Chapter 4

1474 Words
UMUGONG ang malakas na hiyawan at palakpakan ng mga manonood nang lumabas sa kurtina ng stage ang babaeng naka-pulang maskara at nadadamitan lang ng manipis na pulang pang-itaas at pang-ibaba ang hubad na katawan. Maganda ang hubog ng katawan nito at nangingintab ang maputing kutis kaya nang maglakad ito palapit sa liwanag ng ilaw ay lalong nagwala ang mga manonood. Hindi naman nakalagpas sa mapanuring mata ni Timo ang hindi maayos na paglalakad ng babae, bahagya itong sumusuray na tila nawawalan ng balanse sa paglakad. “Palakpakan natin ang babaeng siguradong magpapainit sa katawan ng lahat ng kalalakihang nandito ngayon, si Santa Santita!” pakilala rito ng hostess na halos kasing nipis naman ng kulambo ang suot. Namatay ang ilang ilaw sa loob ng bahay-aliwan, tanging ang mga kukurap-kurap na ilaw na lamang sa entabladong kinaroroonan ng babaeng naka-maskara ang naiwang nakasindi. “Boss! Ayan na 'yong babaeng hinihintay ninyo, magkano ba ang taya mo?” tanong ng lalaking kanina ay kausap niya. “Magkano ba ang huli?” kunwari ay sabik na tanong niya. “Singko mil,” sagot nito. “Galing sa lalaking hukluban sa unahan,” dagdag nito sabay turo sa matandang lalaking nakanganga habang pinapanuod ang babaeng gumigiling sa entablado. “May kuwarto ba kayo?” tanong niya. “Oo naman, boss, komportable pa,” ngising-ngisi na sagot nito. “Siguradong makakarami ka.”  Tinitigan niya ang babae sa stage, hindi niya mawari sa sarili kung bakit may kakaiba siyang nararamdaman sa babaeng iyon. “Kinse,” sagot niya at inilabas sa mesa ang naka-sobreng marked money. “Ngayon na.” Napakamot sa batok ang lalaking kausap niya at tila nag-alangan. “N-ngayon? E, boss bayad na kasi 'yong ibang gustong mapanuod—” “Hindi ba uubra?” Napakamot muli ang lalaki. Natigil ang negosasyon nila nang lalong lumakas ang hiyawan ng mga nanonood. Tumingin siya sa entablado at nakitang pumanhik na ang matandang lalaki sa stage. Hinablot nito bigla ang pang-itaas ng babaeng sumasayaw dahilan para tuluyan nang lumantad ang dibdib nito. Napatayo siya bigla sa kinauupuan, gusto man niyang sugurin ang manyak na matanda ay hindi pupuwede dahil siguradong makahahatak iyon ng atensyon. Masisira pa ang operasyon nila kapag nagkataon. Pinigilan ni Timo ang sariling makialam at nanatili sa puwesto, pero maging ang babae sa entablado ay nanatili lamang din na nakatayo habang pilit na itinatakip ang mga braso sa dibdib—na siya namang pilit ding tinatanggal ng matandang lalaki. Sa nakikitang iyon ay hindi na napigil ni Timo ang matinding galit sa dibdib, lalo na nang pilitin ng matandang hayok sa babae na halikan ang balikat ng mananayaw. Ibinigay niya sa lalaki ang marked money at isinuot sa mukha ang itim na mask bago malalaki ang hakbang na tinungo ang stage. Umakyat siya roon at hinatak ang babaeng sinisimulan nang molestyahin ng matanda sa harap ng maraming taong naghihiyawan. Biglang nag-angat ng tingin sa kanya ang babaeng naka-maskara, at nang magtagpo ang mga mata nila ay may kakaibang kirot siyang naramdaman sa loob ng dibdib—na mas lalong kumirot nang mabasa niya ang pagmamakaawa sa mga mata nito. Nag-iwas siya ng tingin, parang tinutusok ang puso niya sa mga tingin ng matang iyon. Habang hawak pa rin ang babaeng mananayaw ay hinubad niya ang suot na jacket, itinakip niya muna iyon sa hubad na katawan nito bago binalingan ang matandang panay na ang pagmumura at pagrereklamo sa pagsulpot niya. Ibinaba niya ang mask para makapagsalita. “Sa 'kin na 'to, nauna akong magbayad,” aniya sa matanda. “Ano? Bayad na ko ng limang libo!” kontra nito at hinatak muli ang braso ng babae. Inalis niya naman ang kamay nito. “Kinse mil ang binayad ko, pumili ka na lang ng iba,” sagot niya saka hinila ang babae pababa ng stage. Umugong muli ang sigawan ng mga nanonood pero hindi katulad kanina na puro pagsipol at palakpak, pulos mura at reklamo na ngayon ang isinisigaw ng mga ito. “Hoy! Ano ba 'yan?! Nagbayad din kami!” “Patapusin mo muna sa paggiling, pare!” Hindi pinansin ni Timo ang mga ito, pagbaba niya sa stage ay sinalubong agad siya ng lalaking tugma ang matabang kabuuan sa target nila. Naniningkit ang mga mata nito at nakangising aso sa kanya. Ngumisi siya sa kabila ng mask, human trafficking at drug trafficking, wala ka nang kawala Pino. Suminghot-singhot muna ito bago nagsalita. “Boss, labag kasi sa patakaran namin ang ginagawa niyo, kailangan muna matapos magsayaw ang p****k bago ikama, binabayaran din kasi ang paggiling niyan sa stage.” Tinanggal niya ang mask. “E, boss, nagbayad na kasi ako sa tao mo, kinse mil,” sagot niya sabay turo sa lalaking pinagbigyan niya ng marked money. Lumapit naman ito agad sa kanila at inabot ang perang naka-sobre kay alyas Boss Pino, binuklat nito iyon at binilang. Nang matapos ay halos mapunit na ang bibig nito sa pagngiti nang bumaling sa kanya. Huli ka nang gago ka! “Sige, boss. Sa 'yo na 'yan,” sabi ni Pino, tinawag nito ang isang lalaking sa tingin niya ay nasa dalawampu hanggang dalawampu't limang taon ang edad na nakatayo sa gilid ng stage. “Drey, samahan mo sila sa kuwarto,” utos nito. Alangan na tumango ang lalaking tinawag nitong Drey. “S-sumunod po kayo sa'kin,” pero nang makalayo na sila sa bugaw at p****r na si Pino ay tumigil ito sa paglakad at humarap sa kanya. “Boss, m-may sakit po kasi siya—” “Drey…” tawag dito ng babaeng nakasubsob na ang mukha sa dibdib niya, tumatagos sa tela ng suot niyang damit ang mainit nitong paghinga. “A-ayos lang ako,” nanghihinang dagdag nito. “Pero—” “S-sige na…” putol ng babae. “Ayos lang ako.” Biglang humigpit ang kapit ng kamay nito sa likuran niya, pinilit niyang iwaksi ang kakaibang pakiramdam na nagsisimulang gumapang sa batok niya. Maging ang boses ng babae ay may kakaibang dulot sa kanya. Ipinilig niya ang ulo, hindi siya dapat nagpapaapekto sa ganitong sitwasyon. Ibinaling niya ang paningin sa lalaki, sa kunot na ekspresyon nito ay hindi maikakailang sobra ang pag-aalala nito sa babaeng nabili niya. “P-pero kasi, ang taas ng lagnat—” “Nasaan ang kuwarto?” putol niya agad dito, umaandar ang oras at kailangan na niyang magbitaw ng signal sa mga back up niyang nag-aabang lang na makapasok siya sa kuwarto bilang senyales sa pagsugod ng mga ito. Nag-alangan ang lalaki pero binuksan na rin ang isang makitid na pinto. “Dito po.” _________ PAGKAPASOK nila sa maliit na kuwarto ay sinimulan na agad ni Chrysantha ang pagtanggal sa mga saplot niya sa katawan. Kahit naman masama ang pakiramdam niya ay wala na siyang magagawa. Nabayaran na ang katawan niya, kaya sa halip na magreklamo pa ay gagawin na lang niya ang trabaho para matapos na at makauwi nang maaga.  Pero bago pa man tuluyang mahubad lahat ni Chrysantha ang saplot ay napigilan na siya ng lalaking nakabili sa serbisyo niya. “Pulis ako, taas ang kamay,” utos nito. Natigilan siya, p-pulis? Dahan-dahan niyang itinaas ang dalawang kamay. “B-bakit po?” “Isuot mo uli 'yang jacket at humarap ka sa'kin nang nakataas ang kamay,” matigas ang baritonong tinig na utos ng lalaking nagpakilalang pulis. “Dalian mo!” Mayamaya ay narinig niya ang malakas na pagsigaw ng: ‘RAID ITO! WALANG GAGALAW!’ na nasundan ng tilian at sigawan ng mga kapwa niya mananayaw sa bahay-aliwang iyon. Naririnig niya rin ang nagmamakaawang boses ng demonyo niyang amo. Kumalat na ang takot sa dibdib ni Chrysantha, a-ano'ng nangyayari? “Humarap ka,” utos muli ng lalaki. Pumihit siya paharap sa lalaki, agad siyang napatili sa labis na takot nang sumalubong sa kanya ang nakatutok na baril. “M-maawa po kayo sa'kin…” pakiusap niya, pilit niyang inaaninag ang mukha nito pero dahil malamlam ang ilaw sa kuwartong iyon ay hindi niya ito makita. “Ipakita mo ang mukha mo…”  “M-maawa po kayo sa'kin, 'wag niyo po akong ikulong—” “Hubarin mo 'yang maskara mo!” Nagsimula nang tumulo ang mga luha niya, nanginginig man sa takot ay sinunod niya pa rin ang iniuutos nito. Nangangatog ang mga kamay na hinubad niya ang pulang maskara at umiiyak na nag-angat ng tingin sa lalaki. Isang segundo. Dalawang segundo. Tatlong segundo. Nanatili lang ang lalaking nakatayo ilang hakbang mula sa kanya, hindi ito umiimik at hindi rin ito gumagalaw na waring naestatwa sa kinatatayuan. Nang magsimulang manginig ang dulo ng baril na nakatutok sa kanya ay nagsimula na rin gumapang ang matinding takot sa dibdib niya.  Pinagsalikop niya ang mga palad at nagsimulang magmakaawa sa lalaki. “'W-wag niyo po akong papatayin…”  “C-Chrysanthemum?” tila hindi makapani-walang sambit ng misteryosong lalaki. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD