CHAPTER 3:
RAMDAM KONG MAKAILANG BESES na siyang sumusulyap sa akin. Nakikita ko sa peripheral vision ko na panay ang tingin niya. Mula sa pintuan, nasa pangalawang row ako ng upuan habang siya naman ay nasa pang-apat na row pero kung ang pagbabasehan ay mula sa white board, magkahanay kaming dalawa. Ayos lang naman sana sa akin kahit sa likuran na lang ako umupo para hindi niya ako makita pero kasi ito na lang ang available na upuan dahil in-okupa na ng mga siga ang likuran.
Hindi ko alam kung natatandaan niya ba ako dahil matagal na kaming hindi nagkikita, bukod sa matagal na kaming hindi nagkikita, malaki na rin ang pinagbago ko mula noon. Ganoon din naman siya pero kasi hindi ko siya makakalimutan. Hindi ko makakalimutan kung paano ko siya iniwan noon.
Mayamaya lang din ay dumating na ang professor namin nang saktong mapuno na ang classroom. Our first professor looks intimidating, mahaba ang buhok niya at maputi. Mukhang ilang taon pa lang siyang nagtuturo pero parang nakakatakot na ang mga mata niya. Mukha kasing masungit at nangangain nang buhay kung sakaling may magkamaling estudyante.
"Good morning class," bati niya. Gaya ng kung gaano siya ka-mukhang masungit, masungir pati ang boses niya.
"Good morning ma'am!" bati rin namin pabalik.
Tumalikod siya at isinulat sa white board ang pangalan niya.
Ms. Georgina Molson.
Iyon ang pangalan niya. Parang sopistikada, gaya kung ano ang itsura niya.
"I am Ms. Georgina Molson, do not call me mrs. I am still single but not available to mingle," she said. "I will be your Theatre Arts Management teacher."
Arts, Entertainment and Media Management ang kinuha kong major. Oo, at mahiyain akong tao pero kahit na gano'n, gusto ko pa ring pasukin ang entertainment industry to challenge my self na iharap ang sarili ko sa maraming tao. Noong nag-de-decide ako sa kung anong kurso ang kukunin ko, hindi ko alam kung ano ang pipiliin. Hanggang sa naisip ko ito. Mahilig akong manuod ng TV series, movies at mahilig din ako sa music pero ang problema ay mahiyain ako. That's why I came up to an idea to face my fear.
Nagpakilala kami isa-isa sa harap ng klase, gaya ng madalas na nangyayari sa unang araw ng school year. Nahihiya pa akong magpakilala at halos hindi ako tumingin sa mga kaklase ko. Kung hindi pa ako sinaway ni Miss Molson, baka hindi pa ako nag-angat ng tingin.
"Always, always be proud of yourself and be confident, that's the key to success." Natatandaan kong sabi ni Miss Molson bago matapos ang klase.
Tahimik na lumabas kami ng classroom nang natapos na ang klase niya. Nagmamadali pa ako sa paglalakad dahil ayaw ko ngang makasalubong manlang o kahit na mahagip ng mata ko si Andrew. Hindi naman siguro kami magkaklase sa ibang program, sana.
Hawak ang papel na listahan kung saan ang susunod na subject, sinimulan ko nang hanapin ang classroom. Pero kahit anong ikot ko sa corridor at kahit anong silip ko sa mga pinto, hindi ko mahanap.
Hanggang sa pabalik-balik na lang ako at malapit na akong ma-late. Huminto ako sa harap ng room 406 kung saan nakasulat ang subject na "Arts Management".
Ilang segundo akong nakatitig sa pinto nang may kumuha ng papel na hawak ko.
"Ano ba—" Napahinto ako sa pagsasalita nang makita ang pamilyar ba bag. Bag ni Andrew!
"Sa baba ito, hindi dito ang classroom ni Sir Benedict," aniya.
Nilingon niya ako at ibinalik ang papel. "Dalawa kasi ang Benedict na professor dito, huwag kang malito. Room 306 siya," dagdag niya pa.
Wala akong ibang na-i-react kundi isang tango. Matapos no'n ay nagpasalamat ako sabay talikod sa kaniya at diretso sa hagdan pababa.
Kabado ako habang nagmamadaling bumaba ng hagdan. Hindi ako kinakabahan dahil malapit na akong mahuli sa klase, kinakabahan ako dahil sigurado na ako ngayon na nakilala niya ako at natatandaan!
Hindi dapat ako magpa-apekto lalo na at unang araw ng klase. Ayaw kong masira ang unang araw na pinaghandaan ko. Mabuti na lang talaga at hindi ko na siya kaklase sa iba pang subjects. Nakapag-focus ako nang maigi sa lessons.
Pero nang sumapit ang uwian, hindi ko inaasahan na bigla na lang siyang lilitaw sa pinto ng klase namin. Hindi ko sana siya papansin at didiretso na lamang pero humarang siya sa pintuan.
"Hala! Bakit humaharang ka r'yan?" reklamo ng isa kong kaklaseng lalaki.
"Sa kabila ka na lang dumaan p're," aniya habang nakatitig sa akin.
Sa kabilang pinto na lang din sana ako dadaan para sana takasan siya pero hindi niya ako hinayaan, hinawakan niya ang kamay ko at hinatak ako pabalik.
"Bakit ba iwas ka nang iwas sa akin? Para namang wala tayong pinagsamahan," aniya.
Lumunok ako, nilunok ko ang kaba ko bago ako nag-angat ng tingin sa kaniya.
"Masama bang iwasan ka?"
Naghugis letrang 'o' ang bibig niya.
"Oh, iniiwasan mo nga talaga ako? Bakit? Para hindi ko maitanong sa 'yo kung bakit iniwan mo ako?"
Sasagot na sana ako sa paratang niya sa akin pero bigla akong hinawi ng isa sa mga kaklase ko.
"Diyos ko, kung mag-aaway kayong mag-jowa, sa labas na lang 'wag dito!" reklamo niya. Hinawi niya rin si Andrew pagkatapos ay lumabas.
Bumuntonghininga ako at saka tuluyan nang lumabas. Tulad ng inaasahan ko, sumunod pa rin talaga siya para lang magsabi ng kung ano-ano. Kahit pala mas nagmatured siya, ganoon pa rin pala ang ugali niya. Makulit pa rin!
At kahit nakalabas na kami ng building, wala pa rin talaga siyang palya sa kasusunod sa akin. Habang bumibilis ang paglalakad-takbo ko, bumibilis din ang sa kaniya. Hanggang sa nakalabas na kami ng gate.
Hinarap ko siya nang alam kong pwede na kaming mag-usap pero pagkaharap na pagkaharap ko, sumalpok naman ang mukha ko sa dibdib niyang amoy matapang na pabango ng lalaki!
"Ahh!" Mabilis na lumayo ako sa kaniya at hinawakan ang ilong ko.
"Dahan-dahan naman kasi, bigla ka na lang kasing haharap," aniya na para bang kasalanan ko pa.
Inis na nag-angat ako ng tingin.
"Can't you just move on? Iniwan kita noon without telling you my reason kaya bakit ang kulit mo?"
"Hindi ako maka-move on e, bakit ba? Gusto ko ng rason kung bakit bigla ka na lang nawala."
"Bakit ba kung makaakto ka, parang naging magkarelasyon tayo? Ang babata pa natin no'n, Andrew! Para best friend lang ang nawala sa 'yo—" Hindi ko natapos ang sasabihin ko nang bumusangot ang mukha niya at dinugtungan ang sasabihin ko sana.
"Mas masakit na mawalan ng best friend kaysa sa girlfriend," puno ng hinanakit na sabi niya. "Kaya sana inisip mo na muna kung ano ang mararamdaman ko bago mo ako iniwanan."
-
"Brent! Halika dali, may ibibigay ako sa 'yo! Lapit kay tita!"
Masayang sinalubong ako ni Brent pagkapasok na pagkapasok ko ng bahay. Palagi iyang excited sa tuwing uuwi ako, mas excited pa siyang makita ako kaysa makita ang nanay niyang masyadong maarte pagdating sa anak.
"Tita!"
Nang makalapit siya sa akin, inabot ko sa kaniya ang paborito niyang burger at fries sa isang sikat na fast food chain. Lumapad kaagad ang ngiti niya pagkaabot.
"Thank you po tita!" pasalamat niya at saka ako hinalikan sa pisngi
"Kaya dapat palaging mataas ang grades mo sa school, okay? At huwag magpapasaway kay lola para hindi ma-highblood," paalala ko sa kaniya.
Tumango naman siya sabay ngiti nang malapad. "Opo tita!"
Umayos na ako sa pagkakatayo at naabutan si mommy na nakabusangot na naman.
"Ano na naman 'yon, mom?" taas ang kilay na tanong ko.
Umiling siya at saka ikinrus ang mga braso sa ibabaw ng kaniyang dibdib. "Ini-spoiled mo talaga 'yang pamangkin mo. Ikaw talaga ang dahilan kaya lahat ng gusto niya, gusto niya nasusunod!"
"Kausapin mo lang nang mahinahon, mom. Don't yell at him para sumunod sa 'yo at maintindihan niya ang punto mo. Five years old na 'yan, nakakaintindi na."
"Aba't—hay naku, Ballari!"
Hindi ko na pinansin ang init ng ulo ni mommy, sigurado akong na-late na naman ang bigay ng pera ng daddy kaya masungit na naman siya. Mom used to get everything she wants kaya na-adopt ba niya iyon hanggang ngayon. Nagkataong nawalan siya ng trabaho ngayon dahil nagkatanggalan. Ang tinanggal ay 'yong mga may edad na kaya no choice siya kun'di ang umasa na naman sa padala ni dad. Next month pa kasi sasahod si ate. Kasisimula pa lang niya sa trabaho.
Naupo ako sa kama ko at saka bumuntonghininga. Parang ayaw ko na tuloy'ng pumasok bukas. Bakit ba naisipan kong doon pumasok sa school na 'yon? Sana pala nag-apply ako sa iba! E kung alam ko lang na doon din siya mag-aaral, hindi ko naman pipiliin do'n!
Nahiga ako sa kama ko at saka tinitigan ang kisame.
Kunsabagay tama naman siya, mas masakit mawalan ng best friend kaysa girlfriend.
Kung hindi lang naman ako natakot, hindi ko naman siya iiwan e. Natakot kasi ako sa feelings ko noon. Bagamat bata pa ako, alam ko naman ang ibig sabihin ng naramdaman ko.
I closed my eyes until I didn't realized that I finally fell asleep.
"Ballari!"
"Ballari, buksan mo ang pinto, may bisita ka!"
Kumunot ang noo ko nang marinig ang boses ni mommy. Mabilis kong naidilat ang mga mata ko nang mapagtantong nakatulog ako. Ni hindi pa nga pala ako nakapagbihis ng uniform.
"Mommy, wait lang po!" sabi ko.
Mabilis na bumangon ako sa kama at saka dumiretso sa cabinet para kumuha ng isusuot. Alam kong si Jessy lang 'yon dahil wala naman akong ibang kaibigan na nakakaalam ng bahay namin. Kaya hindi ko na binilisan.
Pero ilang minuto pa lang habang nagsusuot ako ng bra, kumatok ulit si mommy sa pinto.
"Bilisan mo, kanina ka pa hinihintay ng bisita mo!"
"Mom, kung si Jessy 'yan, bakit hundi mo na lang papasukin dito sa kwarto? Parang hindi ka pa nasanay kay Jessy!" iritang sagot ko pabalik sa kaniya.
"Hindi si Jessy! Bilisan mo at baka magsisi ka r'yan!" Halata ang excitement sa boses ni mommy.
Kaya kumunot ang noo ko at saka pa lang ako nagmadaling magbihis. Matapos magbihis, dali-dali akong lumabas ng kwarto bago pa bumalik ulit si mommy para kumatok.
Sino naman kaya 'yon?
Nanatili akong clueless hanggang sa makababa ako ng hagdan. At halos malaglag ang panga ko nang makita si Andrew sa may sofa namin habang kaharap si mommy na tuwang-tuwang nakita siya ulit pagkatapos ng ilang taon.
"Kaya pala hindi ka na ulit dumalaw rito sa bahay, akala ko nag-away kayong dalawa. Sayang ang friendship niyo," ani mommy.
Tatalikod na sana ako para tumakas pero bago ko pa man magawa, lumingon na si Andrew sa akin at saka ngumiti nang malapad.
"Hi!" bati niya.
Naikuyom ko na lang ang kamao ko sa inis. Bakit hanggang dito, sinundan niya pa ako?!