CHAPTER 2:
KAHIT NA MASAKIT ANG BALIKAT KO at binti dahil sa pagkakadagan ng motor sa katawan ko, pinilit kong bumangon.
Nang makaupo ako, 'agad ko namang inalis ang helmet sa ulo ko at hinanap iyong taong nabangga ko.
Akala ko guni-guni lang, pero tinubuan ako ng kaba nang makita ang isang lalaking nakahandusay sa sahig, walang malay.
Nagmamadaling tumayo ako at dinaluhan iyong lalaki. Lumapit ako sa kaniya at inangat ang mukha niya. Natataranta na ako, nanginginig ang mga daliri kong kinapa ang pulso sa kaniyang leeg at nang maramdaman ang marahan nitong pagtibok, tumayo ako at naghanap ng taxi na pwedeng sakyan.
"Manong!" sigaw ko sa dadaan lang sanang taxi.
Huminto rin naman ito at binuksan ang pinto ng taxi. Nagsisimula nang magbulong-bulungan ang mga tao sa paligid. Mayroon na ring nakiki-usyoso.
"Tulungan mo po ako manong, dalhin po natin sa hospital!"
Bumaba ang driver sa taxi niya, halata ang pag-aalangan sa kaniyang mukha ngunit sa huli ay pumayag din siya.
Habang nasa byahe, hindi ako mapakali habang paulit-ulit na tinitingnan ang lalaking nasagasaan ko. Dumudugo ang noo niya dahil pasubsob siyang natumba sa sahig. Ang dami niya ring sugat sa katawan.
"Manong pakibilis!" kabadong utos ko sa driver.
Nanginginig ang buong katawan ko sa takot. Kasi paano kung mamatay ito? Paano kung makulong ako? Hindi ako ready!
Halos ma-iyak na ako habang bumabyahe papuntang hospital. Sino ba namang hindi ma-iiyak sa ganitong sitwasyon? Natatakot na ako!
"Ma'am, boyfriend mo ba 'yan?" tanong ng driver.
Umiling ako. "H-hindi po, n-nasagasaan ko po siya. . ."
"Parang pamilyar kasi ang mukha."
Hindi ko na pinansin pa ang sinabi niyang pamilyar ang mukha nitong lalaki. Ang iniisip ko ngayon ay ang kalagayan niya dahil ayaw kong makapatay. Siguradong kahit na makulong ako, habambuhay na konsensya ko ito.
Ilang minuto pa ang lumipas at nakarating din kami sa hospital. Dinaluhan din naman 'agad kami ng mga nurse na lalaki at inilagay sa stretcher ang nasagasaan ko.
Hindi ako mapakali habang ginagamot siya sa emergency room.
"Ano ang nangyari sa kaniya?" tanong ng doctor habang ginagamot ang sugat sa kaniyang noo.
"N-nasagasaan po," pag-amin ko. Pero natatakot akong aminin na ako ang nakasagasa.
"Kaano-ano mo siya?" tanong niya ulit.
"A-ano po, k-kaibigan po." Bahala na!
Baka mamaya kapag inamin kong nasagasaan ko siya, ipakulong ako ng mga narito.
Tumango lang ang doctor at sinimulan na muling gamutin. Mukhang hindi naman malala ang sitwasyon niya dahil hindi naman natataranta ang mga doctor at iyong noo niya lang ang ginagamot. Hindi ko naman kasi siya nasagasaan as in, nagkataon lang na tumama nang bahagya ang motor ko sa kaniya.
Iyong iniingatan kong motor. . .
Bumuntonghininga ako habang naghihintay sa waiting area. Mayamaya pa ay lumabas na ang doctor.
"Ayos na siya, hindi naman siya hinimatay dahil sa pagkakabangga. Hinimatay siya nang dahil sa kalasingan."
Nakahinga ako nang maluwag, so partly, hindi ko naman talaga kasalanang nagpakalasing siya at hindi dumaan sa pedestrian lane.
"Salamat po, doc."
Umalis na ang doctor, papasok na sana ako sa loob para hintayin sana siyang magising nang may dumaang dalawang nurse.
"Kamukhang-kamukha niya 'yong member ng boy group na Sexy Seven 'no?" tanong ng isang nurse sa kasama niya pang nurse.
"Ay oo! Si Veron Lim? Hindi kaya, siya talaga 'yan?"
Marahan kong ibinalik ang tingin sa nakahigang katawan ng lalaki sa hospital bed. Kumunot ang noo ko habang pinakakatitigan ang maamo niyang mukha. Ang makinis niyang kutis maging ang maganda niyang pangangatawan.
"s**t," napamura na lang ako.
Nagmamadaling umalis ako roon at binayaran ang bill niya sa hospital.
Kung sikat nga siya, o parte man siya ng grupong hindi ko naman kilala, baka mamaya mas lalo pa akong mapasama! Mas maigi nang umalis na ako.
-
"VERON LIM, NAKALABAS NA ng hospital! Noong February 14 ng gabi, sa araw mismo ng mga puso ay nasagasaan ng motorsiklo ang isa sa sikat na miyembro ng Sexy Seven. Hindi naman malala ang kaniyang sinapit ngunit kailangan niyang manatili sa hospital ng—"
Pinatay ko ang T.V. nang sa hindi ko mabilang na beses, ibinalita na naman siya. Ganoon ba talaga kasikat ang taong 'yon na ultimo pag-utot yata ay ibabalita? Medyo nakakairita na. Alam kong kasalanan kong nabangga ko siya pero may parte rin naman na kasalanan niya dahil lasing siya at hindi tumitingin sa dinaraanan. Hindi ko alam kung bakit hindi isinama sa balita ang pagkalasing niya pero sa palagay ko, minanipula na iyon.
Wala naman sana akong balak na umalis sa hospital noong gabing 'yon at handa akong harapin ang nagawa ko. Binayaran ko nga rin ang bill niya dahil nakonsensya talaga ako. Pero nang malaman kong sikat pala siyang miyembro ng isang boy group na hindi ko naman kilala, umalis na kaagad ako bago pa mapasama sa balita.
Bumuntonghininga ako at saka sumandal sa sandalan ng kulay puting monoblock na nag-iisang upuan ko rito sa bahay. Iyong inipon-ipon kong pera, naipambayad ko tuloy sa hospital bill ng lalaking 'yon. Pero ayos lang, kaysa naman makonsensya ako dahil sa tinakasan ko ang nagawa ko.
Pipikit sana ako para mag-isip ng sa kung anong diskarte pa ang pwedeng gawin para lang makaipon ng sapat na pera pero naudlot ang pagtatangka kong ipikit ang mata nang may kumatok sa pinto.
Mabilis na tumayo ako at tinungo ang pintuan, baka kasi ito na 'yong in-order kong libro. Kanina ko pa 'yon hinihintay pero hapon na lang at wala pa. Hindi pwedeng bukas dumating dahil wala ako at nasa trabaho, ngayon lang ang rest day ko.
Nang buksan ko ang pinto, laking gulat ko nang bumungad sa akin ang isang lalaking may maputlang balat, singkit ang mga matang may namumulang eyebags at bagsak ang buhok na kulay itim. Matangkad rin siya, tama lang para maabot ang taas ng pintuan ko. Dahil sa labis na pagkagulat, muli kong naisara ang pinto.
"Punyets, paano niya nalamang dito ako nakatira?" Napakagat-labi ako, baka mamaya ipakulong ako nito!
"Pakibuksan ito miss Cammi Lace Protacio," aniya.
Muli siyang kumatok sa pinto na mas ikinakaba ko. Mabilis na isinandal ko ang likuran ko sa pinto.
"B-binayaran ko naman ang bills mo! Ano pa bang ipinunta mo rito? Huwag mong sabihing ipapakulong mo ako?"
Panay ang pagkabog ng puso ko nang dahil sa kaba. Kahit naman mag-isa na lang ako sa buhay, ayaw kong makulong ako dahil may pangarap naman ako.
"Pakibuksan naman ang pinto, baka may makakilala sa akin," aniya pa.
"Hindi ko naman talaga sinasadyang masagasaan ka, at saka bakit kasi tumatawid ka sa kalsada nang lasing?" dagdag ko pa.
"Please, pakibuksan kasi nagtitinginan na ang mga tao sa akin. Hindi naman kita ipapakulong," halos magmakaawang aniya.
Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko at saka marahas na napabuntonghininga. Humarap ako sa pinto at marahang binuksan iyon para silipin siya. Hindi ko pa sana bubuksan pero nabigla ako nang marahas niyang buksan ang pinto at nagmamadaling pumasok sabay sara ng pinto.
Kamuntikan pa akong masubsob sa sahig! Kung hindi ko lang pinigilan ang sarili ko, nasubsob na talaga ako!
"Sorry, sorry talaga! May tatlong babae kasi na parang nakilala yata ako, panay ang pabalik-balik," aniya.
Umayos ako sa pagkakatayo at tiningala siya. "Kung hindi mo ako ipapakulong, anong dahilan kung bakit mo ako pinuntahan dito?" diretsang tanong ko.
Tagaktak ang pawis niyang hinubad ang suot niyang cap. Kahit kasi ang init, nakasuot siya ng kulay pulang jersey. Ngayon ko lang nakita nang maayos ang mukha niya, gwapo siya at halatang alaga ang kutis dahil sa sobrang kinis.
"Magpapasalamat sana ako," aniya.
Kumunot ang noo ko. "Bakit ka naman magpapasalamat?"
"Nagpapasalamat ako na ikaw ang nakasagasa sa akin," sagot niya.
Nagulat ako sa sinabi niya, kung ang iba baka ipinakulong na ako, siya namn ay nagpapasalamat pa! Noong nabagok ba ang ulo nito, naalog ang utak?
"Diyos ko, ikaw lang ang nasagasaan na, nagpapasalamat pa!" singhal ko.
Ngumiti siya sa akin, isang ngiti na sobrang genuine. Sa lahat ng ngiti na nakita ko, ngiti niya pa lang ang nakita ko na parang pang-anghel. Hindi naman sa nagiging over acting ako, pero iyon ang totoo. Siguro dahil ang gwapo niya kasi.
"Kasi kung hindi ikaw ang nakabangga sa akin, baka iniwan na lang ako sa daan," sagot niya.
Bakit ang bait ng taong 'to?