Dumating si Nanay bandang alas-dose ng tanghali. Dala-dala niya ang isang terno ng damit para may pamalit ako ngayon. May nakapagsabi daw na kapitbahay na nandito ako.
Nandito kami ngayon sa likod bahay ng mga Stewart.
"Pagpasensyahan mo na ang tatay mo." Hindi ako makapaniwalang tumingin kay nanay.
"Sana dinala mo na lang po lahat ng damit ko, nay," sagot ko sa halip.
"Hindi na ako uuwi sa bahay."
Lumapit si Ma'am sa amin. "Oh, Dina. Kanina pa kita hinihintay na magpunta dito."
Nahihiyang ngumiti si Nanay kay Ma'am.
"Dito na lang kayo ng anak mo. Sasahuran ko kayo buwan-buwan."
Hindi pa din sumagot si Nanay. "Kaysa nagtitiis kayo sa bahay niyo. Magtatrabaho na dito si Dayana. Stay in."
Namewang si Ma'am. Para bang problemado siya.
"Pagkatapos ng ginawa ng asawa mo sa anak mo, gusto mo pa ding makisama doon?"
Naiyak si Nanay dahil sa panenermon ni Ma'am.
"Ang lalake, madami iyan diyan. Ang anak, nag-iisa iyan. Kung hindi mo kayang piliin ang sarili mo, piliin mo ang anak mo."
Napahikbi na si Nanay. "Pasamahan ko kayo kay kapitan na kunin ang mga damit niyo." Pagkatapos ay tumalikod na si Ma'am.
Iyak lang naman ng iyak si Nanay.
Hindi ko na sinubukan pang kumbinsihin si Nanay, dahil matigas naman ang ulo niya. Pero laking gulat ko nang umuwi kami para kunin ang mga gamit namin. Kinuha din niya ang mga gamit niya.
Tipid niya akong nginitian. "Kung nasaan ka, nandoon din ako, anak."
Niyakap ko siya. "Salamat, Nay, at natauhan ka na din."
"Nakuha niyo na ba lahat ng gamit niyo?" tanong ni kapitan sa amin. Sila at limang tanod niya ang sumama sa amin. Wala ang magaling kong ama, baka nasa inuman na naman.
Sumama din sa amin si Sir Logan. Kausap niya ngayon ang aming kapitbahay.
"Opo, kapitan."
"Tara na kung ganoon." Paalis na kami nang sumulpot si Aling Conchita.
"Hep!" Pigil niya sa amin.
"Oh, Dina, saan kayo pupunta?" Napatingin siya sa mga sako bag kung saan nakalagay ang mga gamit naming mag-ina.
"Aalis kayo? Paano iyong utang niyo na ilang buwang upa? Pati na ang bill niyo sa kuryente, sa akin niyo ipapakargo?!" Palakas na ng palakas ang kaniyang boses.
Mukha na siyang aburido.
"Huhulug-hulugan na lang namin, Aling Conchita," magalang na sagot ko.
"Doon lang po kami sa mga Stewart. Hindi naman kami aalis ng bayan."
"Hindi puwede!" Pulang-pula na ang kaniyang mukha dahil sa pagsigaw.
"Hindi ako papayag na umalis kayo ng hindi ako binabayaran!"
Kinapa ko ang aking bulsa. Eight hundred lang ito. Kulang pa. Pero sana hayaan na muna kami ni Aling Conchita ngayon.
"Magkano ba ang sinisingil mo?" tanong ni Sir Logan.
"Seven thousand five hundred. Hindi pa kasama ang tubig at kuryente diyan," mabilis na sagot ni Aling Conchita.
Nilabas ni Sir Logan ang kaniyang wallet na kinasinghap ko. Bago pa man ako makapagsalita ay naabot na niya kay Aling Conchita ang ilang lilibuhin.
"Ten thousand, kasya na ba iyan?" Tanong ni Sir.
Ngumiti ang matandang babae. Tumango-tango pa ito. "Oo, Sir. Pero kung kulangin pa sa bill nila, pupuntahan ko kayo sa bahay ng mga Stewart," sabi ng matanda habang nakatingin sa amin ni Nanay. hiyang-hiya kaming mag-ina kay Sir.
"Salamat, Sir. At pasensya na sa abala," sabi ni Nanay. "Babayaran ka po namin kapag sumahod na kami."
Tumango lang si Sir Logan.
"Tara na. Umuwi na tayo," aya niya.
Kahit babaero si Sir Logan at mapaglaro, hindi naman maipagkakaila na namana niya ang kabutihan ng kaniyang pamilya. Mayroon siyang puso para sa mahihirap at nangangailangan.
Nang makarating kami sa bahay nila ay sinundan ko siya sa labas ng bahay. Nandito kasi ang kaniyang mga kaibigan. Naghihintay sa kaniya sa may pool.
Tumigil sa paglalakad si Sir nang mapansin niya na mayroong nakasunod sa kaniya.
Nagtaas siya ng kilay. "Sir, pasensya ka na po sa pang-aabala namin sa'yo."
Hindi siya nagsalita kaya napayuko ako sa hiya. Pinaglaruan ko ang aking mga kamay.
"Babayaran ko po iyon, Sir. Huhulug-hulugan ko po."
"Saka mo na ako bayaran kapag nakaangat-angat ka na sa buhay." Doon lang ako napatingin sa kaniya.
"Abutin mo ang pangarap mo sa buhay. Kapag successful ka na, sisingilin kita."
Tumango ako. "Sige, Sir." Nakangiti na ako ngayon sa kaniya.
Ngumiti din siya at pagkatapos ay tinalikuran na niya ako.
KINAGABIHAN nagpunta si Tatay upang suyuin si Nanay. Hindi ko siya hinarap. Nasa loob ako ng kuwarto. Kahit ano'ng mangyari, hinding-hindi ko siya haharapin. Hinding-hindi ko siya mapapatawad sa kaniyang ginawa.
Akala ko nga sasama na naman si Nanay, pero para akong nabunutan ng tinik sa lalamunan nang pumasok siya dito sa silid namin nina Ate Ising.