“MAIRA, Pupunta ako sa Mercury Drug sa tapat ng Quiapo Church, may ipapabili ka ba?” tanong ni Chrysantha sa kaibigan bago lumabas ng kuwarto.
“Meron, buti pinaalala mo! Bumili ka ng sampaguita at insenso, magtataboy ako ng malas mamaya.”
“Mama, sama po ako,” sabi naman ng anak na kumapit pa sa dulo ng damit niya.
“Gusto mo ba? O sige, halika na,” kinarga niya ang anak. “Ang bigat na ng baby ko, ah.”
Sa kabilang kalsada ng Quiapo ang kinatitirikan ng apartment na inuupahan nila. Para makarating sa Mercury Drug na siyang katapat ng Quiapo Church ay kailangan pa nilang tumawid ng foot-bridge na napupuno ng samu't saring paninda.
Hangga't maaari sana ay ayaw niyang idinadaan ang anak niya sa foot-bridge na iyon. Napupuno kasi ng mga malalaswang produktong lantarang itinitinda ng mga taong walang pakialam sa batas na nagbabawal doon ang paligid ng tulay. Pero dahil iyon lang naman ang nag-iisang foot- bridge na malapit sa Quiapo Church ay wala rin siyang magagawa.
Tinakpan niya ang mata ng anak habang papaakyat sa tulay, palinga-linga rin siya sa likod niya dahil baka may mananalisi o mandurukot ang sumunod sa kanila. Ngunit hindi pa man sila tuluyang nakakaakyat sa itaas ay bigla nang may bumangga sa kanila.
“Naku! Pasensiya na Chrys!” hinihingal pang paumanhin sa kanya ng kaibigang si Hyacinth.
Tinanguan niya na lang ito dahil agad din itong tumakbo. Ilang segundo lang ang lumipas ay may isang lalaki naman ang muntikang makabangga sa kanila.
“Mama, hinahabol po ba no'n si Ate Hyacinth?” kunot-noong tanong ng anak.
“Hindi naman siguro anak, wala namang dahilan para habulin niya si ate Hyacinth mo,” sagot niya, kahit duda siyang wala ngang dahilan para habulin ng lalaking iyon si Hyacinth.
Nakilala niya si Hyacinth at ang iba pang mga kaibigan nitong katulad niya ay pawang mga nakuha sa bulaklak ang pangalan noong Pista ng Nazareno. Ito at ang kasama nitong si Lavender ang mga tumulong sa kanya noong mahablot ng snatcher ang bag niya habang papunta sa botika. Magmula rin noon ay palagi na niyang nakakausap ang mga ito sa paligid ng Quiapo.
“`Ma, pasok tayo sa simbahan?” aya ng anak nang nasa tapat sila ng Quiapo Church.
Tiningala niya ang simbahan. Dito siya napadpad noon matapos siyang mabiktima ng mga mananalisi sa unang tapak niya sa siyudad ng Maynila. Wala pa ring ipinagbago ang buong paligid ng Quiapo, nakakalat pa rin ang iba't ibang mga kalakal doon. Mula sa mga nagtitinda ng sampaguita, mga novena, mga maliliit na rebulto ng nazareno hanggang sa mga samu't saring manghuhula at mga nagtitinda ng mga halamang gamot na nangangakong sosolusyunan ang ano mang problema mo.
Wala pa ring ipinagbago ang lahat sa paligid, pero sa buhay ni Chrysantha, malaki na ang nabago…
Nanlulumong naglakad si Chrysantha papunta sa malaking simbahan. Hindi niya alam kung paano ba siya nakarating sa lugar na iyon, basta na lamang siyang dinala ng mga paa niya roon matapos niyang iyakan ang nawalang bagahe na naglalaman ng inipon niyang pera para makarating sa Maynila.
“Hindi ka makakalagpas sa pinagdadaanan mo ngayon kung hindi mo bibitawan ang dinadala mo sa dibdib.”
Gulat siyang napalingon sa babaeng nagsalita sa gilid niya, kakaiba ang kasuotan nito dahil kahit tirik na tirik ang araw ay naka-balabal pa ito na kakulay ng Nazareno. “A-ako ba ang kinakausap mo?”
Tumango ito. “Ako si Magnolia, ang pinakamagaling na manghuhula sa Quiapo, gusto mo bang subukan? Mura lang,” nakangiting alok nito.
Umiling siya, hindi na siya dapat magtiwala pa sa mga taong basta na lamang lumalapit sa kanya. Hinigpitan niya ang pagkakahawak sa mga bagahe. “H-hindi. Wala akong pambayad.”
Napasimangot ito. “Gano'n ba? O sige, dahil buntis ka naman libre na ang isang card.”
Nanlaki ang mga mata niya. “B-buntis?” Tinanguan siya nito. “Hindi mo alam?
Unang dapo pa lang ng mata ko sa'yo dalawang aura na ang naramdaman ko… pero, teka,” biglang nangunot ang noo na sabi nito.
“Baka nagkakamali ka lang, Miss—”
“Hindi pa pumapalpak ang mga hula ko. Halika, sumama ka sa puwesto ko, babasahan kita ng Tarot cards,” sabi nito at hinatak siya papunta sa isang lamesang nababalutan ng pulang tela.
Pinaupo siya nito sa katapat na upuan at ito naman ay naupo sa kabila. Inilatag nito sa harap niya ang malalaking baraha na sinasabi nitong Tarot cards.
“Pumili ka ng isa,” utos nito.
Umiling siya. “H-hindi po ako nanini—”
“Pumili ka ng isa, may hindi maganda akong nararamdaman sa 'yo,” putol nito.
Itinuro niya ang barahang nasa pinaka-dulo, at nang buklatin nito iyon ay halos mapasinghap pa ito.
“Six of Cups,” seryoso ang tinig na sabi nito. “Ang batang dinadala mo sa sinapupunan mo ang papawi sa lahat ng poot at paghihirap na dinadala mo ngayon, pero sinasabi rin ng baraha na hindi magtatapos doon ang unos na darating sa 'yo,” itinapat nito sa kanya ang barahang napili niya. “Traydor na sakit, iyon ang magpapahirap sa'yo.”
“Ilang insenso?” tanong ng tinderang si Lilac, isa rin ito sa mga kaibigan ni Hyacinth na nakilala niya.
Pinilit niyang ngumiti, hindi niya namalayang nakarating na pala sila sa pwesto ni Lilac. Kapag talaga napapadaan siya sa simbahan ng Quiapo parang hinahatak ang kamalayan niya pabalik sa nakaraan. “Tatlo lang, saka nakita mo ba si Rose? Bibili sana ako ng sampaguita,” sagot niya.
“Si Rose? Naku, nag-aral na sa ibang bansa, 'yong pinsan niya lang ang makikita mo d'yan,” sagot nito at bumaling sa anak niya. “Hi, Teyo, nag-aaral ka na ba?”
Umiling si Teyo. “Sabi ni Mama, 'pag naging ganito na raw ako saka ako papasok sa school,” sabi ng anak na itinapat pa ang nakalahad na palad sa mukha ni Lilac.
“Aba, malapit na—” “Lilac!”
Kunot-noong nilingon iyon ni Lilac. “Ano na naman Magnolia? Bakit ka nandito?”
“Masungit na tindera ng anting-anting,” nakangusong sabi nito. “May langis ka ba diyan?” tanong nito at bumaling naman sa kanila ng anak. “Hi Chrys, hi Teyo, lumalaking guwapo ang anak mo ah,” nakangiting bati nito bago nilamutak ang pisngi ng anak.
Si Magnolia nga ang manghuhula na nagsabi sa kanyang buntis siya limang taon na ang nakararaan. Kailan niya lang nalaman na kaibigan pala ito nila Hyacinth. Matapos kasi siya nitong hulaan noon ay tinakbuhan na niya ito sa sobrang takot na naramdaman.
“Mama, nagugutom po ako.”
“O, kaya ka lumalaki kasi ang takaw mo!” komento ni Lia at nang muli na namang panggigilan ang anak ay pinigilan na niya.
“Lia, mag-anak ka na kasi,” sabi niya na ikinatawa nito at ni Lilac.
“Paano ako mag-aanak? Wala nga akong
dyowa!”
“E 'di, hulaan mo 'yang sarili mo!” kantyaw naman dito ni Lilac. “Palibhasa kasi peke ka—”
“Hoy! Legit ako 'no, mas effective pa nga ang hula ko kaysa diyan sa mga pamparegla mo—”
“Lia!” saway niya sa kaibigan at tinakpan agad ang tainga ng anak. “Mauna na nga kami, kung anu-ano na naman 'yang pinag-uusapan niyo.”
Nakangising nag-ba-bye sa kanya ang dalawang kaibigan habang siya ay iiling-iling na lang.
“Ano'ng gusto mong kainin, Teyo?” tanong niya sa anak nang makalayo na sila.
“Gusto ko sa Jollibee,” ngiting-ngiti na sagot ng anak.
Biente-anyos pa lang siya no'n nang malaman niyang buntis nga siya. Pero ang higit na ikinatakot niya nang mga araw na 'yon ay ang posibilidad na mamana nga ng batang nasa sinapupunan niya ang sakit na siya ring nagpahirap at tumapos sa buhay ng tatay niya.
Sinikap niyang makahanap ng trabaho para buhayin ang sarili. Namasukan siyang serbidora sa isang canteen sa Carriedo, stay-in doon kaya nagkaroon na rin siya ng pansamantalang matitirahan. Pero hindi nagtagal ay pinalayas din siya ng may-ari nang malaman na buntis siya.
Kung saan-saan siya napadpad hanggang sa makilala niya si Maira na noon ay fixer sa LTO. Noong una ay nag-alangan siyang kausapin ito dahil sa naranasan na pangbubudol noon, pero mabait naman ito sa kanya at inalok pa siya ng trabaho na katulad nito. Doon na nagsimula ang pagkakaibigan nila, hanggang sa maawa na rin ito sa kalagayan niya at ayain siyang makihati sa inuupahang bahay sa tapat ng Quiapo Church.
“Mama, ano po ba 'yong p****k?”
Napasinghap siya sa narinig na tanong ng apat na taong gulang na anak. “Teyo, anak, saan mo naman narinig ang salitang 'yan?”
Yumuko ang anak niya, nakikita niya ang pag-aalangan nitong sumagot. “K-kasi po…”
“Teyo…” tawag niya rito, masuyo niyang hinaplos ang ulo ng anak.
“S-sa mga kalaro ko po, m-masama po ba 'yon, Mama?” kunot-noong tanong nito. “Kasi sabi nila, ganoon daw po ang trabaho mo…”
Sa tono ng anak nang sabihin ang mga salitang iyon ay hindi na niya napigil ang mapaluha, kahit hindi sabihin ng anak niya ang saloobin nito ngayon ay naramdaman niyang nasasaktan ang puso nito sa mga sinasabi ng kalaro nito tungkol sa kanya. Anak niya ito at kung ano man ang sakit na nararamdaman nito ay doble ang epekto ng sakit sa kanya.
Pasimple niyang pinalis ang luha. “Anak, naiintindihan mo naman ang Mama, 'di ba?” garalgal ang tinig na sabi niya.
Nag-angat ng tingin sa kanya ang anak. “Hindi naman po ako naniniwala sa mga kalaro ko.”
Mapait siyang ngumiti. “Sige na, kumain ka na, tapos bibili na tayo ng mga gamot mo.”
***