KINABUKASAN ay maagang nagising si Kan para subukang tawagan si Simon. Ito na ang huling araw ng palugit nito. Wala siyang dapat na sayangin sa araw na iyon. Kailangan ay may masabi siyang magandang balita kapag tumawag na ang Nanay Elenita niya. Ang sabi pa naman ng mga kapatid niya ay maya't maya na itong umiiyak habang palapit nang palapit ang palugit na ibinigay ng walang hiyang Simon na iyon.
Halos buong araw din yata ang nasayang kay Kan sa paulit-ulit na pagtawag niya kay Simon bago niya ito natiyempuhan.
Ilang beses munang humugot ng malalim na hininga si Kan bago siya nagsalita. "H-Hello po, Sir--"
"Sino ito?" agad-agad na sansala nito sa kaniya. "Importante ba ito? Dahil kung hindi, patayin mo na at huwag mo nang sayangin ang oras ko. Iba ako kung magalit," singhal ni Simon mula sa kabilang linya.
Sa kabila ng nakakatakot na boses ng lalaki ay hindi nagpasindak si Kan. Sa halip ay tinatagan niya ang dibdib. "Si Kan Lao po ito, Sir Simon. Iyong anak ni Tatay Intsik na nandito sa Las Vegas." Palayaw ng kaniyang ama ang 'Intsik' na pangalan dahil sa pagiging Chinito, at bukod doon ay may lahing Chinese din ito. "Nakikiusap ho sana ako na kung puwede ay bigyan mo pa kami ng mas mahabang palugit pa para makapaghanap ng pambayad sa inyo. Hindi na po kasi talaga namin alam kung saan pupulutin ang halagang limang milyon, eh."
"Hindi ko na problema iyan, Hija. Utang iyon ng ama mo kaya responsibilidad niyang bayaran sa napag-usapan naming due date. At kapag hindi n'yo naibigay sa'kin hanggang mamayang alas dose ng gabi ay ipapadampot ko na sa mga pulis ang walang hiya mong ama."
Napakuyom si Kan. At ang ama pa niya ngayon ang walang hiya, ha? Gayon pa man ay pinigilan niya ang sarili na magalit. Oo, mali ito sa pagiging garapal at mapagsasamantala. Pero mali rin naman na magalit din sila gayong sila itong may pagkakautang.
"Huwag naman pong gano'n, Sir Simon. Hindi naman namin tatakasan ang utang ni Tatay sa'yo kaya hindi mo na siya kailangang ipakulong pa."
"Ay, naku, Hija! Wala nang patutunguhan ang usapang ito. Final na ang desisyon ko na ipakulong siya kung sakali. Kaya huwag ka nang magsayang ng laway mo."
Nanlumo si Kan. Base sa boses ni Simon ay talagang hindi ito papayag na hindi mabayaran agad ngayong araw.
"Unless, may ibang ma-i-offer ka sa'kin," kapagkuwan ay wika nito na bigla na lang nagbago ang timbre ng boses.
Salubong ang mga kilay na umangat ang sulok ng bibig ni Kan. "A-ano ho ang ibig n'yong sabihin?"
"Hindi ba't ikaw ang panganay na anak ni Intsik? Iyong sexy at maganda?" sa halip ay tanong din ni Simon.
Sabay na napangiwi at napayakap sa sarili niya ang dalaga. Bigla siyang kinilabutan sa klase ng tanong nito sa kaniya. Hindi na galit ang tono nito kundi nangmamanyak na.
"Kung talagang gusto mo na hindi na makulong ang Tatay mo ay matutulungan naman kita. Magagawan ko iyan ng paraan, Hija," patuloy ni Simon sa boses na malaswa at kulang na lang ay masuka si Kan sa sobrang pandidiri.
Pakiramdam nga niya ay parang babaligtad ang kaniyang sikmura. Tila may ideya na siya kung saan papunta ang usapang iyon. Gayon pa man ay nagbakasakali pa rin si Kan na mali ang tumatakbo sa isip niya at papabor sa kanilang pamilya ang sasabihin nito. "
"A-ano ho ang ibig n'yong sabihin?"
"I mean we could help each other. You scratch my back, and I'll scratch yours." Hindi man nakikita ay batid ni Kan na napangisi nang malademonyo ang kausap.
"I don't understand," patay malisya na tanong pa rin niya.
"It's up to you how it's done, Hija. Maganda ka, sexy at matalino daw. Bakit hindi mo iyon gamitin para maabsuwelto ang Tatay mo? Tutupad naman ako kung sakali. At sisiguraduhin ko rin na walang makakaalam. Sa susunod na buwan ay papunta ako diyan sa Las Vegas. I will make sure na mag-e-enjoy ka sa company ko."
Napatiim-bagang si Kan. At kung puwede lang na lumusot ang kamao niya sa screen ng cellphone ay kanina pa niya sinapak ang hayop na Simon na ito.
"No!" malakas na bulyaw ni Kan sa kausap. "You're a f*cking pervert. Hindi pa ako nasisiraan ng ulo para ibenta ang katawan ko sa katulad mong halang ang kaluluwa, Simon! Mamatay muna ako bago iyon mangyari!"
"Aba't tarantada ka! Estupida!" Biglang nagalit na naman ito sa kaniya na tila isang tigre. "Kung gano'n, maghanda na kayo. Dahil nakahanda na rin ang mga pulis na dadampot sa Tatay mo. Puny*ta!" Iyon lang at mabilis itong nawala sa kabilang linya.
"Assh*le," gigil na gigil na sambit ni Kan at muntik na niyang maibato ang kaniyang cellphone. Sa ngitngit niya ay namura niya ang matandang hukluban. Ano ang akala nito sa kaniya? Pokpok?
Hindi pa siya nababaliw para ibigay ang sarili sa Simon na iyon! Amoy lupa na, pangit pa. Iyong tipong nadaanan ng pison ang ilong at mukha. Tapos iyong bibig ay parang kinuyog ng isang milyong putakti. Hindi naman siya mapanglait. Pero buti sana kung hindi demonyo ang ugali ng Simon na iyon.
Kung ibibigay lang din naman niya ang sarili kapalit ng kalayaan ng kaniyang ama, bakit sa Simon na iyon pa? Bakit hindi na lang kay Nicolas?
Nanlaki ang mga mata ni Kan, sabay tutop sa bibig niya, nang bigla na lang sumagi sa isip niya ang binata. Bakit ba ito ang pumasok sa kukote niya?
Why not? Hindi hamak naman na mas panalo ka kay Nicolas kaysa sa Simon na iyon, 'no? sabat ng kaniyang isipan.
"Pero mali pa rin na ibenta ko ang dignidad ko," sagot ni Kan sa sarili. "At saka guwapo lang ang Nicolas na 'yon pero playboy naman."
Tuliro na nagpalakad-lakad na lang sa kuwarto niya ang dalaga. Hindi na niya alam kung kanino pa siya lalapit o kung ano pa ang puwede niyang gawin upang maisalba si Tatay Intsik. Wala na talagang mangyayari kung pipilitin pa niyang makiusap sa Simon na iyon. Hindi niya hahayaan na isipin nitong no choice na talaga siya kundi ang tanggapin ang offer nito.
Nang mapagod sa pabalik-balik na paglalakad sa apat na sulok ng kuwarto niya ay napahiga na lang sa kama si Kan.Nakanganga siya sa labis na pag-aalala. Ano na ngayon ang gagawin niya?
Nalunod sa malalim na pag-iisip ang dalaga. Hindi niya namalayan na hinila na rin pala siya ng antok. Nagising na lang ang diwa niya sa sunod-sunod at malakas na tunog ng kaniyang cellphone.
Mabilis niyang dinampot ang cellphone at bumalikwas ng bangon nang makitang numero ng kapatid niyang si Sheila ang tumatawag sa kaniya. Pero ang mas higit na ikinalaki ng mga mata ni Kan ay nang makita niyang nakasampung missed calls na ito sa kaniya. Pati ang ina at dalawang kapatid niya ay nakailang tawag din na hindi niya nasagot.
"Ate Kan! Ate Kan! Ang Tatay!" anang malakas na boses ni Sheila nang sagutin niya ang tawag nito.
Kinabahan ang dalaga. "B-bakit? Ano ang nangyari kay Tatay?"
"Kinuha na siya dito ng mga pulis, Ate. Pinahuli na siya ni Mang Simon, Ate," pagbabalita ng kapatid niya na tuluyan nang napaiyak. "Tapos sina Ate Annie at Harvey lang ang kasama niya kasi ako ang naiwan dito kay Nanay. Nawalan Kasi siya ng malay, Ate."
Nahindik si Kan. Napatingin siya sa orasan. Natakip niya sa bibig ang sariling kamay nang makitang pasado alas dose ng gabi na pala. Ganoon siya katagal natulog?
"Tulungan mo kami, Ate. Takot na takot na kami at baka kung ano ang mangyari kina Nanay at Tatay," hinihingal nang sabi pa ni Sheila dahil sa walang tigil na pag-iyak.
Nataranta man ay hindi iyon ipinahalata ni Kan sa kapatid. Nasanay ang mga ito na palaging sumasandal sa kaniya dahil sa kanilang lahat ay siya itong may malakas na loob.
"D-dont worry. Gagawa ng paraan si Ate, okay? Promise, gagawa ako ng paraan." Sa kabila ng pagpapalakas niya sa loob ni Sheila ay napahaplos na lang sa batok niya si Kan. Sa totoo lang ay parang gusto na rin niyang maiyak.
Hindi na talaga niya alam ang gagawin.
"Basta tulungan mo kami dito, Ate, ha? Hiyang-hiya na kami dahil pinagpipiyestahan na kami ng mga tao rito. Tapos si Tatay baka kung ano ang mangyari sa kaniya sa kulungan. At baka hindi rin kayanin ni Nanay."
Kumakabog nang husto ang dibdib ni Kan dahil sa magkahalong kaba at pag-aalala. Hindi na niya gaanong pinahaba ang usapan nila ni Sheila para makagawa na siya ng paraan para mapalaya agad ang ama niya. Pagkatapos niyang siguraduhin na okay lang ang kalagayan ng ina nila, at palakasin ang loob ni Sheila ay nagpaalam na siya.
Walang-wala na talaga siyang ibang maisip na paraan at malapitan para humingi ng tulong.
Kailangan na niyang mamili kung kanino kina Simon at Nicolas ang kakapitan niya sa mga oras na iyon.
Ilang sandali pa ay nakapagdesisyon na rin si Kan kahit sobrang labag iyon sa kaniyang kalooban.
Hindi na siya nagpalit ng damit. Makapal naman ang suot niyang pajama. Pinatungan lang niya ng makapal na jacket ang kaniyang blouse. Sa pagmamadali niyang lumabas ng apartment na inuupahan niya ay nakaligtaan na niyang palitan ang pambahay na tsinelas na suot niya. At kung puwede lang na liparin niya ang third floor hanggang ibaba, para lang makarating agad siya sa pupuntahan niya ay ginawa na niya.
"AALIS ka na talaga, Nico?" tanong ni Nhelyn habang nakasandal sa headboard ng kama at natatakpan ng kumot ang katawan. May panghihinayang sa mga mata nito habang hinahagod ng tingin ang hubo't hubad niyang katawan, partikular na ang nasa pagitan ng kaniyang mga hita.
Si Nhelyn ay isa ring Filipino-Japanese na tulad ni Nicolas, pero dito na ito nakatira sa Las Vegas. Isa ito sa nagbibigay sa kaniya ng aliw ngayon na nasa gitna siya ng delubyo na dulot ni Honoka.
Kagaya ng mga naunang babae sa buhay ni Nicolas ay walang label ang relasyon nila ni Nhelyn. Basta nagkakasundo lang sila kapag gusto nilang maibsan ang init ng kanilang katawan. Malaya silang kumalas kapag nagsawa na sila sa isa't isa.
Ngunit may mangilan-ngilang babae pa ring nakatagpo si Nicolas na nagiging clingy na kapag tumagal na ang kanilang relasyon. At humahabol-habol pa rin kahit tapos na sila. Ilang beses nang may sumubok na pikutin siya pero hindi niya iyon pinapayagan na mangyari.
Kaya maling-mali ang Honoka na iyon para isipin na magagawa nito ang bagay na iyon.
Dahil para kay Nicolas, hindi pa ipinapanganak ang babaeng puputol sa masarap na buhay niya bilang isang single man.
"I have to go. Kailangan ko nang makabalik sa penthouse bago mag-three A.M." sagot niya kay Nhelyn habang isinusuot ang kaniyang pantalon. "Magvi-video call kasi nina Lolo at Lola from Pinas. Kailangan ko munang magpabibo at nakailang bad shots na ako sa kanila. Baka maisipan pa nila ang pumunta rito at pilitin akong ipakasal kay Honoka."
Natawa lang si Nhelyn. "You're a jerk kasi, eh. Ang tanda mo na pero hindi ka pa rin tumitino. Iniisip ko tuloy kung ano ang hitsura mo kapag ikaw naman ang pinaglaruan naming mga babae."
He chuckled. "Speak it for yourself, Nhelyn. Iisa lang ang kulay natin."
"Pero at least ako, willing naman mag-commit kung seryosohin mo," lantarang wika nito. "Willing nga rin akong maging temporary wife mo, eh. Ikaw lang itong ayaw."
Napalunok si Nicolas. Pagdating sa usaping "commitment" ay nanunuyo ang kaniyang lalamunan. Pagkatapos niyon ay isinuot na rin niya ang kaniyang T-shirt at sinuklay ang kaniyang buhok gamit ang mga daliri lang.
"Hindi maniniwala si Honoka kapag ikaw ang iniharap ko sa kanila. At baka mag-away pa kayo. Mas lalo pa akong malagay sa alanganin." Tumingin siya sa suot na relo. Pasado ala una na ng madaling araw. "I really need to go," baling uli niya kay Nhelyn. "Sayonara!"
"Bye," walang kasigla-sigla na tugon ng babae. Halatang nalungkot ito sa pag-alis niya dahil nakaisang round lang sila kanina. Hindi kasi siya puwedeng mapagod at may meeting pa siya bukas sa Happy Life. Bukod doon ay may ibang mukha ng babae ang panaka-nakang pumapasok sa isip niya na pilit niyang nilalabanan. "I hope you're free again bago ka bumalik sa Japan," sabi pa ni Nhelyn.
Tumawa lang si Nicolas. Mukhang ngayon pa lang ay kailangan na niya itong iwasan. Baka maisipan din nitong gayahin ang ginawa ni Honoka.
PAALIS na si Nicolas sa parking lot ng condominium na tinutuluyan ni Nhelyn nang may namataan siyang babae na bumaba mula sa mamahaling sasakyan. His eyes widened nang makilala ito.
Honoka!
Speaking of the witch!
Sh*t! You're dead, man. Napamura si Nicolas at dali-daling pinaandar ang kaniyang sasakyan. Pero sa kamalas-malasan ay hindi pala siya nakapagpalit ng kotse kaya nakilala siya ni Honoka at humabol ito sa kaniya.
May lahing aswang ba ang babaeng ito at pati sa madaling araw ay hinahabol siya?
"Nico! Come back here!" narinig niyang sigaw nito nang malakas habang isinasara niya ang bintana ng sasakyan niya. "Pakasalan mo na ako!" patuloy na sigaw nito.
Nang makitang makakalayo na siya ay sumakay uli sa sasakyan nito si Honoka. Kaagad namang pinaharurot ni Nicolas ang kotse niya nang makitang hinahabol siya nito. Kahit na ano man ang mangyari ay hindi siya papayag na maabutan nito. May natitira pa siya sa palugit na ibinigay ng ama ni Honoka para pakasalan ito.
At sisiguraduhin niya na bukas na bukas din ay solved na ang problema niya rito!
Isa sa paboritong sports ni Nicolas ang car racing. Kaya imposibleng maabutan siya ni Honoka. Todo-sigaw siya sa tuwa nang mailigaw niya ito. At napakanta pa siya ng Ang Sarap Maging Single ni Eevee.
"Itaas ang kamay, mag-celebrate ng buhay. Sabay-sabay nating isigaw. Ang sarap maging SINGLE!"
Pagkatapos kumanta ay pinaandar na uli ni Nicolas ang kotse niya pero hindi agad siya tumuloy sa kaniyang penthouse sa Happy Life building. Sigurado kasing doon ito pupunta para i-corner siya. Bagaman at hindi naman ito makakapasok doon dahil sa mahigpit na bilin niya sa mga guwardiya.
Medyo nagutom siya dahil sa laban nila ni Nhelyn kanina. Kaya lang ay sarado na ang restaurant na pinapasukan ni Kan kapag ganoong oras na.
Biglang natigilan si Nicolas nang maalala ang dalaga. Kagabi nga pala ang due date sa problema nito. Nabanggit iyon sa kaniya ng Auntie Vilma nito. At hindi niya alam kung bakit bigla siyang nag-aalala para kay Kan.
Ano kaya ang nangyari?
Alam naman kasi niya na imposibleng makahanap ito ng limang milyon sa isang araw lang. Kaya lang ay ayaw naman niya na magalit ito nang tuluyan sa kaniya kapag kinulit nang kinulit niya kaya nagpalipas muna siya ng oras.
Kapagkuwan ay may tinawagan si Nicolas sa Pilipinas. Kaibigan niya ito at parang nakatatandang kapatid na kaya alam niyang hindi siya nito bibiguin kahit alanganin na ang oras.
"Hello, Kuya Ton-Ton," aniya nang sagutin nito ang tawag niya.
"Girl's problem na naman ba?" sagot nito sa inaantok pang boses.
Natawa si Nicolas. Isa itong abogado na may malawak na koneksiyon bukod sa anak din ng isang bilyonaryo na kagaya niya. Ito ang palaging tumutulong sa kaniya kapag napapasubo siya sa mga babae. "Hindi, Kuya. Pero parang gano'n na nga. May hihingin lang sana akong favor. Baka may kaibigan kang abogado sa Davao na puwede nating istorbohin sa ganitong oras."