“HAY, IYAN na nga ba ang sinasabi ko. Masyado kasing mainitin ang ulo mo, Kelly. Tingnan mo tuloy ang nangyari sa iyo. O, ngayon, baldado tuloy ang isa mong braso.”
Maingat na lang na naupo si Kelly sa kanilang sofa. She had a sling on her left arm. Iyon ang inabot niya pagkatapos niyang aksidenteng mapuruhan ang braso sa naging laban nila kanina ni Buwi sa gym.
“’Nay, huwag na ninyo akong sisihin.”
“At sino ang gusto mong sisihin ko? Si Buwi? Ang sabi nina Waki ay ikaw ang nanghamon sa kanya. Hindi ka na nga pinatulan nung tao, sumige ka pa rin. Naku, Kelly. Kung wala ka lang iniinda ngayon, kinurot na kita sa singit sa sobrang tigas ng ulo mo. Pasalamat ka at iyan lang ang natamo mo. Paano kung mas malala pa ang nangyari sa iyo? Ano na lang ang sasabihin ko sa tatay mo pagdating niya galing Saudi? Na dahil sa kayabangan e baldado na ang anak niya?”
Hinayaan na lang niyang maglitanya ito. Ganon naman talaga ang kanyang ina kapag sobrang nag-aalalala. Laging mahaba ang sermon.
“Saan ho natin ilalagay ito, Aling Linda?”
Napalingon siya nang marinig ang boses ni Buwi. Bitbit nito ang bag na dala ng kanyang ina kanina sa ospital nang puntahan siya nito roon. Para bihisan sana niya iyon.
“Ibaba mo na lang iyan diyan sa sofa. Pasensiya ka na nga pala sa abala sa iyo ng anak ko, ha, Buwi? Naperwisyo ka pa tuloy namin ng wala sa oras.”
“Wala ho iyon. Ako pa nga ho dapat ang humihingi ng paumanhin dahil sa nangyari kay Kelly. Pasensiya na ho.”
“Kasalanan niya ang nangyari sa kanya kaya huwag ka ng mag-alala pa.” Nilingon siya ng ina. “Mag-sorry ka kay Buwi.”
Pumikit lang siya. Inaantok pa kasi siya at ang gusto na lang niya ngayon ay matulog at magpahinga. Sabi ng doktor kanina, antok daw talaga ang magiging epekto ng gamot na ibinigay sa kanya. She tried getting up. Nasa tabi agad niya si Buwi at maingat siyang inaalalayan.
“I can take care of myself,” malamig niyang wika.
“I still want to take care of you.”
“Hindi mo ba narinig ang sinabi ng nanay ko? Wala kang kasalanan sa nangyari kaya huwag mo ng obligahin ang sarili mo sa akin. Puwede ka ng umalis.”
“Nasabi ko na sa nanay mo na ako ang mag-aalaga sa iyo. Pumayag na siya kaya dito lang ako sa tabi mo.”
Tiningnan niya ng kanyang ina. Nagkibit lang ito ng balikat. May palagay siyang inirereto pa rin siya nito kay Buwi kaya pumayag itong ang binata ang mag-alaga sa unica hija nito.
“Bahala ka,” wika na lang niya. Nagtungo na siya sa kanyang silid nang hindi na ito tinatapunan pa ng pansin.
Pero nakaalalay pa rin sa bawat kilos niya ang binata. Inayos nito ang kanyang unan at kinumutan siya. Walang sawa nitong ibinabalik iyon kahit ilang beses na niyang tinatanggal sa katawan niya.
“May gusto ka bang kainin, Kelly?” Napakalambing at napakabait ng boses nito. Tila siya ipinaghehele. “Hindi ka pa raw nanananghalian sabi ng nanay mo. Anong gusto mo? Ipagluluto kita.”
“Gusto ko ng strawberry yogart.”
“Sige, ikukuha kita.”
Sinundan lang niya ito ng tingin. Nasa pinto na ito nang muli niya itong tawagin. “Nagbago na ang isip ko. Gusto ko na lang ng mango shake.”
“Okay.”
“Ah, hindi. Ice cream na lang pala.”
“Okay—“
“No. I want some baked macaroni.”
“Meron pa ba?”
“Ice tea at fruit soda…no, chicken barbecue na lang. And some ice cream. Ube flavor. Teka, blended coffee na lang pala. Frappuccino…” Naghikab na siya. “Pizza na lang kaya? Hawaiian…no, garden fresh…”
Kahit siya ay hindi na niya alam kung ano sa mga sinabi niya ang talagang gusto niya. Hindi bale. Bahala na ito kung ano ang bibilhin nito. Mamaya na lang sila magtutuos paggising niya.
Naramdaman niya ang masuyong haplos na iyon sa kanyang ulo. Napabuntunghininga na lang siya. Somehow, she felt even better.
“Kelly?”
“Hmm…” Hindi na niya magawa pang idilat ang kanyang mga mata. Subalit kilala niya ang boses na iyon.
“I’m sorry…”
She felt a light and warm lips touched her cheek. Napangiti na lang siya. She felt way even better.
“Buwi…”
“Nandito lang ako, Kelly.”
“Hmm…”
“I’ll take care of you.”
Sana nga, Buwi. Sana nga…