Malapit lang ang syudad mula sa bahay namin, dumaan ako sa shortcut para mas mabilis akong makakarating sa venue. Malayo pa lang ay tanaw ko na ang tuktok ng hotel, natatanaw ko na rin ang linya ng mga magagarang sasakyang papasok sa parking lot na nasa basement ng gusali.
I admired the people dressed in the same way I am from afar. Halatang mga bigating tao ang mga imbitado sa party. Again, I felt so out of place. Palagi akong dumadalo sa ganitong klaseng pagtitipon pero hindi ko pa rin maiwasang manliit kapag ikukumpara na ang estado nila sa trabaho ko. Being a teacher feels so foreign here, like they are out of my league. Ang pangalan nga lang ng mga magulang ko ang humahatak sakin pataas.
Ang ibang guests ay ibinababa sa main entrance ng hotel, ang iba naman ay pinapaubaya sa valet ang kanilang mga sasakyan, ngunit mas pinili kong ako na mismo ang magparada sa parking lot para doon na rin dumaan papunta sa loob at para makaiwas sa mga atensyon ng mga tao.
Bago ako bumaba ng sasakyan, sinuot ko muna ang maskara. Mabuti na lang at kiniclip ito sa buhok, hindi ako mahihirapan. I reached for my clutch bag afterwards at nagpakawala ng hangin, then I silently prayed for my life.
Walang masyadong tao akong nakasabayan. I only saw a group of women na mukhang kaedaran ko lang na sumakay sa elevator. Ayokong makipagsabayan sa kanila kaya pumanhik ako sa kabila. Pinindot ang number seven dahil sa palapag na iyon gaganapin ang party. The door was about to close when I heard a man's voice.
"Wait!" Dali-dali ko namang hinarangan ng kamay ang magsasarado na sanang pinto.
Nang magbukas ulit iyon, nakita ko ang isang lalaking nakakulay asul na tuxedo, hinihingal na halatang kagagaling lang sa pagtakbo. Hindi nito suot ang maskara kaya malaya ko pang napagmamasdan ang itsura niya. At base rito, hula ko ay nasa late 20's na niya ito ngunit masasabi ko pa ring ang gwapo nito tingnan. He had a sun-kissed complexion, much taller than me and his smile is giving me a friendly feeling.
"Thanks," sabi niya bago pumasok na rin sa loob. Pinindot nitong muli ang number seven, siguro ay isa rin siya sa mga bisita.
Diretso lang ang tingin ko sa bakal na pinto. I could see my blurry reflection in there, ganoon din ang kanya. Gumagapang sa ilong ko ang matapang na pabango nito, mabango iyon kaya kahit na malakas ang amoy ay nagugustuhan ko pa rin. Napansin ko ang pagsulyap nito sakin mula sa aming repleksyon. Hindi ko iyon pinansin ngunit naulit pa iyon ng ilang beses.
Tumikhim ako.
"I’m sorry. I might have creeped you out." He chuckled. Hindi ko pa rin iyon pinansin dahil totoo namang hindi ako interesado sa kanya. Pero nagpatuloy ito.
"I couldn't recognize you because of your mask but I’m definitely sure that I have met you before."
"I’m not a rare specie so yeah, you might have," walang gana kong sagot nang hindi siya tinitingnan. Nagulat ako nang tumawa ito dahil una sa lahat hindi naman joke ang sinabi ko.
Mula sa gilid ng mga mata ko ay nakita ko itong humarap sakin. Nakita ko naman sa repleksyon niya na inabot nito ang kamay na parang gustong makipagkamay sakin.
"I’m Damien by the way." I just stared at my reflection and pretended I heard nothing.
Ayokong ignorahin siya at mas lalong ayokong maging bastos sa kanya pero kailangan kong mag-ingat sa lahat ng makakasalamuha ko ngayong gabi. Hindi nila pwedeng malamang ako ito. Hindi ko alam kung hanggang saan ang abot ng mga galamay ni Calix sa mga taong nakapaligid sakin. Who knows, baka ang lalaking ito, baka siya pa ang magdala sakin sa mga paa ni Calix.
I saw him bring his hand into his nape. Kinamot nito ang batok na tila napahiya pero hindi pa rin ito lumilihis ng tingin.
"Did you come alone tonight?"
"Yes."
"Then would you mind if I accompany you?"
Dahil sa sinabi niyang iyon, doon ko lang ibinigay ang buo kong atensyon. Tiningnan ko siya nang diretso sa mga mata. Hindi ko nagugustuhan ang pagiging presko nito sakin lalong-lalo na't ngayon lang kami nakapag-usap at hindi ko naman siya kilala.
Nakabuka na ang mga labi ko ngunit bago pa man may lumabas na mga salita rito ay inunahan na niya ako.
"I know what you're thinking. Gusto ko lang malaman mo na wala akong masamang intensyon. Well, like you, I also came here alone. You wouldn't want to be left out in the party, right? Same with me. So instead of having ourselves feeling so out of place, why don't we just enjoy each other's company?"
Nagkatitigan kami. Sinasabi ng mga mata nitong dapat pagkatiwalaan ko siya dahil totoo ang mga sinasabi niya. While staring at his face longer, I’m starting to realize how his face looks familiar to me too. Parang nakita ko na rin ito dati, hindi ako sigurado.
Tumunog ang elevator at biglang bumukas ang pinto, doon lang naputol ang aming tinginan. Nasa ikaapat na palapag pa lang kami at may pumasok na iba pang hula ko ay mga bisita rin sa party na pupuntahan namin. Umatras ako at pumuwesto sa sulok upang hayaan silang okupahin ang gitnang espasyo.
Ang akala ko ay makakawala na ako kay Damien dahil doon ngunit nakita ko kung paano ito nakiraan sa gitna ng dalawang matanda para lang makalapit sakin. He is well-mannered, napansin ko iyon dahil sa naging tungo niya sa dalawa. He showed me his white teeth when he is beside me at last.
Mahinang napabuntong-hininga na lamang ako tanda ng pagsuko. His idea isn't that bad at all, para na rin hindi ako magmukhang kaduda-duda mamaya, mukhang magandang ideya nga ang magkaroon ng kasama habang binabantayan si Calix.
"I’m Summer Levencio," sabi ko.
"Woah! Cute name. Nice to meet you, Summer." Rinig ko ang pagkakagulat sa tono niya, hindi niya marahil inexpect na magpapakilala ako at tatanggapin ang alok niya.
Hindi na ako umimik pagkatapos, ganoon din naman siya. Masyadong malakas ang boses ng mga kasama namin kaya siguro kapwa rin kaming napatahimik. Nang magbukas ang elevator ay sinalubong kami ng malapad na bulwagang magdadala sa isang malaking pintong may nakabantay na mga gwardiya.
Nakita kong pinapakita ng iba ang kanilang mga imbitasyon bago sila pinapapasok sa loob. Kinuha ko rin yung akin sa loob ng clutch bag. Nang makarating kami sa tapat ng isang gwardiya, una nitong binalingan si Damien at nagtaka na lamang ako dahil hindi niya na kami hinanapan ng imbitasyon, hinayaan niya lang kaming makapasok sa loob.
Hindi na ako nakapagtanong pa sa kanya kung bakit dahil ang unang tao agad na nakasalubong namin papasok ay si Tita Emily. Dumiretso ako sa kaniya nang hindi man lang sinasabihan si Damien.
"Tita, Happy Birthday po." Malapad itong ngumiti at nakipagbeso sakin.
"Thank you, iha. I received your mom's message na hindi siya makakapunta, sayang naman." Tiningnan ako nito mula ulo hanggang paa. "You look dazzling, iha. Si Tanya rin ba ang gumawa nito?"
"Ah, opo tita."
"Wow. I really love the dresses that she gave to me too. And this." Tinuro niya ang kanyang suot na gown. "She designed this for me as well, it's really perfect."
Para itong bata sa paraan niya ng pagsasabi non. Napangiti naman ako dahil sa pagpuri nito sa mga gawa ni mama. Ilang saglit lang ay napunta ang kanyang tingin sa likuran ko.
"Anak, where have you been? Kanina pa kita hinahanap." Nilingon ko ang tinutukoy nito at nalaglag ang panga ko nang makita kung sino ang tinawag niyang ‘anak’. Hindi rin naiiba sa naging reaksyon ko ang kanya, pareho lang kaming nagulat.
"Halika dito at ipapakilala kita sa anak ng Ninang Tanya mo." Mas lalo lamang nadagdagan ang pagkagulat ko.
"Iha, this is my son, Damien. Hindi niyo na siguro naaala ang isa't isa dahil matagal na rin noong huli kayong magkita. Debut mo pa siguro iyon, eh," sabi nito sakin.
"Oh, that's why you look familiar to me." Unti-unti nang sumisilay ang ngisi sa labi nito. It irritated me suddenly, remembering the lie I've told him. Sa mga oras na ito, siguro ay natanto na rin niyang nagsinungaling ako sa pangalang binigay ko sa kanya.
"Damien, could you accompany Hyacinth tonight? You came here alone, right, iha?" Tumango ako.
"Maiwan ko muna kayong dalawa, pupuntahan ko lang ang ibang bisita. Enjoy the party, iha." Bumeso ulit ito sakin bago bumaling kay Damien. "Take care of her," bilin nito kay Damien at umalis na.
Hindi ko inalis ang tingin sa likod nitong lumalayo. Katunayan wala talaga akong balak na pansinin o kausapin pa si Damien kung hindi pa ito humarang sa tinitingnan ko. Ngayong sinabi ni Tita Emily kung kailan kami huling nagkita, bigla na lang naging klaro ang itsura niya sa isipan ko. I remember mom putting one of her godsons in the list of my 18 roses, at siya iyon, si Damien.
"So tell me, is Summer Levencio your code name, pen name, nickname, a close friend, cousin, or what?" Kahit hindi ko ito tingnan ay halata na ang pang-aasar sa boses niya pa lang.
"I can clearly remember you now. And as far as I can recall, you weren't this aloof before, in fact napakadaldal mo noon habang nagsasayaw tayo, naalala mo?"
Sa halip na pansinin ito ay hinanap ng mga mata ko ang makisig na pangangatawan at nakakapangsugat na panga sa madla. Sure, he's late again, kagaya noong nakaraan. Of course, being the youngest business tycoon in the country and the most famous and richest businessman in the whole island of Panay, he would always love grand entrance. Kaya magpapahuli siya ng dating para siguradong engrande ang pasok niya mamaya.
I walked into the table of different kind of drinks. Narinig ko ang mga yabag ni Damien na sumusunod at hindi na ako nag-abala pang lingunin siya. Kumuha ako doon ng isang baso ng champagne, ganoon din ang ginawa niya. I just sipped in my glass and never bothered talking to him.
"Are you expecting someone else?" he asked.
"Napansin ko lang kasi na parang wala kang interes na makipag-usap at panay ang tingin mo sa paligid. May hinahanap ka ba? O hinihintay?" Dama ko naman ngayon ang kaseryosohan sa tinig niya.
Hindi ko rin sigurado kung bakit hindi ko ito pinapansin gayong wala naman itong masamang ginagawa sakin. Siguro ay dahil ito sa nalaman kong anak siya ni Mayor Consolacion, na pinaghihinalaan kong may isang mahigpit na koneksyon kay Calix. Ayoko lang na may masabi kay Damien na kahit ano dahil hindi rin imposible na magkakilala sila ni Calix. Baka siya pa nga talaga ang maging rason para magkaharap kami ni Calix at ayoko iyong mangyari.
The place suddenly went quiet for a split of second. Nakita ko ang mga pamilyar na lalaking nakaitim na pumasok at sumunod ang lalaking nakasuot ng kumikinang na silver na tuxedo. Napatingin ako sa damit ko at pagkatapos ay binalik sa kanya. He is wearing a black mask too. Hindi ko alam kung bakit biglang nag-init ang mga pisngi ko nang matantong pareho ang kulay ng aming suot.
"So you were looking for him, huh?" Rinig kong sambit ni Damien at hindi na ako nakapagprotesta pa nang hawakan nito ang palapulsuhan ko dahil bigla niya na lamang akong hinila. I left my glass of wine on the table to catch up with his fast pace.
"Damien, sandali." Bahagyang binagalan nito ang paglakad ngunit hindi huminto. Nang makita ko kung saan kami patungo ay hinila ko na pabalik ang braso ko. Tumigil ito at nilingon ako, wala pa rin itong suot na maskara kaya nakita ko ang pagkunot ng noo niya.
"I have to go."
"What? You were looking for Calix, right? He's here now, I'll introduce you to him." Hindi nga nito nabigo ang iniisip ko kanina, talaga ngang magkakilala silang dalawa.
Muli kong sinubukang bawiin ang braso ko, natatakot na totohanin niya nga ang sinasabi niya.
"N-no, no need. Hindi naman siya ang hinahanap ko." He stared at me, unconvinced.
"Then where are you going?"
"Restroom." Tipid kong sabi at sa wakas ay nabawi na ang braso. Saktong pagtalikod ko ay narinig ko naman ang malalim na boses ng taong pinakainiiwasan kong makaharap ngayong gabi. Parang awtomatik na tumigil ang mga paa ko sa paggalaw, ito na naman ang kaba ko.
"Damien."
Isang salita pa lamang iyon pero grabe na ang naging epekto nito sakin. Mahina akong napamura habang nararamdaman ang halos mangatog nang mga tuhod. I remember his depressed face and then I suddenly remember what he said to me last time. Parang nag-aagaw ang mga alaalang ito sa isip ko, hindi ko na matukoy kung alin ba roon ang mas nagbibigay ng kaba sakin sa mga oras na ito.
Naramdaman ko ulit ang paghawak ni Damien sa palapulsuhan ko. Mariin akong napapikit at muling mahinang napamura. Gusto kong itakwil ang kamay niya at tumakbo palayo ngunit ayokong gumawa ng eksena rito, hindi sa harap ni Calix. Instead of running away, I faced my fears.
Sinalubong ko ang tumatagos na titig niya. It hit me again for a span of God knows how many seconds on how handsome this man looks even with a mask on, kagaya ng naging reaksyon ko noong una ko itong makita nang malapitan. He looks so unearthly.
"I'll accompany you to the restroom after this. Just give me 1 minute," bulong ni Damien sakin. Kahit ang mainit na hininga nitong naramdaman ko sa leeg ay hindi naputol ang tinginan namin ni Calix.
Nilandas ng mata nito ang mata ko papunta sa aking labi, pababa sa katawan ko na tila napansin din ang pagkakaterno namin ng damit. A mischievous smirk escaped his lips when he returned his eyes back to mine.
"Calix." Inabot nito ang kamay niya na siyang nagpagulat sakin.
Sigurado akong hindi niya ako nakikilala dahil kung oo, hindi ganito ang magiging paraan niya ng pakikitungo sakin. If he knew it was me, he should have burst in anger. Just like what he told me last time. He won't let me escape the next time he sees me.
Napansin ko ang mga matang kanina pa pala nakatingin samin. Katunayan, kami na ang sentro ng atensyon ngayon. Wala akong balak na tanggapin ang kamay niya at mas lalong hindi ko gugustuhing pagtuonan ng kanilang pansin. Pero dahil si Calix ito, isang De Varga, magmumukha lamang akong masama kapag tinanggihan ko ito. Kaya sa huli, pinaunlakan ko ang malaking kamay niyang naghihintay sa akin.
"S-Summer Levencio," sabi ko na bahagyang pinaliit pa ang boses.
Balak kong bawiin na sana ang kamay pagkatapos magpakilala ngunit mahigpit ang hawak niya rito. I felt his thumb rubbing the back of my hand. Bahagyang napakunot ang noo ko. Parang sinasaulado nito ang tekstura ng kamay ko, hindi ko alam, basta parang pinagtayuan ako ng balahibo dahil sa ginagawa niya. It made me uncomfortable.
Inangat ko ang tingin kay Damien na nakatingin na rin pala sakin. I pleaded with my eyes. Hindi ko iyon pwedeng sabihin kaya umasa akong maiintindihan niya sa pamamagitan ng tingin ang gusto kong mangyari. Naginhawaan naman ako nang makita siyang ngumiti.
"Yes, Calix, this is Summer. She is my date for tonight." Hinawakan nito pagkatapos ang bewang ko.
I didn't see any evidence of shock in his face. He was still smirking as if he already knew that. Binitawan niya ang kamay ko at binalingan na ng tingin si Damien. Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib non. Nakakasakal ang titig niya, para akong ginapos sa tindi nito.
"Your girlfriend?" Nakangising umiling si Damien.
"A family friend."
"Really? Where's your mom? I haven’t seen her yet." As if on cue, dumating mula sa likuran niya si Tita Emily kasama ang asawa nito.
Naramdaman ko ang biglang paghigpit ng hawak ni Damien sa palapulsuhan ko dahilan para mapatingin ako sa kanya. Nagtatagis na ang bagang nito at bahagyang nagtutulay ang dalawang kilay habang nakatitig kay Calix na ngayo'y nakikipag-usap na kay Tita Emily at Mayor Consolacion.
Walang ano-ano'y hinila na ako nito paalis doon. Nagpatianod na lamang ako dahil iyon din naman ang gusto kong mangyari, ang malayo kay Calix. Gusto ko itong pagalitan dahil nasasaktan na ako sa higpit ng hawak nito pero pinili ko na lamang na manahimik. Mukha na itong galit at naiinis sa hindi ko naman alam na rason.
"The restroom is inside." Tumigil kami sa labasan ng isang makitid na pasilyong magdadala sa restroom. Tumango lang ako at aalis na sana ngunit hindi niya pa rin binibitawan ang palapulsuhan ko.
"Why are you pretending to be someone else?" Batid ko ang matinding kuryosidad sa tono niya ngunit hindi ko maaaring sabihin ang dahilan ko, hindi sa kanyang kakilala ni Calix.
"Salamat para kanina pero hindi mo na dapat malaman pa ang tungkol doon."
"Why not?" Ako na mismo ang nagtanggal ng kamay nito at tinalikuran ko na siya pagkatapos para pumunta sa restroom.