"Maybe I was destined to forever fall in love with people I couldn't have. Maybe there's a whole assortment of impossible people waiting me to find them...."
Nagmamadali akong bumaba ng jeep. Mabuti na lang at papunta sa bahay namin si Perry kaya sa S.A.N
Hospital ito nadala. Kahit papaano ay panatag ako dahil pag-aari ng pamilya nila iyong hospital na pinagdalhan sa kanya. Paniguradong hindi siya pababayaan ng pamilya niya doon.
Halos lakad-takbo na ang ginawa ko papunta sa elevator. Wala na akong pakialam kung pinagtitinginan ako ng mga nurse na dinaanan ko. Ang importante ay makita ko si Perry.
Paglabas ko ng elevator ay agad kong nakita si Phoemela na nakaupo sa tapat ng O.R. Wala na itong suot na puting coat. Naka-casual na suot lang ito. Simpleng t-shirt at maong jeans.
Isipin ko pa lang na nasa loob ng Operating Room si Perry ngayon ay abot-abot na ang kabang nararamdaman ko.
Mabilis akong naglakad palapit kay Phoemela sa kabila ng kabang nararamdaman ko. Ilang dipa na lang ang layo ko nang may biglang tumayong babae sa tabi ni Phoemela. Biglang bumagal ang paglalakad ko, habang tinatantiya ko kung tama bang ituloy ko ang paglapit kay Phoemela.
Kahit may kalayuan pa ay napagmasdan ko ang itsura nung babae. Nakaharap ito sa pintuan ng O.R. kaya kalahating mukha lang nito ang nakikita ko. Simple lang ang suot niyang hooded sweatshirt at capri pants pero kitang-kita ang pagka-sosyal niya. May edad na ito, pero matikas pa rin ang tindig nya. Kakilala kaya siya nila Perry?
"Mama, ibibili muna kita ng kahit anong makakain. Paniguradong gutom ka na," nakatingalang sabi ni Phoemela sa babae.
Mama?
Lalong umahon ang kaba sa dibdib ko. Lalo na nang masilip ko na may kasama pa silang may edad na ring lalaki na halos kahawig ni Perry.
Bigla akong napahinto sa paglalakad. Hindi ko yata kayang harapin ang mga magulang ni Perry ngayon. Lalo na at malaking dahilan ako kung bakit ito naaksidente.
"Kahit kape na lang, dear. Wala akong ganang kumain."
Pati sa pagsasalita ay kakikitaan mo ng pagka-elegante ang Mama ni Perry. Sabi nga nila - 'prim and proper'.
"Sige po," narinig kong sagot ni Phoemela kaya bigla akong nataranta.
Agad akong tumalikod. Kung anong bilis ng lakad ko kanina para makalapit kay Phoemela ay doble ngayon para makapagtago ako sa kanya.
TUMAMBAY muna ako sa lobby ng hospital. Hindi pa kaya aalis ang mga magulang ni Perry? Nahihiya akong harapin sila. Bakit ba kasi nangyari ito?
"Rosanna..."
Napalingon ako sa likuran ko, pero wala namang tao roon. Ako lang ang tao sa parteng ito ng lobby at malayo naman yung ibang nakaupo sa akin.
Rosanna ba uli iyong tinawag na pangalan? O guni-guni ko lang iyon?
Minabuti kong huwag na lang pansinin kung anuman 'yun. Masyado lang siguro akong maraming iniisip kaya kung ano-ano ang pumapasok sa isip ko. Pagbaling ng tingin ko ay nahagip ng mga mata ko ang isang painting sa sulok ng corridor. Hindi ko masyadong kita ang laman nun magmula dito sa puwesto ko. Pero parang may magnet ang painting at hinihila niya ako papunta sa kanya.
Kaya tumayo ako para puntahan na 'yung painting. Nag-umpisa na akong humakbang nang may tumawag bigla sa akin.
"Ate Roxy!"
Paglingon ko ay si Phoemela ang nakita ko. Natuwa akong makita siya kaya mabilis akong naglakad papunta sa kaniya. Pero bigla akong napatigil nang maisip na baka kasunod niya ang mga magulang niya.
"Ikaw lang ba? 'Yung mga parents mo?" nag-aalala kong tanong.
Napakunot-noo naman si Phoemela na tila nag-iisip.
"Kanina ka pa ba? Nabalitaan mo ba 'yung nangyari kay Kuya?" Mas pagkukumpirma niya kaysa pagtatanong.
Tumango na lang ako.
"Bakit ka nandito? Halika sa itaas," sabi niya, sabay hawak sa kamay ko.
Sunod sunod ang iling ko, at saka pilit akong kumawala mula sa pagkakahawak niya. Tila naman nagtataka ang itsura ni Phoemela.
"Galing na ko dun," paliwanag ko sa kanya.
Lumiwanag ang mukha ni Phoemela.
"Talaga? Bakit di kita nakita? Wait. Baka nagkataong bumili ako ng coffee nila Mama--"
"Hindi talaga ako nagpakita. Nahihiya ako sa kanila," putol ko sa sasabihin pa niya.
Ngumiti si Phoemela.
"Bakit naman? Don't worry. Hindi sila nangangagat. Mababait ang mga parents namin."
"B-Basta. Huwag na. Nahihiya talaga ako. Kumusta ba si Perry? Okay naman siguro siya?" pagbibigay pag-asa ko sa sarili ko.
Biglang lumungkot ang mukha ni Phoemela.
"Nasa loob pa rin ng O.R. si Kuya. Medyo malala ang damage sa kanya nung accident. Let's pray. Alam kong he can survive. He's a born fighter. Isa pa, alam kong kahit nasa ganoon siyang sitwasyon, ikaw pa rin ang nasa isip niya," sabi ni Phoemela, at saka pilit ngumiti.
Kinuha ko ang binitiwan kong kamay ni Phoemela kanina. Marahan ko iyong pinisil. Kanino pa ba kami huhugot ng lakas kung hindi sa bawat isa?
"Dito na muna ako mag-stay. Kapag umalis na ang parents mo, saka na lang ako aakyat dun."
"Naku! I doubt kung aalis ang mga 'yun. For sure, hihintayin nilang makalabas ng O.R. si Kuya. Isa pa, may kuwarto sila dito sa ospital. Kung hindi ka pa ready na ma-meet sila, mabuti pa siguro, umuwi ka na muna, Ate Roxy. Magpahinga ka na muna. Doon ka na muna magpahinga sa inyo. Babalitaan na lang kita kay Kuya," suhestiyon ni Phoemela.
"P-Pero..."
"I insist. Sige na. Gumagabi na. Baka mapaano ka pa sa daan."
"S-sige... pero tawagan mo ako agad kapag may update na kay Perry. Please... kahit anong oras pa."
"Oo naman," bahagyang nakangiting sagot ni Phoemela.
Naglakad na ako palabas ng lobby ng S.A.N. Hospital. Pero bago pa ako tuluyang nakalabas ay nag-ring ang telepono ko.
Inisip kong si Phoemela ang tumatawag kaya agad akong huminto sa paglalakad at saka lumingon sa dating kinatatayuan ni Phoemela, pero wala na siya roon.
Abot ang kaba sa dibdib ko na kinuha ko ang telepono ko mula sa bulsa ng pantalon ko. Kumalma lang ako nang makita ko ang pangalan ng tumatawag.
Darling calling....
"Hello, Darling. Bakit ka napatawag?" bungad ko agad sa kanya.
Naglakad ako sa gilid ng lobby ng ospital dahil ayaw kong makaharang sa mga lumalabas at pumapasok ng ospital.
["Bakla, asan ka? May chika ako sa 'yo na nakaka-shock!!"]
Alam na siguro ni Darling ang tungkol sa aksidente ni Perry.
"'Yung tungkol ba sa aksidente ni Perry?" pagkukumpirma ko.
["Oo, bakla! Pero may mas matindi pang chika dun!"]
Napakunot noo ako.
"Kailan ka pa naging tsismosa, Darling? Sinasabi ko sa 'yo, walang buting idudulot yan sa trabaho natin--"
["Roxy, hindi tsismis 'to. Confirmed! Anak pala si Perry ng may-ari ng kumpanya natin!"]
Lalo yatang nadoble 'yung kunot ng noo ko.
"Ni Mrs. Ramos? Imposible!"
Halos dalawang taon na rin kami ni Darling sa kumpanya at si Mrs. Imelda Ramos ang Presidente ng kumpanya. Paanong magiging anak niya si Perry? At kakakita ko lang sa mga magulang ni Perry sa itaas ng hospital. Hindi naman si Mrs.Ramos iyong nakita kong nakita kong nakatayo doon.
["Hindi... tange! Si Mrs. Ramos pala ang pinagkakatiwalaang mamahala ng bank company ng mga Nicholson. Tapos si Perry, in the near future ang mamahala na nito."]
"Ha? Confirmed yan?"
Parang hindi mag-sink in sa utak ko ang mga sinabi ni Darling.
["Oo. Narinig ko mismo nung pumunta ako sa office kanina ni Mrs. Ramos para magbigay ng report. Kaso nakabukas iyong pintuan ng office niya, kaya nadinig ko 'yung usapan nila ni HR Manager."]
Napaupo ako sa isa sa mga upuang nakahilera doon sa gilid ng lobby. Bagaman alam kong may kaya ang pamilya ni Perry, pero nagulat pa rin ako sa nalaman ko. Hindi pala karaniwang tao lang si Perry. Hindi lang basta mayaman.
Mabuti na lang talaga at hindi ako nagpakita sa mga magulang niya. Lalo akong nanliit. Wala naman akong mukha na ihaharap sa kanila. Wala naman akong pwedeng ipagmalaki sa kanila. Lalo na siguro kung malalaman nilang ako ang dahilan ng aksidenteng nangyari kay Perry.
["Oy, Roxy! Andiyan ka pa ba? Hello?"]
"O-Oo. Medyo...."
["Ako nga rin na-shock sa nalaman ko. Biro mo, 'yung patay na patay sa 'yo... may-ari pala ng kumpanya natin? At magiging future boss natin. At hindi lang ito ang negosyo nila, ha. May hospital pa raw. Tapos university... saan ka pa bakla? Sagutin mo na..."]
"Yan talaga ang naisip mo ngayong nasa bingit ng kamatayan si Perry?" inis kong sagot kay Darling.
["Ay, sorry naman. Na-carried away lang ang lola mo. Na-excite kasi ako sa love story n'yo."]
"Sige na, Darling. Gumagabi na. Uuwi na ko."
["Ay nasa labas ka ba? Siyangapala, andun daw si Perry sa hospital nila. Malapit lang 'yun sa inyo di ba? Puntahan mo bukas. Tapos balitaan mo ko, ha?"]
"S-Sige. Bye na."
["Sige. Di ba papasok ka na sa Monday? Kita-kits ha!"]
"Nangyari na."
Halos mapalundag ako sa pagkagulat nang may magsalita sa likuran ko. Paglingon ko ay naroon si Aling tour guide. Seryoso itong nakatingin sa akin. Tiningnan ko muna kung nasa linya pa ba si Darling. Pero nakita kong ibinaba na niya ang tawag.
"Hindi mo siniseryoso ang mga sinabi ko sa iyo."
Mabilis kong itinago sa sling bag na nakasukbit sa balikat ko ang telepono ko, at saka hinarap si Aling tour guide.
"Anong ginagawa n'yo rito?! Saka, bakit ba kayo nanggugulat?!" inis na tanong ko sa kanya.
Siguro ay kailangan ko nang masaay na bigla na lang sumusulpot mula sa kung saan itopng si Aling tour guide. Naglakad siya palapit sa akin, at saka seryoso pa rin ang mukha na naupo siya sa tabi ko.
"Binalaan na kita sa susunod na maaaring mangyari, pero hindi ka nakinig."
"Coincidence lang ang lahat."
"Sasabihin mo pa rin ba 'yan kapag namatay si Perry? Kung sakali, hindi na natin maibabalik ang buhay ni Perry pero sa ngayon, ikaw... may magagawa ka pa," halos pakiusap niya sa akin.
"Teka nga muna. Bakit ba ang kulit-kulit mo? Ano bang mapapala mo kapag sinunod ko 'yang gusto mo?" naiinis kong tanong.
Medyo napataas na ang boses ko. Siguro ay dahil sa magkakahalong inis, kaba at takot na nararamdaman ko sa ngayon. Bahagya siyang ngumiti sa akin, pero alam mong pilit lang.
"Gusto lang kitang makitang maligaya. Na hindi mo nakamtan mula noon."
Medyo kinilabutan ako sa sinabi niya. Tapos 'yung mga mata niya, may nakita akong lungkot at awa doon.
Awa? Kanino? Para sa akin?
"Ikaw lang ang makakapagligtas kay Perry sa kamatayan. Nasa iyo ang kapalaran niya. Kung talagang mahal mo siya, babalik ka sa nakaraan. Itama mo roon ang kasalanang nagawa ninyo ni Shawn, para mawala na ang sumpa kay Rosanna."
Kalahati ng isip ko ay gustong maniwala sa sinasabi ng babaeng nasa harapan ko ngayon, pero ang kalahati ay kumokontra. Sino bang nasa matinong pag-iisip ang maniniwala sa istoryang sinasabi niya?
Tumayo ako at saka naglakad na palayo sa kaniya.
"Tawagin mo lang ako sa isip mo, bago ka matulog kapag buo na ang pasya mo, Roxy!" pahabol pa niyang sabi sa akin.
Hindi ako huminto sa paglalakad. Patuloy lang akong naglakad papunta sa sakayan ng bus. Hindi ko alam kung seseryosohin ko na ba ang sinasabi ni Aling tour guide.
Ako? Pupunta sa 1945?
~CJ1016