“Nag-enjoy ka ba sa party kagabi?” tanong ng Lolo niya habang nag-aalmusal silang tatlo kasama ang Lola niya.
Hindi man napansin ng mga ito ang bigla niyang pagkawala kagabi. Dahil na-lock sila ni Gideon sa isang silid. At sigurado siyang ang babaeng kahalikan ni Gideon ang may kagagawan.
Baka nainis lang ito nang bigla siyang sumulpot. Nabitin marahil sa ginagawa nila ni Gideon.
“Okay naman po, Lolo,” tangi niyang tugon at ibinaling ang atensyon sa pagkain.
“May na-meet ka bang ka-eskwela mo sa party kagabi? Sa pagkakaalam ko kasi, marami sa mga anak o apo ng mga investor ng Saavedra ay sa Colegio de San Sebastian nag-aaral,” litanya ng Lolo niya.
“Oo nga, apo. May kaklase ka bang nakita kagabi?” tanong naman ng Lola niya.
“Hindi ko pa po masyadong napansin. Isang araw pa lang po kasi akong pumapasok sa Colegio de San Sebastian,” sagot niya.
“Kung sa bagay. Pero kagabi, kumpleto ang mga apo ni Mr. Saavedra. Wala ka bang nakilala ni isa sa mga batang Saavedra? Karamihan sa kanila ay lalaki,” dagdag pa ng Lolo niya.
Nagkunwari muna siyang nag-isip para hindi mahalata na kabisado niya ang mga kilos ni Gideon kagabi.
At natatandaan niya ang mga nilapitan nito.
“May isa po akong classmate na Saavedra. Si Gideon Saavedra po,” sabi niya.
“Ah. Yeah. Nabanggit nga sa akin ng Lola mo. Kaedaran mo nga pala ang panganay na anak ni Gael,” sabi ng Lolo niya.
Tumango na lang siya na kunwaring walang interes.
Pero sa totoo, interesado siya. Gusto pa niyang makilala si Gideon Saavedra.
“Balita ko matigas ang ulo ng batang ‘yan. Mukhang nagmana sa ama. Iwasan mo na lang muna para hindi ka madamay sa gulo,” sabi pa ng Lolo niya.
“Gulo po?” tanong niya.
“Ano ka ba. Huwag ka namang magsalita ng ganyan sa batang Saavedra,” saway ng Lola niya.
“Para ngayon pa lang, alam na nitong si Via kung sino si Gideon Saavedra,” tugon ng Lolo niya.
Sa kabila ng mga hindi magandang naririnig niya kay Gideon, naroon pa rin ang kagustuhan niyang makilala pa ito.
Siya nga nagtataka kung bakit.
“Mabuti pa makilala mo ang anak ni Gavin Saavedra. Sa pagkakaalam ko, sa Colegio de San Sebastian din nag-aaral ‘yon. Mabait daw ‘yon. Hindi sakit sa ulo ng mga Saavedra,” sabi pa ng Lolo niya.
Kung anak ni Gavin ang tinutukoy niya, ‘yon ‘yung lalaking nagbukas ng pinto sa kanila ni Gideon kagabi.
Garreth. ‘Yon ang pangalan kung hindi siya nagkakamali.
“Huwag kang makinig sa Lolo mo, Via. Mas mabuting makipagkaibigan ka sa mga kaedaran mo na gusto mong makasama,” sabi ng Lola niya sa malambing na boses.
“Kailangan pa rin niyang mag-ingat. Baka maulit na naman ang nangyari sa kanya sa San Rafael,” sabi ng Lolo niya.
“Tumigil ka nga diyan,” saway ng Lola niya.
Hindi na siya kumibo. Ibinaling na lang niya ang atensyon sa pagkain.
Alam niyang hindi lahat sa pamilya niya naniniwala na wala siyang kasalanan.
Na na-set up lang siya ng mga inakala niyang kaibigan.
Matapos mag-almusal, nagpaalam na siya para pumasok.
May driver na naghahatid sa kanya gamit ang mamahaling kotse ng Lolo niya.
Kaya alam niyang hindi siya nahuhuli sa mga mayayamang estudyante roon.
“Salamat po,” pasasalamat niya sa driver nang pagbuksan siya nito ng pinto.
“Via,” tawag sa kanya mula sa di kalayuan.
Napalingon siya. Si Veronica. Kasama ang dalawa pa nitong alagad.
Inikot niya ang mga mata. Mukhang masisira na naman ang araw niya.
Napansin niyang nakatingin ang tatlo sa kotse na binabaan niya.
Mukhang napansin nila na mamahalin at limited edition ‘yon.
“Hi,” bati ng tatlo.
“Hi,” ganti niya at naunang naglakad papasok sa gate.
“Wait, Via. Sabay tayo,” habol ni Veronica. Binilisan pa nito ang lakad.
Agad ding sumunod ang dalawa.
“Why?” huminto siya.
“Why not? Magkaklase naman tayo. Walang masama kung sabay tayong papasok,” sabi ni Veronica.
“Yeah, she’s right,” segunda ng dalawa.
Tatanggi sana siya. Ayaw niya talagang maging kaibigan ang mga ito.
Amoy na amoy niya na mean girls sila. Bully.
Lalo na si Veronica. Nagsusumigaw sa pagka-b_tch sng mukha.
Para siyang galing sa teen movie. Kaya never siyang magtitiwala dito. As in never.
“Hi, girls,” bati ni Gideon nang huminto ang sasakyan nito sa tapat nila.
Bukas ang bintana at nakatingin sa kanya.
Iba na naman ang dala nitong kotse kaysa kahapon.
Narinig niyang nagtilian ang grupo ni Veronica. Pati ilang babaeng nasa malapit. Hindi maitago ang kilig kay Gideon.
Iniling niya ang ulo at nagmamadaling lumayo.
“Olivia!” tawag ni Gideon.
Pero mas binilisan pa niya ang lakad para makaiwas.
Nang lumingon siya, nakita niyang isa-isang sumakay sa kotse ni Gideon ang grupo ni Veronica.
Sa passenger seat pa nakaupo si Veronica.
Narinig niya ang mga bulungan ng mga tao. Mukhang inis sila kay Veronica.
Siya rin, biglang nainis.
Lalo na nang dumaan sa kanya ang kotse.
Hindi man lang siya sinulyapan ni Gideon.
Nakabukas naman ang bintana. At kitang-kita niya ang malapad na ngiti ni Veronica.
“Kainis,” bulong niya at nagpatuloy sa paglalakad. Nakataas ang baba. Parang modelo. Umaagaw ng atensyon.
Wala siyang balak maging sikat sa bagong paaralan.
Dahil pag nangyari ‘yon, magkakaroon siya ng mga kaaway na hahalungkat sa nakaraan niya.
Sana walang makapansin sa kanya.
Pero mukhang mahirap. Ikalawang araw pa lang niya, pero umaagaw na siya ng atensyon.
Pagpasok sa building, nagmamadali siya para hindi na mapansin pa.
Nang bigla siyang bumunggo sa isang malapad na dibdib.
Akala niya babagsak na naman siya katulad kahapon.
Mukhang araw-araw na yata siyang may nabubunggo.
Naramdaman niyang may mga kamay na pumigil sa bewang niya.
Napahawak siya sa dibdib ng lalaki.
Nanlaki ang mga mata niya nang makilala kung sino ito.
Si Garreth. Pinsan ni Gideon.
“You are Olivia, right?” tanong nito habang inaayos siyang tumayo at dahan-dahang inaalis ang kamay sa bewang niya.
“Ah… yeah… I’m Via,” pakilala niya.
“I see. Are you okay?” tanong pa nito.
“Yeah, yeah,” sagot niya.
Napalunok siya. Titig na titig siya rito.
“I’m Garreth. Do you remember me? I’m Gideon’s cousin,” pakilala pa nito.
“Ah… yeah… I remember you,” sagot niya.
“Sorry kung nabunggo kita,” paghingi nito ng paumanhin.
“It’s okay. Kasalanan ko rin. Nagmamadali kasi ako,” sagot niya.
“Olivia? Garreth?”
Sabay silang napalingon.
Si Gideon. Kunot ang noo habang nakatingin sa kanila.
Kasunod nito ang tatlong b_tches.
Mabilis siyang nagpaalam kay Garreth para makaiwas na.