Chapter 3

1098 Words
SA LIMANG taon ni Timo sa trabaho ay sanay na siya sa mga komplikadong operasyon. Kahit kontrobersyal pa ang mga nasasangkot sa iniimbestigahan nilang kaso ay hindi malaking hadlang sa kanya. Ang importante sa kanya ay malutas iyon. Patawan ng batas na nararapat at bigyan ng kaukulang parusa ang mga lumabag sa batas. At ngayon, ang operasyong susupil sa pinakamalaking bahay-aliwan sa Maynila naman ang kakaharapin niya at ng buong Undercover team. Mabagal siyang naglakad sa paligid ng Recto, kahit katanghaliang tapat ay may nagaganap na milagro sa loob ng bawat beer house na nadadaanan niya. Sa suot niyang black baseball cap, dark cargo shorts at white sweatshirt ay hindi siya mapaghihinalaang alagad ng batas na umaaligid sa target. Natutunan niya mula sa isang taon na training ang makihalo sa maraming tao nang hindi man lang nakakakuha ng atensyon mula kanino man, isa sa mga importanteng kakayahan ng mga Undercover Agents ang pagpapanatiling tago ang pagkakakilanlan sa mga taong nasa labas ng kawanihan. “Live show! Live show!” sigaw ng lalaking nakaupo sa gilid ng isang makipot na eskinita. Ibinaba niya pa sa mukha ang suot na sumbrero at lumapit sa lalaki. “Mura ba diyan?” pasimpleng tanong niya. “Oo,” sagot nito. “Pero mas magaganda sa gabi, may espesyal kaming babae.” Tumikhim siya. “Makinis ba?” Ngumisi ang lalaki, lumantad sa paningin niya ang naninilaw nitong mga ngipin. “Hindi lang makinis, sariwa pa,” sagot nito at itinuro sa kanya ang malaking tarpaulin ng babaeng naka-maskara. Santa Santita, sa larawan ng babaeng iyon ay may kakaiba siyang naramdaman sa loob ng dibdib, Santa Santita. “Bago namin 'yan, makinis, sariwa, maganda, at higit sa lahat masarap…” mala-demonyong pasal na bulong pa ng lalaking hayok sa libog ng katawan. Inalis niya ang paningin sa tarpaulin. “Natira mo na?” Dismayado itong umiling. “Masyadong mataas ang presyo ni Boss diyan, kaya kung ako sa 'yo, maghanda ka ng libo-libo kung gusto mo 'yan matikman,” sabi nito at lumapit pa sa kanya. “Maraming pulitiko ang kumukursunada diyan.” Ngumisi si Timo. “Sige… babalik ako.”  __________________   “CHRYSANTHA! Naka-ready ka na ba? Ikaw na ang susunod!” Tinanguan niya ang katrabahong si Diosa. “Sige, lalabas na ako.” Muli niyang pinahiran ng makintab na pulang lipstick ang maninipis na labi. Nang masigurong hindi na kumakalat sa namumungay na mga mata ang itim na mascarang inilagay ay saka niya isinuot ang pulang maskara na magtatakip sa kalahati ng kanyang mukha. Sinubukan niyang tumayo pero nanginginig ang mga tuhod niya. Hindi niya maintindihan kung bakit mabigat ang pakiramdam niya ngayon, pakiramdam niya umiikot ang buong paligid, mabigat ang ulo niya at mainit ang paligid ng mga mata niya. “Chrysantha,” tawag ni Drey, isa sa mga tao ng amo nilang may-ari ng pinagtatrabahuan niya. Mabait ito sa kanya at palagi siyang kinakausap bago siya sumasalang sa entablado. Naglakad ito palapit sa kanya mula sa pinto, nanlalabo ang paningin niya at hindi niya ito masyadong maaninag. Sinubukan niya muling maglakad pero gumewang-gewang lang siya. “Ayos ka lang?” nag-aalala ang tinig na tanong nito, sinalat nito ang magkabilang pisngi niya. “Ang init mo, may lagnat ka.” “H-Hindi, a-ayos lang ako…” sinubukan ni Chrysantha na maglakad muli pero tuluyan na siyang nabuwal.  ___________________   IPINAGKRUS ni Timo ang mga bisig, mag- iisang oras na siyang nakaupo sa dulong lamesa ng club na iyon pero hindi pa rin lumalabas ang sinasabi ng hostess na espesyal na mananayaw nila. Lumapit sa kanya ang lalaking kaninang umaga ay nakausap niya sa labas. “Boss, nagkaproblema sa loob eh, hindi puwede ngayon 'yong babae,” bulong nito. Kunot-noo siyang bumaling dito. “Bakit? May iba bang kumuha?” sinadya niyang ipahalata sa boses ang pagkadismaya, kailangan niyang maghimig nabitin para sa manyak na parokyanong karakter niya ngayong gabi. Napakamot ito. “Hindi ako sigurado, marami kasi talagang kumukuha doon.” “Ibig sabihin marami na rin ang nakagamit? Akala ko ba sariwa?” dismayadong tanong niya. “Sariwa pa 'yon boss, kailan lang naman 'yon pumayag magpa-kama sa mga customer eh. At isa pa sa sobrang taas ng presyo ng boss ko do'n halos mga mapepera lang talaga ang nakakakuha, katulad mo,” may pang-uuto pang dagdag nito. Pinagsalubong ni Timo ang mga kilay. “Wala ba kayong ibang babae? Ayoko ng lasing, ah.”  _________________   “ANONG kaartehan 'yan, Chrysantha?!” Galit ang tinig na tanong sa kanya ni Boss Pino, ang walang awang may-ari ng pinagtatrabahuan niya. Mabibigat ang mga yabag nitong lumapit sa kanya, nang tangkain nitong sampalin siya ay umawat si Drey. “Boss, chillax lang, nilalagnat si Chrysantha eh,” pagtatanggol nito sa kanya. “Lagnat?! Tinatablan ba ng lagnat ang mga p****k?” sigaw nito sabay hatak sa kanang braso niya.  Napangiwi siya sa mahigpit na pagkakahawak nito. “Boss, h-hindi ko po kayang sumayaw—” “Punyeta!” asik nito. “Hindi puwede ngayon, Chrysantha. Madaming nag-aabang sa 'yo sa labas, marami nang nagbayad! Gusto mo bang malugi ang club ko?!” “Boss, baka puwedeng pagpahingahin muna natin siya, kahit sandali lang. Pinainom ko na siya ng gamot, mayamaya magiging ayos na siguro siya,” harang muli ni Drey. Binitawan ni Boss Pino ang braso niya, pero hindi para tigilan na siya kundi para hatakin ang mahabang buhok niya at kaladkarin palabas ng dressing room. “Boss Pino, m-maawa po kayo sa 'kin…” nanginginig sa takot na pagmamakaawa niya sa demonyong bugaw nila. Sinubukang pigilan ni Drey ang walang hiyang amo pero maging ito ay inundayan lang ng suntok. Bago sila makarating sa kurtinang maglalagay muli sa kanya sa ilaw ng kalaswaan ay kinausap siya ng amo—o mas tama ang salitang binantaan siya nito. “Wala ‘kong pakialam kung malala na 'yang lagnat mo, hindi ka mamamatay diyan! Pero kapag hindi ako kumita ng pera ngayong gabi, ako ang papatay sa 'yong p****k ka! Naiintindihan mo? Kung ayaw mong mamatay, susunod ka sa 'kin!” bulyaw nito at saka siya itinulak papunta sa gitna ng entablado. Kung hindi lang para sa anak niya, kung  hindi lang para sa ikabubuhay ng anak niya, hindi siya papasok sa ganitong maruming trabaho. Trabahong mas masahol pa sa dumi, trabahong kinasusuklaman ng maraming tao. Pero ang lahat ng pang-aalipusta, pang-uusig, panunuya ng mga taong walang ibang alam kundi husgahan ng walang makatarungang basehan ang kapwa nila ay kayang tiisin ni Chrysantha, lahat tatanggapin niya, lahat titiisin niya, madugtungan lang ang buhay ng anak niya. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD