Hindi na lang ako sumagot pa. "Dalhin kita sa ospital para magamot ang mga pasa at sugat mo."
Umiling ako. "Hot compress lang 'to, Sir."
"Ihatid na lang kita sa inyo kung ganoon."
"Hindi na, Sir."
Nagtaas siya ng kilay. "Gabi na, Dayana. At tingnan mo nga ang kalagayan mo."
"Kaya ko na po ang sarili ko."
"Ang kulit," aniya at basta na lang niya akong binuhat.
"Teka, Sir... ibaba mo po ako," reklamo ko.
"Hindi. Matigas ang ulo mo. Ihahatid na kita sa inyo."
"Sir... Ayaw ko pong umuwi."
Natigilan siya. Nakatingin lang siya sa akin ng ilang segundo bago niya ako pinasok sa loob ng kaniyang sasakyan.
"Sir..."
Umikot siya sa kabila at naupo sa may drivers seat.
"Sir, hindi po ako uuwi."
"Doon ka na lang muna sa bahay kung ayaw mong umuwi. Para magamot din natin iyang mga sugat mo. Pumutok ang labi at kilay mo."
Napatingin ako sa side mirror ng kotse. Tama nga siya. Halos hindi ko na makilala ang aking sarili. Napahikbi ako habang nakatingin sa nakakaawang sarili.
Tahimik namang nag-drive si Sir Logan. Hindi na ako umangal pa kahit na nakakahiya na doon ako sa bahay nila pansamantalang makituloy ngayong gabi.
Wala akong ibang matuluyan.
Pinarada niya ang sasakyan sa labas ng kanilang bahay. Nag-alangan pa akong bumaba ng sasakyan. Nakakahiya pero kailangan ko ng matutuluyan ngayong gabi.
Pinagbuksan niya ako ng pintuan. Dahan-dahan naman akong bumaba. Natumba pa ako dahil hinang-hina ang pakiramdam ng aking mga binti.
Nagbukas ang pintuan. Napatanga ang mga kasambahay nang makita kami ni Sir Logan. Mukhang hindi pa nila ako nakilala dahil sa itsura ko ngayon.
"D-Dayana, ikaw ba iyan?"
"Pakikuha ng first aid kit natin, Ate," utos ni Sir.
"Sige po." Nagmamadaling tumalikod si Ate Luring. Si Ate Ising naman ay nagmamadali ng lumapit sa amin upang tulungan si Sir sa pag-alalay sa akin.
Tinulungan nila akong makaupo ng maayos sa sofa. Lumapit si Ate Luring sa amin bitbit ang medicine kit. Iyong isang kasambahay naman ay may dalang pang-hot compress.
"Ano'ng nangyayari diyan?" Mula sa taas ay sumilip si Ma'am. Nang makita ako ay nanlaki ang kaniyang mga mata.
"Dayana? Anong nangyari sa'yo, hija?"
Pababa na ito ng hagdanan. May pag-aalala sa kaniyang mukha.
"Nakita ko sa daan," sabi ni Sir Logan. Nakatayo sa aking harapan at nakahalukipkip.
"Bakit? Pinagsamantalahan ka ba? Dapat sa prisinto kayo dumiretso," natatataranta namang sabi ni Ma'am.
"Ayaw, e. Binugbog lang naman daw."
Ang sungit ng mukha ni Sir habang sumasagot sa ina.
Suminghap si Ma'am.
"Ang tatay mo ba ang may gawa nito sa'yo?" Tanong niya kalaunan.
Marahan akong tumango.
Bumuntong hininga si Ma'am.
"Kahit tatay mo siya, wala pa din siyang karapatan na saktan ka," masungit na sagot ni Sir. Hindi ko na lang siya sinagot.
"Ang nanay mo?" tanong naman ni Ma'am.
"Nasa bahay po, Ma'am. Wala naman po siya magagawa... Mas malakas si Tatay kaysa sa kaniya."
Sinapo ni Ma'am ang kaniyang noo. "Ewan ko ba diyan sa nanay mo. Bakit hindi pa iwanan ang lalakeng iyon, e."
Tinapik niya ang balikat ko. "Dito ka na lang. Mag-stay in ka na lang din dito."
Naiiyak akong tumingin kay Ma'am. Hindi ko na din napigilan ang sarili ko na yakapin siya.
"Salamat po, Ma'am."
Maya-maya pa ay tumayo na si ma'am.
"Matutulog na ako. Luring, Ising, kayo na ang bahala kay Dayana, ha. Gamutin niyo ang mga sugat at pasa, pagkatapos ay matulog na kayo."
Tiningnan ni Ma'am si Sir Logan. "Buti naman at naisipan mong umuwi ng maaga. Nakagawa ka pa ng kabutihan."
Seryoso lang si Sir. Hindi gumagalaw. Nakatingin lang ito sa akin.
"Tara na sa kuwarto, matulog na tayo, Dayana," aya ni Ate Ising.
Inalalayan nila akong tumayo. "Salamat po, Sir..."
Hindi pa din gumagalaw si Sir. Tumango lang siya sa akin.
"Kayo na ang bahala sa kaniya," bilin niya kina Ate.
"Opo, Sir."
Bumuntong hininga si Sir bago siya tumalikod at umakyat sa kaniyang silid.
Ang kuwarto ng mga kasambahay ay nasa gilid lang ng bahay malapit sa kusina. Ang mga kuwarto naman ng pamilya ay nasa taas, kasama na ang mga bakanteng silid na para sa mga bisita.
Binigyan ako nina Ate ng malinis na damit na pampalit.
Iyong mga damit ko sa bahay. Bukas ko na lang kukunin. Baka bukas ng gabi wala na doon si Tatay.
Tulog na sina Ate. Nanatili namang dilat ang mga mata ko at mag-uumaga na nang ako ay makatulog. Tinanghali tuloy ako ng gising.
"Naku po! Alas-dies na!" Kahit masakit ang katawan nagmamadali akong bumangon at pumasok sa banyo upang maligo.
Sinuot ko iyong damit na naka-hanger sa bintana.
Iika-ika akong lumabas ng silid at dumiretso sa kusina.
"Oh, Dayana, gising ka na pala," sabi ni Ate Ising. Naghuhugas na siya ng mga pinagkainan nina Ma'am.
"Pasensya na, Ate. Tinanghali na ako ng gising."
"Ayos lang iyon, ano ka ba? Magpahinga ka na muna. Hindi pa magaling iyang mga sugat at pasa mo."
Namamaga ang aking pisngi. Pumutok ang labi at ang kilay ko. Buti na lang at hindi na kailangang tahiin ng doctor.
"Nakakahiya naman. Ako na lang po ang maghugas, Ate."
"Ikaw talaga. Sabi ni Ma'am, hayaan ka muna naming magpahinga ng ilang araw."
Nakakahiya naman sa kanila. Dahil ayaw namang magpatulong ni Ate sa ginagawa, hinanap ko na lang kung saan nakalagay ang basahan. Magpupunas-punas na lang ako ng mga cabinet dito sa kusina. Hindi din naman ako makapaglaba pa dahil ang sakit talaga ng katawan ko.
"Ang kulit mo talaga, Dayana..." Nginitian ko lang si Ate.
"Hindi naman po ito mabigat, Ate."
Nangiti na lang siya.
"Mabuti pa ay kumain na muna tayo. Hindi pa kami kumain ni Ising dahil hinintay ka talaga namin."
Sakto at gutom na din ako. Habang kumakain, pinapaulanan naman ako ng mga tanong ng dalawa.
"Bakit ka binugbog ng tatay mo?"
"Lasing. Tapos nabitin sa alak, kaya ginising ako. Sino ba naman ang hindi maiinis kung ang panggising sa'yo ay sipa at sigaw?" May hinanakit kong kuwento.
"Grabe iyang tatay mo, no? Wala na ngang ambag sa bahay niyo, tapos ganoon pa siya."
"Kaya nga, ang hirap hirap na nga ng buhay, tapos pabigat pa siya," sang-ayon naman ni Ate Luring. Napabuntong hininga na lang ako.
Naalala ko tuloy si Nanay. Kumusta kaya siya? Sana maayos lang ang lagay niya. Di bale, mamayang hapon ay magkikita naman kami.