"I learned that people leave even if they have promised a thousand times that they won't..."
Tanghali na ako nagising kinabukasan. Halos madaling-araw na kasi ako nakatulog. Gustuhin ko mang matulog pero hindi maalis sa akin ang hindi matakot.
Natatakot ako. Natatakot ako na tama ang sinasabi ni Aling tour guide. Na may katotohanan ang lahat. Natatakot ako na pagtulog ko ay mapunta na naman ako sa lugar na iyon sa panaginip ko.
Pero paano kung totoo nga? Totoo pala ang lahat. Paano kung iyon lang ang paraan para mailigtas ko ang lahat ng nakapaligid sa akin?
Hindi pa rin ako makabangon. Nakadilat lang ako habang nakatitig sa kisame ng kuwarto ko.
Kapani-paniwala pa ba ang mga ganoong kuwento sa panahong ito? Hindi kaya imagination ko lang ang pagkikita namin lagi ni Aling tour guide? Hindi kaya may sakit na ako sa utak, at nakakakita ako ng mga taong bunga lang ng isip ko? Pero paano naman ipapaliwanag na pati sa panaginip ay lagi ko siyang nakikita at nakakausap? Pati na rin 'yung... si Shawn? Si Captain Shawn?
Napapikit uli ako. Nababaliw na yata ako! Kailangan ko na bang sabihin itong nangyayari sa mga kapatid ko? Pero sinong maniniwala sa akin? Paniguradong aakalain nila na gumagawa lang ako ng kuwento.
Naalala ko rin iyong naging usapan namin ni Darling kagabi. Kung ano talaga ang katauhan at posisyon ni Perry sa opisina namin. Higit pa pala sa akalain ko ang katayuan ni Perry sa buhay. Kung iyong ibang katulad ni Perry ay uupo na lang sa posisyong nakalaan talaga para sa kanila, pero hindi si Perry. Ngayon ko lang lubusang nakikita ang kababaang-loob niya para piliing mag-umpisa sa mababang posisyon sa kumpanya. Ang piliing makisalamuha sa tulad naming mga rank and file lang.
Oo nga pala! Speaking of Perry!
Hinanap ng mga mata ko ang cellphone ko. Nang makita ko ay agad akong bumangon paupo sa kama ko, at saka dinampot iyon sa katabing mesita. Pagkabukas ko nun ay nakita ko na may isang message galing kay Phoemela.
From: Phoemela Nicholson
Ate Roxy, nakalabas na ng OR si Kuya. Pero under comatose kaya nasa ICU siya. Medyo bugbog din yung left ribs niya saka upper leg niya. Please pray for him. Pwede ka siguro pumunta ng lunch time kasi uuwi muna sila Mama sa bahay.
Habang binabasa ko ang mensahe ni Phoemela ay hindi ko napigilang mapaiyak. Nasasaktan ako sa kalagayan ni Perry. Naisip ko tuloy, kung hindi siguro ako naging malapit kay Perry hindi siya madadamay sa sumpa.
So, tinatanggap mo na sa sarili mo, Roxanne na totoo nga ang sumpa?
Ano pa ba ang pwedeng ipaliwanag sa mga nangyayari ngayon? Parang imposible naman na coincidence lang ang lahat ng sinabi sa akin ni Aling tour guide na 'yun.
Hindi ko napigilang mapahagulgol. Nababaliw na yata talaga ako! Nakikipagtalo na ako sa sarili ko. Pinilit kong pakalmahin ang sarili ko. Hindi ako pwedeng lumabas ng kuwarto na maga ang mga mata ko. Mahahalata ako ng mga kapatid ko. Ayokong problemahin pa nila pati ako. Ang gusto ko ay gumaling na silang dalawa at mamuhay na nang tulad dati.
Nang sa tingin ko ay okay na ako, bumaba na ako ng kama ko. Kailangan kong magluto muna ng pagkain ng mga kapatid ko bago ako pumunta ng hospital para dalawin si Perry.
HINDI ko mapigil ang mga luha ko na may sariling isip sa pagtulo, habang pinagmamasdan sa labas ng salamin si Perry . Awang- awa ako sa itsura niya. Ang daming tubong nakakabit sa kanya. Pakiramdam ko, ako ang nasasaktan sa mga tubong iyon. Pakiramdam ko, sa katawan ko sila nakalagay.
Muli akong nNakaramdam ng guilt. May sumpa ba talaga sa akin o sadyang malas lang ako? Puro problema na lang ba ang darating sa buhay ko? Bakit kung kailan gusto ko nang tanggapin si Perry sa buhay ko ay saka naman mangyayari ito?
"Hindi ka pa rin ba nakakapagdesisyon?"
Bahagya akong nagulat, at agad na napalingon sa pamilyar na boses na 'yun. Napansin ko na nakadamit siya ng pang-nurse. Tiningnan ko siya nang masama.
"Multo ka ba? O, baka naman isa kang kampon ng demonyo na nag-aanyong tao? Lagi ka na lang biglang sumusulpot," inis na tanong ko sa kanya.
Totoo naman kasi. Nakakapagtaka na ang bigla-bigla na lang niyang pagsulpot kung nassan akong lugar. Bigla tuloy akong nakaramdam ng takot sa kanya.
Pero para namang hindi man lang siya nagulat sa tanong ko. Bigla ko namang naalala. Oo nga pala. Nababasa niya ang nasa isip ko. Bigla niyang hinawakan ang kamay ko at saka inihawak sa braso niya.
"Oh! May multo bang mainit ang katawan?"
Matiim ko siyang tinitigan.
"At hindi rin ako demonyo, I mean, demonya. Kung iyan ang iniisip mo. Ilang beses ko bang ipapaliwanag sa 'yo, time traveller nga ako... Kailangan pa bang i-memorize 'yan?"
Mas tinitigan ko pa siya. Sa totoo lang, hindi ko na talaga alam kung ano ang iisipin ko sa mga nangyayari na ito. Hati ang isip ko kung paniniwalaan ko ba ang taong kaharap ko ngayon, o kung anuman siya.. Mas lalo na ang nga kasalukuyang nanagyayari ngayon sa buhay ko.
Nasa ganoon akong pagkagulo ng isipian nang bigla na lang nagkagulo ang mga nurse sa loob ng ICU. Meron pang ilang nurse na galing sa Nurse Station at isang doktor na humahangos papunta sa loob ng cubicle ni Perry. Wala akong nagawa kung hindi sundan na lang sila ng tingin habang sunod-sunod silang nagpapasukan sa loob ng ICU room.
Nag-aalalang napatingin ako sa loob, pati na sa aparatong nagmomonitor ng heart rate ni Perry. Nakita kong nag-flat line ito. Pakiramdam ko ay tumigil din ang pagtibok ng puso ko. Hanggang sa wala na akong nakita dahil natakpan na iyong aparato at si Perry ng mga nakapalibot na doktor at mga nurse. Bigla akong nakaramdam ng takot. Hindi ko napansin ang pagdating ni Phoemela. Nakita ko na lang na pumasok na siya sa loob.
Nagkasalubungan kami ng tingin, at saka marahan niya akong tinanguan. Hindi ko napipgilan ang muling pagtulo ng mga luha ko.
God... huwag naman po... huwag po si Perry...
"Alam mong ikaw lang ang makakapagligtas kay Perry. Ikaw lang ang makakapagpabago ng lahat ng ito," muling mahinahong sabi ni Aling Tour Guide s***h time traveller s***h nurse.
Awtomatikong nilingon ko siya.
"Pumapayag na ako," matapang kong sabi, habang tumatango-tango pa ako.
Bahala na. Kung iyon nga ang solusyon para mailigtas ko si Perry, at ang mga kapatid ko, lakas-loob ko nang susuungin ang sinasabi niyang solusyon.
Malapad na ngumiti si Aling tour guide s***h time traveller s***h nurse. Bigla naman akong may narinig na mahinang katok sa salamin sa harap ko, kaya napalingon akong muli sa harapan. Naroroon si Phoemela at nakangiti, habang naka-thumbs up sa akin.
Agad na lumipad ang mga mata ko sa higaan ni Perry. Okay na uli ang heart rate niya, base doon sa monitor. Malapad akong napangiti. Salamat po, Diyos ko! Salamat po, at dininig mo ang hiling ko sa Iyo.
O, dahil ba iyon sa pagpayag ko kani-kanina lang kay Aling tour guide? O, nagkataon lang?
"Kung pupunta ako sa nakaraan, paano pala ang mga kapatid ko? Wala silang kasama. Walang mag-aasikaso sa kanila. Hibndi pa sila tuluyang magaling," tanong ko kay Aling tour guide, pero sa nakahigang katawan ni Perry ako nakatingin.
"Huwag kang mag-alala. Palihim ko silang babantayan. Ako na ang bahala sa kanila."
Awtomatik na napalingon ako kay Aling tour guide. "Parang mas dapat akong kabahan dahil ikaw ang magbabantay sa kanila."
Umikot ang mga mata ni Aling tour guide, pero wala naman siyang komento sa sinabi ko. Pagkatapos ay matiim niya akong tiningnan.
"Magpaalam ka na sa kanila mamaya pag-uwi mo. Tatlong araw ka lang naman mawawala. I mean dito sa kasalukuyan. Kailangang matapos mo agad ang misyon mo sa 1945, para makabalik ka agad dito. Hindi ka pwedeng lumampas sa tatlong araw dito, o tatlumpung araw doon. Kung hindi, mata-trap ka na sa panahong iyon, at hindi ka na makakabalik sa panahong ito."
Napalunok ako sa sinabi ni Aling Tour Guide. Mata-trap?
Parang biglang nagdalawang-isip tuloy ako sa naging desisyon ko. Tutuloy pa ba ako? Um-okay na naman si Perry, di ba?
"Huwag pabago-bago ang desisyon. Iyan ang ikapapahamak mo, sinasabi ko sa 'yo, Roxanne Sta. Maria," singit na naman ni Aling Tour Guide.
Wala ba talagang nakakaligtas sa kanya sa mga naiisip ko?
"Wala!" bigla niyang sagot.
Inirapan ko na lang siya bilang defense mechanism ko sa pagbabasa niya ng nasa isip ko.
"At kapag nandoon ka na, at hindi mo mababago ang nakaraan, ngayon pa lang, tanggapin mo na ang kapalaran mo."
Umirap ako sa hangin. "Whatever."
"OH BASTA, Lucas... ikaw na munang bahala dito. Nakakagalaw-galaw ka na naman. Huwag mo lang biglain masyado. Hinay-hinay lang. Sasamahan naman kayo ni Bernard dito habang wala ako," bilin ko kay Lucas, habang naghahapunan kaming magkakapatid.
"Yes, Mam!" pabirong sabi ni Lucas, na may kasama pang pagsaludo sa akin.
"Baka naman wala kayong gawin ni Alex dito kung hindi mag-asaran at mag-away ha? Alalahanin n'yo hindi pa masyadong magaling iyong binti ni Alex. Sinasabi ko sa yo, Lucas... Alex..." pagbabanta ko sa kanilang dalawa.
Nakita kong dinilaan si Lucas ni Alex.
"Bakit naman kasi parang biglaan 'yang pagpunta mo sa Bicol, Ate?" Si Luca ang nagtanong.
Nilunok ko muna ang pagkaing nasa bibig ko, bago ko sinagot ang tanong ni Lucas para makapag-isip ako ng maganda at kapani-paniwalang sagot kay Lucas.
"Ano.... naalala ko lang kasi bigla iyong lupa ni Nanay dun. Baka pwede kong ibenta o isangla man lang. Malaki rin ang ang nagastos ko sa inyong dalawa ni Alex kahit pa sagot naman ng healthcard iyong iba.
"Ah... okay."
"Maaga ang alis ko bukas. Baka pagkagising ninyo, wala na ko."
"Okay, Ate."
"Copy!"
Wish me luck mga kapatid. Kung totoo ngang sa akin at sa misyon ko nakasalalay ang kaligtasan ninyong lahat, sana nga ay magtagumpay ako.
INAYOS ko ang kumot ni Alex at saka dahan-dahang naupo sa gilid ng kama niya. Pinagmasdan ko ang natutulog niyang mukha.
"Ayaw sana kitang iwanan, Alex... pero kailangan kong gawin ito. Nagi-guilty ako sa nangyari sa Kuya Lucas mo, sa 'yo at ngayon ay kay Perry. Pero hindi bale. Pagbalik ni Ate, aalagaan kita uli," mahinang sabi ko sa kanya.
Alam kong hindi niya ako maririnig, pero hindi ko matiis na hindi makapagpaalam kay Alex.
Hinalikan ko siya sa ulo niya, at mabigat sa dibdib na tumayo na ako. Maingat akong lumabas ng kuwarto niya. Sumunod ko namang pinuntahan ang kuwarto ni Lucas. Dahan-dahan kong pinihit ang door knob ng pinto. Policy ko sa bahay namin na walang magla-lock ng pintuan ng kuwarto sa gabi. Mabuti na iyon, para kapag may emergency ay madali naming mapapasok ang kuwarto ng bawat isa.
Mukhang malalim na rin ang tulog ni Lucas. Mag-isa pa lang ito sa kama niya. Bukas pa darating si Bernard para samahan sila.
Nakita kong hawak-hawak pa ni Lucas ang phone niya sa kamay niya. Tsk! Mukhang may ka-chat nang babae ang kapatid ko, ah... Sabagay, hindi ko naman iyon maaalis sa tulad niyang halos binata na. Pero sana, huwag niya munang seryosohin. Ako nga, umabot sa ganitong edad na wala pang naging boyfriend.
Si Perry pa lang kung sakali...
Maingat akong lumapit sa kama ni Lucas. Dahan-dahan kong inalis ang telepono mula sa kamay niya, at saka ko inilapag ito sa bedside table sa tabi niya. May girlfriend na kaya itong damulag na to? Baka mamaya, unahan pa akong magkaroon, ah!
Napatitig ako sa mukha ni Lucas. Parang kailan lang totoy na totoy pa ang kapatid ko. Pero ngayon mas matangkad na sa akin. Bahagya akong napangiti sa naisip ko. Kung buhay lang siguro si Nanay...
Hinalikan ko rin siya sa ulo niya, at saka ako tumalikod na para pumunta na sa kuwarto ko. Para umpisahan na ang kakaibang paglalakbay ko. Mabigat sa loob na humiga na ako sa kama ko. Ayaw ko sanang mahiwalay sa mga kapatid ko pero nandoon iyong pakiramdam na meron akong responsibilidad sa mga masamang nangyayari sa ngayon. At sa isiping ito lang ang makakapagsalba kay Perry sa bingit ng kamatayan, kaya lakas-loob ko itong gagawin. Magpagaling ka, Perry. Hintayin mo ko. Gagawin ko ito para sa iyo...
"Aling Tour Guide, asan ka na? Nakahanda na ko," sabi ko sa kawalan at saka ko ipinikit ang aking mga mata.
~CJ1016