Nakabalik na kami sa hotel na aming tinuluyan ni Troy pero nasa isip ko pa rin ang nangyari sa akin sa Diplomat Hotel. Ewan kung guni-guni ko lang iyon pero parang narinig ko talaga ang boses ni Ate Annika. Hindi ko tuloy napigilan na magpadala ng mensahe sa kanya at magbilin na lagi siyang mag-iingat. Pakiramdam ko kasi isa itong babala para balaan ko si Ate Annika na mag-ingat dahil may paparating na unos sa kanya. Kung ano man iyon, sana naman huwag matuloy or sana naman kayanin niya ang pagsubok. Ate Annika, ingat ka palagi. Ingatan mo ang sarili mo. Mahal na mahal kita. Ito ang mensahe na ipinadala ko sa kanya. Tinitigan ko pa muna ang screen ng cellphone ko kung magre-reply ba siya. Gusto ko siyang makausap saglit para gumaan ang pakiramdam ko at hindi na ako masyadong nag-iisip.

