CHAPTER 5:
"PANGALAWANG ARAW NYO pa lang dito sa school pero bakit may ganito na kaagad na nagyari? Bakit mo naman sinapak ang gwapong mukha ni Mr. San Miguel?" masungit na tanong ng guidance teacher.
Gusto kong mapairap sa inis. Nakakainis na kailangan pa naming mapunta rito nang dahil sa kakulitan niya at nakakainis na mukhang pabor pa ang guidance teacher namin sa lalaking 'to.
"Hindi ko naman sasapakin 'yan kung wala naman po siyang ginagawa," sarkastikong sagot ko.
"Aba't—pinipolosopo mo ba ako?"
"Hindi po ma'am, nagsasabi lang po ako ng totoo. Panay po kasi ang sunod niyan sa akin, nakakainis na po," dagdag ko pa.
"E bakit ka naman sinusundan? San Miguel, bakit mo siya sinusundan nang sinusundan?" tanong niya.
Napakamot si Andrew sa likod ng ulo niya. Nakonsensya naman ako na may pasa siya sa kaliwang pisngi at pumutok ang kaliwang parte ng kaniyang labi pero nakakainis na kasi. Kapag talaga nainis ako, hindi niya talaga mapipigilan ang pananapak ko.
"Okay lang po ako ma'am, aminado naman po akong may kasalanan ako. May gusto po kasi ako sa kaniya kaso ayaw niya sa akin. . ."
Nanlaki ang mga mata ko sa isinagot niya. Kung nasa labas lang kami ng guidance office, baka sinapak ko na ulit itong lalaking 'to!
"Naku iho, kung ayaw sa 'yo ng babae huwag mong pipilitin. Marami pang iba r'yan na mas deserving sa atensyon mo."
Napairap na talaga ako nang tuluyan. Hindi na ako pinansin ng guidance teacher naming mukhang single pa at lumalandi sa kaniya. Imbes na pagsabihan si Andrew na huwag gawin ay parang kino-comfort pa niya dahil hindi siya gusto ng babaeng gusto niya.
Sa huli, hindi na kami pinarusahan. Hinayaan kaming lumabas ng guidance office nang walang parusa nang dahil sa kakaibang charm ni Andrew.
Tahimik na lumabas ako ng guidance office at didiretso na lang sa library dahil na-late na ako sa second subject. Sayang ang matututunan ko nang dahil sa kaniya, mabuti pa at magbasa na lang din ako at nang may matutunan kahit wala ako sa klase.
"Saan ka pupunta?" tanong niya.
Huminto ako sa paglalakad at saka siya nilingon.
"Parang awa mo na, huwag mo na akong sundan at baka sa kabilang pisngi mo naman ang masapak ko!" iritang sabi ko tapos ay tinalikuran siya at muling naglakad.
Naiinis ako sa tuwing may makakasalubong akong babae at nakikita si Andrew. Parang kinikiliti sa singit kung makangiti. Ganoon ba talaga ka-attractive para sa kanila si Andrew? Parang hindi naman!
Pakiramdam ko ay naginhawaan ako nang nasa library na ako, tahimik at kaunti lang ang estudyante dahil nasa klase halos lahat. Sinubukan kong maghanap ng any related sa kurso ko.
Nasa kalagitnaan na ako ng kapayapaan nang mapahinto ako dahil may dumikit sa akin. WhenI turned my head, I am not surprised to see Andrew standing there with the bruise on his left lips. At nakangiti pa rin talaga siya nang malapad.
Napakamot ako sa ulo. "Ang kulit naman talaga!" halos mapasigaw na ako sa inis pero dahil mabilis niya akong sinenyasan na huwag akong maingay, napahina ko kahit na papaano. "Ano na naman ba kasi?"
"Ibigay mo na kasi sa akin ang totoong number mo. Gusto kong mag-usap tayo at ibalik 'yong dating pagkakaibigan natin," sagot niya.
Pumikit ako nang mariin at saka muling idinilat ang mga mata ko.
"Wala ka bang ibang friends? Hindi ba pwedeng maghanap ka na lang ng ibang kukulitin? Maraming babae ang willing magpakulit sa 'yo, bakit hindi na lang sila?"
"Obvious ba? Ayaw ko sa iba, gusto ko ikaw."
Sinamaan ko siya ng tingin.
"Ayaw ko na talagang makipagkaibigan sa 'yo. Kaya nakikiusap ako na sana huwag mo na akong kulitin."
"Pero bakit nga?"
Ayaw ko sanang sabihin pero dahil sobra na talaga ang kakulitan niya, siguro kailangan ko nang sabihin sa kaniya ang dahilan.
"Dahil lalaki ka," sagot ko.
Kumunot ang noo niya sa isinagot ko. Tila ba ibang lenggwahe ang ginamit ko dahil hindi niya ako maintindihan.
"Hindi ko maintindihan, bakit?" tanong niya ulit.
"Hindi ko na uulitin ang sasabihin ko kaya makinig ka nang maigi at intindihin mong maigi," sabi ko. "Ayaw ko sa mga lalaki, lahat ng lalaki, manloloko at puro bayag lang ang pinapairal—" Pinutol niya ako sa pagsasalita.
"Huwag mo namang nilalahat—" At pinutol ko rin siya sa pagsasalita.
"Huwag mo akong paandaran ng huwag kong nilalahat dahil sa 100% na populasyon ng mga lalaki, 2% na lang siguro ang matino. The rest hindi na mapagkakatiwalaan."
"Kaibigan lang naman. . ."
"Kung pagkakaibigan lang naman pala ang gusto mo sa akin, madaling hanapin 'yan sa ibang babae pero I can sense that you are not just after me for being friends."
Hindi siya nakasagot, alam ko naman. Sigurado akong hindi na lang pagkakaibigan ang gusto niya.
"Ballari, hindi ko alam kung bakit at paanong naging ganyan ang pananaw mo pero sincere ako. Gusto ko talagang maging magkaibigan tayo ulit."
"Tapos ano? Papaibigin mo ako, pahuhulugin mo ko sa patibong mo hanggang sa alam mong kaya ko nang ibigay sa 'yo ang lahat. At sa oras na naibigay ko na sa 'yo ang gusto mo, iiwan mo na ako? Gano'n ba?"
"Ballari, hindi. . ." Umiiling na sagot niya.
Napailing na lang din ako at saka siya iniwan doon. Mabuti na lang at hindi na siya sumunod sa akin. Siguro na-realize na niyang hindi na talaga niya dapat pa akong sundan o suyuin na maging magkaibigan pa ulit.
Ayaw kong bumigay sa kaniya dahil sigurado akong magagaya lang ako kay mommy at ate na parehong niloko ng lalaki.
Lalaki ang dahilan kung bakit nasira ang pamilya namin. Lalaki ang dahilan kung bakit naghirap ang ate ko sa pagpapalaki ng anak. At lalaki rin ang dahilan kung bakit maraming single moms at battered wife sa mundo. Sila ang numero unong purwisyo sa buhay ng babae.
Kaya dapat hindi na ako makipagkaibigan o ma-involve pa sa kahit na sinong lalaki. Never again.
-
Mabuti na lang at hindi na ako ulit kinulit ni Andrew matapos kong sabihin iyon sa kaniya. Ang pagsasabi talaga ng totoo ang sagot sa problema. Kung alam ko lang na iyon ang magiging way para lubayan niya ako, edi sana kahapon pa sinabi ko na.
Kasalukuyan kaming naglalakad ni Jessy papunta sa sakayan ng jeep. Kung tutuusin pwede naman naming lakarin dahil 15 minutes lang naman ang paglalakad hanggang sa subdivision kung saan kami nakatira. Pero dahil tamad kami pareho kung maglakad, hindi na kami naglalakad.
"Magkakilala ba kayo noon ni Andrew? Kung paano ka kasi niya kulitin, parang kilalang-kilala ka na niya."
"Oo, best friend ko siya noon." Diretso kong sinagot ang tanong niya dahil hindi ko naman kailangang itago.
"Woah! So best friend mo pala siya? Alam mo bang sikat siya sa school lalo na noong senior highschool? At s'yempre hanggang ngayon!"
"Hindi ko alam, e. Ikaw bakit mo alam?"
Nagkibit-balikat siya. "Kanina ko lang din nalaman e," sagot niya. "So paanong hindi na kayo magkaibigan? Akala ko hindi ka marunong makipagkaibigan!"
Nilingon ko siya pagkatapos ay huminto sa paglalakad.
"Simula no'ng nabuntis ang ate ko sa murang edad at iniwan ng boyfriend niya."
"Ha? Bakit?"
"Napatunayan ko kasing walang kwenta ang mga lalaki simula no'n," sagot ko. Nagpatuloy na ako sa paglalakad.
Habang siya ay patuloy pa rin sa maraming tanong. Sa halos tatlong taong pagsunod-sunod sa akin nitong si Jessy, ngayon lang humaba nang husto ang mga tanong niya. Bawat tanong niya at bawat sagot ko ay nagkakaroon ng sanga, dagdag na tanong kumbaga.
"Alam mo Ballari, hindi naman lahat ng lalaki 'gaya ng daddy mo at gaya ng lalaking bumuntis sa ate mo. Isa pa, nang dahil doon, idinistansya mo na ang sarili mo sa mga tao. Hindi lang sa mga lalaki! Pati nga sa akin idinidistansya mo ang sarili mo e!"
Nagkibit-balikat ako at huminto na sa paglalakad nang nasa terminal na kami kung saan ang sakayan ng jeep.
"Hindi ko naman idinidistansya ang sarili ko sa tao, ayaw ko lang na magtiwala at ma-attach sa kahit na sino dahil alam kong balang-araw iiwan lang din ako."
Suminghap siya na ikinabigla ko.
"Oh my gosh! Grabe! May trust issue ka pala! Bakit ngayon ko lang nalaman?"
Umirap ako. "Kasi ngayon ka lang nagtanong."
Humalakhak siya at saka marahan akong hinampas. "Doon muna ako sa bahay nyo ha, makikinuod ako ng K-drama! Ang balita ko may bagong series daw si Cha Seo-jun! Oh my gosh! Excited na akong mapanuod!"
Napangiti na lang ako at saka sumang-ayon sa gusto niya. Kung mayroon man kaming pinagkakasunduan ni Jessy, iyon ay ang panunuod ng K-drama o kahit na anong drama series at movies na pasok sa panlasa namin. Kung minsan nga ang sabi sa akin ni Jessy, baka raw kaya ayaw ko sa mga lalaki ay dahil hindi pa ako nakakahanap ng kasing gagwapo ng mga artista sa Korea. Pero hindi naman, kaya ako nahihilig sa mga palabas nila ay dahil sa magagandang kwento at plot na hindi kailanman mangyayari sa totoong buhay. Para sa akin, iyon na ang escape ko sa reality. Sa reyalidad na walang lalaking kayang maging katulad ng sa mga napapanuod kong Korean drama.
Pagkababa sa subdivision kung saan kami nakatira. Halata ang excitement ni Jessy na makarating na sa bahay namin dahil matagal tagal na rin mula noong manuod kami nang sabay.
Pero ang mapayapang paglalakad namin ay nahinto nang huminto ako sa paglalakad dahil nadaanan namin ang playground kung saan kami madalas na nagkikita ni Andrew noon.
Kung saan siya unang dumating sa buhay ko noong kailangan ko ng taong makakausap tungkol sa problema ko sa buhay. Naroon siya noong mga panahong madilim ang buhay ko. But I chose to let him go kasi alam kong balang-araw iiwanan niya rin ako. Might as well ako na ang unang bumitaw sa friendship namin. . .
"Ballari? Huy!"
Hindi pa ako matatauhan kung hindi pa ako tinawag ni Jessy.
"Ano bang iniisip mo r'yan at natulala ka bigla?" takang tanong ni Jessy sa akin.
Umiling ako. "Wala, napahinto lang saglit." Tumuloy na ako sa paglalakad.
Bumalik si Jessy at ikinawit ang kamay niya sa braso ko.
"Ayan, para hindi ka biglang hihinto. Excited na akong makita si Cha Seo-jun!" tuwang-tuwang aniya.
Hindi na ako sumagot at sinubukan na lang din na maging excited sa panunuorin namin pagkarating sa bahay.
"Nandito na ako, kasama ko po si Jessy, mommy!" sabi ko pagkabukas ko ng pinto.
Tulad ng araw-araw. Nakangiting bumungad sa akin si Brent. Hawak niya ang kulay blue na crayola habang patakbong lumapit sa akin.
"Welcome home, tita!" bati niya sa akin. Hinalikan niya ako sa pisngi bago siya bumalik sa ginagawa niya.
Siniko ako ni Jessy. "Pero bakit si Brent, lalaki naman siya pero bakit hindi ka galit sa kaniya?" pabulong na tanong niya.
Inirapan ko siya. "Sira!"
Tinawanan niya na lang ako, matapos no'n ay lumabas mula sa kusina si mommy.
"O, manunuod kayo ng K-drama? tanong agad ni mommy.
"Aba alam na alam mo tita?" tanong ni Jessy kay mommy.
"S'yempre! Hala sige, akyat na kayo sa kwarto. Mamaya dalhan ko kayo ng meryenda."
"Yes! The best ka po talaga, tita!"
Ganyan naman talaga si mommy, mabait. Minsan masungit pero mabait siya kaya nga iniwan siya ni daddy at naghanap ng iba. Iyon ay dahil hindi niya sinasaway si daddy sa kung ano ang mga ginagawa nito kahit kahina-hinala na.
Mabilis na pumasok si Jessy sa kwarto ko pagkaakyat sa pangalawang palapag ng bahay. Excited na rin akong manuod. Sana lang talaga kayang alisin nitong panunuod ko ang alalahanin ko.
"Bilisan mo na!" ani Jessy.
"Ito na nga! Atat masyado? Atat?" sagot ko sabay irap.
Mabilisang dumiretso ako sa cabinet para kumuha ng pamalit ng susuotin. Pumasok ako sa banyo at saka doon na nagbihis. Pero habang nagbibihis ako, narinig kong tumunog ang cellphone kong nasa bag.
"May tumatawag!"
Sino kaya 'yong tumatawag?
"Kunin ko na ba sa bag mo?" tanong ni Jessy.
"Sige!" sigaw ko pabalik.
Matapos kong magbihis, lumabas na ako at naabutan si Jessy na hawak na ang phone ko. Nang sagutin niya ang tawag, nagsisi ako bigla.
"Hello, sino 'to?" sagot niya. "Andrew?"