Signal 1950: Prologo
~Hunyo 14, 1950~
Dahil sa nakakakilabot na lakas ng bagyo na nagdulot pa ng mga malalakas na kidlat at kulog ay takot ngayon ang mga mamamayan ng bayan ng San Nicolas na lumabas sa kani-kanilang mga tahanan.
Ngunit hindi alintala ang malakas na ulan sa dalawang lalaki na ngayon ay nakasuot ng itim na balabal at isang hindi ordinaryong itim na salakot na may burdang ekis sa harapan.
“May posporo ka ba diyan pare?” tanong ng isa sa kaniyang kasama nang maisubo nito ang isang stick ng sigarilyo mula sa kaha na halos lukot na at isa na lamang ang natitirang laman.
Tumango ang kaniyang kasama at hinugot nga ang posporo mula sa kaniyang bulsa.
Ngayon ay tila may inaabangan sila sa gilid ng tagong iskinita malapit sa sementeryo ng bayan.
Dito ay walang masyadong tao at takot halos ang karaniwan na dumaan dahil madilim at tago nga ito.
At isa pa, takot na dumaan ang mga tao dito dahil sa nakakakilabot na kwento ng mga matatanda patungkol sa lugar na ito.
Na sa lugar daw na ito namatay ang kinatatakutang manananggal ng bayan ng San Nicolas na siya nilang pinaniniwalaan na nagmumulto sa kasalukuyan.
Kung dumaan ka nga raw dito ng ganitong oras ay malaki ang posibilidad na hindi ka na makauwi at ikaw ay tuluyan nang dukutin ng mangkukulam.
Eksaktong alas-otso ng gabi ay may tumigil na isang sasakyan sa iskinita kung saan naghihintay ang dalawa.
Lumabas mula rito ang isang lalaki na nakasuot din ng parehong salakot na suot ng dalawa na may burdang ekis sa harap.
“Iyan na ba ang bangkay?” bungad na tanong ng isa sa dalawang lalaking naghihintay sa iskinita.
Agad na tumango ang lalaking kakalabas lang sa kotse.
"Siguraduhin niyong maililibing niyo siya ng maayos at walang sino man ang makakadiskubre nito. Dahil kung hindi ay hindi lang kayo malalagot kay Don kundi malalagot din kayo sa aking dalawa," banta ng lalaki na nanggaling sa kotse at tiyaka nga niya sinenyasan ang iba niyang kasama sa sasakyan na ilabas na ang isang drum kung saan naroon ang walang buhay at inaamag ng bangkay ng isang hindi kilalang lalaki.
Tumango ang dalawa at sabay nilang binuhat ang drum palabas ng kotse.
“Ikamusta mo nalang kami sa Don,” sambit ng isang lalaki bago pa man isara ang kotse at tuluyan nang paandarin palayo mula sa kanila.
Agad-agad na binuhat ng dalawa ang drum papunta sa sementeryo malapit sa iskinitang kinatatayuan nila.
At doon ay naghukay sila ng malalim upang may kalagyan ang bangkay na hawak nila ngayon.
Tila baga naghuhukay ang dalawa ng isang daan papunta sa lugar kung saan hindi na kailanman malalaman pa ng sino man kung ano o sino ang nasa likod ng pagkamatay ng bangkay.
Ngunit ang hindi nila alam ay may isang mambabalut ang nanonood sa kanila ngayon at nagtatago sa isang puno upang hindi nila makita.
Pilit niyang minumukhaan ang dalawang lalaki ngunit hindi niya magawa dahil sa suot nilang mga balabal at salakot.
“E—ekis?” sambitla ng mambabalut sa sarili nang mapansin ang simbolong nakaburda sa salakot ng dalawang lalaki na ngayon ay inihulog na ang drum papunta sa hinukay nilang butas.
Makalipas ang ilang minuto ay natapos ding ibaon ng dalawang lalaki ang drum. At pagkatapos ay nagmadali na ngang makaalis ang mga ito sa lugar kung saan nila ibinaon sa limot ang lahat-lahat.
_________________________
Siniguro muna ng mambabalut kung nakaalis na ang dalawa at tiyaka siya dahan-dahan na naglakad palapit sa pinagbaunan ng drum.
Nag-aalangan man ito na lumapit ay nagpasya rin lang siya na tignan kung ano ang ibinaon ng mga lalaki.
Unti-unti niyang hinukay ang lupang kinalalagyan ng bangkay gamit nga ang palang iniwan ng dalawang lalaki malapit sa lugar ng pinaghukayan.
At makalipas ang ilang minuto ay natigilan siya sa paghuhukay nang maitama ang pala sa metal na drum na siyang naglikha ng malakas na tunog.
Tanda nga ito na mukhang ito na nga ang ibinaon na bagay ng dalawang lalaki kanina.
Nagtaka nga ng lubos ang mambabalut kung ano nga ba ang laman ng drum na nahukay niya kaya’t nagpasya siyang buksan ito at diskubrehin ang laman.
“S—susmaryusep!”
Tumakbo palayo ang mambabalut nang makita niya ang ulo ng bangkayat mapagtanto ngang tao ang laman ng drum.
At halos masuka siya at agad na mapatakip ng ilong dahil sa masangsang na amoy ng bangkay na mukhang matagal ng nasa drum dahil sa mga uuod na nakapaligid sa iba’t ibang parte ng katawan ng bangkay.
Pero makalipas ang ilang minuto ay tinamaan din siya ng kuryusidad at nagpasya rin lang ngang kilalanin kung sino ang nagmamay-ari ng bangkay.
Unti-unti siyang lumapit dito habang halos nanginginig ang buo niyang katawan dahil sa kaba at takot.
At kahit nandidiring hawakan ang medyo inuuod ng bangkay ay tiniis niya ito at unti-unting inilabas ang bangkay mula sa drum.
Nang tuluyan niyang mailabas ang bangkay mula sa drum ay bumagsak siya sa putikan at hindi inaasahang maisubsob nga sa kaniyang harapan ang bangkay dahilan para agad nga niyang itulak ito palayo.
At nang napatayo na nga siya ay tumambad sa kaniya ang mukha ng bangkay na sobrang dami ngang tama ng baril na siyang pinaglalabasan sa ngayon ng mga uod na nagmumula sa loob ng kaniyang katawan.
Pero habang tinititigan niya ito ng mabuti ay unti-unti niyang namumukhaan kung sino itong bangkay.
At dahil sa gulat niya ay halos manghina ngayon ang magkabilaan niyang tuhod at mapaupong muli sa putikan.
“D—don Carlos?” nauutal na sambit nito habang nanlalaki ang mga mata dahil sa gulat.
_________________________
Matapos ipatrabaho ng lalaki ang bangkay ni Don Carlos De Ayala ay pumunta ito sa isang tago at lumang bahay na napapaligiran ng mga puno. Walang sino man ang napaparito dahil sa tago at bantay sarado ito ng mga gwardya.
"Nasaan siya?" bungad na tanong ng lalaki na ngayon ay kakababa lang ng kotse.
"Nasa loob ang Don at kanina ka pa inaantay nito," sagot sa kaniya ng isang gwardya na isa sa nagbabantay ng bahay.
Kaya naman napatango nalang ang lalaki at ang mga kasama nito na siyang tuluyan nang pumasok sa mansyon upang puntahan ang Don.
"Nasa kwarto siya," bungad sa kanila ng isa pang tauhan nang makaloob na sila sa bahay.
Nasa labas palang ang lalaki ay rinig na rinig na ang malakas na musika na siyang nangingibabaw sa loob ng buong kwarto ng Don.
Little darling, I feel that ice is slowly melting
Little darling, it seems like years since it's been clear
At hindi naman nagdalawang isip ang lalaki na buksan ang pintuan at pumasok sa loob nito.
Here comes the sun, do, dun, do, do
Madilim ang buong kwarto at amoy na amoy mo rin ang amoy ng mga samu’t saring bulaklak na nagkalat sa paligid.
At karamihan nga sa mga bulaklak ay ang musk thistle na siyang pinakapaborito ng Don.
Here comes the sun, and I say
“It’s all right,” marahang patuloy ng isang misteryosong lalaki sa liriko ng musika na ngayon ay sumasayaw pa at sinasabayan ang tugtog ng musika.
Hindi kita ang pagmumukha nito dahil sa suot din nitong salakot na may burdang ekis sa harap.
“Magandang gabi sa iyo Don.”
Natigil siya sa pagsayaw nang biglang nagsalita nga ang lalaki na kakapasok lang sa kwarto.
Dahilan nga ito para patayin niya ang cassette player na siyang pinagmumulan ng musika.
“Malinis na nailigpit ang bangkay Don,” patuloy ng lalaki na siyang dahilan para mapangisi ng tuluyan ang Don dahil sa magandang balita.
“Magaling,” sambitla ng Don na ngayon ay umupo na sa kaniyang upuan at inalis na nga ang suot na salakot.
“Nalalapit na,” sambit muli ng Don na dahilan para kumunot ang noo ng lalaki dahil sa pagtataka. “Malapit na ulit magsimula ang lahat-lahat— malapit na.”
“Sigurado ka ba sa ibinabalak mo? Paano kung pumalya at mas magulo lang ang lahat Don?” nag-aalinlangang tanong ng lalaki na dahilan para tignan siya ng Don ng isang nakakakilabot na tingin na tila ba hindi niya nagustuhan ang mga sinabi ng lalaki.
"Sa tingin mo ba ay papalpak ako? Iyon ba ang tingin mo sa akin?" sarkastikong tanong nito na sinabayan pa niya ng isang nakakabaliw na tawa. “Tingin mo ba sa akin ay mahina at bobo?!”
"H—hindi naman sa ganoon Don," bawi ng lalaki na napalunok pa nga ngayon dahil sa nerbyos. “Alam ko namang magtatagumpay ang plano—“
"Regreso al futuro," putol ng Don na dahilan para tarantang mapaluhod ng wala sa oras ang lalaki.
"R—regreso al futuro," ulit ng lalaki sa isinambit ng Don.
Ang Don ay pumitas ng isang bulaklak ng musk thistle at tiyaka nga inamoy ito habang nakangisi at tila may malalim na namang iniisip.
“Ang ayaw ko sa lahat ay iyong mga taong walang tiwala sa plano ko,” saad ng Don na siyang dahilan para dahan-dahang mapatingin ang lalaki habang nanginginig na nga ang buong katawan nito dahil sa kaba. “At walang tiwala— sa akin.”
At sa pagkasabing-pagkasabi pa lang nga ng Don ng mga katagang iyon ay mabilisan nga niyang kinuha ang baril na nasa mesa niya at ni hindi nga nagdalawang isip na paputukan sa ulo ang lalaki na dahilan para agad na matumba ito sa sahig at malugutan ng hininga.
Unti-unting naglakad ang Don papunta sa lalaki at nakangisi ngang pinagmasdan ang umaagos na dugo nito mula sa ulo.
“Regreso al futuro,” marahan niyang sambit at muli’t muli ngang pinaputukan ang lalaki sa ulo.