"Ayon dito sa datos mo ay thirty percent lamang ang nagawa mong kasalanan. Makakapasok ka lang sa loob ng impyerno kapag humigit eighty percent ang nagawa mong matitinding kasamaan," paliwanag ng malahalimaw na bantay kay Kiara.
"Ano namang mga kasamaan ang dapat kong gawin?" mahaba ang ngusong tanong niya. Kahit pala impyerno ang arte! Pfft!
"Ang pumatay, magnakaw, mang-rape, mag-drugs, manlinlang, magsugal, manakit, at kung anu-ano pa na mabibigat na kasalanan."
Literal na napanganga siya. Paano naman niya magagawa ang mga iyon? Oo masama siya, pero hindi naman gano'n na kasama. Manlait ng tao, mag-chismis, manakit at magsinungaling. Gano'n lang ang mga expert niya.
"Pero 'di ba may mas madaling gawin maliban sa mga matitinding kasalanan na 'yan?" sabad ng itim na anghel
Dumako ang tingin ni Kiara kay itim na anghel. "What is it?" and she asked right away. Of course, kahit naman sino ay mas pipiliin 'yung madaling paraan.
Ngumisi muna ang anghel na itim sa kanya bago siya sinagot. "Iyon ay ang magawa mong kampon ng kasamaan ang isang taong mabait o naglilingkod kay kalaban."
"Kalaban?"
"Alam mo na 'yon. Mas bawal banggitin dito 'yon."
Napatango-tango si Kiara. Naisip niya na 'yung kalaban ay ang Maykapal.
Bigla na namang kumidlat. Doon na siya binatukan ni itim na anghel. "Sabing huwag isipin o banggitin, eh! Gusto mo bang matusta tayo 'pag tinamaan tayo ng kidlat?!"
"Aray!" angal niya na napahawak sa kanyang ulo.
"Pasaway ka talaga!"
"Kaya nga napunta rito, 'di ba? Tanga!" angil niya. Tinulak niya sa dibdib ang anghel na itim.
Muntik na talagang silang magkasapakan kung hindi lang muling nagsalita ang tagabantay ng impyerno. "Ikaw na ang bahala kung ano'ng gagawin mo. Pumatay ka. Magnakaw ka. Bahala ka na. Basta ako kailangan ko nang umalis," anito sa kanya at tumalikod na.
Siya naman ang itinulak ng itim na anghel nang wala na ang tagabantay. Muntik na siyang matumba sa mabahong putikan.
"Ikaw sumusobra ka na talaga!" duro niya rito.
"Bakit ikaw naman ang nauna, ah!" singhal din nito sa kanya.
Nagkatinginan sila nang masama. Pero dahil siya ang may kailangan sa itim na anghel ay siya na ang naunang kumalma. "Sige na sabihin mo na sa'kin 'yung pinakamadaling paraan para madagdagan ang puntos ko sa pagiging masama at makapasok na ako sa impyerno."
Nagliliyab pa rin ang mga mata ng anghel na itim sa inis. "Madali lang ‘yon,” pero mayamaya ay pabalang nitong sabi sabay halukipkip. Hindi rin nakatiis.
"Ano nga?!" atat niya.
"Eh, di maghanap ka sa lupa ng taong sobrang bait at gawin mo siyang masama."
"Eh, sino naman ang taong 'yon?"
"Aba'y bahala kang maghanap. Problema mo na 'yon. Huwag kang umasang tutulungan kita dahil hindi namin 'yun gawain dito. Ang magagawa ko lang ngayon ay ibalik ka ulit sa lupa. Ikaw na ang dumiskarte kung paano mo mahahanap ang taong 'yun."
Natampal ni Kiara ang sariling noo. Talagang pinapahirapan siya, hah. Pero sige lang, sa ngalan nang pagkikita nila ng Papa niya sa impyerno ay go lang siya. Hindi siya susuko.
"Ready ka na?"
"Saan?"
"Sa pagbabalik mo ulit sa lupa, ano pa? Bobo talaga?"
Napakagat-labi si Kiara. Kahit na nanggigil siya ay no choice siya kundi ang tumango. Kaysa patulan niya ang demonyitang anghel ay pinili niyang magpakahinahon.
Kasalanan 'to ng lola niya, eh, lagi kasi siyang sinasaway kapag gumagawa siya ng kasalanan noon. Dapat daw maging mabuting anak at bata raw siya, gano’n ganyan. Tuloy na-delayed pa ang pagkikita nilang mag-ama. Kung alam niya lang na mangyayari ito ay sana ninakawan na lang niya nang ninakawan noon ang mga kaklase niya ng baon at pera. O kaya pinag-uupakan na lang niya ang mga iyon. Sana mas madami pa siyang binully na panget sa school.
Sayang. Sana hindi na lang niya sinunod ang lola niya noon.
"Okay. Babalik na tayo sa lupa. Ngayon na." Sa isang pitik ulit sa ere ng itim na anghel ay muling nagbukas ulit ang kinatatayuan nila. Padausdos ulit ang pagbagsak nila.
"Aaaaaaaahhhhhhhhh!" napakahabang sigaw ulit niya nang malakas at mahaba. At sa isang malagkit na namang lupa siya bumagsak. Ang malas pa dahil semento na iyon na may lupa lang kaya mas masakit.
“Aray ko po,” panaghoy na niya dahil mas masakit na ang tumamang puwitan niya kaysa kanina.
Hawak-hawak niya ang puwitan niyang nabalian na 'ata ng buto na tumayo. Nakangiwi ang mukha niyang tumingala sa taas. "Kayo wala talaga kayong awa, eh, noh?!" ta's singhal niyang turo roon pero nang maisip niyang langit pala ang kinakausap niya ay bumaba ang tingin niya. "Ay, kayo pala!" at pagkokorek niya.
"Demonyo nga, 'di ba? Masama nga kami, ‘di ba?" Narinig niyang pang-asar na boses ng itim na anghel.
Nilibot niya ang paningin. "Where are you?! Magpakita ka! Papatayin kita!"
Kaso ay wala nang sumagot sa kanya. Napamaywang na lang siya. At ngayon lang niya napansin na may lalaki pa lang nakatayo sa harapan niya. Lalaking kasing edad niya yata. Mga eighteen or seventeen gano’n, at nagtataka ang hitsura nitong nakatingin sa kanya. May hawak itong walis tingting at timba.
"Who are you?!" pasupladang tanong niya rito.
"A-ako si Kevin. Ikaw? Sino ka? Bakit bumagsak ka mula sa taas dito sa piggery namin?" alanganing sagot at tanong ng binata sa napakaamong boses.
Anong sabi? Piggery? Aguy naman talaga!
Umasim ang mukha niya na napatingin-tingin sa paligid. Oo nga piggery nga ang binagsakan niya. Ang daming oink oink.
Naku, humanda talaga sa kanya ang itim na anghel na ‘yun kapag nakita niya. Sa dinami-dami ng puwedeng bagsakan ay dito talaga? Sa babuyan talaga? Grrr!
But wait!
Balik-tingin si Kiara sa lalaki. Paanong nakikita pala siya ng lalaki gayong kaluluwa na siya?