HINAHAKOT ko na nag gamit ko na nakalagay sa locker nang dumaan si Jose.
"Glaiza, hindi kita masasabayan, ha? Uuwi kasi ako ng Malate ngayon."
Nilingon ko siya at tinanguan.
"Okay lang naman. Ingat ka!" sabi ko at binalikan ang bagpack.
Nagsasabay kami ni Jose sa pag-uwi dahil iisa ang way namin at s'yempre delikado umuwi ng madaling-araw. Kaya lang ay sa Makati ang uwi ni Jose ngayon dahil may sakit iyong nanay niya at ni-re-request na umuwi muna ito sa kanila. Kaya ayon wala akong kasabay. Hindi ko rin naman pinayagan na sunduin ako ni Papa dahil nga alam kong mahihirapan itong makatulog ulit kapag nagising na. Iyong katawan kasi niya ay sanay na matulog ng eight ng gabi. Kung aagahan naman niya ay hindi naman nito magawa. Ayaw makisama ng diwa niya. Hindi pa rin makatulog talaga.
Mag-isa lang akong naglakad palabas ng resort. Madilim na at walang katao-tao. Mula Buendia ay nilakad ko hanggang Makati Ave. Nagtitipid kasi ako sa pamasahe at wala rin akong makita na jeep sa oras na 'to.
Sa Burgos St ako nakasakay pero nag-antay pa ang jeep. Dalawa pa kaming babae ang pasahero. Matanda ang isa at mukhang kalalabas lang din sa trabaho.
"Kanina pa ko dito, ang tagal mapuno."
Nag-angat ako ng tingin sa kaharap kong pasahero. Nakasimangot na siya. Hindi ako sumagot. Napatingin ako sa driver na nakasandal sa upuan at mukhang natutulog.
Tinanaw ko ang labas ng bintana. Iniisip ko kung lalakarin ko na lang ba sa amin o aantayin kong mapuno ang jeep? Antok na antok na rin ako at iniisip ko kung naglakad na ko kanina pa siguro ako nasa bahay namin.
Nag-antay ako ng limang minuto.
"Hay nako!"
Bumaba iyong pasahero dahil mukhang nainip. Ako na lang tuloy naiwang mag-isa. S'yempre nakakatakot naman na mag-antay sa jeep tapos ako lang at babae pa. Edi bumaba na rin ako. Aabutin ng trenta minutos ang lakaran pauwi sa bahay.
Pinili ko na lang din maglakad. Bukas naman ang street lamp. May mga bukas na bars at mga babaeng nasa labas. Naghahanap nang mga parokyano. Kampante naman ako maglakad. Hindi na nga lang noong pagliko. Nagdadalawang-isip ako dumaan kasi nga walang katao-tao hanggang sa dulo.
"Hay, diyos ko naman!" Napabuga ako ng hangin.
Yakap-yakap ko ang bagpack ko sa harap. Mamaya kasi ay nanakawan na pala ako. Kabado ako habang naglalakad at ang bilis ng bawat hakbang ko.
Kaya lang ay...
"Miss, holdup 'to." Inakbayan ako ng lalaking payat at suot ay black cap and shirt. Namilog ang mga mata ko, nanlamig ang aking tiyan sa kaba at bumilis ang t***k ng puso ko.
"Lord, sabi ko po, gusto ko maramdaman na manlamig ang aking tiyan sa kaba dahil sa crush ko pero hindi sa gani—"
"Akin na ang bag mo! Ang dami mong sinasabi!" Hinila niya ako sa may tabi sa bandang eksinita.
"Kuya, 'wag po!" Paiyak na sabi ko dahil naramdaman ko na iyong pagtutok ng kutsilyo sa tagiliran ko.
"Akin na!" Hinila niya ang bag ko at wala akong nagawa kundi hubarin iyon sa aking katawan. Sinubukan kong tanawin ang mukha niya pero iniiwas niya iyon at yumuyuko. Madilim pa man din at hindi sapat ang ilaw ng poste para malinaw ko sanang makita ang buong mukha niya.
Umiling ako dahilan para idiin niya ang kutsilyo. Doon ako lalong kinabahan. Napaiyak ako habang binitiwan at pinaubaya na sa lalaki iyong bagpack ko.
"Kita mo! Ibibigay mo rin naman gusto mo pang masaktan! Dapat hindi ka na pumapalag!" galit niyang sabi habang hawak na ang bag ko. Sinubukan pa nitong silipin ang aking mukha kaya binagsak ko ang mga mata sa sahig sa takot ko na baka kapag tinignan ko siya at kung anong gawin niya sa akin. Napahawak ako sa aking katawan.
"Tss. Bag mo lang gusto ko. Hindi ako gwapo oo pero mapili ako. Ang pangit mo! Diyan ka na!" Dumura pa ito sa lupa bago ako nilayasan.
Umiyak ako habang nagpalinga-linga at hindi malaman kung anong gagawin. Nanakbo palayo iyong holdaper.
"B'wisit! Iyong atm ko andon. Sasahod pa naman na ko. Tsaka sayang 'yong limang daan ko. Hanggang sahod ko na 'yon!" mangiyak-ngiyak kong sabi.
Para akong tanga na umiiyak habang naglalakad sa gilid ng kalsada. Magsusumbong ako sa police station. Nagpapahid na ko ng luha habang humihikbi nang may humintong sasakyan sa tabi ko. Nanlamig ang aking tiyan at mabilis na lumayo sa takot na baka mamaya ay kidnapin naman ako tapos kunin ang laman loob ko at ibenta.
"Miss! Bakit ka tumakbo?!"
Napalingon ako at sumungaw iyong ulo ng driver sa labas ng bintana. Bumisina pa siya at umandar palapit iyong sasakyan niya sa akin. Nakakunot-noo ako habang naglalakad pa rin palayo.
"Nakita namin na na-hold-up ka. Hinabol nang amo ko 'yong holdaper kaso hindi pa siya nakakabalik."
Natigilan ako.
"Huh?" Nakatanga kong tanong. Huminto na nang tuluyan sa harap ko iyong sasakyan.
"Iyong amo ko kako hinabol 'yong holdaper. Siya nakakita na kinuha iyong bag mo. Kaso wala pa siya. Antayin natin baka nabawi."
Nabuhayan ako ng loob at pinahid ang luha.
"Talaga po? Sana nahabol niya. Hindi ko na po napansin na may humabol kasi nawala na po ako sa sarili kanina. Hindi ko po alam kung ano ang una kong gagawin."
"Miss."
Natigilan ako at nilingon ang matangkad na lalaki. Naka-mask pa siya na itim at black cap. Sinubukan kong tignan ang mga mata niya pero umiwas siya ng tingin.
"Your bag. Check it," utos niya.
Saglit pa kong natulala sa mga pangyayari. Hindi kasi ako makapaniwalang nakuha niya 'yong bag ko. Napaluha ako at nanginginig pa ang mga kamay nang abutin ang bagpack ko.
"S-salamat po, Sir!" sabi ko pero binubuksan na ang bag para tignan kung naroon ang wallet ko. Nakahinga ako ng maluwag nang naroon pa rin ang limang-daan ko.
Nag-angat ako ng tingin at wala na iyong lalaki. Nasa loob na nang sasakyan.
"Sir, maraming salamat po!"
Tumango lang ito.
"Sa susunod, huwag ka nang maglakad mag-isa lalo na madilim."
"Wala po kasing masakyan nang ganitong oras," sagot ko sa driver.
Napasulyap ako sa katabi nito. Iyong amo niya.
"Wala bang susundo sa 'yo?"
"Matanda na po kasi ang magulang ko kaya hindi na ko nagpasundo."
"Naku, dapat sumabay—"
"You should have asked your Canyon Woods Resort and Club manager to change your shift because it's dangerous to go home at this hour. Ruel, let's go."
Napamaang ako sa lalaki dahil alam niya kung saan ako nagtatrabaho.
"Sige, hija. Mag-ingat ka. Liliko na kasi kami."
Tumango lang ako at nagpasalamat ulit. Alam ko na ayaw nang amo niya na isabay yata ako. Okay lang din naman dahil natulungan din naman nila ako.
Napahawak ako sa aking dibdib. Napatingin ako doon at tsaka ko na-realize na suot ko pa pala iyong ID ko.
Dahil sa nangyari kaya hindi na ko naglakad. Tinakbo ko na lang para madaling makauwi sa bahay sa takot ko na baka mamaya ay may mang-holdap ulit sa akin. Hindi na ko nagsumbong sa pulis dahil nakuha ko na rin naman ang bag ko.
Pag-uwi sa bahay ay hindi ko na nasabi kay Mama ang nangyari. Dumiretso ako sa kwarto at sinilip ang laman ng aking bag.
"Ano 'to?" Nakakunot ang noo ko habang may nakapa sa gilid ng aking bag.
Namilog ang mga mata ko nang makita ang relo.
"Hala, Rolex! Naiwan ni Sir!"