9 - EXCITEMENT & FRUSTRATION

2101 Words
"Love recognizes no barriers. It jumps hurdles, leaps fences, penetrates walls to arrive at its destination full of hope." Sabay ko na inilabas sa hospital aNg dalawang kapatid ko. Buti na lang at ginawa ko silang dependent sa healthcard ko sa opisina, at hindi masyadong nabawasan ang ipon ko. Si Perry pa rin ang karamay ko nang araw na 'yun. Nagmagandamg loob na rin siyang ihatid kami sa bahay, na hindi ko na rin naman tinanggihan. Parang nasanay na rin kasi ako na laging nandiyan si Perry sa lahat ng galaw ko. Ang mga kapatid ko ay wala ring bukambibig na kung hindi 'Kuya Perry'. Minsan nga, mas hinahanap pa nila si Perry kaysa sa akin. Alagang-alaga kasi sila ni Perry. Lahat ng kailangan nila ay nakaalalay si Perry sa kanila. Pati ang pagsasampa ng demanda sa sumaksak kay Lucas ay naiayos na rin ni Perry. Salamat na rin kay Alain, at napabilis ang paghuli doon sa tao. Napalapit na rin ako kay Alain. Para talaga silang magkapatid ni Perry kung mag-asaran. Minsan natutuwa ako kapag nananadya si Alain na pagselosin si Perry. Hindi talaga maitimpla ang pagmumukha ni Perry! Siyempre ang panlaban ni Perry sa kanya ay ang kapatid niyang si Phoemela. Kapag si Phoemela na ang nabanggit? Tiklop na si Captain Alain! Ipinakilala na rin sa akin ni Perry si Phoemela. Mabait din ito katulad ni Perry at may mababang-loob katulad ni Perry, sa kabila ng yaman nila. Hindi nakakapagtakang main-love nga sa kanya si Alain. "Hi! Ikaw pala si Ate Roxy! Tama nga si Kuya Perry. Ang ganda-ganda mo! Bagay na bagay kayo ni Kuya..." pagbibiro pa ni Phoemela, "pero parang pamilyar sa akin ang mukha mo..." "Ha? Hindi naman... ikaw ang maganda! Kaya pala patay na patay sa 'yo si--" "Eherm! Don't speak bad words, Roxy," singit naman ni Perry. Napalingon ako sa kanya, at saka ako napakunot-noo. Bawal bang sabihin ang pangalan ni Alain? "Naku, Ate Roxy... pinagbawalan ni Kuya si Alain na ligawan ako," tila nagsusumbong na sabi ni Phoemela. "At kailan pa naging Alain lang ang tawag mo sa pangit na 'yun? Kung natatandaan ko nung college kami, Kuya Alain ang tawag mo sa kanya," nakasimangot na sita ni Perry kay Phoemela. "Ayan, oh....Ate Roxy... 'yan talaga ang totoong ugali niyan! Masungit!" inis na sabi ni Phoemela. Tapos ay inilapit niya sa akin ang mukha niya. "Kung ako sa 'yo, huwag mong sagutin 'yan." Obvious namang nag-aasaran silang magkapatid kaya nginitian ko lang si Phoemela. Biglang hinawakan ni Perry ang kamay ni Phoemela at saka hinatak papunta sa pintuan. "Mag-rounds ka na nga! Oras ng trabaho nakikipag-kuwentuhan ka lang! Shoo!" pagtataboy pa ni Perry sa kapatid niya, sabay bukas ng pintuan. ahagya pa niyang itinulak palabas si Phoemela. Tumawa lang si Phoemala sa ginawa ni Perry. "Next time na lang ulit, Ate Roxy! Kapag wala sa paligid itong kuya kong masungit!" malakas na sabi ni Phoemela, bago naisara ni Perry ang pintuan. BUMABA ako sa improvised step ladder namin, at saka sinipat kung pantay ba iyong ikinabit kong kurtina. Wala sa loob na napangiti ako. "Pink talaga ang napili mong ilagay na kurtina Ate, ha. Mukhang may sasagutin ka na mamaya, ah..." Napalingon ako kay Lucas at saka ito tiningnan nang masama. Nakangiti ito habang panay ang subo ng pringles na kasama sa pinamili ni Perry. "Naglagay lang ng kurtinang pink may sasagutin na agad?" asik ko sa kanya. Isang linggo na kaming nakauwi mula sa hospital. Si Lucas, nagpapalakas na lang kaya malakas na ring mang-asar. Si Alex, medyo okay na rin. Pero kailangan pa niya magsaklay para makapaglakad. Pumayag naman ang eskwelahan niya na home schooling na muna siya, at iyong ibang nasangkot sa aksidente. "Hoy, huwag mong ubusin yan! Tirhan mo 'yung kapatid mo," sabay nguso ko sa kinakain niya. Sumimangot ang mukha ni Lucas. "Meron pa naman dun!" reklamo niya. "Tapos kapag naubos agad, maghahanap na naman kayo? Hoy, Lucas! Huwag naman nating abusuhin 'yung kabaitan nung tao." Biglang tumigil sa pagnguya si Lucas, at saka malapad na ngumiti. "Uyyyy... pinagtatanggol niya si Kuya Perry..." panunukso sa akin ni Lucas. Sinamaan ko siya ng tingin, "Pinagsabihan lang kita, pinagtatanggol na agad?" "Sagutin mo na kasi si Kuya Perry!" panunukso ni Lucas na may kasama pang pagtaas-baba ng mga kilay niya. Biglang bumilis ang t***k ng puso ko. Naiisip ko pa lang ang idea na sagutin na si Perry ay kinikilig na ako. Pero pinilit kong hindi mahalata ni Lucas 'yun. Pinakalma ko muna ang sarili ko, bago ko uli hinarap si Lucas. "Naku, Lucas! Tigilan mo na ako, ha. Palibhasa, magaling ka na, kaya balik ka na naman sa dating ugali mo, eh!" galit-galitan kong sabi sa kanya. Pero parang wala lang kay Lucas ang galit ko, dahil mapang-asar pa rin ang ngiti niya sa akin. "Sus! Si Ate.. halata namang naghahanda ka sa pagdating ni Kuya Perry ngayon. Bakit ko nasabi? Ang aga mong gumising. Naglinis ka ng buong bahay. Nagpalit ka pa ng kurtina. Panigurado, masarap din ang lulutuin mo mamaya! Tama ako, di ba?" Inirapan ko siya nang matalim. "Tse! Mabuti pang nasa hospital ka na lang, eh! Ang bait-bakit mo dun!" sabi ko sa kanya, sabay walk out ko. NAPATITIG ako sa repleksiyon ko sa salamin. Maganda na ba ako? Hindi ba OA ang itsura ko? Haist! Oo. Sasagutin ko na nga ngayon si Perry. Sa loob kasi ng maigsing panahon na nagkasama kami mula nang masaksak si Lucas ay nahulog na ang loob ko sa kanya. Nakita ko ang kabaitan niya sa kabila ng estado nila sa buhay. Iyong pagmamahal at pag-aalala niya ay hindi nagtatapos lamang sa akin, kung hindi pati na rin sa mga kapatid ko. "Maganda ka na, Ate!" Napalingon ako sa gawi ng pintuan ng kuwarto ko. "Alex! Nagugutom ka na ba? Gusto mo nang kumain ng hapunan?" tanong ko sa kanya, at saka ko siya nilapitan dahil alam kong hirap siyang maglakad na may saklay. "Hindi pa naman, Ate. Busog pa ako sa mineryenda natin. Hintayin na natin si Kuya Perry. Sabay-sabay na tayong kumain. Di ba ngayong gabi mo na siya sasagutin?" nakangiting sabi niya. Napaawang ang mga labi ko. Paano nila nalaman ni Lucas ang balak ko? "Saan ba nanggaling ang tsismis na 'yan ha? Kayong dalawa talaga ni Lucas--" "Ate, masaya kami para sa 'yo," putol ni Alex sa sasabihin ko pa, "deserve mo namang sumaya. Hindi 'yung sa amin na lang ni Kuya Lucas umiikot ang mundo mo." Malalim akong huminga. Wala akong kawala sa dalawang ito. "Okay lang ba talaga sa inyo ni Lucas? Kung sakali, mahahati ang atensiyon ko sa inyong tatlo," paninigurado ko pa. Nakangitig tumango si Alex, kaya napangiti na rin ako. "Okay lang, Ate. Mas masaya nga, eh. Kasi madadagdagan tayo." Kinurot ko sa pisngi si Alex. "Ikaw talaga..." Tinawanan lang ako ni Alex. Tumingin ako sa wall clock sa dingding. Malapit na palang mag-alas sais. Paniguradong parating na si Perry nito. "Oh sige na. Iinitin ko lang 'yung ulam natin. Maya-maya siguro ay dadating na ang Kuya Perry mo." MULI akong tumingin sa orasan. Alas-siyete na ng gabi pero wala pa si Perry. Kadalasan ay nandito na 'yun sa bahay ng alas-sais y medya. Hindi pa kasi ako pumapasok sa opisina. Sinuggest ni Perry na magbakasyon muna ako ng isang linggo para makabawi ako sa puyat at stress nang mga nagdaang linggo. Baka naman na-traffic lang si Perry. Baka matrapik. Baka may banggaan sa daan o something... "Ate, matagal pa ba si Kuya Perry? Nagrereklamo na ang tiyan ko," reklamo ni Lucas. Tiningnan ko si Lucas. Halata ngang gutom na ito, base sa nakasimangot niyang mukha. "Kailan ba hindi nagreklamo 'yang tiyan mo? Eh, lagi namang nagrereklamo 'yan kahit noon pa," sagot ni Alex sa kanya. "Aba... magaling na nga talaga si bubwit. Nang-aasar na, eh." "Oy! Balik na naman kayong dalawa sa pagiging aso't pusa ninyo! Kayong dalawa na nga lang ang magkamukha, hindi pa kayo magkasundo," pabirong sermon ko kay Lucas at Alex. "Eeeww!!! Hindi ko kamukha si Kuya, 'noh! Yuck...." maarteng sagot ni Alex. "Talagang hindi! Kasi sa ating tatlo, ikaw ang pangit!" pang-aasar na sagot naman ni Lucas. "Oy! Oy! Mabuti pa mauna na kayong kumain na dalawa para matigil nang bangayan nio. Tara na! Ipaghahain ko na kayo," sabi ko sa dalawa para matigil na ang bangayan nila. Tumayo na ako at naglakad papunta sa kusina namin. "Paano ikaw, Ate?" tanong ni Alex na sinundan na pala ako. "Sabay na kami ni Perry mamaya pagdating niya," sagot ko, habang nagsasandok ng ulam nila ni Lucas. Pero sa totoo lang, kanina pa ako hindi mapakali. Excited? Epekto ba ito ng nalalapit kong pagsagot sa panliligaw ni Perry? Siguro, oo. Ngayon pa lang naman ako magkaka-boyfriend. NBSB ika nga. No boyfriend since birth. "Oh, nasaan na si Lucas? Sigawan mo na, nakahanda na ang mesa." MABILIS lang kumain yung dalawa. Bumalik agad sila sa sala. Marahil ay para mag-abang din kay Perry. "Samantala... isang breaking news po ang kapapasok lang. Isang SUV ang aksidenteng nabagsakan ng rumaragasang ten-wheeler truck sa bandang E. Rodriguez sa Quezon City." "Sh*t! Kawawa naman 'yung sakay nun," narinig kong sabi ni Lucas. "Papunta 'yan sa atin, ah! Malamang kaya wala pa si Kuya Perry. Pihadong sobrang traffic ngayon diyan," si Alex naman. Tahimik lang ako. Para kasing gusto kong maiyak sa nakita kong recorded video sa dashcam sa nangyaring aksidente. Ewan ko ba! Parang kasing ang sakit sa dibdib ng ganung aksidente. Wala kang kalaban-laban. ALAS-OTSO Y MEDYA. Nakatingin ako sa screen ng TV pero hindi ko naman nauunawaan ang palabas. Sari-sari ang tumatakbo sa isip ko kung bakit wala pa rin si Perry. Kung natrapik man kasi siya kanina dahil sa aksidente sa daan papunta sa amin, dapat sa oras na ito ay nakarating na siya dito sa bahay namin. Kapag nagsisimula na akong kabahan ay dadamputin ko ang remote ng TV at kunwaring maghahanap ng palabas, kahit wala naman ako sa mood manood. Dinampot ko ang telepono ko na nasa tabi ko lang. Kung kanina ay nahihiya pa akong i-text si Perry, ngayon ay desidido na ako. To: Perry Hi! Tuloy ka bang pumunta ngayon dito sa bahay? Medyo nanginginig pa ang mga kamay ko nang sinend ko yung message ko. Iba talaga ang pakiramdam ko ngayon. Frustrated? Siguro nga. Maghapon ko kayang pinaghandaan ang oras na 'to para lang mauwi sa wala. Ibinaba ko ang telepono ko, at muling itinutok ang pansin ko sa TV. Pansin ko ang simpleng sulyapan ng mga kapatid ko. Pihadong gusto nilang magtanong sa akin kung darating pa ba si Perry, pero nangingimi sila. Dahil wala talaga akong naiintindihan sa palabas ay minabuti kong ilabas na lang iyong basura namin sa labas ng bakuran. Maya-maya lang ay dadaan na iyong trak ng nangongolekta ng basura. Sus, Roxy! Ang sabihin mo, aabangan mo lang si Perry sa labas. Nang buksan ko ang pintuan ay may malamig na hangin ang sumalubong sa akin. Tumayo ang mga balahibo ko sa magkabilang braso ko. May bagyo ba? Bakit malamig ang hangin? Pero parang wala namang naibalita sa TV? Tiningala ko ang langit. Naghahanap ako ng senyales kung uulan, pero maliwanag na maliwanag naman ang kalangitan. Hanggang sa nailagay ko na sa gilid ng kalsada iyong trash bag na dala ko ay tila may malamig na hangin pa rin ang nakapalibot sa akin, dahilan para kilabutan ako nang walang tigil. Napagpasyahan kong pumasok na lang sa bahay namin. Pagpasok ko sa loob ng bahay ay nagulat ako sa itsura ng dalawa kong kapatid. Tila nagulat pa sila nang makita ako. "Oh? Ano'ng nangyari sa inyong dalawa? Bakit ganyan ang mga itsura ninyo?" takang tanong ko sa kanila. Napansin kong hawak ni Lucas ang telepono ko. Nagkaroon ako ng hinala sa isip ko kung bakit ganoon ang mga mukha nila. Parang may dumagan sa dibdib ko sa isiping 'yun, pero pinilit kong ngumiti. "Hindi dadating si Perry, 'noh?" matapang na pagkukumpirma ko. Dahan-dahang tumango si Lucas. Sabi ko na nga ba! Agad akong nanlambot, pero hindi ko pinahalata sa dalawang kapatid ko. Pinilit kong ngumiti sa kanila. "Ha-Hayaan n'yo na! Baka-- baka busy 'yung tao sa trabaho," pilit kong pinatunog normal ang boses ko. Humakbang na ako papunta sa kusina para sana ligpitin na 'yung mga niluto ko. At the same time, para hindi makita ng mga kapatid ko iyong frustration sa mukha ko sa nangyari. Pero natigil ako sa paglalakad nang muling nagsalita si Lucas. "May tumawag sa phone mo. Nasa ospital daw si Kuya Perry. Siya yata 'yung sangkot kanina sa aksidente sa TV. Sasakyan niya 'yung natumbahan nung ten-wheeler truck," humihingal pang sabi ni Lucas. ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD