LIA’S POV
Pagdating ko pa lang sa kanto ng inuupahan naming bahay, agad na akong kinabahan nang makita ko ang kumpol ng mga tao sa harap. May mga kapitbahay na nakasilip sa bintana, habang ang iba naman ay nakatayo sa gilid ng kalsada at nagbubulungan habang nakatingin sa direksyon ng bahay namin.
Nakita ko ang mga gamit namin sa labas, parang tuluyan na nga kaming pinalayas.
Nanigas ang mga paa ko.
“Lia!”
Paglingon ko, nakita ko si Mama.
Namumugto ang mga mata niya. Magulo ang buhok. Nanginginig ang labi habang papalapit sa akin. Sa likod niya, nakatayo si Jessa, ang kapatid kong high school student, yakap-yakap ang school bag niya habang tahimik na umiiyak. Si Chloe naman, ang bunso naming grade school pa lang, ay nakaupo sa tabi ng kahon habang mahigpit na hawak ang stuffed toy niya.
Parang may kumurot sa puso ko nang makita ko sila.
“Lia, tingnan mo…” halos maputol ang boses ni Mama habang tinuturo ang mga gamit namin. “Pinapalayas na tayo. Nasa’n na ang pera?!”
Hindi ako agad nakapagsalita.
Sa loob ng bahay, may dalawang lalaking patuloy na naglalabas ng mga gamit namin.
“Ibalik niyo ang mga gamit namin!” sabi ko sa mga lalaking nagbubuhat.
“At bakit naman?” biglang sumabat ang matinis na boses mula sa likuran namin.
Pagharap ko, nakita ko si Aling Corazon, ang landlord namin. Nakasuot ito suot ng magandang damit at puno ng alahas ang leeg at mga daliri niya. Nakataas ang kilay habang hawak ang maliit na notebook kung saan nakalista ang utang namin.
“Anim na buwan na kayong hindi nakakabayad, Lia,” sabi nito. “Anim na buwan akong nagpasensya. Hindi ako charity, business ito.”
Napayuko si Mama.
“Aling Corazon, pakiusap naman po—”
“Pakiusap?” singhal nito. “Ilang beses na akong nakarinig ng pakiusap sa inyo. Noong una, sabi niyo makakabayad kayo kapag nakabawi ang negosyo niyo. Hanggang sa nagsara ang negosyo niyo. Pagkatapos, sabi niyo kapag may sweldo na si Lia. Ang dami kong narinig na mga dahilan. Pero ano? Wala pa rin.”
Nanikip ang dibdib ko.
Dati, may maliit kaming hardware supply business. Hindi kami mayaman, pero sapat naman kaming nakakakain nang maayos. Nakakapag-aral din ang mga kapatid ko sa private school noon na ngayon ay lumipat na sa public school.
Pero nang malugi ang negosyo, unti-unting gumuho ang lahat.
Nagsara ang shop. Naibenta ang delivery van. Naubos ang ipon. At si Papa… minsan na lang umuuwi sa bahay.
Ako na lang ang nagtatrabaho ngayon. Admin assistant ako sa isang maliit na office ng logistics company. Pero kahit anong tipid ko, hindi sapat ang sweldo ko.
Sagot ko ang pagkain, kuryente, tubig, baon nina Jessa at Chloe, pati ang maintenance ni Mama, pero kahit anong pilit kong pagkasyahin ang sweldo ko, palagi pa ring may kulang.
At ang renta ang unang napabayaan.
Huminga ako nang malalim at pinilit kong tumayo nang maayos.
“Magkano po ba ang utang namin sa inyo, Aling Corazon?”
Matalim niya akong tiningnan.
“One hundred twenty thousand pesos para sa six months na renta.”
Napapikit ako sandali. Twenty thousand ang renta namin per month dito.
“Pero kung isasama ang buwan na ito,” dagdag niya, “one hundred forty thousand na.”
Napahikbi si Mama. Nanlaki ang mga mata ni Jessa. Si Chloe naman ay mas lalong umiyak.
Tahimik kong hinawakan ang bag ko, binuksan at kinuha ang envelope sa loob. Mabigat iyon, hindi dahil sa laman nito, kundi dahil alam ko kung saan galing ang halagang iyon.
Napakagat ako sa loob ng pisngi ko.
Pero nang makita ko ang mga kapatid kong nanginginig ang kamay, at si Mama na halos lumuhod na sa sobrang hiya, doon ko naunawaan na wala akong karapatang pairalin ang pride ko.
Dahan-dahan kong inilabas ang envelope mula sa bag ko, ramdam kong biglang tumahimik ang paligid ko. Kahit si Aling Corazon ay napatingin sa kamay ko habang binubuksan ko iyon at nagsimulang magbilang ng pera hanggang sa umabot sa halagang kailangan kong ibayad.
“Inyo na po ang one hundred eighty thousand pesos,” sabi ko, pilit pinatatag ang boses ko. “Bayad sa anim na buwang utang namin, kasama na ang advance rental fee para sa susunod na dalawang buwan. Pakibilang na lang po.”
Natigilan si Aling Corazon.
Iniabot ko ang pera kay Aling Corazon.
“Pakibalik na po ang mga gamit namin sa loob.”
Ilang segundo niya akong tinitigan bago kinuha ang pera. Binilang niya iyon nang mabilis. Nang makitang tama ang bilang, biglang nagbago ang tono niya.
“O sige. Ibalik niyo na ang mga gamit nila,” utos niya sa mga lalaki. “Dahan-dahan! Baka may masira pa.”
Maya-maya, lumapit si Chloe at niyakap ang baywang ko.
“Ate Lia… hindi na tayo aalis?”
Hinaplos ko ang buhok niya.
“Hindi na,” mahina kong sabi. “May matitirahan pa tayo.”
Saglit akong nakahinga nang maluwag. Pakiramdam ko may nagawa rin akong tama. Hindi na kami mag-aalala pang matulog sa kalsada.
Ngunit habang pinapanood ko ang mga gamit naming ibinabalik sa loob, gusto ko pa ring umiyak dahil ang kapalit ng ginhawang iyon ay ang dignidad kong hindi ko alam kung paano ko pa mababawi.
****
Halos dalawang oras ang lumipas bago tuluyang naayos ang mga gamit namin.
Umalis na rin si Aling Corazon matapos paulit-ulit na bilangin ang perang ibinigay ko. Si Mama naman, tahimik na nagliligpit sa kusina. Si Jessa ay tinutulungan si Chloe na ayusin ulit ang mga gamit nito sa kwarto.
Ako naman ay naupo sa sala, nakatitig lang sa sahig.
Pagod na pagod ang katawan at isip ko.
Hindi ko pa nga napoproseso ang nangyari kay Damon, heto naman ang bahay namin. At ngayon, kahit bayad na ang renta, wala na halos natira sa perang dala ko.
Parang bawat segundo ng buhay ko, may bagong problemang naghihintay. Hindi pa man tuluyang humuhupa ang pagod ko, bigla namang may malakas na kumatok sa pinto.
Napapitlag si Chloe mula sa kwarto.
“Ate…”
Muling kumatok na naman ngunit mas malakas na ngayon.
BANG! BANG! BANG!
“Buksan niyo ’to!” sigaw ng isang lalaki mula sa labas. “Alam kong may tao diyan!”
Nanlamig ang buong katawan ko. Nakita kong napahawak si Mama sa gilid ng mesa.