Kabanata IV

2282 Words
Iginala ko ang aking paningin sa kabuuan ng lugar, hindi ko maintindihan ngunit pakiramdam ko ay nawala kami sa direksiyon ng mapang sinusundan namin. Nakakapagtaka kasi dahil wala naman akong matandaan na dadaan kami sa isang madilim na bahagi ng kagubatan, ang natatandaan ko ay kailangang sundan lang namin ang daan kung saan tanaw ang kalangitan at liwanag na mula sa sikat ng araw. Pero ngayon ay napansin kong sa daang tinatahak namin ay kakailanganin naming pumasok sa parte ng kagubatan na kung saan ay sobrang dilim dahil sa kapal at dami ng nagsisilakihang mga puno. Kasalukuyan pa rin kaming naglalakad ni Niyebe sa kagubatan ng Majica, sa katunayan ay hindi ko na nga matandaan kung gaano na kami katagal na naglalakad. Ngunit sa tingin ko ay medyo malayo na rin an gaming napuntahan kung kaya’t wala na talagang balikan ito. Hindi naman sa ayaw kong bumalik dahil sa natatakot ako, hindi ko na alam kung ilang beses ko nang sinabi pero ginagawa ko ito hindi lang para sa akin, kung hindi para sa aming mundo at lahat ng nilalang na nakatira rito, mabuti o masamang mga diwata at engkantado man. “May problema ba, Elex?” tanong ni Niyebe sa akin, napabuntong hininga naman ako at nagpasyang ilapag ang dala kong puting tela sa malaking ugat ng isang puno kung saan ako huminto sa paglalakad. “Paumanhin, Niyebe, mukhang mali ang daang tinahak ko,” mababa ang boses na saad ko. “Kumpirmahin mo na sa mapa,” sagot niya, marahan naman akong tumango at ginawa ang sinabi niya. Binuksan ko ang aking dala at agad na kinuha ang mahiwagang mapa doon. Hindi naman na ako nagsayang ng oras na buksan ang mapa at agad itong naglabas ng nakasisilaw na liwanag. “Mahiwagang mapa, maaari mo bang ituro ulit sa amin ang daan?” ang pakiusap ko. Kumunot ang noo ko nang mapansing tama naman ang daan na tinahak namin ni Niyebe. Ngunit ang nakapagtataka ay walang ipinapakita ang mapa na madilim na bahagi ng kagubatan. Alam ko na may hindi tama. Alam kong may mali. Hindi ko naman maiwasang makaramdam ng kaba dahil dito. “Tama naman ang daan, Niyebe, pagmasdan mo ito,” saad ko at itinuro pa sa kanya ang mapa, tapos ay tumingin ako sa harap namin kung saan may itim na usok papasok sa daang madilim. “Hindi pinapakita ng mapa ang bahaging ito ng kagubatan, Niyebe, ang nakaukit dito ay dapat nasisinagan pa rin ng araw ang daang ito,” dagdag ko pa. “Hindi maganda ang kutob ko, Elex,” mahinang sagot naman ni Niyebe. Marahan akong tumango sa sinabi niya. Pareho lang kami ng nararamdaman. Hindi rin maganda ang kutob ko. Sa tinagal tagal ng panahon na nanirahan ako sa Majica ay ito ang unang beses na nailapat ko ang aking mga paa sa mahiwagang kagubatang ito. Gano’n pa man ay hindi lingid sa aking kaalaman ang maraming misteryong bumabalot dito. Sa katunayan ay hindi lang sa kagubatang ito, marami rin sa iba pang bahagi ng aming mundo. Lalo pa at marami ang mga nilalang ang nagsasanay na gumamit ng itim na kapangyarihan. “May maitutulong ba ako sa inyo?” agad akong napalingon sa likod ko upang tignan kung kanino nanggaling ang boses na nagtanong sa amin. Nakita ko ang isang magandang babae, nakakulay gintong bestida ito na abot hanggang lupa. May kakaibang liwanag ang kanyang suot ay may hawak pa siyang tungkod. Matamis na ngumiti sa amin ang babae na para bang nagagalak siyang makita kami. Hindi ko naman alam kung ano ang dapat kong maging reaksiyon. Hindi ko sukat akalain na may magandang diwata ang naninirahan sa kagubatang ito. “Sino ka? Ano ang ginagawa mo sa kagubatang ito?” tanong naman ni Niyebe, saglit na tumingin ang magandang diwata kay Niyebe at matamis ulit itong ngumiti. “Naninirahan ako hindi kalayuan sa parteng ito ng gubat, naghahanap lamang ako ng prutas na maaaring makain,” mababa ang boses na sagot naman niya. Marahan pa siyang naglakad papalapit sa amin kaya medyo napa-atras ako. Napahinto naman siya nang mapansin ang naging reaksiyon ko kaya ngumiti ulit siya. “Batid ko kung bakit ganyan ang iyong naging reaksiyon, ngunit hindi ako masamang diwata, tahimik akong naninirahan dito para takasan ang magulong mundo ng Majica. Napansin ko na mukhang may suliranin kayo kung kaya’t ako ay lumapit upang mag-abot ng tulong na makakaya kong ibigay,” mahabang pahayag naman niya. Hindi ko alam pero pakiramdam ko ay may hindi tama. May iba akong nararamdaman sa babaeng ito na hindi maganda. “Wala kaming suliranin, nagpapahinga lang kami saglit sa paglalakbay,” sagot ko naman, ngumiti ulit siya sa amin at marahang tumango. “Nakakapagod ang paglalakbay,” saad niya at agad na kumuha ng isang hindi pamilyar na prutas mula sa takuyan na dala niya. “Tanggapin niyo ang prutas na ito, nawa’y makatulong kahit papaano upang maibsan ang gutom sa inyong paglalakbay,” saad niya at inilahad sa akin ang prutas. Kulay puti ang prutas at bilog ang hugis nito. Nagdadalawa man ang isip ko ay tinanggap ko iyon, naramdaman ko ang marahang pagpisil ni Niyebe sa kaliwang tenga ko. Alam ko ang nais niyang iparating, na hindi dapat ako magtiwala sa diwatang ito. Batid ko naman iyon. “Salamat,” mababa ang boses na saad ko, marahan naman siyang tumango at naglakad papunta sa malaking ugat ng puno, ibinaba niya ang dala niyang takuyan doon at umupo rin. “Kung hindi niyo mamasamain, maaari ko bang malaman ang dahilan ng inyong paglalakbay?” tanong niya. “Bakit mo gustong malaman?” tanong ko naman pabalik sa kanya. Iba na talaga ang pakiramdam ko. Sa tingin ko ay may binabalak itong hindi maganda. “Matagal na akong naninirahan sa gubat na ito, at memoryado ko na ang daan. Baka sakali lang na makatulong ako at maituro ko sa inyo ang daan patungo sa destinasyon niyo na mas makakapagpabilis sa inyong paglalakbay,” sagot niya. Pinagmasdan ko naman siya. Kumuha siya ng isang prutas na kagaya ng inabot niya sa akin at kumagat doon, tapos ay ngumiti pa siya sa amin ng matamis. “Naglalakbay lang kami upang maghanap ng mga dahon na maaring maging lunas sa iba’t ibang uri ng karamdaman,” ang pagsisinungaling ko naman. May kakaiba sa tingin niya sa akin, tila ba sinasabi niya na nagsisinungaling ako. Iyong tingin niya ay parang nagsasabi rin na alam niya ang totoong dahilan kung bakit kami narito. “Kung mga dahon ang inyong hanap ay hindi niyo kailangang lumayo at mapadpad sa gitna ng kagubatan, marami no’n sa bungad,” sagot naman niya. “Nagbabakasakali kami na makahanap ng iba pa, iyong mas mabisa,” sagot ko ulit. Hindi ako puwedeng magtiwala sa kanya at sabihin ang totoong dahilan. Wala akong puwedeng ibang pagkatiwalaan sa paglalakbay na ito kung hindi si Niyebe at ang sarili ko lang. Ngumisi naman siya sa amin kaya kumunot ang noo ko. Mabilis ang sunod na mga nangyari. Nakita ko na ang maamo at maganda niyang anyo ay biglang nag-iba. Ang kanina ay mapuputing ngipin ay naging itim, ang matang nangungusap ay naging iisa lang ang kulay, kulay itim na sobrang nakakatakot. Ang makinis niyang balat ay naging kulubot, ang mahaba niyang buhok ay naging magulo, at ang kulay ginto niyang suot ay naging kulay itim. Maging ang kulay puting prutas na hawak ko ay naging kulay itim kaya agad ko itong nabitawan. Kasabay no’n ay ang nakakabinging paghalakhak niya at ang usok na kulay itim na bumalot sa buo niyang katawan. Lumutang siya sa ere at naging usok, mabilis siyang sumugod sa amin ni Niyebe pero naka-iwas naman ako. Iginala ko ang mga mata ko para hanapin siya at nakita ko ang itim na usok na lumilipad, tapos ay ang halakhak niya na para bang nagbabanta. Mayamaya lang ay huminto na sa paglipad ang usok at marahang bumaba iyon sa harap namin ni Niyebe. Hindi naman ako nakagalaw agad dahil sa gulat. Manggagaway… Tama. Isa siyang manggagaway, o kung tawagin ng marami ay mangkukulam. Isa sila sa mga nilalang sa Majica na gumagamit ng itim na kapangyarihan. “Ano ang kailangan mo?” lakas loob na tanong ko sa kanya, ngumisi naman siya sa amin, pinapakita ang itim at nakakatakot na mga ngipin. Dahil doon ay naging mabilis ang aksiyon ko at agad na kinuha ang espada at itinutok iyon sa kanya na tila ba nagsasabing handa akong kalabanin siya. Nakakatakot lang siyang ngumisi at hindi man lang nasindak sa ginawa ko. “Nais kong malaman kung saan naninirahan ang tatlong gurong salamangkero, at batid ko na ang mahiwagang mapa lang ang makapagtuturo no’n sa akin. Hindi ko alam kung bakit nasa iyo ang mapa ngunit isuko mo iyon kung ayaw mong…” nakakatakot ulit siyang ngumisi. “Mapahamak…” dagdag pa niya at humalakhak ulit. Tapos ay nag-anyong usok ulit siya at lumipad sa paligid bago bumalik sa harap namin ni Niyebe. “Tignan mo ako sa mata…” ang utos niya, iiwas sana ako ngunit sa isang iglap ay nasa harap ko na siya. Ang itim niyang mga mata ay parang hinihila ako patungo sa ibang dimensiyon. Nawawalan ako ng lakas. “Inuutusan kitang mapasa-ilalim sa aking kapangyariha—” hindi na niya naituloy ang sasabihin niya dahil malakas siyang sumigaw dala ng sakit. Napaupo naman ako sa madamong lapag at parang nakahinga ng maluwag. Napalingon ako sa kanang bahagi namin at nakita ko doon sina Nox at Siria. “Lapastangan!” galit na sigaw ng Manggagaway at naglabas ng itim na enerhiya mula sa dalawa niyang mga kamay na may mahahaba at itim na kuko habang nakalutang sa ere. Ibinato niya ang itim na enerhiyang iyon patungo sa direksiyon namin ni Niyebe. Mabilis akong napa-atras, inakala kong tatama iyon sa amin ngunit mabilis ang tulong na ibinigay ni Nox. Gamit ang kapangyarihan ng apoy ay gumawa siya ng pananggala upang hindi kami masaktan at tamaan ng itim na kapangyarihan. Hindi ko naman alam ang magiging reaksiyon ko. Ito na ang pangalawang beses na tinulungan nila kami ni Niyebe. Nakita kong gumawa ng isang malaking bolang apoy si Nox at ngumisi sa Manggagaway. Isang ngisi na nagsasabi at nagbabantang sa oras na tumama iyon sa kanya ay tutupukin siya nito't gagawing abo, halata naman ang naging takot sa reaksiyon niya kaya mabilis siyang nag-anyong usok at lumipad paalis upang makatakas. “Babalikan ko kayo,” ang matinis niyang boses ay nakakabingi nang isigaw niya iyon, humalakhak pa siya bago tuluyang nawala sa paningin naming lahat. Kasabay ng pag-alis niya ay ang pagbabalik ng liwanag sa daang itinuturo ng mapa. “Nasaktan ba kayo?” nag-angat naman ako ng tingin at nakita si Siria na naglalahad ng isang kamay sa akin. Kahit na nagdadalawang isip ay tinanggap ko naman iyon at tinulungan niya akong tumayo. “Maraming salamat,” mababa ang boses na saad ko, ngumiti naman siya at marahang tumango. Walang pinagkaiba ang mukha niya sa babaeng nasa bangungot ko. Ang kaibahan lang ay ang kanilang kasuotan. Si Siria ay pinaghalong kulay puti at berdeng bestida. May isang manipis pa na tela ang nakatali sa kaliwang bahagi ng kanyang braso, pinaghalong kulay puti at berde rin iyon. May gintong baluti pa siya sa ulo, sa kaliwang gilid nito ay may nakaukit na araw na sumisimbolo sa kanilang kaharian. Si Nox naman ay pinaghalong kulay pula at kayumanggi ang suot na pang-itaas, ang pang-ibaba naman niya ay kulay kayumanggi. May manipis na tela rin siya sa kaliwang bahagi ng kanyang braso na pinaghalong kulay pula ay kayumanggi rin, tapos ay may suot din siyang gintong baluti na sa kaliwang gilid ay may buwan, na siyang sumisimbolo sa kanilang kaharian. Samantalang ako ay kulay puti ang suot na pang-itaas at pang-ibaba, sa may bandang tagiliran ko ay may nakapulupot na kulay gintong tela na nagsisilbing sinturon, sa kaliwang braso ko naman ay kulay gintong tela at may suot din akong kulay gintong baluti na may naka-ukit na parehong araw at buwan, sumisimbolo ito sa aming kaharian na siyang nagbabalanse ng liwanag at dilim sa buong Majica. “Paumanhin, Prinsepe, ngunit kailangan ka naming samahan at protektahan,” saad ni Nox kaya napalingon ako sa kanya. “Ikaw ang tanging pag-asa namin upang maibalik ang balanse ng liwanag at dilim sa ating mundo, ikaw ang makakabalik sa dati nitong ayos, kaya hindi puwede na wala kaming gawin upang protektahan ka,” dagdag pa niya. Tumango naman si Siria bilang pagsang-ayon sa sinabi ng kaibigan niya. “Tama sila, Elex, dalawang beses na tayong muntikang mapahamak, sa tingin ko ay mas maigi kung kasama natin sila sa paglalakbay na ito. Malaki ang magagawa nila upang tayo’y matulungan,” sagot naman ni Niyebe. Hindi naman ako nakasagot. Alam ko na tama sila. Ramdam ko rin na mabuti silang mga nilalang ngunit hindi lang talaga mawala sa isip ko ang bangungot na iyon kaya hindi ko magawang lubusang magtiwala sa kanilang dalawa. Sa huli ay napabuntong hininga na lang ako at marahang tumango. “Patawad kung pinag-isipan ko kayo ng masama, at maraming salamat sa pagtulong sa amin sa ikalawang pagkakataon,” sagot ko naman, sabay silang napangti sa sinabi ko. “Nagagalak ako sa iyong pasya, Prinsepe Elex, umasa ka na gagawin namin ang lahat para maprotektahan kayo,” nang sabihin iyon ni Siria at sabay pa sila ni Nox na marahang yumuko. Napabuntong hininga na lang ulit ako. Alam ko na kakailanganin namin ni Niyebe ng makakasama sa paglalakbay na ito. Kung ano man ang ibig sabihin ng bangungot ko, ay saka ko na siguro iisipin. Ang mahalaga ay magawa namin ang aming pakay rito. “Maraming salamat ulit,” ang tanging naging sagot ko na lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD