakababawi ng lakas si nanay at dumadalas ang tanong niya tungkol kay Irene. Kahit masakit para sa akin, pilit akong nagsisinungaling sa kanyang harapan. Hanggang sa dumating ang araw na hindi ko na kinaya ang pangungulit sa akin ni nanay.
Nang dumating ako sa silid niya sa ospital, nakatanaw lang sa bintana ang aking ina. Nakaupo siya sa isang wheelchair dahil pinayo ng doktor na huwag muna siyang pagalawin nang madalas. Matagal din kasi ang pagka-comatose niya.
Habang minamasdan ko ang mukha ni nanay mula sa aking kinaroroonan. Hindi ko mapigil ang pananabik na mayakap siya.
Wala sa sariling humakbang ang aking paa patungo sa kanyang kinaroroonan, saka ko siya mahigpit na niyakap mula sa likuran.
Pinatong ko pa ang aking baba sa kanyang balikat at pinikit ang mga mata.
"Hija, may problema ba?" tanong sa akin ni nanay sabay sa paghimas ng aking braso.
"Wala naman po, nanay," wika ko na may kirot nang banggitin ko ang salitang nanay.
"Clara, hindi ba natin pwedeng tawagan si Irene sa ibang bansa? S-Simula kasi nang gumising ako, hindi ko pa rin siya nakakausap," nangingiyak na pakiusap ng aking ina.
Maingat akong bumitiw mula sa pagkakayakap, saka tumungo sa kanyang harapan at lumuhod. Sumilay ang ngiti sa aking mga labi at binigay ang cell phone sa kanyang kamay.
"Sige po, nanay. Tawagan natin siya," wika ko.
Biglang lumiwanag ang malungkot na mukha ng aking ina nang banggitin ko ang bagay na iyon.
"T-Talaga ba? Naku, hija! Hindi mo alam kung gaano ako kasaya!" excited niyang sambit.
Nakita ni nanay ang naka-flash na numero sa screen at mayroong nakalagay na calling. Kitang-kita ko pa ang panginginig ng kanyang kamag dahil sa pagkasabik.
Marahan akong tumayo saka nagpaalam.
"Maiwan ko po muna kayo," saad ko, ngunit tila hindi na niya ako narinig dahil abala siya sa paghihintay ng sagot sa teleponong hawak niya.
Sa paglabas ko ng silid ni nanay, tila hinanghina ang aking katawan nang isandal ko ang likod ko sa pinto, saka ko kinuha ang isang cell phone na nasa aking bulsa.
Nagsimulang pumatak ang aking luha nang makita ko sa screen ang numero ng cell phone na ibinigay ko kay nanay. Hindi ko akalain na aabot ako sa ganito upang makausap ko siya bilang si Irene.
Kahit nanginginig ang daliri, pinindot ko ang receive call at tinapat ang telepono sa aking tainga.
"Hello, nanay," basag ang tinig kong wika.
"Irene, anak!"
Mariin kong tinakpan ang aking labi nang tuluyang bumuhos ang aking emosyon. Narinig ko rin mula sa kabilang linya ang sunod-sunod na paghikbi ni nanay.
"Nanay, kumusta ka na? Sorry kung wala ako d'yan sa tabi mo," basag ang tinig kong saad.
"Naiintindihan ko, anak. Naiintindihan ko. Salamat, ha? Salamat dahil hindi mo ako sinukuan."
Halos nanlambot ang aking tuhod at tuluyang napaupo sa sahig. Sunod-sunod ang pagpatak ng luha sa aking mga mata dahil sa pagkasabik na marinig ang tawag niya sa aking anak.
"'Wag kang mag-alala, nanay. Magkikita rin tayo ulit. I miss you, nay," wika ko. "Ginagawa ko ang lahat ng ito para sa 'yo, nanay. At sana, sa oras na muli tayong magkita, matanggap mo pa rin ako."
"Oo naman, anak. Miss na rin kita, sana makauwi ka na rito, 'wag ka masiyadong mag-alala sa 'kin, ha? Kasama ko ang kaibigan mong si Clara,"
"Opo, nanay."
Nagpatuloy pa ang aming pag-uusap na animoy walang katapusang kwentuhan. Sabik na sabik akong marinig ang tinig ng aking ina ngunit alam kong sandali lang kami maaring mag-usap dahil kailangan ko na ring bumalik sa mansion.
Ngunit alam ko, pagdating ng panahon, kaya ko nang ipagtapat ang lahat. Malaya ko nang mayayakap muli ang aking ina, isang pagyakap na wala nang makapipigil kahit isang kontrata.