"Uuwi na po ako, Ma'am."
Bitbit ko sa kaliwang kamay ang ecobag na may lamang pagkain. May hapunan ulit kami ni Nanay.
"Kumusta pala ang nanay mo, hija?"
Inabot ko ang bayad niya. May pasobra ulit. Hindi ako agad nakasagot kay ma'am dahil naiiyak ako.
Ngumiti si Ma'am. Tinapik niya ang aking balikat.
"Ayos ka lang?"
Tumango-tango ako. "Opo, Ma'am. Salamat po. Si Nanay po, medyo okay naman na po."
"Sabihin mo na magpalakas muna siya ng husto bago bumalik. Baka mamaya ipilit na naman niya."
"Opo, Ma'am. Mauuna na po ako. Salamat po sa kabutihan mo sa amin."
"Ingat ka, Dayana."
Hindi ako nakasabay kay sasakyan ni Sir dahil hinatid niya ang mga kaibigan niya. Wala na akong maupuan.
Ngumiti lang ako kay Sir bago ako nagtuloy-tuloy ng labas sa kanilang gate.
Masaya akong naglakad pauwi. May ngiti sa aking labi at pakanta-kanta pa.
Nasa labas si Nanay at naghihintay sa akin.
Kinawayan ko siya. "Nanay!"
Ngumiti naman siya at kumaway sa akin.
"May dala ka ulit?" Tanong niya habang nakatingin sa bitbit kong ecobag.
"Opo, nay. Tara na po sa loob at kakain na tayo."
Siya na ang nagbitbit nito papasok ng aming bahay.
"Ang dami nito."
Tuwang-tuwa si nanay kaya nakangiti ko siyang pinagmasdan. Bago pa man kami magsimulang kumain, dumating na si Aling Conchita upang maningil.
"Bayad!" Nilahad niya ang kaniyang kamay. Nagmamadali ko namang inabot ang pambayad sa kaniya. Hanggang kailan kaya kami magbabayad sa kaniya ng utang. Natatambakan lang dahil patuloy naman kaming nagrerenta sa kaniya buwan-buwan, bukod doon ilang buwan na din ang utang namin sa kaniya.
Nakakalungkot maging mahirap. Bago ako humarap kay nanay ay nakangiti na ulit ako. Ayaw kong makita niya ang lungkot sa aking mga mata.
Nagsimula na kaming kumain. Habang kumakain, nagkukuwentuhan din kami tungkol sa nakaraan. Dati masaya pa naman kami. Pero matagal na ang dati na iyon.
"Ano'ng pagkain?!" Maangas na tanong ni Tatay pagpasok niya ng bahay.
Nakita niya iyong pagkain sa harap namin ni nanay kaya napangisi siya.
"Maghanda ka ng mesa sa labas, Dina!" Utos niya kay Nanay. Ayos, ah. Uuwi dito, tapos akala mo kung sino siyang hari.
Bumuntong hininga si Nanay.
"Ano'ng gagawin mo sa mesa?" tanong ni nanay.
"Aba, tinatanong pa ba iyan? Syempre, iinom! Pupunta ang mga kompare ko. Mag-iinuman kami!"
Tiningnan niya ang mga pagkain. Tinikman din niya ang tira naming dalawang ulam.
"Dalhin mo sa labas 'to!"
"Tay, pagkain ito bukas," hindi ko na napigilan pang magreklamo sa kaniya.
"Dalhin sa labas! Hinihingi ko ba ang opinyon mo?!"
Hinawakan ni Nanay ang aking kamay. Umiling-iling siya. Inaawat ako sa plano kong pagsagot sa tatay ko na walang kuwenta.
Tumalikod na ito. Naiyak na lang ako sa inis. Iyong tinapay, nagmamadali kong tinago sa aking damitan. Nilagay ko sa plastik na baunan upang hindi langgamin. Pagkain ito ni nanay bukas.
Naglaba na muna ako ng damit pampalipas ng sama ng loob at galit kay Tatay.
Baka magdilim pa ang paningin ko at masumbatan ko pa siya.
Marahas akong huminga. Naiiyak na lang ako sa labis na inis. Bakit ba siya ang naging tatay ko? Madami namang mabuting ama diyan. Iyong mahirap pero nagpapakaama sa mga anak nila. Mabuting asawa sa kanilang asawa.
"Anak..."
Hindi ko pinansin si Nanay. Kung kaya lang niyang iwan ang walang kwenta niyang asawa, hindi na sana kami nagdurusa ng ganito. Di bale ng mahirap, basta walang pabigat na kagaya ni Tatay.
Natulog na lang ako, kahit na maingay sina tatay na nag-iinuman sa labas. Panay ang kuwento at tawanan.
Nagising ako dahil sa pagsipa ni tatay sa aking paa. Naalimpungatan ako at napasigaw pa sa gulat.
"Tay!"
"Bilhan mo kami ng tanduay!" Makautos, ah.
"Alas-onse na, tay. Sarado na ang mga tindahan."
"Humanap ka ng tindahan na bukas."
Hindi ako makapaniwalang tumingin sa kaniya.
"Bakit ganiyan ka makatingin, ha!" Sinipa niya ang binti ko. Hindi ako umaray. Nakatingin lang ako sa kaniya.
"Ano? Matapang ka na?!" Sinipa niya ulit ang binti ko. Hindi lang isa kundi madaming beses. Nakatingin lang ako sa kaniya habang sinasaktan ako. Hanggang sa pati ang kamay niya ay gamitin na niya. Sinampal niya ako. Hindi lang isang beses. Nasundan iyon ng dalawa, tatlo habang patuloy akong sinisipa.
"Napakasama mong tao!" Sigaw ko.
"Wala kang kuwentang tao!"
"Walang hiya ka!" Sigaw naman niya.
"Ano ba iyan?!" Umawat na si Nanay. Hinihila niya si Nanay pero tinulak niya lang ito.
"Lumayas ka! Wala kang kuwentang anak!"
"Anak?" Pagak akong tumawa. "Huwag mong masabi-sabi na anak mo ako, dahil kailanman, hindi ka naman nagpakaama sa akin! Wala kang kuwenta!"
Nagmamadali akong lumabas ng bahay. Iyong mga kainuman ni tatay ay maang na nakatingin sa akin. Para bang nahimasmasan dahil sa nangyari.
Lakad takbo ang ginawa ko. Hindi ko alam kung saan ako pupunta.
Basta ang alam ko lang gusto kong makalayo na dito. Sa walang kuwenta kong ama.
Nakarating ako sa may waiting shade. Naupo ako doon habang tahimik na umiiyak. Ilang oras akong nakaupo, umiiyak habang binubugaw ang mga lamok na kanina pa ako kinakagat.
Naisipan ko ulit na maglakad-lakad. Wala ng masakyan. Gusto ko sanang magpunta sa pinsan ni nanay. Nakatira iyon malapit sa bundok. Mga isang oras din ang layo kapag sumakay ng jeep.
Mabagal ang bawat hakbang ko. Nanghihina ang masakit kong katawan.
Hanggang sa napaupo na lang ako sa gilid ng kalsada. Samot sari ang pumapasok sa aking isipan.
Parang gusto ko na lang mawala sa mundo.
Nasilaw ako dahil sa ilaw ng parating na sasakyan kaya pinikit ko ang aking mga mata. Ang labi, pisngi at mata ko ay mahapdi dahil sa natamo kong mga sampal mula kay Tatay. Walang kuwenta talaga siya.
Nagulat ako nang huminto ang sasakyan sa tapat ko. Nakaramdam ako ng kaba nang bumaba ang driver.
"Dayana?"
Nag-angat ako ng tingin nang mabosesan ko ito. Si Sir Logan.
"Sir..."
"What happened to you?"
Napahikbi ako. Umiling-iling. "Ayos lang po ako." Pinunasan ko ang basang pisngi ng dulo ng aking suot na tshirt.
"Ayos lang? Halos hindi kita makilala, anong ayos lang?" Masungit niyang tanong.
"May nanamantala sa'yo? Sino? Tara, dadalhin kita sa prisinto." Hinila ko ang kamay ko na hawak ni Sir.
"Hindi, sir. Hindi ako pinagsamantalahan. Binugbog lang."
Napangiwi siya. "Sino? Sinong bumugbog sa'yo?"
Hindi ako sumagot. "Lang? Binugbog ka, tapos parang wala lang sa'yo?"