Kabanata 10: Asar

1406 Words
Luna’s PoV NAKATAAS ang isang kilay ko habang pinagmamasdan ang magandang babae na bisita ni Dean. Sa tindig at porma pa lamang ng mestisang babae na iyon nang pumasok ito sa may gate ay natitiyak ko ng mayaman at mukhang matapobre din ito. Kabisado ko na ang kilos ng mga tao sa paligid ko maliban na lang kay Dean na hindi ko kayang basahin ang ugali at pagkatao. Isang linggo na ako rito pero ganoon pa rin ang trato niya sa akin. Masasabi ko na lang talaga na masama ang ugali niya. Napansin ko ang pag-angat ng sulok ng labi ng babae habang kausap nito si Dean. Nasa receiving area ang mga ito at nakaupo sa may couch. Magkatabi ang dalawa at nakapatong ang kamay ng babae sa balikat ni Dean. Nasa tabi ko naman si Manang Berry na bakas sa mukha ang hindi pagkagusto sa bisita ni bossing. "Manang, sino po ba iyan?" "Si Ma'am Channel, Shy. Nobya ni Sir Dean. Mag-iingat ka sa babaeng iyan, Shyra. Mabait iyan sa atin kapag kaharap si Sir Dean ngunit kapag nakatalikod makikita ang kagaspangan ng ugali. Kaya nga puro matatanda na ang mga katulong ni Sir Dean dahil napakaselosa ng babaeng iyan,” pagsusumbong pa nito sa akin. Napangisi naman ako sa sinabi nito. “Hindi uubra sa akin ang kamalditahan niya, manang.” Mabilis na napatingin sa akin si Manang Berry. Napakamot naman ako ng ulo. “Ang ibig kong sabihin po ay kaya kong depensahan ang sarili ko at hindi ako natatakot sa kanya.” “Mag-iingat ka sa mga sinasabi mo, Shyra. Alalahanin mo na nobya siya ng boss natin kahit pa masama ang ugali niya siya pa rin ang nakatakdang pakasalan ni Sir Dean. Baka kasi matanggal ka sa trabaho katulad no‘ng mga naunang katulong dito na kasing edad mo kapag hindi ka mag-iingat sa mga kinikilos mo.” Nginitian ko ito at saka tumango. “Huwag ninyo akong alalahanin, manang. Sige ho at pupuntahan ko pa sa study room si Ice.” Iniwan ko si Manang Berry sa may pintuan ng kusina. Dumaan ako sa gilid ng receiving area para pumunta sa study room ni Ice. Nakapamulsa ang aking mga kamay sa suot kong itim na pants habang naglalakad. “Babe, akala ko ba hindi ka na kukuha ng ibang katulong?” narinig kong tanong ng babae dito. “Alam mo naman na kailangan ko ng Yaya para kay Ice. Aalis din naman siya kaagad kapag nakauwi na si Aicel dito,” paliwanag naman ni Dean. Nilingon ko siya at nagkatinginan kami sa mata. Nagyuko lamang ako ng ulo at nagpatuloy sa aking paglalakad. Malapit na ako sa may study room nang muling magsalita ang babae. “Halika ka nga muna dito.” Sinenyasan pa ako nito. Halata sa mukha ang hindi nito pagkagusto sa akin. Bumuga ako nang malalim bago lumapit sa mga ito. “Yes, madam?” nakangiting tanong ko. Humalukipkip ang babae habang nakaupo ito sa couch. Tumingin ito sa akin ng diretso. “Single ka ba o may asawa na?” maarteng tanong nito sa akin. Nanatiling nakapamulsa ang mga kamay ko. “Single ako madam… na maraming manliligaw,” matapang na sagot ko. Tumingin ako kay Dean na nagulat sa sagot ko. Nawala ang ngiti sa mga labi nito dahil sa sinabi ko. Honest lang ako. Tinignan niya ako mula ulo hanggang paa. “Vital statistics ko ba madam? 34, 26, 36… huling timbang ko two months ago pa kaya ang alam ko nasa 55 kilos na ako ngayon, 5 feet and 11 inches ang height ko. Ayan, alam mo na madam para hindi mo ako tinitignan ng ganyan,” nakangiting sabi ko pa rito. Lalo itong nainis sa akin. “Babe, I don’t like her!” biglang sabi nito na nakatingin pa sa akin. Tsk. Parang gusto ko naman siya? Tsk. Kung lalaki lang ako tapos ganito ang nobya ko baka hiniwalayan ko na, ora mismo. “Shyra, puntahan mo na nga lang si Ice,” iretableng utos sa akin ni Dean. Tumango naman ako sa sinabi nito. Hindi naman ako interesado sa kanilang dalawa. Ramdam na ramdam ko parehas sila ni Dean ng ugali. Nagulat ako nang biglang hilahin ng babae ang kamay ko. Napatingin ako sa kamay kong hawak nito. “Babe, Yaya lang siya ni Ice,” sabi ni Dean na tumayo na para pumagitna sa amin ni Madam Channel. “I don’t care!” singhal naman ng babae. Mahigpit na hinawakan nito ang kamay ko. Masama ko siyang tinignan. “Madam, Yaya lang po ako ni Ice. Wala akong balak na agawin sa inyo ang bossing ko. At huwag po kayong mag-alala dahil hindi ko po siya type.” Tinignan ko mula ulo hanggang paa si Dean. “Hindi po ganyang klase ang type ko sa isang lalaki madam. Kaya wala po kayong dapat na alalahanin dahil hindi maagaw sa inyo si bossing. Kung gusto pa nga ninyo madam ako na mismo ang magpripresinta na maging tagapagsumbong ninyo.” Kinindatan ko ang babae. Binitawan naman nito ang kamay ko. “Fine. Aasahan ko iyang sinabi mo, Yaya. At kapag nalaman ko na nagkakagusto ka kay---” Tumikhim naman ako rito. “Madam, si bossing ang kausapin ninyo tungkol diyan. Baka siya ang magkagusto sa akin at hindi ako.” Inayos ko ang aking scrub suit at saka tumingin kay Dean na makulimlim ang mukha. Hindi nakapagsalita si Madam Channel sa sinabi ko. Nanlaki ang mga mata nito at napauwang ang mga labi. “Sige po, kailangan ko pa pong tignan ang alaga ko.” Tuluyan na akong naglakad palayo. Bumuga ako nang malalim at saka umiling bago ako pumasok sa study room ni Ice. Masiyadong praning ang Channel na iyon. Naaawa ako sa mga ganoong klase ng babae. Siguro hindi ko lang talaga naiintindihan ang nararamdaman nila dahil hindi ko pa naranasan ang ma-in love. “Yaya!” untag sa akin ni Ice. Hindi ko napansin na kanina pa pala niya ako tinatawag. Hinila nito ang laylayan ng damit ko at saka ipinakita sa akin ang mga maling sagot nito sa mathematics. “Yaya, marami po akong mali. Napapagod na po ako!” reklamo nito sabay hagis sa papel. Pinulot ko iyon sa sahig at saka tinignan. Apat ang mali nito sa multiplication. Dalawang number sa itaas at isang number sa ibaba ang ipinapagawa ng teacher nito. “Madali lang naman ito, Ice.” Umupo ako sa wooden chair at saka ipinatong ang papel sa lamesa. Kumuha ako ng isang papel at lapis. Nakangiting tumingin ako sa kanya na nakatayo at masama ang timpla ng mukha. “Halika dito sa tabi ko, Ice. Tignan mong mabuti ang gagawin ko.” Tumayo ito sa tabi ko at saka nangalumbaba sa may lamesa. “Marunong ka po ba?” “Oo naman. Ganito lang ang gawin mo dito sa 23 multiplied by 2, unahin mo muna itong 2 multiply by 3 tapos ilagay mo iyong sagot sa ibaba katapat ng number na 3. Pagkatapos balik ka sa 2 multiply by 2 equals…” “4 po!” Napangiti ako rito. “Kaya ang sagot…” “46!” Pinisil ko ang ilong ni Ice. “Tama, 46 nga at hindi 64 baliktad kasi ang sagot mo. Sige ikaw na sumagot dito sa 42 multiplied by 3.” Tumayo ako at ipinasa ko kay Ice ang papel. Umupo ito sa silyang inupuan at sinagutan ang mga maling nagawa nito kanina. “Gets ko na po, Yaya!” tuwang-tuwang sabi ni Ice. Itinaas ko ang kamay ko at nakipag-fist bump dito. “Good!” Bumukas ang pinto ng study room at sabay kaming nagkatinginan ni Ice. Si Dean ang dumating at hindi maipinta ang mukha. Nakita nito ang fist bump namin ni Ice. “Ano na namang kalokohan ang itinuturo mo sa pamang---” Lumapit si Ice dito dala ang papel. “Tito, tinuruan po ako ni Yaya ng tamang solution dito sa ginawa ko.” Napakunot naman ng noo si Dean. Kung alam lang nito na top 1 ako sa klase noong nag-aaral ako ng elementary. “Ice, ipaghahanda kita ng merienda mo?” nakangiting tanong ko rito. Nilapitan naman ako ni Ice at ay hinawakan ang kamay ko. Ganoon din ang ginawa nito kay Dean. Nagmukha tuloy na isa kaming one happy family. Nilingon ako ni Dean at nawala ang masamang timpla ng mukha nito. Magandang senyales para hindi na ako masisante.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD