Nakita ko kung paano ulit gumamit ng kapangyarihang apoy si Nox at agad itong ibinato sa Rabot. Tumama iyon sa kanyang balikat at agad na napa-atras. Kasabay no’n ay ang malakas niyang hiyaw dala ng sakit na dulot ng kapangyarihang apoy.
Mabilis naman ang aksiyong ginawa ng Rabot, agad itong kumuha ng sibat na nasa kanyang likod at ibinato kina Siria at Nox, si Siria naman ngayon ang gumamit ng kapangyarihang hangin upang gawing proteksiyon.
Ngumisi siya at agad na pinaglaruan ang sibat gamit ang hangin, tapos ay ibinato ito pabalik sa Rabot. Nakakamangha silang tignan sa paggamit ng kapangyarihan. Ang paghumpay ng kanilang mga kamay ay nagsasabi na para bang bihasa na sila sa paggamit ng mahika.
Malakas naman na sumigaw ang Rabot na parang may tinatawag. Mayamaya lang ay ang malakas na sigaw ng isang mukhang malaking halimaw ang aming narinig.
Nakaramdam ako ulit ng kaba at takot nang makita ang isang Tandayag, isang malaking halimaw na parang lobo ngunit mas nakakatakot ito. Mas malaki, mas mabalahibo at mas matatalim ang mga pangil.
Saglit na huminto ang Tandayag sa tabi ng Rabot, nakatingin ito kina Siria at Nox gamit ang pula at nanlilisik na mga mata. Tapos ay mabilis itong tumakbo palapit sa kanila, tila ba handa na silang lapain.
Ngunit kagaya ng sinabi ko ay mukhang bihasa na ang dalawa sa paggamit ng kapangyarihan. Sabay nilang iginalaw ang kanilang mga kamay para gumamit ng kapangyarihan. Si Nox ay apoy, samantalang si Siria naman ay hangin.
Sabay nila itong ibinato sa direksiyon ng mabangis na Tandayag at nang tamaan ito ay agad itong tumumba sa lupa at namilipit sa sakit, malakas ang hiyaw na ito na halatang napuruhan ng dalawa. Malakas naman na sumigaw ang Rabot na halatang nagalit sa nangyari. Nakamasid ako rito, bakas sa kanya ang pagdadalawang isip kung susugurin ba niya ang dalawa o aalis na at hahayaan ang alaga nitong Tandayag.
Sa huli ay patakbong umalis ang Rabot at iniwan ang kanyang alaga, ang Tandayag naman ay unti unti nang nawalan ng buhay dala ng lakas ng kapangyarihan ng apoy at hangin na tumama rito.
Binalingan ko ulit ang Ligaya, nakita kong naghihingalo na ito dahil sa dami ng nawalang dugo sa kanya. Marahan ko namang hinaplos ang ulo niya.
“Patawad, kaibigang Ligaya,” nag-aalalang saad ko.
Ang tugon nito sa isang hindi ko maintindihang lenguwahe ay masakit pakinggan. Napakabigat sa puso na makakita ng isang mabuting nilalang sa Majica na nasa ganitong sitwasyon.
“Ano ang gagawin natin, Niyebe?” nag-aalalang tanong ko.
“Mariposa! Mariposa!” pasigaw na sagot niya sa isang maliit na boses. “Tatawag ako ng mga kaibigang Mariposa upang pagalingin siya!” saad pa niya.
Tama siya, ang mga Mariposa ay may kakayahang magpagaling at magbigay ng lunas sa iba’t ibang klase ng sakit at karamdaman.
“Ang sibat ng Rabot ay may lason na gawa sa itim na kapangyarihan, hindi iyon kayang tapatan ng mahika ng mga Mariposa,” narinig kong saad ni Nox mula sa likod ko.
Agad akong nakaramdam ng takot nang maalala ang bangungot ko. Kaya mabilis akong lumingon sa kanila at agad na itinapat sa kanilang dalawa ang espadang ibinigay sa akin ng aking Ama.
“Elex…” nag-aalalang saad ni Niyebe.
“H-Hindi mo na ako masasaktan pa, Nox!” agad na saad ko, hindi pinapansin si Niyebe.
Kumunot naman ang noo nilang dalawa ni Siria at agad na nagkatinginan dahil sa naging reaksiyon ko.
“Paano mo nalaman ang pangalan ko?” tanong niya.
Nalito naman ako sa naging tanong niya. Bakit ganito? Hindi ba niya ako naaalala? Hindi ba nila ako kilala? Pero parte sila ng bangungot ko! Pinatay niya ako noon!
“Sumagot ka, estranghero!” nagbabantang saad naman ni Siria at agad na itinaas ang kamay sa ere upang gumamit ng mahika na halatang pinangtatakot sa akin.
“Siya si Prinsepe Elex mula sa kaharian ng Langit! Narito kami upang maglakbay sa mahiwagang kagubatan ng Majica at sadyain ang tatlong gurong salamangkero na makakatulong sa kanya upang palabasin ang kanyang kapangyarihan, hindi namin hangad ang gulo, ang nais lang namin ay matapos na ang kaguluhan sa ating mundo,” mabilis at mahabang pahayag naman ni Niyebe.
Nagkatinginan ang dalawa sa narinig. Si Siria ay agad na ibinaba ang kamay pagkatapos no’n.
“Ako si Prinsesa Siria mula sa kaharian ng Araw, at tama ka, ito ang aking kaibigang si Prinsepe Nox mula sa kaharian ng Buwan. Sasadya sana kami sa kaharian ng Langit upang hingin ang tulong ng iyong Ama para matapos na ang kaguluhan, kagaya niyo ay mga manlalakbay rin kami,” saad naman ni Siria sa isang mahinahong boses.
“Ngunit paano mo ako nakilala?” tanong ulit ni Nox.
Naguguluhan na talaga ako. Hindi ko alam kung totoo ba ang panaginip ko o hindi kasi hindi naman nila ako kilala.
“N-Nakita ko kayong dalawa sa panaginip ko. Sa katunayan ay isa iyong bangungot. At sa bangungot na iyon ay kinitilan mo ako ng buhay!” mariing sagot ko naman.
Nanlaki ang mga mata niya sa sinabi ko. Napalingon siya kay Siria bago ako muling tinapunan ng tingin.
“Paumanhin, Prinsepe, ngunit hindi ko alam ang iyong sinasabi. Hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng bangungot na sinasabi mo ngunit hindi ako masamang diwata,” marahan pa itong yumuko nang sabihin iyon.
“Sa tingin ko ay wala kaming mapapala kung pupunta kami sa inyong kaharian, tama ba? Hindi namin doon matatagpuan ang tulong na hinahanap namin,” saad naman ni Siria.
“Si Prinsepe Elex ang makakatulong sa ating mundo kapag lumabas na ang kanyang kapangyarihan,” sagot naman ni Niyebe.
“Kung gano’n ay pahintulutan niyo kaming samahan at gabayan kayo sa inyong paglalakbay, dahil kagaya niyo ay wala rin kaming ibang hangad kung hindi ang katahimikan at kapayapaan,” saad naman ni Nox.
“Kaya ko, hindi ko kailangan ang tulong niyo,” mariing saad ko.
Kahit pa sabihin nilang wala silang maalala, o mabubuti silang mga diwata ay hindi ako maaaring magtiwala. Lalo pa’t hindi ko naman sila lubusang kakilala.
Nagulat ako nang lumuhod si Nox sa harap ng Ligaya na nag-aagaw buhay pa rin. Marahan siyang pumikit at pinagdikit ang kanyang dalawang palad habang may ibinubulong sa hangin. Kasabay no’n ay ang paglabas ng kulay kayumangging liwanag.
“Mula sa kapangyarihan ng lupa, ako’y humihiling at nagsusumamo na bigyan ng lunas ang nakakaawang nilalang…” ang narinig kong bulong niya.
Nagulat ako nang makitang unti unting naghilom ang sugat sa pakpak ng Ligaya, tapos ilang sandali lang ay nanumbalik na ang dati nitong sigla. Pagkatayo nito ay agad nitong iginalaw ang kanyang mga buntot at dinilaan ang paa ko, gano’n din ang ginawa niya kina Nox at Siria.
Tapos ay ipinagaspas na nito ang kanyang mga pakpak at lumipad na palayo sa amin. Nakahinga naman ako ng maluwag nang mapagtantong ligtas na sa kapahamakan ang kaibigan naming Ligaya.
“Pahintulutan mo kaming samahan at gabayan ka, Prinsepe Elex, makakatulong kami sa ‘yo,” saad ni Siria kaya napalingon ako sa kanya.
“Paumanhin ngunit hindi ko kayo kayang pagkatiwalaan. Nagpapasalamat ako sa inyong pagliligtas sa amin ng aking mga kaibigan pero iyon lang iyon. Mauuna na kami,” walang emosyong saad ko at tinalikuran ko na sila.
Malalim ang aking naging buntong hininga at nagsimula nang maglakad papasok sa kagubatan ng Majica. Lumingon pa ako sa aking likod at hindi ko na nakita pa ang dalawa. Marahil ay nirespeto nila ang kagustuhan kong huwag na akong samahan.
At mas mabuti na rin iyon, dahil kagaya ng sinabi ko ay hindi ko sila kayang pagkatiwalaan. Lalo na’t hindi ako kumbinsido na walang ibig sabihin ang bangungot ko na ilang ulit din akong pinasyalan at tinakot sa aking pagtulog.
Habang naglalakad sa kagubatan ay dala ko ang matinding kaba at takot sa mga puwedeng mangyari sa amin ni Niyebe. Hindi biro ang paglalakbay na ito, at hindi kagaya nina Siria at Nox ay wala akong kapangyarihan na puwedeng gamitin upang ipagtanggol ang aking sarili maliban sa espada na binasbasan ng aking namayapang ina.
“Mabuti silang mga diwata,” nagulat ako sa sinabi ni Niyebe.
“Paano mo nasabi? Hindi tayo nakakasigurado, Niyebe, hindi ako naniniwala na walang kahulugan ang bangungot ko. Malinaw ang mukha nila roon, at tugma rin ang kanilang pangalan, kaya ano ang gusto mong isipin ko?” mahabang saad at tanong ko sa kanya.
“May punto ka, Elex, kung totoo mang nangyari nga noon ang iyong bangungot, hindi kaya’t pinagkita ulit kayo ng pagkakataong ito upang maitama ang mga mali noon?” sagot at tanong ni Niyebe. “Huwag mo sanang mamasamain, ngunit tama sila, malaki ang maitutulong nila sa paglalakbay nating ito,” dagdag pa niya, nagbuntong hininga naman ako at mabilis na umiling.
“Hindi pa rin ako kumbinsido na wala silang masamang balak, Niyebe, nararamdaman ko iyon,” pagpupumilit ko, hinila naman ni Niyebe ang kaliwang tenga ko kaya napangiwi ako.
“Baka nakakalimutan mo, Elex, ang mga Ligaya ay may kakayahan na maramdaman kung mabuti o masama ang isang nilalang, kaya nga sila mailap, hindi ba? Kapag dinilaan ng isang Ligaya ang paa ng isang nilalang ay nangangahulugan iyon na mabuti ang mga ito at walang masamang binabalak na gawin,” saad ulit ni Niyebe.
Natahimik naman ako at napaisip sa sinabi niya. Tama siya. Nakita ko kanina na dinilaan ng kaibigan naming Ligaya ang paa nina Nox at Siria. Ang mga Ligaya ay kayang maramdaman ang panganib. Kahit sinong nagbabalat kayo at nagpapanggap na mabuti ay kaya nilang maramdaman.
At kapag malapit sila sa mga ito ay nagiging aligaga sila at humihiyaw na tila nagbibigay ng babala. Pero hindi iyon ginawa ng Ligaya kanina. Gayunpaman ay hindi ko pa rin magawang lubos na magtiwala sa kanila.
“Mas mainam siguro kung tayong dalawa lang sa paglalakbay, Niyebe, hindi naman natin kinailangan ng kasama bago magtungo rito. Kaya ipagpatuloy na lang natin na tayong dalawa lang,” sagot ko.
Hindi na ulit sumagot pa si Niyebe pagkatapos no’n. Habang naglalakad ay iginala ko naman ang tingin ko sa kabuuan ng lugar.
Masyadong maraming puno. May mga parte sa kagubatan na madilim ngunit mayroon din naman na inaabot pa ng liwanag. Marami ring mga makukulay at iba’t ibang klase ng kabute. Mga nagsisiliparang paruparo na napakaganda ng mga kulay. Nakakamanghang tignan. Kahit na papaano ay maganda pa rin, at ito ang nais kong isalba mula sa kaguluhan. Ang aming mundo.
“Batid mo ba kung nasaan na tayo?” tanong ni Niyebe sa akin.
Agad naman akong huminto sa paglalakad upang buksan ang kulay puting tela na dala ko. Lulan no’n ang iilang mga bagay na maari kong magamit sa paglalakbay at iilang piraso ng prutas at mga pagkain. Agad kong kinuha ang mahiwagang mapa ng kagubatan ng Majica na ibinigay sa akin ni Ama.
Sa unang tingin ay aakalain mong isa lamang itong normal at lumang papel na kulay kayumanggi, pero may nagtatagong mahika sa bawat titik at guhit na nakaukit dito
“Mahiwagang mapa, maaari mo bang ituro kung nasaan na kami?” saad ko.
Nagliwanag naman ang mapa pagkatapos kong banggitin iyon. Lumabas doon ang ilang guhit na kulay ginto, may mga bundok, ilog, at kung ano ano pa. Tapos ay ipinakita nito ang lugar kung nasaan na kami. Sinundan ko ang daan upang marating ang tahanan ng unang salamangkerong guro, at nanlumo ako nang mapansing malayo talaga ang aming lalakbayin.
“Isang ilog pa ang ating lalakbayin upang marating ang tahanan ng unang salamangkerong guro, Niyebe, ngunit may kalayuan pa ang ilog na ipinapakita ng mapa,” saad ko.
“Kung gano’n ay hindi na tayo dapat pa mag-aksaya ng oras, Elex. Magsimula ka na sa paglalakad,” sagot naman niya.
Ibinalik ko ang mapa sa tela at sinara ulit ito. Isinuot ko ito at itinali sa aking likod. Tapos ay inayos ko muna ang espada na nakasabit sa aking tagiliran bago ako nagsimulang maglakad na at sundan ang natandaan kong daan na ibinigay sa amin ng mahiwagang mapa.
Tahimik ako habang naglalakbay. Alam ko na ilang ulit ko na ring nabanggit na kinakabahan ako, normal na iyon dahil totoo namang delikado. Ngunit sa bawat hakbang ay ramdam ko na tila ba may nagmamasid sa amin.
Parang may matang nakabantay. At habang mas lumalayo kami at mas lumalalim ang aming tinatahak na daan sa kagubatan ng Majica ay mas lalo akong nakakaramdam ng kaba at takot.
Hindi ko tuloy maiwasang isipin sina Nox at Siria, tinulungan nila kami kanina. Kung wala sila doon ay baka kung ano na ang nangyari sa amin, baka kung ano na ang nagawa sa amin ng halimaw na Tandayag at Rabot.
Simula pa lang ng paglalakbay pero gano’n na kahirap… hindi ko tuloy maiwasang kabahan sa ideya na marami pa kaming makakasagupa sa paglalakbay na ito.