"True love is selfless. It is prepared to sacrifice..."
Gising na ang diwa ko, pero wala akong balak pang dumilat. Pakiramdam ko ay bitin pa ang tulog ko. Pinilit kong matulog pa, pero hindi na talaga ako makatulog. Anong oras na kaya?
Dahan-dahan kong idinilat ang isang mata ko. Ang balak ko ay kunin ang phone ko sa mesa sa tabi ko para tingnan kung anong oras na ba. Pero napadilat ang parehong mga mata ko nang mapansin ko ang kakaibang disenyo ng bintana. Malalaki ang mga bintanang nakikita ko na magkadikit. Iyon tipong hahatakin mo para mabuksan mo. O namamalik-mata lang ba ako? O, baka naman panaginip lang ito.
Ubod lakas na kinagat ko ang labi ko. "Aray!"
Mukhang hindi ako nananaginip. Pero pwede rin namang masaktan sa panaginip, di ba?
Napilitan akong bumangon at naupo sa kama. Sinuyod ko ng tingin ang kabuuan ng kuwarto. Kinurot ko ang braso ko, at muli akong nasaktan. Mukhang hindi talaga ito panaginip. Nasaan ba ako? Hindi ito ang kuwarto ko!
Nilingon ko ang mesa sa tabi ko para i-text o tawagan si Lucas, pero wala doon ang telepono ko. Pati ang mesang nakita ko ngayon ay kakaiba kaysa sa mesa ko sa kuwarto ko. Yari ito sa kakaibang kahoy. Iyong natural na kahoy, hindi tulad ng mesa ko na artipisyal na kahoy lang. May lamp shade na nakapatong doon sa mesa na gawa sa capiz ang covering at mabigat na kahoy naman ang pinaka-base. Ibig sabihin, wala talaga ako sa kuwarto ko...
Bumaba ako ng kama. Saka ko lang napansin ang kakaibang tela ng bedsheet nito. Ano kayang tela ito? Pero naisip ko, hindi ko naman pala hilig ang mag-online selling, kaya dedmahin ko na lang ang klase ng tela ng bedsheet na 'to.
Binuksan ko ang drawer ng mesa na nakita ko. Baka naman nakatago dito ang cellphone ko. Pero sa halip ay bumulaga sa akin ang sandamakmak na nakatuping mga papel na mukhang may mga sulat-kamay sa loob na pahina. Iyong iba naman ay nakalagay pa sa isang puting sobre na may disenyo sa gilid na salitang parihabang kulay pula at asul.
Alam kong masama ang makialam sa sulat nang may sulat, dahil iyon ang laging sinasabi sa amin ng Nanay namin noon, pero may pakiramdam ako ngayon na parang hindi ako matatahimik kung hindi ko titingnan kahit isa sa mga sulat na ito.
Pero hindi ba, Roxy... may kasabihan na Curiosity kills the cat? Paano kung ikapahamak mo ang pagbubukas ng sulat na 'yan?
Hmp! Iyong isipin na mukhang nasa ibang lugar ako ngayon ay hindi pa ba kapahamakan?
Kaninong sulat ang mga ito? Hindi na ako nagdalawang-isip na damputin ang isang sobre. Binasa ko ang nakalagay na pangalan doon.
To: Rosanna
Biglang bumundol ang kaba sa dibdib ko. Wala sa loob na napahawak pa ako sa tapat ng puso ko. Ang tindi talaga ng kabog ng dibdib ko! Ito na ba 'yun? Nasa ibang panahon na ba ako?
Hawak pa rin ang sobre na nagpalinga-linga ako sa kabuuan ng kuwarto. Gusto kong makasigurado sa nabubuong mga hinala sa isip ko.
May isang aparador na yari sa hindi ko kilalang kahoy sa sulok. Maganda ang pagkaka-ukit ng mga disenyo nito. Halatang pinagbuhusan ng panahon. Muling gumala ang mga mata ko.
May nakita akong upuang yari sa kahoy sa tabi ng kamang hinigaan ko. May kakaiba rin itong disenyo. Iyong tipong nakikita mo sa mga antique shops. May maliit na altar din malapit sa isang bintana sa kabilang panig ng kuwarto. Dala marahil ng kabang nararamdaman ko ngayon ay agad akong napa-sign of the cross.
May malaking kutob na sa isip ko ngayon pero gusto ko pa ring makasigurado, kaya binalingan ko uli ang hawak kong sobre at saka inilabas ang sulat na nandoon. Una kong tiningnan ang petsa na nakasulat doon.
October 08, 1941
Napaawang ang mga labi ko. Holy s*t! Andito na nga ako!
Pero in denial pa rin ako. Baka naman namali lang ng pagkakasulat ng date. Roxy? Nagkamali? Hello??
Hindi pa rin binibitiwan ang pinakialaman kong sulat, naglakad ako papunta sa bintana. Bahagya kong hinatak yung gawing kanang bahagi ng bintana para makalikha lang ng medyo maliit na siwang. Magkahalong kaba at excitement ang nararamdaman ko ngayon sa kung ano ang pwede kong makita sa labas ng bintana.
Agad na nanlaki ang mga mata ko nang makita ko ang kakaibang itsura sa labas. Napag-alaman ko rin na nasa ikalawang palapag ako ngayon kung saan man ako naroroon. Pero mukha namang bahay itong kinaroroonan ko. Nasa tabing kalsada ito. Wait. Hindi. More on busy street ang nakikita kong kinatitirikan ng bahay na ito. Parang mga commercial establishments ang mga nakita ko sa tapat.
I wonder... ito ba ang bahay namin noon? I mean, ni Rosanna?
Pansamantala kong nakalimutan ang sagot sa tanong ko nang may makita akong mangilan-ngilang mga taong naglalakad sa ibaba, at sa katapat na kalsada. May ilang sasakyan ding nagdadaan, pero kakaibang modelo ng mga sasakyan iyon kumpaera sa panahon na pinanggalingan ko.
Malamang, Roxy! 1941 nga ang sabi sa petsa ng sulat na nakita mo, di ba?
Aalis na sana ako sa tabi nitong bintana nang napansin ko ang ilang kalesa na bumibiyahe sa daan. At meron ding parang bus na maliit. Pero bakit ganun? Para rin siyang tren dahil sa riles siya tumatakbo.
Nakakapagtakang sa halip na matakot ay wala sa loob na napangiti pa ako sa nakita kong kakaiba ngayon. Pakiramdam ko ay para akong nasa harap ngayon ng isang gumagalaw na diorama!
Kung nandito lang siguro si Alex ngayon, baka naitanong ko na sa kanya kung ano ba ang tawag doon sa parang bus na parangtren na 'yun!
Pero iyong ngiti ko ay biglang nawala nang sumagi sa isip ko ang mga kapatid ko. Isipin pa lang na tatlong araw ko silang hindi makakasama ay parang may kung anong mabigat na dumagan sa dibdib ko. Excuse me... sabi ni Aling tour guide, thirty days dito sa panahon na ito ang katumbas ng tatlong araw sa pinanggalingan kong panahon.
Malalim akong napabuntong-hininga. Ngayon pa lang kami nagkahiwalay ng mga kapatid ko. At ang mas masaklap pa nasa ibang panahon ako!
Bumalik ako sa kama at padapang nahiga. Hawak-hawak ko pa rin iyong sulat na nakuha ko sa kabinet. Tutal ay wala naman akong pwedeng magawa dito ngayon kaya muli akong bumangon paupo sa ibabaw ng kama, at saka binuksan iyong sulat para basahin na.
To the beautiful Rosanna,
Hindi ko alam pero pakiramdam ko ay ako nga talaga si Rosanna dahil nakaramdam ako agad ng kilig pagkabasa ko sa pangalan. So siyempre, wala nang makakapigil pa sa akin na basahin ito!
Maybe you will be surprised on receiving this letter—a letter unexpected at the most inopportune time. I was overwhelmed by a magic urge which I cannot understand or cope with. It induced my pen to scribble the words coming out of my heart.
Naks!
My love for you will never end through eternity. It will be enduring as the tides of time, as lasting as the sacred flames kindled by my burning heart, as infinite as Romeo’s love for Juliet.
Ano daw? Hanep naman itong sulat na 'to!
Through the years with my kind of work, I found neither laughter nor peace. I cannot associate the past, the present nor the future. Oftentimes I ask myself. Will my future be bright? Or will it be gloomy as the present and the past? I then found out that you are the key to the answer to that questions. Now I know that my life will be meaningless and valueless without you. No one but you, can bring light to my world of darkness. Nothing but your love can best cure my aching heart.
Nakagat ko na lang labi ko. Baka kasi pag hindi ko ginawa iyon ay mapahiyaw ako rito sa sobrang kilig na nararamdaman ko. Binabasa ko lang itong sulat ha, ano pa kaya kung direktang sinasabi sa akin ang mga ganitong salita?
In the maintaining silence that I think of you. I cannot help but ask myself, what are my chances? Will the answer be a ‘yes’ or ‘no’?
Maybe during the three long years of my courtship to you, you have known me from head to toe better than any living soul on earth. And it is not far from impossible that you have reached a decision.
I love you more than anything else. Do you love me too?
Love,
Shawn
Speechless. Iyan ang nararamdaman ko ngayon. Wala sa loob na dinala ko ang sulat sa tapat ng dibdib ko at saka pasimple itong niyakap nang may ngiti pa sa mga labi na para bang para talaga sa akin iyong nilalaman ng sulat.
May ilang segundo bago ko na-realize na si Shawn ang may gawa nung sulat. Ibig sabihin ba, ako na nga si Rosanna ngayon?
Hindi ko muna masyadong binigyang pansin ang isipin na iyon. Masyado pa akong lango sa kilig sa sulat ni Shawn sa akin. I mean, kay Rosanna. Napaka-sweet naman pala ni Shawn. In fact, hindi ko pa rin inaalis sa dibdib ko ang sulat ni Shawn at ninanamnam kong mabuti ang mga salitang nakasulat doon. Feeling ka, Roxy? HIndi ikaw si Rosanna, uy!
Bigla kong naalala iyong marami pang mga sulat doon sa loob ng drawer. Parang hinahatak ako nun na basahin pa iyong iba. Why not? Ako naman si Rosanna ngayon, pwede ko naman sigurong basahin ang sulat na para sa akin.
Desidido na akong basahin ang iba pang mga sulat nang biglang may kumatok sa pintuan. Bigla akong nataranta. Anong gagawin ko? Bubuksan ko ba ang pintuan o magtatago ako? Ni hindi ko nga alam kung nasaan o nakaninong kuwarto ba ako. Isa lang akong estranghero sa lugar na ito at wala akong kakilala rito. Kung sino man ang nasa labas ay paniguradong mabubuking niya ako na hindi ako tagarito sa bahay na ito.
Muli akong nakarinig ng pagkatok. Kung sino man ang nasa labas ng pinto, paano ko siya pakikitunguhan kapag pumasok na siya dito sa loob? Parang bigla ay gusto ko nang umatras, at hindi na hinililng na mapunta sa mundo na ito. Parang gusto ko na lang maglaho bigla at bumalik sa panahon ko. Pero paano ba? Natataranta man ay nakuha ko pa ring magsalita.
"S-Sino 'yan?!" malakas kong sabi.
Nagulat na lang ako nang unti-unting bumubukas ang pintuan.
Sh*t!
Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Magtatago ba ako sa gilid ng kama? Magtatalukbong ba ako ng kumot? Wala sa loob na napahawak ang dalawang kamay ko sa mga balikat ko. Nakapa ko ang tela ng damit ko doon. Oh, my! Kamison lang pala ang suot ko? Paano'ng nangyari? Hindi naman ito ang suot ko nung matulog ako. Nakapang-alis akong damit dahil maglalakbay nga ako papunta dito sa panahon na 'to.
"Pambihira, Rosanna! Ano ka ba? Naka-corpiño ka pa?" sita sa akin nung pumasok siguro dito sa kuwarto.
Corpiño?? Bigla tuloy akong napatingin sa suot ko. Kanina kasi pagkagising ko, hindi ko napansin kung ano ba ang suot ko. Iyon ang tawag nila dito sa tila makapal na kamison na suot ko? Pero napansin ko na iyong tela nito ay hindi katulad ng mga kamison sa panahong pinanggalingan ko. Parang pang-uniporme ang tela ng isang ito, at hindi cotton.
Pero naputol ang mga iniisip ko tungkol dito sa suot kong corpi-- ano nga? Iyon na nga 'yun. Basta! Kamison na lang para madali. Bigla ko kasing naalala ang boses nung taong pumasok sa kuwarto ko. Bigla akong nagka-ideya kung sino siya. Hindi ako pwedeng magkamali. Iiang beses pa lang kaming nagkikita at nagkakausap pero kilala ko na angn boses niya.
Nag-angat ako ng tingin para muling tingnan ang bisita ko ngayon dito sa kuwarto. Nanlaki ang mga mata ko nang mabistahan ko siya. Seryoso siyang naglalakad papunta sa kamang kinauupuan ko. Nakasuot siya ng tila... baro't saya ba ang tawag dun? Iyon ang natatandaan ko na napag-aralan ko dati sa elementarya.
Sa kabila ng seryosong mukha niya, malapad akong ngumiti at saka patalon na bumaba mula sa kama para salubungin siya.
"Aling tour guide!" malakas kong sigaw, at saka ko siya niyakap nang mahigpit.
~CJ1016