Chapter four
LOU
Nag aalala ako doon sa lalake kanina, para naman niya akong nobya nito, kase naman ngayon lang ako nakasaksi ng ganyan, akala ko nga patay na, nakakakaba kaya, Terrence ang pangalan niya dahil nakita ko yun sa ID niya, hindi ko pa makausap yung doktor dahil nasa loob pa sila ng emergency room.
“ Lou, aalis muna ako, baka hanapin ako ni nanay, babalikan kita mamaya, hindi kase ako nagpaalam sa kanya kanina.”
“ Sige, pakisabi na rin kay mama na—” ano nga bang idadahilan ko? “ Huwag mo palang sabihin na nandito ako sa ospital at may dinalang binata.”
“ Eh anong sasabihin ko sa kanya?”
“ Ang sabihin mo kasama niya boyfriend niya.”
“ Ha? Boyfriend? Paano kung magtanong pa sa akin.”
“ Basta ikaw na bahala magdahilan, huwag mong sasabihin na nandito ako ah.”
“ Oo na, oo na.”
Mabuti na lang mapagkakatiwalaan si Maribel. Alam kong hindi niya ako ipapahamak, baka kase kapag nalaman nila mama at papa na nandito ako mapasugod sila bigla.
Ang tagal lumabas ng mga doktor, hindi ko alam kung anong nangyari doon sa binata, nasa bulsa ko ang wallet niya at ayoko na itong isauli sa kanya.
Nakatitig lamang ako sa pinto ng emergency room habang nag iisip isip.
Ano kayang pwede kong idahilan para hindi na niya hanapin paggising niya itong wallet niya? kailangan namin ng pera ngayon lalo pa at gusto akong ipakasal nila mama at papa sa isang matandang mayaman.
Kailangan kong magpanggap na may boyfriend na mayaman, kaya kailangan ko itong pera na nasa wallet ni Terrence.
Basa nga yung bulsa ko dahil sa wallet niya, pero sayang din yung laman kaya ayokong bitiwan, nakakahiya man at nakakakonsensya kaso mayaman naman siya, mapapalitan naman niya yung perang kukunin ko sa kanya.
Bayad niya na lang ito sa akin dahil ako ang nagdala sa kanya dito sa ospital.
“ Maam, kayo po ba ang kasama ng pasyente?”
“ Ako nga.”
“ Ano pong pangalan ng pasyente?” tanong sa akin ng nurse, napalunok ako dahil parang ayokong sabihin ang totoo niyang pangalan, baka kase kapag nalaman nila ay hanapin nila mga gamit niya, lalo na itong wallet na nasa bulsa ko.
“ Kamusta po yung pasyente?” sinubukan kong ibahin ang usapan kaya tinanong ko yan.
“ Yung doktor na lang po ang magsasabi ng lagay niya, palabas na rin siya, ano po pangalan ng pasyente maam?”
“ Ayan na si dok!” sigaw ko, gusto ko kaseng ibaling ang atensyon nila sa iba, natataranta ako, ngayon lang ako magsisinungaling ng ganito para sa pera, ayoko kase maikasal sa matanda, hindi ko kayang gawin yun kaya kailangan kong patunayan kay mama at papa na may nobyo akong mayaman at ibibigay ko sa kanila yung pera na nakuha ko sa wallet ni Terrence. “ Kamusta po siya?”
“ Gising na siya pero, wala siyang maalala.”
“ Ha?” wala akong maisagot sa sinabi ng doktor sa akin. Gising na yung pasyente? Pero wala siyang maalala.
“ Dok, pakitanong nga kung anong name ng pasyente, kanina ko pa po siya tinatanong.” Bulong ng nurse sa doktor.
“ Maam, ano po ang pangalan ng pasyente, kailangan po namin sa record.” Napaisip ako bigla sa sinabi ng doktor, walang maalala yung pasyente? Nagkataon ba talaga ito, o sadyang swerte lang ako ngayon. “ Maam?” natauhan ako ng tapikin ako ng doktor.
“ Zandro.” Bigla kong nabanggit ang pangalang Zandro, yun na lang ang ipapalit ko sa pangalan niya, total wala naman siyang maalala, maaari kong gawin ito.
Hays, Lord patawarin mo ko sa gagawin ko, kailangan ko lang po talaga magsinungaling.
“ Apelyedo po?”
“ Agustin.”
“ Okay po, salamat.” Sabi ng nurse at tsaka umalis, ang lakas ng kabog ng dibdib ko para akong aatakihin sa puso.
“ Maaari mo na siyang puntahan maam.” Sabi ng doktor sa akin.
“ Salamat.”
Napahinga ako ng malalim dahil sa nangyari, nagsinungaling man ako pero dahil gusto kong makatakas sa gustong mangyari ng mga magulang ko para sa akin, kapakanan ko daw ang inaalala nila pero ang sarili nila ang una nilang iniisip, ayaw nialng maghirap kaya ako ang ginawang alay sa pamilya, hays.
Nag alangan akong pumasok sa loob ng kwarto ng pasyente.
Ano naman sasabihin ko sa kanya?
Ano naman ang ipapakilala ko sa kanya kapag tinanong niya ako ng sino ka? Malamang magtataka yun dahil ngayon lang niya ako nakita at wala rin siyang maalala, ibig sabihin lang nun ay may amnesia siya?
Bahala na.
Binuksan ko ang pinto ng kwarto niya dito sa ospital, nakita ko siyang natutulog, hindi niya minulat ang mga mata niya ng pumasok ako, hindi ko alam kung gising ba siya o tulog talaga.
Umupo ako malapit sa kama niya, sinisilip ang buong mukha niya kung gising ba siya o hindi, at mukhang tulog nga siya.
Sorry Terrence, babayaran ko na lang itong pera na kukunin ko sa wallet mo, kailangan ko lang talaga kase.
Ang iba naman dito ay ipanggagastos ko sa bayarin niya dito sa ospital.
Ang tagal kong umupo dito sa gilid niya, tulala at walang ginagawa. Ano ba naman kase itong pinasok kong sitwasyon? Hays.
Hindi naman ako pinalaki ng mga magulang ko na masamang tao kaso, nagiging masama na ako ngayon, hays! Nakakakonsensya talaga!
Nagulat na lang ako ng bumukas yung pinto, ang lakas kong magulat ngayon ah, yung nurse pala ang pumasok at may tinignan sa swero ng pasyente.
Napamulat naman ng mata si Terrence kaya naalerto ako.
“ Nasaan ako?” Rinig ko na sinasabi niya. “ Nasaan ako?”
“ Sir, nasa ospital ka.”
“ Nasaan si dok?”
“ Pasunod na rin sir.”
Hindi pa ako napapansin dito ni Terrence, yung nurse lang ang kausap niya ngayon at maya maya pa ay nandito na rin yung doktor.
“ Kamusta na ang pakiramdam mo?” bungad ng doktor sa kanya.
“ Sino ba talaga ako?” yan ang tanong niya kay dok, napatingin yung doktor at nurse sa akin.
“ Nandito ang kasama mo, siya ang magpapaliwanag sayo ng lahat.” Ayan na ang sinasabi ko, napalunok ako dahil lumingon sa dereksyon ko si Terrence. “ May amnesia ka, kailangan mo ng matinding therapy, huwag ka mag alala, tutulungan ka naman niya.” turo sa akin ng doktor.
“ Sino ka?” tanong sa akin ni Terrence.
Ano ng gagawin ko? Ano ng sasabihin ko?
Ito yung inaabangan kong tanong kanina pa pero hindi ako handa sa isasagot ko, kinakabahan ako ng sobra.
Naalala ko, may kailangan pala akong ipakilalang nobyo kanila mama at papa, sakto naman walang maalala si Terrence tungkol sa buhay niya at ang alam nila ay siya si Zandro Agustin, na gawa gawa ko lamang.
Maaari ko kaya siyang gamitin sa pagpapanggap ko?
Hays, Lou ano ba tong pinag gagawa mo, naititikom ko ang aking kamao sa sobrang kaba, bahala na, basta kung ano lang ang lumabas sa bibig ko, yun na ang paninindigan ko.
“ Ako ang—” napahinto ako at huminga ng malalim. “ Mapapangasawa mo.”
Nanahimik ang lahat sa sinabi ko, hindi ba kami bagay? Sabagay, halatang mayaman itong lalake samantalang ako? Heto nakatsinelas at nakatokong lang.
“ Fiancee mo pala siya?” takang taka yung doktor.
“ Opo.”
“ Aba maganda yan, matutulungan ka niya sa mga ala-alang nawala sayo, mapapadali ang pagbalik ng memorya mo.”
Anong ala-ala naman ang ibabalik ko? Hindi ko nga siya kilala, hindi ko alam kung ano ang pagkatao niya, maski ang pamilya at kung saang lugar siya nanggaling ay wala akong kaalam alam.
Gagawa nanaman ba ako ng ibang kwento na magiging pagkatao ni Terrence? Este ni Zandro?