Dean’s PoV
HINDI ko alam kung bakit ko pa binalikan si Shyra sa may garden. Pagkatapos kong maligo at makapagbihis ay natanaw ko siya sa aking bintana na nakatulog sa may bench. Kaya naman nagdesisyon na lamang ako na gisingin siya dahil tulog na ang mga katulong ko sa bahay.
Tinapik ko lang ang balikat ni Shyra upang gisingin ito. Ngunit hindi pa rin ito nagising sa ginawa ko.
Nalaglag pa ang ang de keypad na cellphone nito sa bulsa. Isang Nokia 1112 at may rubber band.
Napailing na lamang ako sa cellphone na gamit ni Shyra. Pinulot ko iyon at may nag-text pa rito na ang pangalan ay Knight. Aksidente kong nabuksan ang text message na pumasok.
“Shy, good night na rin. Sana magkita tayo kapag hindi ka na busy. Mapaginipan mo sana ako.” May kiss sign pa ang text message nito. Tsk. Napakabaduy.
Bakit ba ako naiinis?
Ibabalik ko na sana ang cellphone ni Shyra nang bigla itong gumalaw at muntik nang malaglag sa bench. Mabuti na lang at nahawakan ko ang bewang nito nang mahigpit.
“Bo-Boss!” sigaw nito sa akin. Mabilis nitong inalis ang kamay ko sa may bewang nito. “Ma-May masama ka yatang binaba---”
Mabilis akong tumayo at humalukipkip sa harapan nito. “Hindi ako interesado sa iyo. Mabuti nga at nahawakan pa kita bago ka malaglag diyan. Nakita kitang tulog dito kaya naisip ko na gisingin kita. Nahulog din ang cellphone mo.”
Nagkamot ito ng ulo at saka inayos ang sarili sa harapan ko. “Pasensya na boss. Nakatulog ako dahil sa pagod. May ipag-uutos ka ba?”
Umiling naman ako rito. “Ayoko naman sanang maging bastos sa iyo pero tulog na kasi ang mga tao sa loob ng bahay ko, maliban sa ating dalawa. Aksaya sa kuryente kung hahayaan kong bukas ang mga ilaw dito sa garden. Pumasok ka na, dahil isasara ko na ang switch.”
Napatingin si Shyra sa mga poste. “Eh, boss. Solar lights naman itong mga ilaw dito.”
“I mean sa solar power. Bakit ka ba nakikialam?” Masama ko siyang tinignan.
Napangiti sa akin si Shyra. “Salamat sa concern mo sa akin, boss. Goodnight sa iyo.” Naunang naglakad sa akin si Shyra papasok sa main door.
Hindi naman ako makangiti dahil para bang nagmukhang concern pa ako kay Shyra.
Napailing na lamang ako at natawa ng mahina sa aking sarili.
KINABUKASAN, katulad ng dati ay maaga akong nagising. Daily routine ko na ang pagdya-jogging. Hindi ko malaman kung bakit si Shyra ang unang naisip ko nang tumingin ako sa may swimming pool. Palagi kasi itong naroon at inaalis ang mga tuyong dahon ng mangga.
Tumakbo ako sa mahabang runway at saka ako lumabas ng gate. Pinagbuksan ako ni Kuya Lindo, siya ang security guard ko. Nakatira ito sa guard house, may sariling banyo, kuwarto at kitchen area.
Habang tumatakbo ako sa palibot ng subdivision ay nakasalubong ko si Shyra. Naka-jogging pants ito ng gray, nakasuot ng fitted white na sando at nakasapatos ng itim na converse. Nakatali ang itim na hoodie jacket nito sa bewang.
Nagulat ito nang makita ako at ganoon din ako. Pawisan ito at humihingal nang huminto.
“Boss… good morning. Pasensya ka na, naisip ko kasing magpapawis dahil puro mamantika ang kinakain ko ngayong mga nakalipas na araw. Mahirap na baka tumaas ang dugo ko.” Tumutulo ang mga butil-butil na pawis nito sa mukha habang kausap ako.
Sa itsura ni Shyra ay kanina pa ito tumatakbo. Nakatali paitaas ang buhok nito. Mabilis ang paghabol nito sa paghinga. Napabuga pa ito nang malalim at dumako ang mga mata ko sa mga mapupulang labi ni Shyra. At ang magandang hubog ng leeg nito. Dumako pa ang mga mata ko sa mapuputing dibdib nito. Dumaloy kasi ang mga pawis nito sa pagitan no’n.
“O-Okay lang.” Tumakbo na ako at iniwan ko siya. Napailing na lamang ako habang iwinawaksi ang nararamdaman kong paghanga kay Shyra.
Maganda ito at lalo itong gumaganda sa paningin ko.
Nagulat ako nang nakasunod na pala sa akin si Shyra. Suot na nito ang hoodie jacket at sinasabayan ako sa pagtakbo.
Hindi ko na lamang siya pinansin. Napatigil lamang ito sa pagtakbo nang may tumawag na mga lalaki dito. Nilampasan ko ang mga ito at hinayaan ko si Shyra.
PABALIK na ako nang makita kong nakikipagtawanan si Shyra sa mga lalaki. Mukhang sanay na sanay talaga itong makisamaluha sa mga lalaki.
“Saan ka ba nakatira, miss? Dalawin kita,” narinig kong sinabi ng lalaki na chinito. Maputi ito at may taas na 5’11. Nakasuot ng ternong itim na jersey.
“Ah, ako? Bawal ko kasing sabihin kung saan ako nakatira dahil magagalit ang boss ko,” narinig kong sagot ni Shyra na nagkamot pa ng ulo. Tumingin pa siya sa akin. “Hayaan mo kapag day off ko makikipag-meet ako sa iyo, Rigo.”
Rigo pala! Rigo ang pangalan ng chinito na iyon.
“Okay, Shy. Baka may number ka p’wede ko bang makuha para tawagan na lang kita?
Humakbang ako palapit sa mga ito. “Kapag ibinigay niya sa iyo ang number niya baka hindi mo na siya matawagan.” Tinignan ko si Shyra ng mariin. “Sumunod ka na!” seryosong utos ko sa kanya.
Ngunit imbes na sumunod sa akin si Shyra ay idinayal pa nito sa cellphone ni Rigo ang number nito. At kinindatan pa nito ang lalaki.
Mukhang tuwang-tuwang naman si Rigo sa ginawa ni Shyra.
Ibang klase. No boyfriend since birth pero napakaharot.
Ilang lalaki na kaya ang nabiktima nito?
“Hindi mo man lang naisip si Knight na kausap mo kagabi. Ngayon naman ibang lalaki na naman ang kinakausap mo,” naiinis na sabi ko sa kanya.
“Wala akong dapat na ipaliwanag kay Knight, boss. Isa pa, wala akong boyfriend. Hindi masama sa isang dalaga na katulad ko na tumanggap ng mga manliligaw. Ang masama, ikaw boss. May girlfriend ka na. Hindi ka na p’wedeng nakikipag-usap sa mga babae.”
Napahinto ako sa aking paglalakad. “Hindi ako interesado sa iyo. At kung kinakausap man kita---”
“Boss, hindi ko naman sinabing ako nga.” Siniko ako ni Shyra. “Naku… boss, ha. Sa mga drama sa TV lang ako nakakapanood ng isang mayaman na magkakagusto sa katulong niya.” Kinindatan niya ako bago ito naunang naglakad… at iniwan akong tulala.