Chapter 2

1100 Words
“SAAN mo nakita iyong condom?” Nilunok muna ni Florie ang nginunguya na mocha cake bago sinagot ang tanong na iyon ni Sarah. “Sa backpocket ng hinubad niyang short.” “Backpocket? Bakit naman sa likod pa ilalagay ni Kuya Baro `yong condom? Napaka-shunga niya naman,” magkasalubong ang kilay na komento kaagad ni Shen. “May point si Shen…” malumanay na pagsang-ayon ni Sarah sa nakababatang kapatid ni Donny Shin. Girlfriend ni Gian si Sarah. Ang dalawang magkasintahan ang kinaiinggitan niya dahil sa kabila ng parehong abalang trabaho ay nanatiling matatag ang relasyon ng mga ito. Hindi katulad namin ni Papsy… “Baka naman napagtripan lang si Kuya Baro.” “Sino naman ang gagawa no’n?” kunot-noong tanong ni Sarah, panay ang tingin nito sa suot na relo. “Iyong kurimaw na si Charlie!” kaagad na sagot ni Shen at sumimangot na animo’y nasira ang araw dahil sa nabanggit. “Sige na, Sarah. Bumalik ka na sa ospital, pasensya ka na naistorbo pa kita dahil sa paghihinala ko…” nahihiyang paumanhin niya sa nurse na si Sarah. Ngumiti naman ito kaagad. “Ayos lang. Naka-break naman ako.” Nasa isang coffee shop sila na katapat ng ospital na pinagtatrabahuhan ni Sarah. Sa Andy Cakes sana siya pupunta ngayong araw pero pinigilan siya ni Shen nang tawagan niya ito para magpasama. Kagagaling lang daw nito doon at pinalayas ito ng Kuyang si Don nang maabutang nakatambay sa bakeshop. “Ano na naman kayang ginawa ni Kuya Donny sa bakeshop ni Madam Andy?” nakakalungbaba sa mesa na tanong ni Shen. “Baka may therapy si Andy.” Napakunot-noo siya sa isinagot ni Sarah. “Therapy? Sa bakeshop? At kailan pa naging therapist si Donny?” Humagalpak ng tawa si Shen. “Landian Therapy, ate.” “Bastos na bata,” natatawang napailing na komento ni Sarah. Wala siyang alam sa pinag-uusapan ng mga ito. Bukod sa alam niyang matalik na kaibigan ni Donny si Andy ay wala na siyang iba pang nalalaman tungkol sa dalawa. Pero napapansin niya na kakaiba ang mga tingin ni Donny sa kaibigan nito sa tuwing tumatambay sila sa Andy Cakes at tiyempong nandoon ang lalaki. “So, Ate Florie, ano nang balak mong gawin sa condom—este kay Kuya Baro?” pilyang tanong ni Shen. “Nag-away kami kanina bago siya umalis ng bahay…” “Ano namang bago doon?” “Simpleng bastos ka rin, Ate Sarah,” pambabara ni Shen dito. Tumawa siya. “Tama naman si Sarah… walang bago sa pag-aaway namin ni Papsy. Simula naman noong nagsama kami ay palagi na kaming ganito…” “OA sa self-pity ka naman, Ate Florie. Kung si Ate Sarah simple lang, ikaw OA. Tapos si Madam Andy, neutral! At ako, siyempre, perfect!” “Perfect nonsense,” segunda ni Sarah. “Anyway, Florie. Sigurado naman kami ni Shen na hindi matatapos ang araw na ito nang hindi kayo nagkaka-ayos ni Baro.” “Korek! Ikaw pa ba Ate? Kailan mo ba natiis si Kuya Baro?” Nginitian niya ang dalawang kaibigan. Ang makilala niya ang mga ito ang isa sa mga magagandang nangyari sa kanya simula noong pumayag siyang magpakasal kay Baro—at maging parte sa magulong mundo ng pagkakaroon ng asawang miyembro ng sikat na idol group. Matapos niyang mailabas sa dalawang kaibigan ang bumabagabag sa isip ay nagpaalam na siyang uuwi. May trabaho rin si Sarah at may part-time tutorial naman si Shen kaya hindi na sila nagtagal pa sa pagkukwentuhan. “Ihatid kita sa bahay niyo, Ate Florie?” alok ni Shen sa kanya nang marating na nila ang sasakyan nito. “Hindi na. Mapapalayo ka pa, mag-ko-commute na lang ako.” “Sure ka?” Tinanguan niya ito at ngumiti. “Sige na. Ingat sa pagmamaneho, ha?” Pagkaalis ng sasakyan ni Shen ay naglakad na siya patungo sa terminal ng jeep. Pasakay na sana siya nang pigilan siya ng barker. “Ate, pasensya na. Pang-isahan na lang kasi ang bakante, e.” Kinunutan niya ito ng noo. “Isa lang naman ako…” natigilan siya nang mabasa sa mga mata ng babaeng barker ang ibig nitong sabihin. “Ah, s-sige… sa susunod na jeep na lang ako…” Nagtinginan sa kanya ang mga pasaherong nakasakay sa loob. Hindi na niya pinansin ang kung ano mang sinasabi sa bawat ekspresyon ng mga ito. Naupo siya sa waiting shed, ilang sandali ay may dumating na isa pang pasahero, balingkinitan na babae. “`Yan, kasya! O, larga na!” sigaw ng barker na tumawa pa. Nagkunwari na lang si Florie na hindi narinig ang sinabi ng barker. Yumuko siya at sumalubong naman sa paningin niya ang nakausling bilbil. Kahit mag-stomach in siya ay hindi iyon umiimpis. Napabuntong-hininga siya, malaki na ang inilaki ng katawan niya simula noong mag-asawa siya. Sa sobrang abala niya kasi bilang may bahay ni Baro ay napabayaan na niya ang sarili. Kung noon ay kasya sa kanya ang size small na mga damit ngayon ay pang-large na siya, fitted pa. Hindi na rin siya nakakapag-ayos dahil siya ang nag-aasikaso ng lahat ng kailangan ni Baro bago umalis at umuwi sa bahay. Wala pa silang anak pero losyang na siya… paano pa kaya kapag meron na silang mga anak? “Ate, sasakay na po ba kayo? Baka mapuno na naman kasi, hindi kayo magkasya…” untag sa kanya ng barker. Gusto niya itong itupi sa walo. Mas bastos pa ang bibig nito kesa sa nakababatang kapatid ni Donny. Tumayo siya para sumakay na, pero siya namang pagtunog ng cell phone niya. Kinuha niya iyon sa bulsa at kaagad na lumundag ang kanyang puso nang mag-flash ang caller photo ng asawa. “Saan ka nagpunta? Wala ka sa bahay? Tumatawag ako sa telepono walang sumasagot,” tanong ni Baro matapos niyang sagutin ang tawag. “Nagkita lang kami nina Sarah at Shen…” kunwari ay walang emosyon na sagot niya, kahit ang totoo ay nagsasayaw na ang puso niya sa kilig. “Nasaan ka? Susunduin kita.” Gumuhit ang ngiti sa labi ni Florie. “S-sa… terminal ng jeep malapit sa Makati Med.” “Sige. Hintayin mo ako, papunta na `ko.” Hindi maalis ang ngiti ni Florie kahit end call tone na lang ang umeere sa kabilang linya. Sinalubong niya ang tila naiinip nang ekspresyon ng judgmental na barker ng jeep. “Hindi na po ako sasakay. Susunduin ako ng asawa ko,” pagbibigay alam niya rito na pinag-diinan pa ang huling sinabi. ***
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD