LIA’S POV
“Naku po…” bulong kong sabi.
Iniisip ko na baka ordinaryong tao lang itong kamukha ni Damon.
Pero nang bahagya siyang gumalaw at bumukas ang mga mata niya, tuluyan akong kinain ng hiya.
Tinitigan niya lang ako. Tanaw kong hindi siya nagulat. Walang kahit anong emosyon nakita katulad ng nararamdaman ko ngayon.
“You’re awake,” sabi niya sa mababang boses.
Hindi ako agad nakasagot.
Gusto kong magsalita. Gusto kong magtanong. Gusto kong sabihing, Ikaw ba talaga si Damon Velasco? Pero parang natuyo ang lalamunan ko.
Bumaba ang tingin niya sa kamay kong mahigpit na nakakapit sa kumot. Pagkatapos, dahan-dahan siyang umupo. Kinuha niya ang puting bathrobe mula sa gilid ng kama at kalmadong sinuot iyon.
Ako naman, halos gusto nang magtago sa ilalim ng kumot.
Napakurap ako. “I-ikaw si…”
Bahagya niyang itinaas ang kilay niya.
“Damon Velasco?” dugtong niya.
Gusto kong matunaw sa kinauupuan ko.
“Hindi ko…” Huminga ako nang malalim, pilit inaayos ang utak kong sabog pa rin. “Hindi ko alam na ikaw…”
“Alam ko.”
Napatingin ako sa kanya.
Kumuha siya ng relo sa bedside table at sinuot iyon. Kalmado at kontrolado ang bawat kilos niya na parang walang nangyari. Na parang hindi ako tao, kundi problema lang na kailangan niyang ayusin bago siya umalis.
May kinuha siyang brown envelope mula sa drawer ng mesa sa tabi ng kama. Pagkatapos, walang anumang expression sa mukha, itinapon niya iyon sa kama sa harap ko.
Bumukas nang bahagya ang envelope. Nakita ko ang makakapal na pera sa loob.
“Dalawang daang libo,” sabi niya.
Nanlaki ang mga mata ko.
Tumingin ako sa pera, pagkatapos ay sa kanya.
“Bayad sa’yo," dagdag niya.
Isang salita lang iyon pero parang sinampal ako ng katotohanan.
Napatigil ako sa paghinga.
Hindi ko alam kung bakit ako nasaktan. Hindi ba iyon naman talaga ang dahilan kung bakit ako pumunta rito? Hindi ba iyon ang kailangan ko? Hindi ba iyon ang ipinunta ko sa club kagabi?
Pero iba pala kapag narinig mo mismo sa bibig ng taong iniidolo mo.
“Oo nga pala…” mahinang bulong ko sa sarili.
Hindi pa rin nagbago ang mukha niya.
“At alam mo naman ang rules dito,” dagdag niya. “Hindi mo pwedeng ipagsabi kahit kanino ang nangyari sa atin.”
Napahawak ako lalo sa kumot.
“Hindi ko naman—”
“You signed an NDA when you entered the club, didn’t you?”
Napahinto ako.
Naalala ko ang papel na pinapirmahan sa akin bago ako pinapasok sa VIP area. Halos hindi ko na binasa dahil nanginginig ang kamay ko noon. Sabi ng bestfriend kong si Mika, normal lang daw iyon. Confidentiality agreement. Para raw protektahan ang mga VIP guests.
Hindi ko akalaing ganito pala iyon kabigat.
“O-opo,” sagot ko.
“Good.”
Parang ang buong pagkatao ko ay naayos na niya sa isang envelope ng pera at isang paalala tungkol sa NDA.
Gusto kong ibato sa kanya ang pera. Gusto kong sabihing hindi ako ganitong klaseng babae. Gusto kong isigaw na hindi niya ako pwedeng tratuhin na parang binili niya ang katahimikan ko.
Pero bago ko pa magawa iyon, pumasok sa isip ko na kailangan ko pala ng pera pambayad sa renta ng apartment namin na ilang buwan nang overdue.
Bigla ko na lang naalala ang boses ng landlord, “Kapag hindi kayo nakabayad ngayong linggo, ilalabas ko na ang mga gamit n’yo.”
Nanikip ang dibdib ko at lalo akong napahiya.
Dahil kahit gaano kasakit, alam kong kukunin ko ang pera dahil kailangan ko.
Napayuko ako at kinagat ang loob ng pisngi ko para hindi ako umiyak.
Dahan-dahan kong inabot ang envelope. Nang mahawakan ko iyon, ramdam ko ang bigat ng pera sa loob. Pero bakit parang lalo akong nilulunod ng pakiramdam na ito?
Tumayo si Damon at kinuha ang phone niya.
“I’ll have someone escort you out. Use the private exit. Walang dapat makakakita sa’yo,” sabi niya.
Tumalikod ako para kunin ang damit ko sa sahig. Habang nagbibihis ako sa likod ng kumot, nararamdaman ko ang bigat ng tingin niya sa akin. Hindi ko alam pero nanginginig ang mga daliri ko habang isinusuot ang zipper ng damit ko.
Nang matapos ako, kinuha ko ang bag ko at isinuot ang sapatos ko. Hawak ko pa rin ang envelope.
Nang makarating ako sa pinto, hindi ko napigilang huminto.
Huminga muna ako nang malalim habang hindi ko siya nililingon.
“Hindi ako magsasalita. Alam kong wala akong laban sa’yo,” sabi ko.
Lumingon ako sa kanya.
Nakatayo siya malapit sa bintana, suot ang bathrobe, ang mukha ay kalahating natatamaan ng liwanag ng araw. At kahit ayaw kong aminin, parang mas lalo siyang naging hindi makatotohanan sa paningin ko.
Matangos ang ilong niya, matalim ang panga, at kahit bahagyang magulo ang buhok, bagay na bagay iyon sa kanya. May mga taong guwapo dahil inayusan sila, pero siya… kahit bagong gising, kahit walang suot na mamahaling damit, kahit tahimik lang na nakatayo roon, parang hindi sapat ang salitang guwapo para sa kanya.
Ngunit ngayon, pagkatapos ng lahat, may parte pa rin sa akin na hindi makapaniwalang totoong nakaharap ko ang isang Damon Velasco.
“Pero sana… huwag mong isipin na dahil kinuha ko ’to, ibig sabihin nabili mo na pati pagkatao ko.”
Bahagyang gumalaw ang panga niya. Hindi na niya ako sinagot.
Dahil doon, binuksan ko ang pinto at lumabas.
May lalaking naka-itim na suit sa hallway. Hindi na ako nagulat nang yumuko ito nang bahagya at tahimik akong ginabayan papunta sa elevator.
Habang pababa ang elevator, mahigpit kong niyakap ang bag ko at ang envelope. Pinilit kong huwag tingnan ang repleksyon ko sa salamin.
Ayokong makita ang itsura ko. Ayokong makita ang babaeng pumasok dito kagabi na desperada, at lalabas ngayong umaga na may dalang pera kapalit ng katahimikan ko at pambayad sa renta.
Paglabas ko sa private exit ng club, sinalubong ako ng malamig na hangin. Kaunti pa lang ang tao sa kalsada. May ilang mga sasakyan na. May mga tindahang nagsisimula pa lang magbukas, at may ilang taong nagmamadaling pumasok sa trabaho.
Huminga ako nang malalim. Hindi ko alam namumuo na pala ang mga luha ko sa mga mata ko.
Mabilis ko iyong pinahid bago pa tuluyang pumatak.
Kinuha ko ang phone ko mula sa bag ko nang maramdaman ko itong mag-vibrate. Halos manlamig ang kamay ko nang makita ang pangalan ni Mama sa screen.
May ilang missed calls siya. At sunod-sunod na messages.
Dahan-dahan ko iyong binuksan.
Mama:
Nasaan ka na naman, Lia? Bakit hindi ka umuwi kagabi?
Napapikit ako nang mariin.
Bago pa ako makapag-reply, may panibagong mensahe na namang pumasok.
Mama:
Alam mo bang pinuntahan na naman tayo ng landlord? Galit na galit siya! Sabi niya kapag hindi tayo nakapagbayad ngayon, ilalabas na niya ang gamit natin!
Nanginig ang mga daliri ko sa pagkakahawak sa phone.
Mama:
Ano bang silbi mo kung simpleng renta hindi mo magawan ng paraan?
Napahigpit ang kapit ko sa envelope.
Doon tuluyang tumigil ang paghinga ko.
Parang may kung anong mabigat na bumagsak sa dibdib ko. Ilang segundo akong nakatitig lang sa screen, paulit-ulit na binabasa ang mga salitang galing mismo sa taong dahilan kung bakit ako napunta sa lugar na ito.
Hindi ko namalayang bumagsak ang unang luha ko sa screen ng phone. Sinundan iyon ng isa pa hanggang sa hindi ko na napigilan.
Napayuko ako sa gilid ng kalsada, mahigpit na hawak ang phone sa isang kamay at ang envelope sa kabila. Pilit kong pinapawi ang mga luha ko gamit ang likod ng palad, pero patuloy pa rin ang pagpatak ng mga iyon.
Huminga ako nang nanginginig at mabilis na nag-type ng reply.
To Mama:
Pauwi na po ako. May dala na akong pambayad sa renta.
Matagal akong nakatitig sa message bago ko pinindot ang send button.