“WE NEED you here, Kelly. Nagkakagulo na naman ang mga dubbers natin dito sa studio.” Napalatak na lang ang station manager nina Kelly sa Vaizard Studios. Kasalukuyan niya itong kausap sa telepono. At as usual, hyperactive na naman ito. “Kung bakit naman kasi sunod-sunod itong projects natin sa apat na tv station. Napapraning na ako!”
“Calm down, Kristine—“
“Don’t tell me to calm down! Dahil kapag kumalma ako, magbibigti na talaga ako! Teka, tapos mo na ba ang ipinapagawa ko sa iyo? Kailangan ko na iyan dito sa studio. Naabisuhan ko na ang mga dubbers—Kulang na naman pala ang mga dubbers natin. Buwisit talaga!”
Napakamot na lang siya ng ulo. Wala na nga talagang pag-asang kumalma pa ang station manager nilang ito. “Alam ko hindi pa tapos ang grupo nina Martel sa pagda-dub ng Koreanovela nila. Hayaan mo na muna silang tapusin iyon. Ibigay na lang muna natin sa mga dubbers natin ang kopya ng anime na susunod na ida-dub para magkaroon sila ng ideya kung paano ide-deliver ang boses ng bawat character doon—“
“Okay, ikaw na ang dubbing director ng grupo nina Martel ngayon. Now get your butt here!”
“Ha? Dubbing director? Pero, Kristine—“
“Ayaw mo?”
“Gusto. Kaya lang—“
“No buts. Just be here in…” Marahil ay tiningnan nito ang oras sa paborito nitong wrist watch. “Just be here. Ayokong masira ang pangalan ng Vaizard Studios kaya kahit puro sila pasaway, kailangan pa rin nating ayusin ang trabaho natin. Miss Kelly Bailon, nakikinig ka ba?”
“Oo…” Hindi niya alam kung matutuwa ba siya o maaasar sa biglaang appointment na ito sa kanya. Pero matagal na rin naman niyang pangarap na umangat sa posisyon niya ngayon at heto na ang magandang pagkakataon na hinihintay niya. “Sige, pupunta na ako riyan.”
“’Yung script for the translation ng anime—“
“Oo na, oo na. Dadalhin ko na.”
Pagkatapos kausapin ang studio manager ay naligo na siya at nagbihis. Alas otso pa lang ng umaga. Siguradong umaatikabong traffic na naman ang sasagupain niya. Pahirapan pa namang sumakay sa lugar nila dahil ilang barangay na muna ang dadaanan ng mga sasakyan doon bago makarating sa kanila. Pero hindi siya papayag na ang traffic lang ang pipigil sa pagkakataon niyang umangat sa kanyang trabaho. No way.
Kipkip ang mga script na ilang gabi rin niyang pinagpuyatan na matapos, nagmamadali na siyang naglakad palabas ng kanilang barangay. Sa bungad niyon ay ang terminal ng mga tricycle. Nag-aabang-abang siya ng tricycle para sana mas mapadali siya ngunit tila minamalas siya. Hanggang sa gulatin na lamang siya ng malakas na businang iyon sa likuran niya. Sa pagkagulat ay nabitiwan niya ang mga hawak. Mabilis niyang hinabol ang mga piraso ng papel na nililipad na ng hangin nang lingunin niya ang may kasalanan ng lahat ng iyon. Buwi was just stepping out of his car, grinning.
Umusok ang kanyang ilong. “Buhawi Magno! Kapag nawala kahit isa sa mga script ko, ibabalik kita sa tiyan ng nanay mo!”
“Good morning to you too, Kelly.”
Iyon lang at mabilis na itong kumilos. Ipinakita nitong muli sa kanya nang mga sandaling iyon kung bakit ito ang nag-iisang pinakamagaling na Martial Artist sa buong Laguna, kung hindi man sa buong bansa. His movements were swift and graceful as he stepped on tree trunks, fences and walls while picking up the papers in the air that was blown away by the wind. His agility and flexibility were incomparable, it was like as if he was flying in the air. Kaya naman wala na siyang nagawa kundi ang pagmasdan na lang ito at hangaan ang ipinapakita nitong galing.
“Here you go, Miss.” Namumula pa ang mga pisngi nito matapos kunin lahat ang mga lumipad na papel. Ni hindi kakikitaan ng pagkapagod dito, which was quite admirable. “I-check mo. Baka may kulang pa, hanapin uli natin.”
Binura niya ang paghangang naramdaman niya sa mga ipinakita nito at hinablot ang mga papel dito. There was no need to admire him. Obligasyon naman nitong ibalik sa kanya ang lahat ng papel na muntik ng mawala dahil sa kalokohan nito.
“Anong ‘natin’? Ikaw lang ang maghahanap kapag kinulang ito,” aniya. Isa-isa niyang binilang manuscript.
“Hindi ako magso-sorry sa pagbusina ko,” wika nito.
“Huwag kang mag-alala.” Inulit niya ang pagbibilang dahil nawala siya sa konsentrasyon niya nang magsalita ito. “Hindi na ako umaasa.”
“Masyado kang nagmamadali kanina nang makita kita, Kelly,” patuloy lang nito. “Kung hindi kita binulabog, baka tuluyan ka ng nadisgrasya.”
Masyado na bang okupado ang isip niya? Pasulpot-sulpot lang ang mga sasakyan sa lugar nilang iyon kaya kung hindi mag-iingat ang mga tao ay siguradong maaaksidente ang mga ito.
“Kung ganon, quits na tayo. Hindi ko na hihingin ang paumanhin mo. Huwag mo na ring asahan ang pasasalamat ko.”
“Sounds fair enough. Pero kung talagang nagmamadali ka, sumabay ka na sa akin. Sa Maynila ba ang punta mo?”
“Hindi. Sa Mars.” Naglakad na siya palayo nang muli niya itong marinig na magsalita.
“Mahihirapan kang kumuha ng masasakyan sa labasan, Kelly. Alam mo naman sigurong rush hour ngayon. Bukod diyan, kung makakakuha ka man ng masasakyan, traffic ang aabutin mo. Malaki rin ang posibilidad na ma-hold-up ang sinasakyan mo. O ma-snatch ang bag mo. O mabangga kayo, na huwag naman sana.” Nilingon niya ito. Magiting nitong binuksan ang pinto ng sasakyan nito. “Pero kung sasabay ka sa akin, libre na, safe ka pa. Wala ka ng masasagap na alikabok, may guwapo ka pang driver.”
Kinindatan pa siya nito. She felt her heart thumped just a tad too much for a normal heartbeat. What the—she was affected? No way! Nagulat lang ako. Nagulat lang ako. Tama, nagulat lang siya. Walang dahilan para maapektuhan siya. Ng kung ano. At kesyo may katwiran naman ang mga sinabi nito, except dun sa huling sinabi nito, tinanggap na rin niya ang alok nito. Ayaw din naman kasi niyang ma-late sa kanyang trabaho. Minsan na nga lang siyang mapunta roon, late pa. Baka gilitan na siya ng leeg ni Kristine.
Lumapit na siya rito. “Huwag mo akong kakausapin.”
“Okay.”
“At babayaran kita kung magkano man ang pamasahe palabas ng Maynila.”
“Whatever you say.”
Pagpasok niya sa pasengger seat ay pumuwesto naman ito sa harap ng manibela.
“Seatbelt, please.” Isinuot niya ang seatbelt. “Thank you.”
And they drove away. Hindi nga siya nito kinausap habang nasa biyahe. Ngunit kung kailan naman natahimik na ang kanilang mundo ay saka pa siya nakakaramdam ng pagkailang. Mali yata na nagpauto siya sa mga pinagsasasabi nito kanina. Ngayon tuloy ay hindi siya mapakali sa kinauupuan niya. Masyado kasi siyang nagiging aware sa presensiya ng kanyang katabi. Lalo na ngayong nababalot sila ng katahimikan. Sa isang iglap, tila gusto niyang marinig uli ang boses nito.
Ano ba, Kelly? Bakit parang kinikilig ka riyan, ha? Tinigilan na lang niya ang pag-iisip. Mahirap makipagtalo sa sarili. Kabaliwan iyon. At hindi siya kinikilig!
Pinag-initan na lang niya ang car stereo nito upang kahit paano ay maibsan ang nararamdaman niyang iritasyon sa hindi malamang dahilan. Isang makabagbag-damdaming love song ang pumailanlang. Mabilis niya iyong inilipat ng istasyon. Love song pa rin. Muli niyang inilipat. Love song na naman. Pinatay na lang niya ang stereo.
“Bakit kailangang love song ang tugtog sa radyo?” sambit niya. “Kaya maraming nagbibigti sa Pilipinas, eh.”
Narinig niyang impit na natawa si Buwi. Asar niya itong binalingan kaya tumikhim ito at muling pumormal ng ayos. Natahimik na naman ang loob ng sasakyan. But not for long. Because Buwi started humming.
And he was humming her once favorite song. Hindi tuloy siya nakatiis.
“Nang-iinis ka ba?”
“Hmm? Ah, pasensiya na. Narinig ko kasi ang kantang iyon kanina bago kita nakita. Now I can’t get it out of my head.”
“Kung ganon tigilan mo na lang ang paghuni riyan.”
“I can’t. May Last Song Syndrome yata ako.” He started humming the same song again.
“Buwi.”
“I told you, may LSS ako. Kahit anong gawin ko, hindi basta-basta iyon mawawala sa utak ko.” Sinulyap-sulyapan siya nito. “Bakit, nagbabalik ba ang mga alaala sa iyo?”
“Oo nga. Kaya puwede bang tigilan mo na iyan?”
Itinutok na lang uli nito ang mga mata dinaraanan nila. “Ang baduy naman ng theme song ninyo ng boyfriend mo noon. Mabuti na lang nakipag-break ka na sa kanya.”
“Kapag hindi ka pa tumahimik riyan, leeg mo na ang ibi-break ko.”
“Hay. Lagi na lang mainit ang ulo mo. Sandali nga.” Nang huminto sila sa isang red light ay may kung anong kinapa ito sa backseat.
Mayamaya pa ay lumitaw na sa harap niya ang isang mabalahibong teddy bear. Napatitig na lang siya sa stuff toy na iyon.
“Ang sabi nila, nakakatulong daw para mapagaan ang loob ng isang tao ng mga ganitong klase ng stuff toy.” Inalog-alog nito sa harap niya ang manyika. “Here. Para naman hindi ka laging aburido sa buhay.”
He was giving it to her? “Bakit mo ako binibigyan niyan?”
“I just want you to feel better.”
“Bakit?”
“Hindi ko rin alam. Basta gusto ko lang na bumuti ang pakiramdam mo.”
Hindi pa rin niya kinukuha ang teddy bear at binalingan lang niya ito. Ni minsan ay hindi niya ito pinakisamahan ng maayos. In fact, kahit noong hindi pa sila naghihiwalay ng lintik niyang ex-boyfriend ay hindi na siya nakikipag-associate rito. Basta lang ayaw niya ng presensiya nito. Tapos ngayon, magpapakita ito ng kabutihan sa kanya?
“Pasensiya na. Pero hindi ako tumatanggap ng mga regalo sa mga taong walang kinalaman sa akin.”
“Matagal na tayong magkapitbahay, Kelly. At bilang isang mabuting kapitbahay, siyempre natural lang na gustuhin kong makitang masaya ang mga kapitbahay ko.”
“Kung ganon hindi lang ako ang binibigyan mo ng teddy bear?”
“Well, ikaw lang ang bibigyan ko.”
Inilayo niya ang teddy bear sa kanya. “Pasensiya na. Hindi ko talaga matatanggap iyan.”
“Okay.” Binuksan nito ang side window at inilabas doon ang teddy bear.
Tila narinig niyang humingi ng tulong sa kanya ang pobreng stuff toy. “Hoy, anong gagawin mo riyan?’
“Ayaw mo naman e di itatapon ko na lang.”
“Bakit mo itatapon?”
“Alangan namang iwan ko ito sa kotse ko. Hindi maganda sa image ko na makitaan ng stuff toy. Isa pa, pampasikip lang ito sa kotse ko kung hindi ko ididispatsa.”
“T-teka lang!” Nilingon siya nito. Gusto na niyang kunin ang stuff toy at isalpak iyon sa mukha para lang tumigil na ang puso niya sa biglaang malakas na pagtibok niyon. “Huwag mo ng itapon. Sige na, akin na iyan.”
“Akala ko ba—“
“Akin na sabi!” Marahas niyang inagaw dito ang stuff toy nang muli nito iyong iabot sa kanya. Napahigpit ang hawak niya roon nang mapangiti na naman sa kanya si Buwi. “I still don’t like this. Kukunin ko lang ito dahil naawa ako.”
“Okay.”
“And I still don’t like talking to you.”
“Basta alagaan mo iyan. Pinaghirapan kong bilhin iyan.”
“So, binili mo talaga ito para sa akin?” Tumikhim lang ito at hindi na sumagot pa. “Tinatanong kita, Buwi.”
“Sabi mo ayaw mo akong kausapin, hindi ba?”
“Ayaw lang kitang kausapin. Pero sagutin mo ang tanong ko.”
Napakamot lang ito ng ulo. Somehow, his gesture of uneasiness made him look cute in her eyes. He did buy this teddy for me…Pero bakit nga?
Tuluyan ng hindi nito nasagot ang kanyang tanong nang makarinig sila ng malakas na ingay mula sa likuran ng sasakyan.
“Ano iyon?”
Mahina itong napamura. Ilang sandali pa nga at tuluyan ng huminto ang kanilang sasakyan, sa gitna ng papakapal na trapikong iyon.
“Buwi?”
Sinilip nito mula sa bintana ng kotse nito ang likurang bahagi ng sasakyan kung saan nagmula ang pagsabog. Naiiling na lang nitong pinatay ang makina.
“Sumabog ang gulong,” wika nito. “Malas talaga!”
Nauna na itong lumabas at hinarang ang taxi sa kabilang lane. Pagkatapos kausapin ang driver niyon ay binalikan siya sa kotse nito.
“Magpahatid ka na lang sa taxi, Kelly.”
“Ha? Paano ka?”
Nawala ang kunot sa noo nito at napalitan iyon ng ngiti sa mga labi nito. He touched her chin with his finger before opening the door for her. “I’ll be fine. Don’t worry about me.”
“I’m not…” Hindi na niya naituloy ang sasabihin nang lumabas siya ng sasakyan dahil nakalimutan na niya ang sasabihin dito. His gesture and his smile just short-circuited her system.
Paglabas niya ng kotse nito bitbit ang mga gamit at ang teddy bear ay sinalubong agad siya ng mga nagrereklamong motorista at nagkakaingay na mga busina. Ngunit tila balewala iyon kay Buwi nang alalayan siya nitong makapasok ng taxi.
“Ingat,” wika pa nito. “I’ll deal with these people. And goodluck on your work, Kelly.”
Hindi na siya umimik nang lumayo ang taxi sa lugar na iyon. Pero hindi rin siya nakatiis at nilingon din uli niya si Buwi. Ilang motorista na ang kausap nito nang mga sandaling iyon. Nag-pile up na kasi ang traffic sa lane ng nasiraan nitong kotse. Kung hindi siya nakasakay agad ng taxi, siguradong madadamay siya sa kaguluhang iyon. Buwi practically threw her out of the crossfire.
May kung anong damdaming napukaw sa kanya habang pinagmamasdan ang eksenang iyon. Na hindi niya napaghandaang pigilan. Basta na lang niya iyon naramdaman. Damn it. Ano na ngayon ang gagawin niya? Ah, hindi puwede ang ganito. Napatingin siya sa teddy bear na hawak niya.
“May ginawang hindi maganda ang amo mo,” wika niya rito saka hinaplos ang balahibo nito. “Nakakainis…”