Chapter nine
CEDRICK
Simula ng mawala si Terrence wala ng nakakapansin sa akin dito, maski si Eloisa ay mailap na rin sa akin, dati rati palihim pa yan na lumalapit sa akin para mahalikan lang ako.
Tsk!
Ano bang meron sayo Terrence at ang laki mong kawalan ngayon?
Kung ako kaya ang nawala, hahanapin din kaya nila ako? Pakiramdam ko hindi, alam ko naman na paboritong paborito nila si Terrence.
Hindi ko na lang pinapahalata na naiinggit ako sa kanya, naging mabuti akong kuya sa kanya upang mapansin din nila ang kakayahan ko kaso wala parin.
Habang tumatagal para akong hangin na binabalewala nila sa bahay lalo sa negosyo namin, si Terrence kase ay mas matalino kesa sa akin.
And the worst part is, my first love? Will be his fiancée. Or let say will become his wife.
Ang tinutukoy ko ay si Eloisa, nauna ko siyang nakilala at nauna kaming nagkaroon ng relasyon, hindi ko pa siya naipakilala noon sa mga magulang ko dahil pareho kaming nasa ibang bansa.
Pagbalik namin dito sa Pinas ay doon ko na lang nalaman na magkaibigan pala ang mga magulang ko at mga magulang ni Eloisa ngunit hindi siya pinagkasundo sa akin, si Terrence ang gusto nila para sa kanya.
Na love at first sight naman si Terrence sa kanya at niligawan din niya si Eloisa, nakiusap sa akin si Eloisa na itago muna ang relasyon namin dahil napakaistrikto ng mga magulang niya.
Nadismaya ako sa desisyon niyang iyan pero inintindi ko na lang dahil magulo ang sitwasyon lalo at siguradong ang papaboran nilang pakasalan ni Eloisa ay si Terrence at hindi ako.
Nagtiis ako sa patagong relasyon dahil kay Eloisa, masakit man para sa akin yun pero pinigilan ko ang emosyon ko.
Kaso nga lang, ng magdesisyon na sila na ipakasal si Eloisa kay Terrence ay doon na ako nabahala. Hindi rin tumatanggi si Eloisa kaya nainis ako sa kanya, mahal ko siya pero ayoko minsan ng desisyon niya dahil parang nahuhulog na ang loob niya kay Terrence ayaw lang niyang aminin sa akin.
Our relationship becomes more complicated.
Hindi niya sinabing maghiwalay na kami bagkos ay may nangyayari pa nga sa amin tuwing magdadate kami ng hindi nila alam.
Matagal ko ng balak sabihin ang totoo pero ayaw ni Eloisa dahil takot siya sa mga magulang niya, alam ko naman na ayaw nila sa akin dahil mas mahusay naman talaga ang kapatid ko pagdating sa pagpapatakbo ng negosyo.
Pero ako ang nauna!
Ako ang unang minahal!
Bakit ako yung nawalan?
Hindi talaga ako mapakali dahil gusto na nilang ipakasal ang babaeng mahal ko sa kapatid ko, hindi rin ako makakapayag na mangyari yun.
Napakasakit isipin.
Ang akala nila ay napakatahimik kong tao at mabigay sa lahat, dahil ako ang panganay. Ganun naman ang ginagawa ko kay Terrence pero pagdating sa babaeng mahal ko? Ibang usapan na yun.
Wala ring ginagawa si Eloisa na hakbang upang hindi matuloy ang kasal, nakakasakit dahil palagi niyang sinasabi sa akin na mahal niya ako pero bakit wala siyang ginagawa?
Nandilim ang paningin ko, ang utak ko ay napuno na ng masamang isipan, hindi ko makontrol ang selos ko tuwing makikita ko si Eloisa na masaya kay Terrence.
Ako dapat yun!
Ako dapat ang groom!
Ako dapat ang masaya at hindi si Terrence!
Sa sobrang selos at galit ko, nakagawa ako ng malaking kasalanan, ako ang dahilan kung bakit naaksidente ang kapatid ko.
Hindi ko talaga kayang makitang ikasal si Eloisa kay Terrence kaya naman, sinira ko ng palihim ang sasakyan na gagamitin ng groom.
Planado lahat iyon.
Kaya nauna akong umalis upang hindi ako makasabay sa kanya at madamay.
Alam ko ng mangyayari ang aksidente, hinihintay ko na lang talaga na maganap iyon kaso nga lang hindi na natagpuan ang katawan ng kapatid ko.
Hindi naman ako nagsisisi sa ginawa ko dahil, malaya na si Eloisa, malaya na kami.
Kaso nga lang, puro parin sila Terrence kahit wala na siya ngayon, tanggapin na lang nila ang pagkawala niya para sa akin na ang atensyon ng lahat.
“ Hindi parin mahanap ang katawan ng kapatid mo Cedrick, saan natin siya hahanapin.” Hagulgol ni mama dahil ilang araw ng walang balita kay Terrence, nasa Palawan parin kaming lahat at nag aabang ng balita. “ Kahit man lang katawan niya ang mahanap basta maiuwi ko siya.” Iyak ng iyak araw araw si mama.
“ Tumahan na po kayo, mahahanap din siya.”
Nandito naman ako, anak niyo rin pero hindi niyo napapansin.
Maski si Eloisa naging mailap na sa akin ng mawala si Terrence, akala ko nga babalik na kami sa dati kapag nawala ang kapatid ko, kaso bakit parang mas lumala ang trato niya sa akin? Halos ayaw pa nga niya akong kausapin.
Hindi ko pinaalam sa kanya ang ginawa ko dahil alam ko naman na magagalit siya, gusto ko parin maging mabuti sa paningin nilang lahat.
Kasalanan din naman nila kung bakit ko nagawa yun.
Basta hindi ako nagsisisi.
Lumabas ako ng hotel upang magpahangin, ayoko ng kadramahan ng mga kasama ko dahil mas lalo lang akong naiinis.
Nakita ko si Eloisa na pabalik na rin sa hotel nila kaya sinalubong ko, akala ko wala siyang kasama sumusunod pala sa kanya ang mommy niya.
“ Magandang gabi po.”
Ngumiti lang sa akin ang kanyang ina at nauna ng pumasok sa loob ng hotel, naiwan si Eloisa at sinenyasan ako na umalis na.
“ Umalis ka na, huwag ka munang lalapit sa akin.”
“ Bakit ka ba ganyan sa akin? Ngayon dapat tayo nagdadamayan dahil sa pagkawala ng kapatid ko pero bakit ka ganyan sa akin.”
“ Alam mo namang ako ang fiancée ng kapatid mo, ayokong pag isipan nila ako ng masama.”
“ Wala na nga siya ano pang ikakapangamba mo? Mas malaya na nga tayo, gusto lang naman kitang makita, mahawakan, mahalikan at—”
“ Enough! Please Cedrick, baka may makarinig sayo, papasok na ako, pumasok ka na din, malamig dito sa labas.”
Concern ka parin sa akin pero bakit mo ako pinagtatabuyan ng ganyan? Akala mo ba hindi masakit yang ginagawa mo sa akin Eloisa? Yan ang gusto ko pang banggitin sa kanya kaso pumasok na siya sa hotel.
Nasipa ko ng malakas yung bato na malapit sa paanan ko sa sobrang inis.
Mas lalo akong nagagalit kapag ganito ang trato nila sa akin, parang wala akong karapatang magmahal, parang wala akong karapatang sumaya.
Lahat ng gusto ko naaagaw ni Terrence, hanggang ngayon naman kahit wala na siya.
Sana nga hindi na nila makita ang katawan niya para mawala na rin siya sa ala-ala nilang lahat, nakakasama lang ng loob dahil yung atensyon at pagmamahal noon sa akin ni Eloisa naglalaho na talaga.
Ginawa ko naman ang lahat para mahalin niya ako ng tuluyan, sinunod ko siya sa gusto niya, nagtiis sa patagong relasyon tapos ganito pa ang igaganti niya sa akin.
Kinakalma ko ang aking sarili.
Ayokong magalit ng husto sa babaeng mahal ko.
Alam kong nalilito lang siya ngayon at nabibigla, babalik ka rin sa akin Eloisa.